Chapter XV

2494 Words
Lumipas ang mga araw ng walang problema sa lugar nila Four. Naging maganda ang panahon, walang halimaw at naging mapayapa ang lugar nila. Nadagdagan din ang suplay nila ng pagkain, dahil namunga na ang ilang pananim. Ngunit kahit gano’n, ay mas minabuti pa rin nilang magtipid. Dahil alam nila, na hindi naman panghabang buhay ang mga pagkain na nakuha nila Four. Madalas pa rin silang naglulugaw para makatipid. At kadalasan na sinasabawan nila ang mga delata. Sapat na ang dalawang delata sa maghapon para sa kanila. Pero kahit ganoon, ay naging kuntento at masaya pa rin sila doon. Natuto si Four ng iba’t-ibang gawain mula sa mga kasama niya. Natuto siyang magluto, magtanim, magkumpuni ng mga gamit, baril at mag-ayos ng sira ng bahay. Itinuro din sa kanya ang paglalagay ng gasolina sa mga power generators na ginagamit nila. Tuwang-tuwa si Four sa mga natutuhan niya at mas napalapit pa siya sa mga kasamahan niya. Nawala ang pagkatakot ng mga tao kay Four at sa ngayon ay natutuwa na sila dito dahil sa kasipagan na ipinapakita nito sa kanila. Maaasahan si Four. Naging tagapag-alaga rin si Four ng mga batang makukulit. Madalas noon na walang nakikipaglaro sa kambal na sina Trixie at Brix dahil sa sobra nilang kakulitan. Ngunit kayang-kaya iyong sabayan ni Four at kung minsan ay ang mga bata na ang umaayaw at napapagod sa pakikipaglaro sa kanya. Hindi na masyadong nakakausap ni Four si Lisa. Dahil abala ang dalaga sa paghahanap pa ng mga bagay na maaaring mapakinabangan sa paligid. Isang beses ay nagsabi siya dito na gusto niyang sumama, pero tumanggi ang dalaga. Iyon lang din daw kasi ang pagkakataon niya para mapag-isa at makapag muni-muni. Naramdaman ni Four na parang umiiwas sa kanya si Lisa, ngunit hinayaan na lamang niya ito. Si Bong naman ay nakakalakad na muli, at si Alden at Carlito ay muli na ring bumalik ang lakas. Madalas na nga lang atakehin ng panic attack si Carlito, at kung minsa ay nagsisisigaw ito ng walang dahilan. At si Four ang umaawat sa kanya at laging nagpapakalma. Isang gabi ay tinipon ni Lisa ang lahat ng kanyang mga kasama. At ipinagbigay alam na niya sa lahat ang mga sinabi ni Carlito tungkol sa mga na nasa likod ng mga nangyari ngayon, ang oranisasyong Conqueror, ang lugar na The New Capitol, ang iba’t ibang kategorya ng genes at mga halimaw. Ipinaliwanag din niya sa lahat kung bakit may kakaibang lakas si Four. Sinabi na rin niya na sinabi na niya sa binata kung sino talaga ito. Hindi naman na nabahala ang iba, ngunit natakot sila sa nalaman tungkol sa totoong dahilan at nangyari sa araw ng pagsabog. Pilit na inalala ng iba ang mga nangyari sa kanila noong araw na iyon, ang ilan ay natandaan na talagang pumanaw sila. Ang iba naman ay hindi. Medyo nagkagulo ang mga kasamahan nila Lisa. Umulan ng mga tanong at naiyak pa ang iba. Ngunit kaagad naman niya itong naawat at napakalma. Sinabi lang niya na nariyan naman si Four para protektahan sila, at na, wala naman na silang magagawa kung hindi ang ipagpasalamat at ipagpatuloy na lang ang mga buhay na mayroon sila. Sinagot ni Lisa, sa tulong ni Carlito ang tanong ng mga kasamahan nila. May mga nainis pa nga kay Carlito, ngunit naiintindihan din nila sa dulo ang lalaki. At matapos masagot ang mga katanungan ay pinutol na ni Lisa ang pagpupulong nila. “Pasensya ka na kung ginamit pa kita para pakalmahin sila. Nakikita ko kasing napakalaki na ng tiwala nila sa iyo,” sabi ni Lisa kay Four nang makalabas na ang mga kasama nila. Ngumiti naman si Four. “Wala iyon. Tsaka iyon naman talaga ang gagawin