Maliwanag na ang paligid at tuluyan ng sumikat ang araw. Maaliwalas na ang kalingatan na tila walang nangyaring bagyo kagabi. Makakamangha ang kulay asul na kalangitan na talagang nakakagaan ng loob. Pero, walang epekto iyon kay Four.
Nakatayo siya sa tapat ng dalawang hukay na katatapos lang niyang takpan. Dito niya inilibing ang magkapatid na nakalaban niya kagabi. At hindi pa rin nawawala ang galit sa puso niya nang dahil sa nangyari sa dalawa. Maaaring naging kalaban niya ang magkapatid, at nalagay sa panganib ang mga buhay nila, pero naiintindihan niya ang dahilan ng dalawa kung bakit nito kinailangang manakit. Wala silang kasalanan, at ang dapat sisihin sa lahat ng ito ay ang mga walang pusong tao na ang iniiisip lang ay kapangyarihan at ang pansariling kasiyahan lang nila.
Hindi nagpahinga si Four, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Hinanap niya ang bumaril sa magkapatid. Ginusto niyang malaman ang dahilan at kung sino ang gagawa noon. Pero nabigo siya, dahil wala siyang nakita. Kaya inasikaso na lang niya ang dalawa at ang mga kasama niya. Agad niyang itinabi ang mga bangkay, at hindi niya ito hinayaang mababad sa tubig baha. At pagkatapos ay kaagad niyang ginamot ang kanyang mga kasama. Mabuti lang at hindi ganoon kalalalim ang mga sugat na tinamo ng kanyang mga kasama.
Ang totoo ay nanghihina na rin si Four. Nakailang bote na siya ng tubig at ayaw na niyang uminom pa, dahil baka maubos na niya ang de-boteng tubig na dala nila. May problema pa dahil ang ilan sa mga dala nila ay lubusang nabasa ng ulan. Ilang sako ng bigas ang nabasa, pero naisip ni Four na maaari pa iyong magamit kung patutuyuin lang. Kailangan ng bigas sa kanila, at hindi niya magagawang mag-aksaya nito.
Habang nakatayo si Four sa tapat ng mga libingang ginawa ay lumapit sa kanya si Lisa. Kagigising lang nito at kita sa paglakad nito ang pinsala na natamo sa nangyaring labanan kagabi.
“Four… pasensya na. Kagigising ko lang,” sabi ni Lisa na bahagyang gumulat kay Four.
“Oh, gising ka na pla. Ayos ka lang ba? May masakit ba sa’yo?”
“Masakit ang buong katawan ko. Pero ayos lang ako. Ang totoo, nagulat ako dahil nagising pa ako,” marahang sagot ni Lisa. “A-anong nangyari? Natalo mo sila?”
Seryosong bumaling si Four sa mga libingan. “Hindi,” malamig na sagot ni Four. “May bumaril sa kanila.”
“Bumaril?”
“Oo,” sagot ni Four sabay abot kay Lisa ng mga balang natagpuan niya tabi ng mga bangkay. “Iyang ang mga balang ginamit sa pagpatay sa kanila. Tumagos ang mga iyan sa ulo nila.”
Kinuha at tinignan ni Lisa ang bala. “Isa itong .50 bgm ammo. Malamang na Barrett M82 ang ginamit na baril dito. Isang high caliber sniper.”
Napabuntong hininga si Four. Kinuha niya ang mga basyo mula kay Lisa at itinapon iyon sa malayo.
“Biktima lang ng hindi makataong eksperemento ang magkapatid na ito,” sabi ni Four na tumawag sa lahat ng atensyon ni Lisa. Nagulat man ay hindi nagsalita ang dalaga. Alam niyang, hindi pa tapos magsalita si Four. “Bago sila mamatay, nakita ko ang pagiging mga tao nila. Nakakalungkot. Dahil gusto ko silang tulungan, at naniniwala ako na, may pag-asa pa sana sila. Pero, kinuha sa kanila ang pag-asang iyon, kagaya ng pagkuha sa mga normal nilang buhay noon. At kung sino man ang gumawa no’n sa kanila, ay mas masahol pa sa isang halimaw!”
Naramdaman ni Lisa ang lungkot at galit sa pananalita ni Four. Ngunit hindi niya alam ang mga tamang salita para pagaanin ang loob ng binata.
Hindi nila namalayan na naroon na pala si Carlito, na nakikinig sa usapan nila. Lumabas itong nanginginig at tila takot na takot.
“Four… May nasabi ba ang dalawang ‘to tungkol sa nangyari sa kanila?” Napatingin sila Four kay Carlito nang bigla itong nagsalita.
“Sa mga narinig ko sa kanila, galing daw sila sa lugar na tinatawag na New Capitol.”
Bumagsak ang enerhiya ni Carlito nang marinig iyon. At sa reaksyon pa lang niya ay nabasa na ni Four na may nalalaman ang kasama. Tinanong niya ito, at hindi naman ito nag-atubiling sumagot. Sinabi ni Carlito na ang The New Capitol ay ang lugar kung saan mismo nagkukuta ang Conqueror. Inilarawan ni Carlito kay Four at Lisa kung ano ang hitsura ng lugar at kung anu-anong mga bagay ang matatagpuan doon.
“Sa tingin ko, sila ang dalawang nilalang na nakatakas mula sa laboratoryo, ilang buwan bago ang pagsabog. At malakas ang kutob ko na taga-New Capitol ang tumapos sa kanilang dalawa.”
“Pero bakit sila lang?! Pwede na rin nila akong tapusin sa mga oras na ‘yon!”
“Hindi ko alam, maaaring, iyon lang ang iniutos sa kung sino mang gun-man na ‘yon.”
“Paano pumunta doon?” madiin na tanong ni Four na muling natuon ang tingin sa mga libingan. Pakiramdam niya ay sasabog ang dibdib niya sa galit.
Tumingin si Carlito kay Four at nakadama siya ng takot nang makita ang nanlilisik nitong mga mata. “Ma-malayo ang The New Capitol. Hindi ka basta-basta makakarating doon. At kung makarating ka man, siguradong isa ka na lang piraso ng laman,” nanginginig pang sagot ni Carlito.
“Gano’n ba?! Pwes, wala akong pakialam! Kailangan kong pumunta sa lugar na ‘yon!”
“Naiitindihan ko ang nararamdaman mo, Four. Pero dapat tayong makinig kay Carlito. Siguro naman ngayon ay naiintindihan mo nang nakapakalakas ng kapangyarihan ng Conquerors. Huwag mong sabihin na susugod sa doon ng mag-isa?!” tutol ni Lisa.
“Pero marami pa silang mabibiktima! Marami pang katulad ng magkapatid na ito ang naroon at naghihintay ng magliligtas sa kanila!”
“At sa tingin mo ba ikaw ‘yon? Na ikaw ang hinihintay nilang tagapagligtas? Four, hindi isang grupo lang ng mga gangster ang naroon. Narinig mo kung anu-anong mga nilalang at halimaw ang nasa lugar na ‘yon. At pagkatapos, gusto mong sumugod doon?”
“Hindi mo ko, naiintindihan…”
“Hindi mo ako naiitindihan!” madiin na tutol ni Lisa sa binata. “Dalawang halimaw pa lang ang nakaharap mo, at nahirapan ka na! Paano pa pag marami? Paano pa, kapag may mga sandata? Hindi pa ba sapat ang mga narinig mo tungkol sa lugar na ‘yon para makadama ka ng pangani at takot?! Alam mo, mas gusto ko na lang ‘yong takot na Four, kaysa sa Four na kaharap ko ngayon! Tumapang ka nga, pero parang hindi ka naman nag-iisip.”
Natigilan si Four sa sinabing iyon ni Lisa. May punto ang dalaga, pero hindi maalis sa isipan niya ang nangyari sa magkapatid. At hindi niya maintindihan kung bakit biglang nagalit si Lisa.
“Hindi naman kita pipigilan sa gusto mo, pero sana pag-isipan mo. May utang na loob na kami sa’yo. Kasama ka na namin at hindi ka namin dapat pabayaan na mapahamak na lang!” pahabol ng dalaga.
