Hindi na ako nakatulog matapos ang pangyayari na iyon, nakaupo ako ngayon sa pampang kasama si Marlo. Wala kaming kibuan matapos kong kumawala sa pagkakayakap niya.
"Nakakakita ka rin pala?" Tanong ko rito habang nakatanaw sa malawak na karagatan.
"Simula bata pa lang ako, siguro iyon din ang dahilan para maging mapili ako sa pakikipag-usap sa kahit kanino," paliwanag nito na hindi ko na binigyan pa ng kibo.
"Binalaan din kasi ako ni tiyo na huwag maging malapit sa kahit kanino, dahil hindi lahat ng taong nakakasalamuha natin ay totoong tao." Dahan-dahan akong napatingin sa kaniya na ngayon ay nakatingin sa akin.
"Pinatay ng mga engkanto ang mga magulang ko." Kita ko sa mga mata nito ang namumuong luha.
"At ngayon balak nilang isama ang kapatid ko na si Sarmayah," dagdag nito na mabilis iniwas ang tingin sa akin. Ang tinutukoy ba niya na Sarmayah ay iyong batang babae na nakita namin noon sa bahay nila mang Karding?
"Ipinangako ko sa sarili ko na kahit anong mangyari walang ng tao pa na malapit sa akin ang makukuha nila." Sa puntong ito ako naman ang umiwas ng tingin kay Marlo, may hindi ako maipaliwanag sa mga tingin niya sa akin.
"Alam ko na isa ka sa mga gusto nila, pero 'wag kang mag-alala dahil hindi nila magagawa iyon hanggat andito ako."
Biglang bumilis ang t***k ng puso ko at libo-libong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buo kong katawan patapos hawakan ni Marlo ang kamay ko. Mali. Mali itong ginagawa mo Marlo, alam kong hindi ito ang nais mong iparating sa akin, mali ang nararamdaman ko.
Ninais kong ipagtabuyan siya pero hindi ko magawa. Hindi ko kaya, pero kailangan, kailangan ko itong gawin para kay Yuna.
"Mal–" Hindi na ako natapos magsalita ng may isang malakas na sigaw ang pumukaw sa lahat at agad kaming napatayo. Nakita rin namin ang paglabas ng mga kasama namin sa loob ng tent.
Tumakbo kami palapit sa kanila.
"S-si Yuna, wala." Gulat akong napatingin kay Angie at agad na tumingin sa loob ng tent, wala nga siya rito. Umayos ako ng tayo, mabilis ang t***k ng puso at aligaga.
"Yuna!" Sigaw ko habang tumatakbo papasok sa kakahuyan, pinigilan pa ako ni Gabbi pero mabilis ko siyang hanawi.
Hindi kaya nakita niya kaming nag-uusap ni Marlo at inisip niya na may namamagitan sa amin? Hindi makakaya ng konsensya ko na mapahamak siya ng dahil sa akin.
Madilim ang paligid at sad'yang masukal, pero pilit ko pa ring hinahanap si Yuna sa loob, alam kong andito lang siya.
Takot ako sa ganitong lugar, hindi pa rin maalis sa isip ko ang nangyari dati.
"Yuna!" Mangiyak-ngiyak kong sigaw, masakit ang mga kahoy na humaharang sa dinaraanan ko. Alam kong may mga sugat na ako dahil ramdam ko ang paghahapdi nito.
"Yu–sino ka?" Napaatras ako ng makarinig ako ng isang kaluskos, alam kong malayo ako sa mga kasama ko at hindi ko na rin matandaan ang daan pabalik. Ang alam ko lang ay kailangan ko mahanap si Yuna.
Lumalakas pa ang kaluskos at naririnig ko din ang paghikbi nito.
"Y-Yuna." Agad akong napatakbo sa kaniya nang muntik na itong matumba.
"A-ayos ka lang ba?" Nanginginig kong tanong dito, wala siyang naging sagot kung hindi ang iyak. Madilim ang paligid kaya hindi kami makagalaw ng maayos.
Inupo ko siya at isinandal sa isang puno. Hinagod ko ang likod niya dahil alam kong iyon lang ang kaya kong gawin sa ngayon.
"B-bakit mo inaagaw si Marlo?" Hirap na pagsasalita nito. Nakita nga niya kami kanina.
"Hindi ko siya inaagaw sa 'yo, sa katunayan kaya kami magkausap dahil..." Napapikit ako bago nagsalita ulit.
"G-gusto niyang tulungan ko siya para umamin sa 'yo." Isang mabigat na paghinga ang binitawan ko. Sorry sa pagsisinungaling ko Marlo, pero makabubuti ito para sa inyo.
"T-talaga? Sorry Caralina kung pinag-isipan kita ng masama." Nagulat ako sa pagkakayakap sa akin ni Yuna, ramdam ko ang pagpatak ng mga luha nito. Hindi ko kayang saktan ang tao na ito, hindi ko man siya nakasama ng matagal sapat ng itinuring niya akong kaibigan.
Pinakalma ko muna si Yuna bago kami naglakad ulit, hindi ko alam kung saan kami dadalhin ng mga paa namin pero kailangan namin makabalik. Hinang-hina na rin ako, gustong-gusto ko ng uminom ng tubig.
Sabay kaming bumagsak ni Yuna matapos naming madaanan ang isang malaking ugat ng puno. Hinang-hina na ako. Habol na rin ako sa aking hininga, tumingin pa ako kay Yuna na nakanga-nga at hinahabol ang hininga, napalunok pa ito bago ibinaling sa akin ang paningin.
"S-sagutin mo na s-si Gabbi." Hinang tugon nito.
"Sshh...wag ka na munang magsalita, manghihina ka lalo," sita ko rito, hindi ko na kaya pang tumayo. Lumalabo na rin ang panigin ko.
"Para mapanatag n-na rin ako." Huling salitang sinabi niya bago tuluyang magdilim ang paningin ko.
Dahal dahan kong iminulat ang mga mata ko, nakakasilaw na liwanag.
"Caralina!" Rinig kong sigaw ni Gabbi.
"Ayos ka lang ba? May masakit ba sa 'yo?" Umiling ako bilang sagot. Inalalayan niya naman ako sa pag-upo.
Andito pa rin kami sa beach.
"Kahit kailan talaga, pinapakaba mo kami." Mangiyak-ngiyak na wika ni Angie, tinawanan ko naman ito.
Oo nga pala si Yuna.
"Asan si Yuna?" Mahina kong tanong.
"Nasa kabila, inaalagaan ni Marlo at Chanchan." Napapikit naman ako sa sagot ni Gino, mabuti na lang talaga at ayos na siya.
Inayos na nila Gino at Angie ang mga gamit, napaaga ang uwi namin ngayon na dapat ay bukas pa.
Tinitigan ko naman si Gabbi na abala sa paggamot sa mga galos ko sa binti.
Bakit nga ba hindi ko bigyan ng chance ang tao na ito? Mukhang hindi naman siya mahirap mahalin. Maganda naman ng intensyon niya sa akin at alam ko na kaya niya rin akong protektahan.
"B-bakit ganiyan ka tumingin sa akin?" Bahagya naman akong natawa sa reaction ng mukha niya.
Kumawala muna ako ng malalim na paghinga bago ako nagsalita.
"Sinasagot na kita Gabbi."
Sinalubong ako ng malawak nitong ngiti at agad akong sinunggaban ng mahigpit na yakap. Hindi ko maramdaman iyong kuryente na hinahanap ko, maging pagwawala ng puso ko. Matututunan ko rin itong mahalin balang araw.
Mahigpit pa rin ang pagkakayakap sa akin ni Gabbi nang makita ko si Marlo na nasa gilid, poker face lang ito pero alam kong matatalim ang mga tingin nito sa akin na siyang sumusugat sa puso ko.
"Mahal kita," sambit ko na kay Marlo nakatingin.
"Mahal din kita Caralina." Masigasig na tugon ni Gabbi.
Alam kong mali itong ginagawa ko. Alam kong masasaktan lang kita Gabbi, lalo na kapag nalaman mong hindi talaga ikaw ang mahal ko.
Tahimik kami pareho ni Marlo, si Yuna mukhang masaya dahil napagbigyan ko siya. Si Chanchan naman nagtatampo raw siya sa akin dahil bet niya si Gabbi.
Buong byahe naka-akbay sa akin si Gabbi. Hindi ko rin naman ito gusto pero para sa kapanatagan ng loob ni Yuna ay ginawa ko.
Ayoko na may masama siyang gawin sa sarili niya, pinayuhan ko rin si Gabbi na 'wag muna namin ipaalam kila lola dahil alam kong malalagot ako. Kabilin-bilinan nila na bawal akong magmahal, kahit hindi ko naman talaga mahal si Gabbi.
Pagbaba pa lang namin sinalubong na kami ni lolo, pero napansin ko na may kasama siya kaya tinitigan ko pang maigi. Kumurap pa ng halos limang beses bago napagtanto na si papa ang kasama niya.
Agad akong tumakbo patungo sa kanila at agad na dinamba ng yakap si papa. Andito na pala sila, sabagay sa makalawa na ang pasko.
Saglit akong nagpaalam kay Gabbi, Yuna at Marlo bago sumama kila lolo. Halata sa mukha ni Gabbi ang saya, kabaligtaran naman ito ng mukha ni Marlo.
Matapos naming makauwi nagmadali na akong pumasok sa loob at nakita si mama na kasama si lola na nagluluto, agad akong tumakbo at niyakap din ito.
Grabe miss na miss ko na talaga sila, ilang linggo pa lang ako rito pero grabe na ang pagka-miss ko sa kanila.
"Kumusta naman ang pamamalagi mo rito?" Masayang tanong ni mama.
"Ayos naman po." Nagthumbs-up ako at bumaba ang tingin niya sa bracelet na suot ko. Hindi na maalis ang mata niya rito.
May alam din kaya sila sa lahat? Imposibleng wala dahil anak nila ako.
Eto na ba iyong palagi nilang sinasabi na lahat ng katanungan ay may panahon para sa kasagutan? Ito ba? Ito na ba ang panahon?