ko. Poprotektahan ko kayo.” “Ano pala ang nagraramdaman mo nitong mga nakaraan? May pagbabago ba sa’yo?” “Wala naman bukod sa mas nagiging madalas ang pagkaramdam ko ng gutom.” “Naku! Mukhang kailangan na uli nating humanap ng pagkain!” pabirong sabi ni Lisa sabay tawa na agad din sinagot ni Four ng mahinang pagtawa. “Hindi ko na iniisip ang nakaraan ko,” sabi ni Four na gumulat kay Lisa. “Masaya na ako na si Four, ngayon. Kahit ako, natatakot sa paglalarawan ninyo kay Tyrant Four. Kaya ayaw ko na sana siyang makilala.” Ngumiti si Lisa at tinapik ang balikat ni Four. “Hindi natin mapipigilan ang pagbalik ng mga alaala mo. Ang sana lang ay huwag mong makalimutan ang masasayang alaala mo kasama namin. At huwag mong kalimuntan na, masaya akong makita na masaya ka dito.” Pagkatapos noon ay muling tinapik ni Lisa ang balikat ni Four at umalis na ito. Napaisip naman si Four. Makakalimutan nga kaya niya ang mga taong ito, sa oras na maalala niya kung sino talaga siya? Sa ngayong ay hindi ang sagot niya, pero alam din niya na walang magkakapagsabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Lalong napalapit si Four sa mga tao, at kahit hindi niya alam ang ibig sabihin ng salitang pamilya, ay naramdaman naman niya iyon sa lahat ng mga kasama niya sa munting lugar na iyon. Naging paborito na din talaga siya nila Trixie at Brix na kadalasan ng natutulog sa tabi niya tuwing gabi. Nagbunga naman lahat ng itinuro sa kanya ng mga kasamahan niya, dahil naging magaling siya sa lahat ng mga gawain. Lalo na sa pagluluto. At hindi nagtagal ay itinuring na rin siyang lider ng mga tao. Isang mabait at maasahang lider kagaya ni Lisa at Bong. Hanggang sa isang gabi, ay napansin nilang dumami ang mga halimaw sa paligid nila. Para silang mga hayop na lumilikas. Wala namang paparating na bagyo, at ayon kay Lisa at sa kasamahan nila ay ngayon lang nangyari ang gano’n. No’ng gabing iyon ay hindi sila nakatulog, damang-dama kasi ang pagyanig ng lupa ng dahil sa mga taong-lobo at malulusog na mga higante sa labas na nagsisitakbuhan, sumisigaw at tila may tinatakasan. “Huwag kayong mag-alala,” nakangiting sabi ni Four sa mga bata na nakasiksik sa mga magkabilang kili-kili niya at takot na takot. “Hindi nila tayo malalapitan. Takot sila sa liwanag.” Sinabi iyon ni Four pero hindi nawawala sa isipan niya ang mga uri ng halimaw na hindi takot sa apoy, ang mga Class-S, kagaya ng magkapatid na Aiko at Jun. Hanggang sa, muling sumikat ang araw. Agad na bumuo si Lisa ng grupo para tignan kung may nagbago sa paligid nila. Kasama sa grupo si Four, si Lisa at si Bong. Buong araw nilang nilibot ang paligid nila ngunit wala naman silang nakitang kakaiba. Hanggang sa umakyat si Lisa sa isa sa mga matataas na bahay para mas makita ang kabuuan ng lugar. At sa hindi kalayuan mula doon, ay may nakita silang bakas ng tila isang napakalaking sasakyan. Agad nilang pinuntahan iyon at ayon kay Bong ay maaaring bakas iyon ng isang tangke. Tangkeng pandigma. “Tangke? Saan naman manggagaling iyon? Tsaka, bago lang ang mga bakas na ito,” sabi ni Lisa. “Nagawi ako sa lugar na ito kahapon at wala ito dito.” Tumigil naman si Four at inilibot niya ang kanyang mga mata. Nagtataka siya kung bakit wala man lang siyang naramdaman o narinig kagabi, bukod sa mga halimaw. At naisip niya na maaaring dahil iyon sa masyado silang naka-focus sa mga kaganapan sa kanila kagabi. “Hindi ko alam,” sagot ni Bong kay Lisa. “Pero hindi maganda ang kutob ko. Siguradong may kinalaman ang tangkeng ito sa kaguluhan kagabi.” “Siguro nga…” nakayukong tugon ni