Nararamdaman ni Four na kahit anong oras ay gigising na ang babaeng halimaw. Pero hindi na siya nakakaramdam ng panganib mula rito. Ngunit mas magandang maging handa. Kaya minadali niya sila Lisa na umakyat sa itaas. Pinagdala sila ni Four ng mga ginawa nilang sulo. Dahil maging doon, ay hindi naman talaga ligtas. Tuluyan na kasing lumubog ang araw at hindi nila alam kung may iba pang mga halimaw na sasalakay sa kanila.
“Four, huwag mo kaming alalahanin. Gagawin namin ang aming makakaya para protektahan ang sarili namin. Talunin mo siya kung kayo mo, pero hindi rin kita sisisihin sa oras na maisipan mong iwan kami,” sabi ni Lisa. Nakita niya kung gaano kalakas si Four, pero hindi niya alam kung sapat na ang lakas na iyon para makaligtas sila sa delubyong ito. Isa pa, pakiramdam niya ang nagiging pabigat sila sa binata.
“Hindi ko kayo iiwan. Babawi ako sa pagligtas mo sa akin, at pagpapakain mo ng lugaw. Poprotektahan ko kayo sa abot ng makakaya ko,” nakangiting sagot ni Four.
“Four…”
“Sige na! Umakyat ka na!”
“Mag-iingat ka!”
“Kayo rin! Sumigaw lang kayo, pagkailangan ninyo ng tulong.”
Napakadilim na ang paligid, ngunit malinaw na nakikita ni Four ang mga bagay-bagay. At sigurado siyang ganoon din ang halimaw na nasa harapan niya. Muling susugod ang halimaw at alam ni Four na mas malakas na ang gagawing pag-atake nito ngayon. Pero hindi niya mabasa ang gagawin ng halimaw, at ang tanging magagawa lang niya sa ngayon ay ang ihanda ang sarili. Nang biglang… nawala ang halimaw sa harapan niya. At laking gulat niya ng biglang napunta ito sa gilid niya. Nakita niyang iniwasiwas ng halimaw ang braso nito, kaya mabilis siyang tumalon papalayo. Dinampot ng halimaw ang kapatid niya at mabilis itong tumakbo palabas.
“Hindi namin gustong magkaganito! Pero nagising na lang kami na nagiging ganito na kami! Masisisi mo ba kami?! Masisisi mo ba kami kung gusto rin naming mabuhay?!”
Hindi nakasagot si Four sa sinabing iyon ng halimaw. Tama ito, ang gusto lang naman nila ay ang mabuhay. Pero sila rin naman. Para na silang nasa mundo ng mga hayop. Matira ang matibay. Ang mahihina ang mga namamatay at ang malalakas ang naghahari. Kitang-kita ni Four ang pag-aalala ng halimaw sa kapatid niya. Hindi na ito gumagalaw, pero alam ni Four na buhay pa ito. Hindi niya maipaliwanang, pero nararamdaman niya ang buhay sa walang malay na nilalang.
“Aiko! Aiko!” sigaw ng halimaw habang sinasampal-sampal ng mahina at ginigising ang kapatid. “Gumising ka! Kakain na tayo! Ilang sandali na lang!”
Pero hindi man lang gumalaw ni ang isang daliri ng kalong-kalong nitong kapatid.
Nagngitngit sa galit ang lalaking halimaw habang isinasandal nito ang kapatid sa isang malaking bato. Sumigaw siya ng napakalakas at sinabayan iyon ng dumadangundong na kulog at kidlat. Ibinuka niya ang kanyang mga braso at pinalabas ang mahahabang mga kuko. Pulang-pula na ang mga mata nito at nagbigay iyon ng takot kay Four. Napaurong si Four at muli, sa isang iglap ay naglaho ang halimaw sa paningin niya. Muling kumidlat, at pagputok ng kulog ay isang malakas na suntok sa mukha ang tinamo ni Four mula sa itaas. Halos mawalan ng malay si Four, at ni hindi niya namalayan na bumagsak na pala siya at napailalim na sa kulay abong baha.
“Tatapusin ko kayo!” galit na sigaw ng halimaw. “At nanamnamin ko ang bawat patak dugo ninyo!”
Dahan-dahang bumangon si Four. Umuubo at pilit na idinudura ang nainom na maruming tubig. Napakalakas ng suntok na tumama sa kanya at hanggang ngayon ay malabo pa rin ang paningin niya.
“Alam mo ba ang pakiramdam ng mawalan ng mahal sa buhay? Ng mga magulang? Ng kapatid?! Pwes, bago ko kayo pira-pirasuhin, ipararanas ko sa’yo!”
Sasagot pa sana si Four at sasabihing hindi pa patay ang kapatid ng halimaw. Pero wala na siyang pagkakataon. Mabilis na tumalon ang halimaw ng napakataas at gumamit ito ng isang sipa para makapasok sa loob ng kwarto kung saan nagtatago sila Lisa. Narinig ni Four ang malalakas na sigaw ng mga kasama. Pinilit niyang tumayo. Huminga siya ng malalim at muli niyang naramdaman ang lakas na dumaloy sa kanyang katawan. Tinignan niya ang dingding na sinira ng halimaw at kung saan ito dumaan. At pagkatapos ay tumalon din siya. Nabigla siya sa nagawa. Mas mataas pa sa naitalon ng halimaw ang naitalon niya at saktong napunta siya sa bubungan ng bahay. Sinuntok niya ang bubungan at agad iyong bumigay.
Nakita niyang wala ng malay ang kanyang mga kasama. Duguan na sila Carlito at Alden habang si Bong at Lisa naman ay pilit pang lumalaban para sa kanilang mga buhay. Nang biglang tamaan ng paghampas ng buntot ang dalawa. Tumilapon sila ng malakas at tuluyan na ring nawalan ng malay.
Galit na galit ang halimaw at nakakakilabot ng makita ang pagmumukha nito. Paulit-ulit nitong sinasabi na pinatay ni Four ang nag-iisa niyang kapatid at na, uubusin silang lahat nito.
“Gaganti ako! Uubusin ko kayong lahat! Lalasapin ko ang lahat ng lamang-loob ninyo at wala akon ititira bukod sa mga buto ninyo!” Hinawakan ng halimaw si Lisa sa buhok at iniangat iyong parang isang laruan. Biglang nagising si Lisa at kitang-kita ni Four sa mukha ng dalaga ang sakit na nararamdaman.
“Four… tumakbo ka na…,” mahinang sabi ni Lisa. Pero para kay Four ay napakalinaw noon.
Itinutok ng halimaw ang mala-kutsilyo niyang mga kuko sa leeg ni Lisa. At handa na siyang pasiritin ang dugo nito sa harap ni Four. Nang biglang, nawala si Four sa harapan niya. Hinanap si Four ng halimaw. Nararamdaman siya nito, ngunit hindi nito masundan ang mga galaw niya.
“Ano?! Tumakas ka na nga ba?! Sige! Tumakas ka! Mahahabol din kita!” sigaw ng halimaw sabay bwelo para tuluyan na si Lisa. Pero laking gulat nito nang maramdamang wala na sa mga kamay niya ang babae na kanina lang ay hawak niya.
“Hindi ako tatakas! Hindi ko iiwanan ang mga kasama ko!” sigaw ni Four na ngayon ay buhat-buhat si Lisa.
Isang malakas na sipa ang pinakawalan ni Four at tumama iyon sa dibdib ng halima. Tumalsik sa labas ang nakakatakot na nilalang at nagpagulong-gulong sa baha. Inilapag ni Four si Lisa na muling nawalan ng malay, at pagkatapos ay kaagad siyang tumalon para sugurin ang halimaw. Naiintindihan niya ang pinagdaraanan ng kalaban, pero kailangan din niyang mabuhay. Kailangan niyang lumaban. Hindi niya mahahayaan na mamatay siya ng hindi man lang naaalala kung sino siya.
Sinugod ni Four ang halimaw. Dumadagundong ang bawat hakbang ng paa niya. At isang malakas at mabilis na suntok ang kaagad niyang pinakawalan. Nakailag ang halimaw pero may kung anong pwersa ang kumawala sa pagwasiwas ni Four ng kanyang kamay. Tumama iyon sa halimaw na muling nagpagulong dito sa daanan. Hindi tumigil si Four. Muli siyang sumugod at sunod-sunod na pinagsusuntok ang halimaw. Mabilis ang halimaw at nakakailag pa noong una. Pero habang tumatagal ay mas bumibilis at bumibigat na rin ang mga suntok ni Four!
Wala na ring epekto kay Four ang matitigas at matatalas na kaliskis ng halimaw. Tumatalab iyon sa binata pero gumagaling din kaagad ang mga sugat. Sobrang init na rin ng katawan ni Four na bago tumama sa kanya ang mga patak ng ulan ay nagiging usok na lang ang mga ito. Nagmimistulan tuloy kumikinang si Four habang ginugulpi niya ang halimaw.
“Naiintindihan ko ang pinagdaraanan ninyo! Pero hindi ko mahahayaan na kunin ninyo ang mga buhay namin ng gano’n na lang. May mga kailangan pa kaming gawin! May mga kailangan pa kaming malaman! Sigurado akong may paraan pa! Pero ayaw mong makinig!”
Hindi tumigil si Four sa pagsuntok hanggang sa madurog at unti-unting mawala na ang mga kaliskis ng halimaw sa mukha. At tumambad kay Four ang taong mukha nito. Maitim at malamlam ang mga mata ng lalaki at hindi maitago ng mga mata nito ang luha at lungkot. Tumigil si Four sa pagsuntok at tumalon papalayo sa halimaw. Iniwan niya ito, at kusa naman itong umupo para hindi tuluyang lumubog sa tubig. Biglang naramdaman ni Four na unti-unting nauubos ang lakas ng halimaw sa katawan nito.
“Paraan? Anong paraan? Wala na kaming pag-asa!” galit ngunit tila pagod na sagot ng halimaw. “Gaya ng sinabi ko, dalawang buwan na kami dito at hindi pa kami kumakain ng kahit na ano. At ang ulan lang na ito ang aming pag-asa.”
“Anong ibig mong sabihin?” mabilis na tanong ni Four.
“Hindi kami nakakalabas kapag may araw, at nanghihina kami kapag walang tubig o ulan. Kahit kaunting sikat ng araw ay masusunog ang balat namin at made-dehydrate kami. Kaya nang makita ko kayo, at ang paparating na masamang panahon, ay sinamantala na namin ang pagkakataon. Ang totoo, papasuko na kami ng kapatid ko. Ang totoo, handa na kaming mamatay na dalawa. Nanghihina kamiat ilang oras na lang siguro ang nalalabi sa amin! Pero pinatay mo siya!”
Muling sumugod ang halimaw kay Four. Sinubukan niyang saksakin si Four sa mukha gamit ang mahahabang kuko. Pero madali iyong nabali ni Four. Mabilis na umikot sa ere ang halimaw at inihampas nito kay Four ang buntot na puno ng patusok. Pero hindi na rin iyon tumalab kay Four.
“Kung nakinig ka muna sa sasabihin ko, hindi sana nagkagano’n ang kapatid mo! Kagaya mo, prinotektahan ko lang ang grupo ko!”
Walang pakialam ang halimaw. Muling itong nag-ipon ng lakas at pilit niyang pinababalik ang mga kaliskis sa kanyang katawan. Pero wala ng nangyayari. Wala na siyang lakas at nagsimula na ring hindi maging deretso ang tayo niya. Napansin iyon ni Four at nakita niya iyon na pagkakataon para tuluyan ng patahimikin ang halimaw. Ayaw niya itong patayin, pero kailangan naman niya itong patigilin kung ayaw niyang magpatuloy ito sa masamang balak sa kanila. Isa pa, hindi niya alam kung hanggang kailan niya magagamit ang kakaibang lakas niya.
Hindi kotrolado ni Four ang lakas niya. At hindi niya alam kung mabubuhay pa ang lalaki pagkatapos ng pag-atake niya. Pero para sa kaligtasan nila, ay kailangan niya itong gawin. Wala na siyang maisip na ibang paraan.
Bumwelo si Four at pagkatapos ay nagpakawala ng isang suntok. Pero bago tumama sa mukha ng halimaw ang kamao ni Four, ay tumama iyon sa likod ng babaeng halimaw na tumayo para protektahan ang kanyang kapatid. Basag ang kaliskis na kalasag at tumagos ang epekto ng atake ni Four sa mismong katawan ng halimaw. Napaluhod ito at umubo ng dugo.
“Tama na, kuya! Tama na…,” mahinang sabi ng dalagita na unti-unti na ring nawawala ang mga kaliskis sa katawan.
“A-aiko! Akala ko…”
“Nawalan lang ako ng malay kuya, ng dahil sa gutom at pagod,” hinihingal nitong sagot.
“Huwag kang mag-alala. Kaunti na lang at makakakain na tayo. Sandali na lang at gagawin kong karne ang mga ‘to!”
“Tama na kuya! Pakiusap!” pigil ni Aiko sa kapatid sabay yakap dito. “Hindi mo matatalo ang lalaking ‘yan. Isa pa, anong saysay ng pagpatay natin sa kanila? Hindi tayo mamamatay tao! Ayaw kong mawala ang pagiging tao natin, kahit sa huling mga sandali natin, kuya! Isang beses pa lang tayong pumatay at kumain ng tao, pero tuwing naiisip ko iyon, hindi ko maiwasang magalit at mandiri sa sarili ko!”
“Pero wala tayong pagpipilian! Wala kang kasalanan!”
“Kailanman, hindi matutuwa sila mama at papa sa karahasan na ginagawa natin, kuya. At kahit na, kainin natin sila, ano ang sunod nating gagawin? Paano kung hindi na uli umulan ng ganito? Darating ang panahon na hindi na tayo makakahanap ng supply tubig. Mamamatay din tayo! At kuya, hinding-hindi ko na magagawang kumain ng tao!”
“Pero makakaisip pa tayo ng paraan! Makakabalik tayo sa New Capitol!”
“Hindi, kuya. Hindi na ako babalik sa imyernong lugar na ‘yon!”
Umiyak ang lalaking halimaw at niyakap nito ang kapatid. Kahit mga kalaban ang nasa harapan ni Four ay nakaramdam siya ng lungkot. Nauunawaan niya ang lalaking halimaw. Ang gusto lang nito ay ang protektahan at mabuhay ang kanyang kapatid. Hindi na umalis sa pagkakayakap ang magkapatid hanggang sa, tuluyan ng tumigil ang ulan at nahawi na ang maitim na ulap sa kalangitan. Napatingala sa Four sa kalangitan at nakita niya ang napakaraming mga butuin.
Sumulyap kay Four ang lalaking halimaw at masama pa rin ang tingin nito sa kanya. Pero wala na itong lakas para tumayo at lumaban. Tuluyan nang nawala ang kaliskis sa buong katawan nito at naging hubad na lang ito sa harapan niya. Gano’n din ang kapatid nito. Tumalikod si Four at kumuha ng maaaring ipantapis ng dalawa, at nang makakuha ay iniabot niya ito sa magkapatid.
“Maswerte ka! Matagal na kaming hindi kumakain at talagang nanghihina na kami! Kung hindi, ikaw sana ang magiging hapunan namin!”
“Kung pwede ko lang ibigay ang braso ko sa inyo, gagawin ko. Pero hindi. May dala kaming mga delata. Baka makatulong sa inyo,” sagot ni Four.
“Bakit mo pa ito ginagawa?! Patayin mo na kami!”
“Hindi ko ‘yon gagawin. Sandali, kukuha ako ng makakain.”
Humarap ang dalagita kay Four at ngumiti. “Salamat na lang. Pero talagang sariwang karne lang ang pwede sa amin.”
Yumuko si Four at hindi na sumagot. Pero, may isang bagay siyang narinig kanina na gusto niyang itanong.
“Nabanggit ninyo ang salitang New Capitol kanina. Doon ba kayo galing?”
“Oo,” sagot ng dalagita. “Pero hindi kami taga-roon. Ang totoo, tumakas kami mula roon. Kinidnap lang kaming dalawa ni Kuya Jun, isang taon na ang nakakaraan. Pagkagising namin, ganito na kami, nagiging halimaw. Karne ang pangunahing pagkain namin at kapag kumakain kami ng pagkain ng normal na tao, para kaming nalalason. Kailangan din naming bumabad sa tubig, na hindi namin nagawa sa loob ng maraming mga araw. Kaya hinang-hina na kami.”
Nakadama ng awa si Four. “Kidnap? Masahol pa sa hayop ang gumawa nito sa inyo!”
“Oo! Kinidnap kami ng organisasyon ng Con—” naputol ang sinasabi ng dalagita at kasabay noon ay ang isang mahina at tunog galing sa malayo na putok ng baril. Agad na tumumba si Aiko sa harapan ni Four at agad na humalo ang dugo nito sa tubig baha.
Hindi nakakilos si Four.
“Ai—” Isang putok muli ang narinig ni Four. At sa isang iglap ay bumagsak din ang lalaking halimaw sa harapan niya.
Nanlaki ang mga mata ni Four at literal na nalalag ang kanyang panga sa pagkagulat. Anong nangyari? Sinong gumawa no’n?! Iyan ang mga tanong na hindi masabi ng dahil sa pagkabigla.
Inilibot ni Four ang kanyang mga mata. Base sa tunog ng baril, ay galing iyon sa malayo. Marahil nga ay, hindi iyon narinig ng magkapatid. Hinanap ni Four ang pinaggalingan noon. Nagngangalit na ang mga ngipin niya, at halos umilaw ang kulay ginto niyang mga mata. At pagkatapos noon ay sumigaw siya ng napakalakas, isang sigaw na kahit ang isang leon ay siguradong mapapaatras.