Sabay-sabay kaming kumain ng almusal, halata man sa akin na puyat ako dahil simula ng marinig ko ang pag-uusap nila ay hindi na ako pinatulog ng mga tanong sa isip ko.
"Ayos ka lang ba?" Matamlay akong tumingin kay papa, bakit ganito? Parang wala lang sa kanila ang lahat? Bakit parang wala silang alam, umaakto silang normal kahit alam nilang maraming mali?
Hindi ako nagsasalita, itinaas ko ang kanan kong kamay na pumukaw ng attention ng lahat.
"Hindi ko gusto ang isang ito." Gulat na gulat nila akong tiningnan.
"Wag!" Sabay-sabay nilang sigaw.
Napangisi ako ngunit mabilis na binawi ito. Napakalaking epekto pala ng bracelet na ito sa kanila. Kitang-kita ko kung paano silang manginig sa takot lahat. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa pero pakiramdam ko, buong buhay ko ay isang kasinungalingan.
Lahat ng tao na nakapaligid sa akin ay pinagtataguan ako.
Padabog akong umalis sa kinauupuan ko at tumakbo sa kwarto, napasubsob ako sa kama at umiyak nang umiyak. Pakiramdam ko wala na akong alam sa lahat, hindi ko alam kung ano ba ang totoo sa lahat. Pati sarili ko, hindi ko alam kung totoo pa ba ako.
Narinig ko ang pagbukas ng pinto at ang yapak ng taong pumasok sa loob, nakasubsob pa rin ako sa unan pero alam ko kung sino ang pumasok. Umupo ito sa tabi ko at hinagod ang buhok ko.
"Nagtatampo ka ba dahil hindi ka namin binati ngayon?" Napaangat ako ng ulo sa sinabi ni mama. Alam ko na may mali sa lahat, pero hindi ako pwedeng magpahalata sa kanila na may nalalaman na ko, hindi pa buo pero gusto ko ako mismo ang aalam nito, gusto kong malaman ang lahat.
Wala ni isa sa kanila ang magsasabi nito sa akin, si Inayah lang ang makakapagsabi sa akin nito lahat.
"Sorry na, akala namin okay lang sa 'yo." Napaupo ako at napayakap kay mama, hindi ang birthday ko ang dahilan. Wala akong pakialam doon, pero ayokong nakikitang nasasaktan sila. Pero sa mga susunod na hakbang na gagawin ko, alam ko na may mga masasaktan.
Pinayagan kami na maggala ngayon sa bayan kasama si Angie, Gino at Chanchan. Namamaga ang mata ko pero hindi ako nagpakabog sa galaan.
Nakakapit ako ngayon sa braso ni Chanchan, bukas pa ang dating ni Gabbi, kaya hindi namin siya kasama ngayon.
Sa pamamasyal namin ay nasalubong namin si Yuna at Marlo, bakas sa mukha ni Yuna ang saya, samantalang nagsusumamo ang mga mata ni Marlo ng makita ako nito. Ramdam ko ang pagtapik ni Chanchan sa kamay ko. Tumingin ako rito na kumindat pa, hindi kaya may alam din siya tungkol sa amin ni Marlo?
"Hi guys, Merry Christmas." Masayang bati ni Yuna at nakipagbeso pa sa amin, bumati rin si Marlo na may mapait na ngiti. Pinipilit kong kumawala sa mga tingin nito pero huli na, hulog na hulog na ako sa patibong na ito.
Hindi sila sumama sa amin, kaya malaya kaming pag-usapan ang tungkol kay Marlo.
"Alam na namin, Caralina." Pag-intriga ni Chanchan.
"Mga tingin pa lang sa 'yo ni Marlo, lalo na iyong pag-aalala niya noong hinahanap ka namin." Umpisa ni Gino, andito ulit kami sa favorite spot namin, purgado na ako sa halo-halo rito.
"Grabe iyong pag-aalala niya noon dahil dalawa kaming magkasama na hanapin ka," dagdag pa nito, napahinto ako at napasandal.
"Kami ni papa Gab, ang magkasama maghanap. Naiwan si Angie sa loob ng tent," dagdag pa ni Chanchan.
"At noong nakita namin kayo ni Marlo, sa 'yo agad siya tumakbo na talagang ikinagulat ko. Grabe ang taranta niya noon na parang wala si Yuna sa paligid."
Tameme lang ako habang kinukwento nila iyon, akala ko si Gabbi ang nakakita sa akin.
"Nagulat nga kami ng bigla mong sagutin si papa Gab." Napabuntong hininga na lang si Chanchan matapos itong sabihin, pati ako gulat na gulat.
"Per–" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang nagkagulo sa paligid kaya agad kaming napatayo, nagtatakbuhan ang mga tao.
"A-anong nangyayari?" Natatarantang tanong ni Angie, napakibit-balikat na lang ako.
Sama-sama kaming nagpunta kung saan may nagkakagulo, napakapit ulit ako sa braso ni Chanchan.
"Nag-uumpisa na naman manguha ang mga engkanto." Biglang tumaas ang balahibo ko sa sandaling marinig iyon.
"Ilabas niyo ang anak ko!" Sigaw ng isang babae na paikot-ikot sa puno kung saan namin nakita noon ang dalawang lalaki na nakasabit.