Four. “Tara, sundan natin ang bakas ng tangke!” “Hindi pwede!” mabilis na tutol ni Bong. “Malapit na namang dumilim at baka hindi tayo makabalik sa oras. Baka mapahamak lang tayo. Isa pa, hindi tayo sigurado kung kakampi ang may dala ng tangke.” “Pero…” “Tama si Bong,” sang-ayon ni Lisa kay Bong. Hindi na niya pinatapos pa ang sasabihin ni Four. “Sige na. Bumalik na tayo. Baka abutin pa talaga tayo dito ng dilim. Tignan na lang muna nating ang mangyayari ngayong gabi, tapos bumalik tayo dito bukas ng umaga.” Sumang-ayon na rin si Four sa sinabing iyon ni Lisa. Ngunit bago nila tuluyang lisanin ang lugar ay natigilan si Four at napalingon. Parang mayroon kasi siyang narinig na tumawa. Mahina lang iyon pero masama ang kutob ni Four. Pakiramdam niya ay may nanunuod sa kanila. “Four. Anong problema?” tanong ni Lisa. “Ah! Wala. Tara na.” Mabilis na lumubog ang haring araw ng araw na iyon. Mabuti na lang at nakaabot sila sa tamang oras. Agad na sinalubong ng mga tanong ang tatlo. Hindi naman nila itinago sa mga kasamahan ang kanilang nakita. Nabahala ang karamihan, pero kaagad na binago ni Lisa ang usapan at kaagad siyang nagpatulong maghanda ng hapunan. At pagkatapos na pagkatapos nilang kumain ay palihim na ipinahanda ni Lisa ang mga sandata kina Bong at Alden. “Four…” biglang tawag ni Carlito sa binata. Nagulat si Four dahil, balisang-balisa at nanginginig ito habang papalapit sa kanya. “Bakit? Anong nangyayari sa’yo?” “Four… hindi kaya tangke ng Conqueror ang may gawa no’n? Hindi kaya, hinahanap na talaga nila ako?” “Huminahon ka, Carlito. Wala pa tayong siguradong impormasyon. Kaya hindi makakatulong sa atin kung matataranta tayo kaagad.” “Pero…” “Naiitindihan kita. Pero huwag kang mag-alala. Poprotektahan ko kayo. Kahit anong mangyari.” Hindi naman na sumagot pa si Carlito sa sinabing iyon ni Four. Bumagsak lang ang ulo at balikat ng lalaki. At pagkatapos ay bumalik na ito sa sulok kung saan siya naglalagi nitong mga nakaraang araw. Hanggang sa lumipas pa ang oras at naging madilim na sa labas. At muli, sa pangalawang pagkakataon ay lumabas ang mga halimaw at nagtakbuhan. Sumilip sila Four sa mga siwang at binatana ng bahay at nakita nila na tila takot na takot at may tinatakasan ang mga ito. Malalakas ang ungol ng ibang halimaw at ang iba ay nag-aaway pa kapag nagkakabungguan. Mayroon ding kaaibang liwanag silang nakikita mula sa dereksyon ng pinanggagalingan ng mga halimaw. Pinatahimik ni Four ang mga kasama at pinakiramdaman niya ang paligid. Mayroon siyang kakaibang narinig. Ngunit hindi siya tiyak kung ano iyon. Bumaba siya sa unang palapag. Pinakiramdaman at pinakinggan niya ang sahig, at doon niya nasiguro na mayroong kung anong malaking sasakyan ang papalapit sa kanila. Kaagad niya iyong ipinagbigay alam sa mga kasama niya. At ilang sandali pa ay nakarinig siya ng isang boses ng babae. Mahina, malayo at hindi niya maintindihan ang sinasabi nito, pero sigurado siyang papalapit din ito sa kanila, kasabay ng kung ano mang sasakyan na kanyang naririnig. Muling umakyat si Four. Dumertso siya sa isang bintana sa bandang likurang bahagi ng bahay na nasasarhan ng lumang kurtina at sumilip siya doon. At mula sa hindi kalayuan ay nakita niya ang dalawang malaking tangkeng pandigma na papalapit sa kanila. Kulay berde ang mga tangke at bawat tangke ay may nakakabit na dalawang malaki at maliwanag at nakasisilaw na ilaw sa magkabilang gilid. At iyon ang iniiwasan ng mga halimaw. Sa paligid ng mga tangke ay mayroong mga armadong lalaki na naglalakad. Naka-itim na amerikana ang karamihan, ngunit