Pagkatapos noon ay tumalikod na si Lisa at sinimulan na ang pag-aayos ng mga gamit nila. Hindi naman kaagad nakakilos si Four nang dahil sa naging reaksyon ng dalaga. Pero naisip niya na tama ito. Ni hindi pa nga niya alam kung sino talaga siya. Matapos noon ay tumulong na rin si Four sa pag-aayos. Inasikaso naman ni Carlito sila Bong at Alden na hindi pa rin nakakabangon hanggang ngayon. At nang matapos na ang kanilang pag-aayos ay agad na nilang inihanda ang sarili sa pag-alis. Pero napatigil sila sandali nang mapansing may problema kay Bong. Hindi ito makalakad ng maayos, kaya naman, isinakay na lang nila siya sa isa pang kariton.
Bago umalis ay muling sumulyap si Four sa libingan ni Aiko ng kuya nito na si Jun.
“Sa inyo rin. Ipinapangako ko na ipaghihiganti ko kayo. Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung paano. Pero sinisiguro ko… magbabayad ang mga gumawa nito sa inyo.”
Bago tuluyang tumalikod ay lumapit sa libingan si Four. At nag-iwan siya ng isang chocolate bar sa ibabaw ng libingan ni Aiko. At pagkatapos ay tuluyan na nilang nilisan ang lugar.
Tanaw na tanaw na nila Four ang kanilang munting tahanan. Lagpas tanghali na naman, ngunit hindi pa sila kumakain ng maayos. Minabuti na rin nilang hindi magpahinga. Nagmadali na kasi sila dahil baka abutin na naman sila ng dapit-hapon. Nanghihina na ang lahat maliban kay Four, na sapat na ang tubig para mawala ang pagod.
Malapit na sila sa mismong bahay nang makita sila nina Trixie at Brix. Agad na nagsisigaw ang kambal at tumakbo para salubungin sila. Napatingin ang mga kasama nila sa dereksyon kung saan tumakbo ang mga bata at mabilis din silang kumilos para tulungan sila Four sa kanilang mga dalahin.
Agad na napansin ng mga kamasahan nila ang kaawa-awa nilang hitsura at halos sabay-sabay silang nagtanong.
“Lisa! Anong nangyari sa inyo?! Bakit puro kayo galos at sugat?” agad na bungad ni Kath nang makita ang kalagayan ng mga kasama. “Si Bong! Anong nangyari sa kanya?
“Napalaban kami sa mga halimaw. Dalawang beses,” mahinang sagot ni Lisa na parang hinahabol na ang paghinga. “Gamutin ninyo kaaagad ang binti ni Bong. At tulungan na ninyo kami dito sa mga pagkain. Ibilad ninyo ang mga dapat ibilad.”
“Gano’n ba? Sige. Pero mabuti na rin at naka-balik kayo. Ang totoo ay nag-aalala na kami dahil ang tagal ninyo.”
“Salamat kay Four,” sagot ni Lisa. “Kung hindi namin siya kasama, siguradong naging hapunan na kami ng mga halimaw.”
Hindi sumagot si Four. Hindi rin nagsalita si Kath na tumingin lang kay Four sandali. Naramdaman ni Four na naiinis pa rin sa kanya si Kath, at natatakot naman sa kanya ang iba pang mga naroon. Magpapatuloy na sana siya sa pagtulak sa kariton para maipasok ang ilang sa mga pagkain, nang biglang bumagsak si Lisa. Agad niya itong nilapitan, sinubukan niya itong itayo ngunit wala na itong malay.
“Ako na ang bahala sa mga pagkain. Paki-asikaso na lang sila,” sabi ni Four sabay buhat kay Lisa. “Dadalhin ko na siya sa loob.”
“Sino ka para utusan ako?!” mataray na tanong ni Kath.
“Pasensya ka na kung galit ka pa rin sa akin. Pero sa ngayon ay kailangan nila Lisa ang tulong ninyo. Wala akong alam sa panggagamot. Kaya nakikiusap ako sa inyo.”
Natahimik si Kath sa sinabing iyon ni Four. Kaya naman tumawag na siya ng iba pang makakatulong sa pag-alalay sa mga kasamahang sugatan. Naiwan naman sila Trixie at Brix sa mga kariton para bantayan iyon habang ang iba ay paunti-unti ng nagpasok ng mga pagkain sa loob.
Dinala ni Four si Lisa sa isang maliwalas na kwarto at doon ay inihiga niya ito sa sofa. Kitang-kita sa hitsura nito ang sobrang pagod. At sa isang mahabang upuang kahoy naman nila inihiga si Bong na nawalan na rin ng malay. Sila Alden at Carlito naman ay mas ginustong magpahinga sa labas.
“Makakaalis ka na,” malamig na sabi ni Kath na naghahanda na ng panglinis sa katawan ng mga kaibigan.
Hindi umimik si Four. Dumukot siya sa magkabilang bulsa at iniabot kay Kath ang dalawang supot.
“Ano ‘to?”
“Mga gamot ‘yan. Hindi ko alam kung para saan ang mga iyan. Pero sa pinagkuhaan ko, nakalagay doon na para sa sakit ng katawan. Sana magamit ninyo. Sige. Mag-aasikaso na ako sa labas.”
Tumalikod na si Four nang biglang nagsalita si Kath.
“Sandali! Ikaw? Hindi mo ba kailangan nito?”
Lumingon si Four at ngumiti. “Hindi. Salamat. Madungis lang ako, pero wala akong nararamdamang kahit ano ng masakit.
Tumango si Kath. “Okay. Salamat sa’yo.”
Muling ngumiti si Four at pagkatapos ay tuluyan na siyang lumabas ng kwarto. Iba ang pakiramdam niya nang marinig ang pasasalamat mula kay Kath. Hindi ito napilitan lang. Gumaan lalo ang pakiramdam niya, at sa tingin niya, kahit papaano ay nagtitiwala na sa kanya ang supladang babae.
Paglabas ni Four ng bahay ay napansin niya na abala na ang lahat sa pag-aayos ng mga dinala nila. Naglatag na rin sila Trixie at Brix ng maraming mga sako at kumot para ibilad ang bigas na nabasa. Pinagtulungan na rin ng iba na ipasok ang mga natitira pa sa kariton. Wala ng gagawin si Four ng dahil doon. At dahil sa nahihiya na makipag-usap ay umupo na lamang siya sa isang sulok sa labas ng bahay. Pumwesto siya, malapit sa gasulinahan at doon, ay ipinikit niya ang kanyang mga mata. At biglang nakaramdam siyang ng antok. Naramdaman din niya bigla ang p*******t ng kanyang katawan at ang tila labis na pagod.
“Excuse me.” Nagulat si Four nang marinig ang mahinang boses ng isang babae. Dumilat siya at hinanap ang pinanggalinan ng boses. At agad siyang umayos ng upo nang makita ang isang dalagita. Ang dalagitang nagtanong noon, tungkol sa sugat niya. May dala itong pagkain na hindi mawari ni Four.
“Ito nga pala. Ipinabibigay nila,” sabi ng dalaga na tumingin sa mga kasama na tila nag-aabang sa magiging reaksyon ni Four. Iniabot niya ang plato na puno ng pagkain.
“Ah…”
“Kamote ‘yan. Inuluto ‘yan ni Kath, kagabi,” sabi ng dalagita. Pero hindi pa rin kinukuha ni Four ang pagkain. “Ah! Huwag kang mag-alala! Kumain na kami at tinabihan na rin namin sila ate Lisa ng ganito. Para sa’yo talaga ‘to.”
Dahan-dahang kinuha ni Four ang pagkain at pagkatapos ay napasalamat. Maya-maya ay lumapit si Trixie at Brix para mag-abot ng tubig. At ilang sandali pa ay nakapaligid na sa kanya ang lahat ng mga kasamahan nila Lisa.
“Pasensya na po…” mahinang sabi ni Four habang nakayuko at nilalabanan ang hiya.
“Hindi. Gusto naming magpasalamat sa’yo. Marahil ay nagkamali kami ng pagtingin sa iyo,” sabi ng isang may edad ng babae.
Hindi nakasagot si Four sa hindi inaasahang pangyayari.
“Ikinuwento sa amin ni Alden ang lahat ng ginawa mo. Salamat sa’yo at nakabalik sila ng ligtas. Salamat sa’yo, at may sapat na tayong pagkain na tatagal.”
Tumungo si Four sa hawak na plato. Hindi niya alam ang isasagot sa mga pasasalamat na iyon. Natutuwa siya pero parang gusto rin niyang maiyak. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Pero isa lang ang sigurado. Unti-unti na siyang natatanggap ng lahat at napakasaya niya ng dahil dito.