"Umuwi na tayo." Mangiyak-ngiyak na niyakap ng lalaki ang babaeng kanina pa paikot-ikot at hinahanap ang anak niya.
"Akala ko ba natapos na ito? Nasugpo na ang Reyna nila noon pero bakit bumabalik na naman ang ganitong kababalaghan?" Takot na saad ng babae na nasa gilid ko, anong tinutukoy nilang Reyna? Si Carolina ba?
Iginala ko ang paningin sa paligid na tila naghahanap ng kasagutan at napahinto sa kinatatayuan ni Mang Karding. Nakatingin ito ng seryoso sa akin at nakaramdam ako ng kakaibang takot. Ramdam na ramdam ko iyong kakaibang aura niya.
Napakapit ako ng mahigpit sa braso ni Chanchan, agad naman ako nitong hinila palayo sa kaguluhan.
Ang daming taong involve, ang daming mata ang alam kong nakamasid sa akin. Ang dami nilang alam, pero bakit ako walang nalalaman? Ano ba ang totoo sa lahat ng ito?
"Tingin mo mga engkanto ang nangunguha?" Tanong ko pa rito. Kumunot pa ang noo niya bago sumagot.
"Siguro, hindi natin alam." Bumuntong hininga ako at tumingin kay Gino.
"Sa Biringan City ba nila dinadala?" Tanong ko pa.
"Masasama ba ang mga nakatira roon?" Dagdag ko pang tanong kahit hindi pa nasasagot ang una kong itinanong.
"Nahahati sa dalawa ang Biringan, ang mabubuti at ang masasama. Hindi natin alam kung sino sa kanila ang nangunguha pero ang mga sumasanib na engkanto sa tao, sila ang galing sa itim na lahi." Mabilis na sagot ni Gino.
Sabay pa kaming napatingin ni Angie rito.
"Paano mo alam?" Tanong ni Angie.
"Malamang naririnig ko." Walang alinlangan na sagot nito.
"Magkaaway ang lahi nila, sabi pa ang mga masasamang engkanto ay pangit ang lugar samantalang sa mga mababait parang paraiso raw sa ganda," dagdag ni Chanchan. Napatango ako sa sinabi nito.
Ibig sabihin kila Inayah ang mababait? Dahil totoong paraiso ang lugar na iyon, maliban sa maganda ang lugar ay talagang masasaya ang mga tao–engkanto.
Malapit na ang takip silim pero na nanatili pa rin kami sa labas, hindi ko alam kung saan kami papunta ngayon nila Chanchan. Ang alam ko lang nasa malayo na kami, may natatanaw akong malawak na palaisdaan, habang papalapit kami may nakita akong isang familiar na mukha.
Hindi ko maiwasan ang mapangiti ng mapansin ang malawak na ngiti nitong sinasalubong kami. Parang ibang tao si Marlo ngayon, sobrang gwapo niya kapag nakangiti.
"Ayan ha, promise walang makakaalam na kahit sino nito." Sabay tulak sa akin ni Chanchan, palapit kay Marlo.
"Kapag sinundo kita, dapat sumama ka na dahil baka mapagalitan pa tayo." Natawa naman ako sa mukha ni Gino, damay-damay na ito kung sakaling magkahulihan. Damay pati ang friendship nila ni Yuna, lahat maaapektuhan sa ginagawa namin.
"Dito tayo." Inilahad naman ni Marlo ang kamay niya na inanyayahan ko, umupo kami sa isang telang nakalatag, may mga pagkain din ang nakalapag.
"Ang dami naman." Natatawa kong saad dito.
"Alam ko naman na kulang pa sa 'yo lahat iyan." Sinamaan ko siya ng tingin at natawa rin ng mapag-isip na tama nga siya.
Sabay kaming kumakain ngayon. Grabe! Sobrang special ng araw na ito para sa akin. Ngayon ko lang naramdaman ang totoong diwa ng pasko.
"Sigurado ka ba sa ginagawa natin?" Napatigil siya sa tanong ko.
"Hindi ko alam, wala namang kasiguraduhan ang lahat. Ang mahalaga masaya tayo ngayon."
Muli kong tinitigan ang mukha ni Marlo, alam ko na isang pagkakamali ang ginagawa ko. Isang paglabag ito, pero hindi ko kayang kumawala. Kung sumpa man ang kapalit nito, handa kong kalabanin ito.
"Paano si Yuna? Hindi ba mahal mo siya dati? Anong nangyari?" Ayan ka na naman, kaya ka nasasaktan e, tanong ka nang tanong.
"Mahal ko siya bilang kaibigan, hindi na humigit iyon. Kumpara sa nararamdaman ko sa 'yo." Nanlaki ang mga mata ko ng hawakan niya ang kamay ko at itapat ito sa dibdib niya.
"Damahin mo ang bawat pintig nito dahil sa bawat t***k nito, pangalan mo lang ang isinisigaw." Nanigas na ako sa kinauupuan ko. Bwisit! Bakit ang bilis ng t***k ng puso ko?
Kasabay ng malakas na ihip ng hangin, ang paglaglag ng mga tuyong dahon mula sa punong aming pinagsisilungan, ay rinig na rinig ang mga pusong sabay na nag-aawitan.
Alam kong napakaraming bagay ang magbabago, maraming tao ang aming masasaktan dahil sa lihim naming pag-iibigan. Pero handa ako, handa ako sa mga susunod pang mangyayari.