ang iba sa kanila ay naka-unipormeng pansundalo. Agad na ipinagbigay alam ni Four ang mga nakita at narinig kay Lisa at Bong. “Gaano pa sila kalayo?” tanong ni Lisa. “Ilang minuto na lang at narito na sila,” sagot naman ni Four. “Kung ganoon…” biglang natigilan si Lisa nang makarinig ng kakaibang ugong. “Ano ‘yon?” Narinig din ng mga kasama nila ang tunog at nagsimula na silang magtanong kung ano ang nangyayari. Kaagad na lumabas si Four at sa himpapawid ay nakita niya ang isang malaki at makabagong eroplano na puno ng nakakasisilaw na liwanag ang mga gilid. Paikot-ikot ito doon at tila may inaabangan. “Patayin niyo ang mga ilaw!” sigaw ni Four. “At magtago kayo! At kahit anong mangyari huwag kayong gagawa ng ingay!” May kung ano sa katawan niya na nagsasabing nasa panganib na sila. “Anong bang nangyayari, Four?” may pag-aalala at takot na tanong ni Kath. “Basta! Huwag na huwag kayong lalabas at gagawa ng kahit anong ingay!” “Pero baka lusubin tayo ng mga halimaw kapag pinatay natin ang ilaw” Napatingin kay Four ang lahat. “Hindi! Akong bahala!” Pagkatapos noon ay pinatay na ni Bong ang mga ilaw gaya ng sinabi ni Four. Pumwesto naman ang bawat isa sa kanila sa mga maaaring maging daan ng mga halimaw. At inihanda nila ang mga sarili gamit ang kani-kanilang mga sandata na iniabot nila Bong. Lalong lumakas ang ugong at parang malapit na ito sa kanila. Mas lumakas din ang pag-ungol ng mga halimaw sa labas. At hindi nagtagal ay naramdaman nilang umuuga na ang lupa, dala ng pagdating ng mga tangkeng pandigma. Muling sumilip si Four at sa pagkakataong ito ay nakita niya ang mga kakaibang aso na dala ng mga sundalo. Kasing laki ng leon ang mga aso. Kulay berde ang mga mata nito at mahahaba ang dalawang pang-itaas na mga pangil. At sa leeg nila ay may nakakabit na collar na may umiilaw na berde at pula. Kitang-kita ni Four kung paano lapain ng mga aso ang maliliit at katamtamang mga halimaw. Samantalang ang mga taong-lobo at mga nagtatangkarang halimaw na ngayon lang niya nakita ay madali lang nahuhuli ng mga sundalo. Mula sa isa mga tangke ay may nakita si Four na lumabas. Isang tao, isang babae. Isang dalaga. Pilit na tinitigan ni Four ang babae at pakiramdam niya ay kilala niya ito. Sinubukan niyang aalalahanin kung sino at kung saan niya nakita ang babae. Pero hindi niya ito maalala. Bababa sana si Four para bigyang ng babala ang ilan na nakatago doon. Pero bago pa siya marating sa hagdan ay isang malakas na pagsabog ang naganap. Napakabilis ng pangyayari at ang sunod na naramdaman ni Four ay lumilipad na siya papalayo. Durog ang kalahati ng bahay. Napuno ng usok at alikabok ang paligid. Walang marinig si Four nang dahil sa pagsabog. Pero sumigaw siya para malamang ang lagay ng mga kasama, pinilit niyang tumayo para hanapin ang mga kasamahan, pero isang pagsabog muli ang naganap. Muling tumalsik si Four at humampas siya ng malakas sa pader. At kasunod noon ay nakita niya ang dahan-dahang pagkalat ng mga apoy. Tumayo si Four at sumigaw siya ng malakas. Nakita niya ang ilan sa mga kasama niya na nakahandusay sa sahig. Tutulungan niya sana ang mga ito nang biglang napuno ng paligid ng usok na may kakaibang amoy. Tinakpan ni Four ang kanyang ilong, pero masyadong matapang amoy na dala ng usok. Wala pang isang minuto ay lumabo ang paningin niya at ilang segundo matapos iyon, ay tuluyan na siyang nawalan ng malay. At ang huli niyang nakita ay ang mga naka-botang paa ng magandang babae na nakita niyang lumabas sa tangkeng pandigma kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD