Chapter XIV

2148 Words
Payapang lumipas ang mga oras sa grupo nila Four mula ng dumating sila. Walang nangyaring kahit anong abirya at masayang nakakakain ang lahat. Maganda rin ang nagiging tubo ng mga pananim nila at walang halimaw na umaligid sa lugar nila. Ayos na rin ang lagay nila Lisa at Bong. Subalit, hindi pa rin nagigising ang dalawa. Magdamag naghintay si Four sa kwarto kung saan natutulog ang sugatang mga kasama. Siya lang kasi ang may kakayahan na labanan ang antok. Isa pa, naisip niya na magandang panahon iyon para makapag-isip. Maging siya ay napansin ang biglaang pagbabago sa sarili. Hindi lamang sa pisikal, lalong-lalo na sa emosyonal. Hindi rin mawala sa isipan niya ang lahat ng impormasyong nalaman niya mula kay Carlito. Ang pagiging ultra-special niya ay isang malaking palaisipan din sa kanya. Ang kanyang kakaibang lakas at bilis. Lahat ng iyon ay bago sa kanya, at parang hindi siya makapaniwala. Wala na rin ang labis na takot na madalas niyang nararamdaman noon. Hindi niya alam kung ano ang nag-alis noon, at kailan mismo nawala iyon. At hindi niya alam kung magandang senyales ba iyon o hindi. Muling sumagi sa isip ni Four ang malaking halimaw, si Aiko at ang kuya nito. At nakaramdam siya ng lungkot para sa mga ito. Naisip din niya na lahat ng halimaw na umaaligid ngayon ay biktima ng Conquerors. Nakadama siya ng galit sa nasabing organisasyon, ngunit mas napaisip siya. Malakas kasi talaga ang pakiramdam niya na may kinalaman siya sa Conquerors, sa lider nitong si Nigel at sa Dragonica. Pero kahit anong gawin niyang isip ay wala talaga siyang maalala. Ininom ni Four ang huling lagok na naiwan sa pang isang litrong lagayan niya ng tubig. Hindi niya alam kung bakit lagi na lang siyang nauhaw, at kung minsan ay kakaiba ang nararamdaman niya kapag nagugutom siya na nagsimula lang kanina. Para siyang nawawala sa sarili at gusto niyang manakit. Naisip tuloy niya na baka, kagaya rin niya ng mga halimaw na nakaharap nila, pero hindi pa nga lang tuluyang nagbabago ang kanyang hitsura. Umiling si Four at tinanggal sa isipan ang naiisip. Tumayo siya at pumunta sa kusina. Nagpasimula siya ng apoy at pagkatapos ay nagsalang ng dalawang malaking kaldero ng tubig inumin. May mga nakuha silang naka-boteng tubig, pero inilaan na lang niya iyon sa mga nakakatanda at mga bata. Habang naghihintay sa pagkulo ng tubig ay naramdaman ni Four na may lumapit sa kanya mula sa likuran. Agad niya iyong hinarap at nakita niya si Lisa na nakangiti sa kanya. “Gising ka pa?” tanong ni Lisa sabay lakad para umupo sa isang upuan. “Nag-iinit ako ng inumin. Ikaw? Maaga pa. Magpahinga ka pa.” “Kanina pa ako tulog. Tsaka, nagugutom ako.” “Tamang-tama. May itinabi kaming pagkain para sa inyo ni Bong,” sagot ni Four sabay tayo. Kinuha niya ang itinabing kanin, sinabawang gulay at delata. Ngumiti naman si Lisa at agad na tinulungan si Four sa paghahanda ng lamesa. “Lahat ba ay kumain na?” natatawang tanong ni Lisa sa binata na sinagot naman din nito ng pagtawa. Sinumulan ni Lisa ang pagkain, at naputol na ang usapan nila ni Four. Hindi na rin kasi nagsalita ang binata at nagpatuloy na lang sa paghihintay na kumulo ang isinalang na tubig. Pero parang ang tagal nitong kumulo, kahit na napakalakas na ng apoy. Iniligpit ni Lisa ang pinagkainan niya nang matapos siya. At pagkatapos ay hinarap niya si Four. Napansin niyang malalim ang iniisip ng binata. “Alam kong, hinihintay mo akong sabihin sa’yo ang totoo,” panimula ni Lisa. Hindi naman sumagot si Four, sa halip ay huminga ito ng malalim na tila inihanda ang sarili sa kung ano mang maririnig. Gusto niyang malaman kung sino siya, pero sa kabilang banda ay nakakadama siya ng takot. Hindi rin kasi maganda ang kutob niya sa kung sino talaga siya. “Una sa lahat, gusto kong humingi ng paumanhin. Kung itinago ko sa iyo ‘to. Natatakot kasi ako, at gano’n din ang mga kasama natin dito.” “Bakit? Bakit ako nakakatakot?” Tumigil si Lisa at tinignan si Four. Inisip niya kung paano niya sasabihin ang lahat ng maayos sa binata. Paano kung hindi kaagad matanggap ni Four ang katotohanan? O paano kung bigla na lang bumalik ang alaala nito at magalit? “Natatakot ka pa ring sabihin sa akin,” nakangiting sabi ni Four. “Kung hindi ka komportable dito, ayos lang. Kagaya nga ng sinabi mo, kusa namang babalik ang mga alaala ko.” “Tama ka. Pero mas magandang malaman mo ito ngayon,” tugon ng dalaga. “Ikaw si Juan Domingo IV at ang palayaw mo ay Four. Para sa iba, ikaw si Boss Four. Pero para sa nakararami, na kalaban mo, ikaw si Tyrant Four.” Dahan-dahang ibinaling ni Four ang tingin niya sa dalaga. “Tyrant Four?!” “Oo, at narinig mo na ang pangalang iyan dati. Ikaw ang big boss ng Dragonica Family. Ang pinakamalupit, pinakamatapang, pinaka walang-awa at ang pinakamasamang tao na nakilala ng henerasyong ito. At kilala ka sa tawag na Tyrant Four.” Natulala si Four kay Lisa. Hindi siya nabigla pero nadismaya siya. Tama pala talaga ang hinala niya. Isa siyang masamang tao. At hindi lang ‘yon. Siya pa ang boss ng grupo na nagpasimula ng Conqueror at malamang na may kinalaman talaga siya sa hindi makataong mga eksperimento at sa lahat ng nakakatakot na nangyayari ngayon. “Kilala mo ba ako bilang si Tyrant Four?” mahina at nauutal na tanong ni Four. Sa tingin pa lang ni Lisa ay alam na ni Four na oo ang sagot sa tanong niya. “Gusto mo ba talagang malaman, kung sino ka bilang si Tyrant Four?” “Oo,” mabilis na tugon ni Four. Kasabay noon ay ang pagkulo ng tubig sa isang kaldero. Tumayo si Lisa at pinatay ang apoy. Pagkatapos ay sinubakan niyang ibaba ang malaking lagayan ng tubig, pero dahil sa mainit ito ay nahirapan siya. Agad namang tumayo si Four para tumulong. “Salamat,” sabi ni Lisa. “Ang Tyrant Four ba na sinasabi mo, ay malayo sa ako ngayon?” muling tanong ni Four. Tumingin si Lisa sa mga mata ng binata at pagkatapos ay huminga siya ng malalim. Inihanda na naman ni Four ang sarili sa maririnig. “Si Tyrant Four ay kilala hindi lang sa underground world. Nang nagkaroon ng pagkakataon ang mga Mafia Families na pamunuan ang bansa, isa ang Dragonica sa nanguna doon. Marami silang pinatay, ninakaw at sinaktang mga tao na humahadlang sa mga gawain at idolohiya nila. Kinatakutan ng husto ang Dragonica hanggang sa makuha nila ang pamumuno sa buong bansa. Oo, malaki at malalakas ang mga armas ng Dragonica Family. Pero ang pinakanakakatakot sa kanila ay ang kanilang big boss. Sa isang salita lang ng taong iyon, maaaring maglaho ang daan-daang buhay. At ikaw ang taong iyon, Four.” Nanlambot si Four at napaupo siya sa isang upuan habang hawak ng kanyang mga kamay ang kanyang ulo. Nagulat siya sa narinig at hindi talaga makapaniwala. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ayaw ng mga tao sa kanya, o kung bakit itinago nila Lisa ang katauhan niya sa kanya. Noon pa man ay may halimaw na. At siya iyon. Nakaramdam ng lungkot at inis si Four. Hindi sa mga tao sa paligid niya kundi sa kanyang sarili. At hindi niya mapigilang maiyak. “Sana… sana hindi mo na lang ako tinulungan! Sana, hinayaan mo na lang akong patayin ng taong-lobo na sumalakay sa akin!” sabi ni Four. “Ang totoo, iyon sana ang gagawin ko nang makita kita. Siguro naman, natatandaan mo ang kwento ng mga magulang ko. Ang totoo, galit ako sa Dragonica! At nang mga oras na makita kita at makilala, naisip ko rin ang sinabi mo. Ang totoo, ilang beses kong itinutok sa iyon ang baril ko. Pero hindi ko kayang pumatay ng taong pinaghihinalaan ko pa lang! At isa pa, hindi na ako maiiba sa mga kriminal, kapag ginawa ko ‘yon!” Lalong lumakas ang iyak ni Four. Lalo niyang naramdaman na sana ay hindi na siya nabuhay pang muli. Pinilit niyang alalahanin ang lahat. Gusto niyang magsisis pero talagang wala siyang maalala. “Patawad, Lisa. Patawad! Patawad kahit… hindi ko natatandaan kung sino ang mga magulang mo, at kung ano ang nangyari sa kanila. Patawarin mo ako!” “Iniligtas mo ang buhay namin, Four. At nang dahil sa’yo, nakapagdala tayo ng maraming mga pagkain para sa lahat. Hindi naman talaga ako galit sa’yo. Hindi pa, at hindi ako dapat magalit sa’yo sa ngayon. Gaya ng sinabi ko, hindi pa malinaw sa akin kung ano ang nasa likod ng pagkamatay ng mga magulang ko. Pero sana, sa oras na bumalik ang mga alaala mo, sagutin mo ang mga tanong ko tungkol sa kanila at sa Serpentene. At sana. Huwag mong kalimutan na tinanggap ka na ng mga tao rito.” Tumango si Four. Hindi na siya makapagsalita ng dahil sa pag-iyak. “Sana, huwag mo kaming saktan sa oras na bumalik na ang mga alaala mo.” Hindi nakasagot si Four. Maging siya ay hindi niya alam kung mangyayari iyon. “Salamat, Four. Ngayong alam mo na kung sino ka, sana ay mas mapalagay ka na. Mag-usap na lang uli tayo bukas.” Pagkatapos noon ay lumabas na si Lisa ng kusina at iniwan si Four. Naiwan naman si Four doon na umiiyak, at kasabay noon ay ang pagkulo ng ikalawang kaldero ng tubig. Hindi niya lubos maisip ang kasamaan niya noon. At talagang inis na inis na siya sa kanyang sarili. Kaya naman naisip niya na baguhin ang lahat. Naisip niya na mas magandang hindi na niya maalala kung sino siya noon. Wala naman na ring mangyayari at mas magandang yakapin na lang niya kung ano ang mayroon siya ngayon. Pinatay ni Four ang apoy at iniwan doon ang tubig para lumamig. Pumunta siya sa ilalim ng hagdanan kung saan siya pumwesto noon. At sa unang pagkakataon matapos siyang mapunta sa lugar nila Lisa ay nakatulog siya. Ginising si Four ng takbuhan at matatamis na tawanan nila Trixie at Brix. Agad siyang bumangon. Halos kasisikat pa lang ng araw ngunit abala na ang lahat. Kung sa bagay, marami naman kasi talagang kailangang gawin. Pagbangon ni Four ay kaagad siyang nakaramdam ng gutom at uhaw, kaya naman dumertso siya sa kusina. Ngunit napaurong siya nang makitang maraming tao doon. Naroon pa si Kath na kaagad nakakita sa kanya. Agad siyang tumalikod ngunit pinigilan siya nila Trixie at Brix na humarang sa daan niya. “Saan ka pupunta, kuya Four? Kakain na ng agahan, oh!” sabi ni Trixie. “Ha? Hindi pa ako nagugutom. Doon muna ako sa labas,” nakangiting sagot ni Four, pero kaagad iyong sinundan ng pagkulo ng kanyang tiyan na narinig ng lahat. Natawa ang dalawang bata na sinundan din ng pagtawa ng ilan na nasa kusina. “Hindi nagsisinungaling ang tiyan mo, Four,” sabi ni Kath. “Nakapaghanda naman na kami ng agahan. Halika na at sumabay ka na.” Humarap si Four na hinihimas ang batok. “Ah… ano kasi…” “Kumain ka na…,” isang pamilyar na boses ang narinig ni Four mula sa kanyang likuran. At pagkatapos ay hinawakan siya nito sa balikat. “Kailangan mong kumain. Kung hindi, manghihina ka na naman,” sabi ni Lisa sabay marahan na tulak kay Four. “Ah… hind… mamaya…” “Naku! Umupo ka d’yan!” sabi naman ng may edad na babae na dating namomroblema sa malaking puno na itinulak ni Four. Tinulungan niya si Lisa na paupuin ang nahihiyang binata. “Kasama ka sa mga kumuha nito. Kaya naman, dapat lang na kumain ka.” Ipinaghanda nila ng makakain si Four. Binigyan nila ito ng plastik na pinggan at hinainan ng bagong luto na kanin na pinaresan nila ng mga bagong pitas na talbos ng kamote. Binigyan din nila ito ng isang tasa ng bagong timplang kape. “Salamat sa inyong lahat…” sabi ni Four habang naiiyak na nakatingin sa umuusok na pagkain sa kanyang harapan. “Salamat.” “Aba akala mo ba, libre iyan?” nakangiting sabi ni Kath. “Pagtatrabahuan mo pa ‘yan mamaya! Maraming mga gagawin!” “Walang problema,” sabi ni Four na sinimulan na ang pagkain. “Gagawin ko ang lahat, para lang maging karapatdapat sa pagkain dito. Salamat sa inyong lahat!” Nang mga oras na iyon, naisip ni Four na talagang hindi na mahalaga kung sino siya noon. Naisip niya na mas maganda kung ilalaan na lang niya ang pansin sa pagtulong isa mga taong ito na pilit na iginagapang ang buhay kahit sa mahirap na kalagayan nila ngayon. At ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na siya babalik sa pagiging masama at malupit at na poprotektahan niya sila Lisa, mula sa banta ng Conquerors.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD