KARA
"Para po, manong."
Kaagad na akong bumaba pagkahinto ng tricycle.
Two weeks na ang nakalipas simula nang interview ko, at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ako sa tawag nila.
Kaka-graduate ko lang ng College. Business Administration ang course ko. Ito ang course na pinakuha sa'kin ni Papa. Ang sabi niya, magagamit ko raw ito sa darating na panahon. Hindi ko man maintindihan ang sinabi niya, pero parang ito na ang tamang panahon para magamit ko ang natapos ko.
Hindi ako katalinuhan pero masipag ako. Worth it din ang pinaghirapan nina Mama at Papa para makapagtapos ako. Scholar din ako kaya hindi masyadong mabigat sa kanila ang gastusin.
Kaagad na akong pumasok sa palengke at nagsimulang magtingin ng mga sangkap na bibilhin ko para mamaya sa hapunan.
Natapos ko na ngang bilhin ang mga kailangan ko. Nagdesisyon naman akong maglakad papuntang mall. Hindi kalayuan ang mall sa palengke kaya pwede lang itong lakarin.
Ilang minuto lang akong naglakad. Nakarating din ako sa malawak na yard ng mall, at nakikita ko rito ang naggagarahang mga kotse, halatang mayayaman ang nagmamay-ari.
Pakiramdam ko tuloy ay hindi ako nababagay sa lugar na ito, dahil masyadong ma-class ang mga taong pumapasok dito.
Marami akong nakikita na mga nagsi-sexy-hang mga babae. E, itong suot ko lang naman ngayon ay simpleng white t-shirt at pinarisan ko lang ng bias cut skirt na hanggang tuhod ang haba.
Tumindig pa rin ako, at nag-ayos nang lakad. Baka akalain pa ng mga mata pobreng 'to na ignorante ako, na bagong baba sa bukid dahil sa suot ko. Hindi naman sila ang nagmamay-ari nitong mall at walang nakalagay na 'for rich only' at bawal pumasok ang mahihirap.
Tuluyan na akong pumasok sa entrance ng mall. Bumati kaagad sa akin ang malamig na aircon. Sarap!
Natanaw ko na ang escalator. Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang sa sumakay ako rito.
Palinga-linga akong tumitingin sa itaas kung saan banda ang Stationery Store habang paakyat ang escalator. Nakita ko rin ang store sa bandang unahan ng second floor. Dumiretso na ako doon pagkarating ko sa itaas.
Bibili lang naman kasi ako ng notebook at ballpen. Mahilig kase akong magsulat ng diary at mga importanteng bagay na dapat isulat. Naubos ko na rin kasi iyong notebook ko, kaya bibili na ako ng bago.
Baka magtaka kayo kung bakit pumasok pa ako sa mall kung itong notebook lang pala ang pakay ko. Ang totoo niyan ay nag-fefeeling mayaman din ako, Hehe. Gusto ko ring magpalamig dito sa mall, no. Akala ba nila, sila lang ang pwede. Hmp.
Pumasok na rin ako sa store ng makarating ako. Kaagad na kumislap ang mga mata ko sa mga nakikita kong gamit sa loob ng store.
Ang daming notebooks na iba-iba ang book cover design! Mga ballpen na halatang mamahalin, mga craft supplies, art supplies at marami pang iba.
Marami pang nakaka-akit na mga bagay, kaso wala akong pambili. Mahal, e. Naka-budget lang ang pera ko.
Nagtingin na ako ng notebook. Kaagad kong kinuha iyong natipuhan ko. Medyo may kamahalan siya dahil makapal at malaki ito. Pasok naman siya sa budget kong four hundred. Mamumulubi ako nito! Huhu.
Si Mama ang nagbigay sa akin ng budget na ito. Bilhin ko raw iyong malaki na notebook para matagal maubos. Pero mahal naman. Ayaw ko nga sanang tanggapin, kaso magagalit naman siya. Ako na yata itong mahirap na maluho.
Ano ba 'yan. Hindi naman pwedeng hindi ko ito bilhin. Magtatanong si Mama. Sige na nga lang, may budget din namang binigay si Mama para sa mga kapatid ko. May extra na naman yatang raket si Mama kaya nagkapera siya.
Tumingin na rin ako ng mga ballpen. Napanganga na lang ako nang matingnan ko ang price ng mga ito. Ano 'to, hindi nauubusan ng tinta? Ang mahal naman! 'Di bale, doon na lang ako sa'min bibili, mas mura pa.
Mabilis na akong lumapit sa counter para bayaran ang notebook. Inilapag ko ito sa counter at bahagyang ngumiti sa cashier. Ngunit nangunot naman ang noo ko sa naging reaksyon ng babaeng cashier na nasa loob ng counter.
Tinaasan lang naman ako ng kilay nitong babaeng cashier na may sobrang kapal na kilay.
Tinatarayan pa ako!
"'Yan ang bibilhin mo?" tanong niya sa tinig na parang hindi ako makakabayad sa notebook.
"Oo, may problema ba?" Pagtataray ko naman pabalik sa kanya. Akala mo yata uurungan ko 'yang kamalditahan mo.
Mabilis niya itong kinuha at tinignan ang price.
"Three hundred thirty-five pesos," sabi niya.
Inabot ko sa kanya ang one thousand-pesos. Nakita ko naman ang pagkagulat niya.
Akala ba talaga ng babaeng 'to na wala akong perang dala? Mas mata pobre pa yata ang mga feelingerang empleyado rito kesa sa mayayaman na pumupunta rito, e.
"Oh, ito na."
Inabot niya na sa'kin ang sukli. Pero nagulat naman ako nang i-abot lang din niya sa'kin ang notebook.
"Bakit inabot mo lang sa'kin 'to? Wala ba kayong paper bag? "
"Mahal ang paper bag. At isa pa, isa lang naman 'yang binili mo. Bitbitin mo na lang 'yan." Patuloy pa rin ang pagtataray niya sa'kin.
Bigla na lamang sumaka ang dugo sa aking ulo at kumulo ito dahil sa sinabi nang bumubukal na bibig ng babaeng ito.
"Bibigyan mo ba ako ng paper bag o ihahampas ko sa pagmumukha mo itong makapal na notebook na hawak ko!?" pagbabanta ko sa kanya. I had enough. Kanina pa niya ako minamaliit dahil sa pagtataray niya sa akin. Tapos ngayon, pinalala pa niya!
At ano pa 'yong sabi niya? Mahal ang paper bag? E-libre lang 'yon, ah! Naku, babae ka, may regla pa naman ako ngayon, umayos ka.
Bigla siyang namutla. Kaagad naman naming nakuha ang atensyon ng mga taong nasa loob ng store. Kaagad niya akong binigyan ng paper bag. Marahas ko naman itong kinuha sa kanya at inilagay ko kaagad ang notebook sa loob.
Mabilis na akong tumalikod. Mata pobreng babae. Akala mo kung sino.
"Eskandalosa."
Bago pa ako nakalabas ng store ay narinig ko pa talaga iyong sinabi niya kahit mahina iyong boses niya, na akala niya yatang hindi ko maririnig!
Nilingon ko siyang muli at tiningnan ng masama. Kaagad ko siyang pinanlakihan ng mata bago nagdesisyong umalis ng tuluyan sa store.
Panira ng araw.
***
Naglalakad na ako sa open hallway balcony rito sa second floor. Tanaw ko ang baba, at sa unahan naman ay nakikita ko roon ang escalator na kaninang sinakyan ko papunta rito. Sa unahan naman, sa gilid, may escalator din doon na papunta namang third floor.
Napahinga ako ng malalim. Hanggang ngayon ay nanggigigil pa rin ako sa cashier na iyon. Sana naman ay wala na akong ma-enkwentro na katulad niya.
Pupunta pa akong groceries store, sa baba, para naman may pasalubong ako sa mga magaganda kong kapatid. Mamayang alas kuwatro ay nasa bahay na rin sila. Nasa school pa kasi sila ngayon.
Pinagsawaan kong tingnan ang buong paligid habang naglalakad sa malawak na daan. Minsan lang akong nakakapasok dito, kaya susulitin ko na.
Bahagya namang nangunot ang aking noo ng maagaw ng aking pansin ang tila pinagkakaguluhan sa ibaba.
May mga nagpapacute, nagtitilihang mga kababaihan at nagpi-picture roon. May lumapit ng mga security guard, at humawi rin ang mga nagkumpulang tao roon. Unti-unti ko namang nasilayan ang mga taong pinagkakaguluhan sa baba.
F4? F4 ng pinas? Artista ba sila? Apat silang mga lalaki at nagpapacute sa mga kababaihan. Kumakaway ang dalawa sa kanila at nag-flying kiss pa! Kaya naman ay lalong nakukuryente sa kilig ang mga kababaihan doon.
Mga fuckboy na F4 naman pala, kaya sobrang kinikilig ang mga kadalagahan. May matatanda pa ngang sumasali. Para tuloy silang mga bulate.
Dahan-dahan na ang aking paghakbang habang nasa baba pa rin ang aking paningin. Kahit malayo ako, sinuri ko naman silang apat, isa-isa, ng mabuti.
Mga may itsura nga naman. Kaya naman pala. Mga model yata sila.
Maya-maya'y napahinto at nangunot ang noo ko sa ika-apat na lalaking sinuri ko.
Parang familiar siya sa'kin..... Teka, siya yata ang gwapong lalaki sa bus, ah. Si Nash? Siya nga, si Kuya Nash!
"Aray!" Napadaing ako nang bigla na lamang akong humandusay sa sahig.
"Ouch." May narinig din akong boses ng lalaki na dumaing.
Medyo nahilo ako sa pagkabagsak ko sa sahig, pero nakabawi rin. Nagsimula namang uminit ang ulo ko.
"Ano ba?! Tumingin ka nga sa dinadaanan mo!" galit kong sigaw.
"Tumingin ka rin sa dinadaanan mo, miss," sagot ng lalaki.
Natigilan naman ako sa kalmadong boses nito. Ramdam ko ang pagtayo ng lalaki, pero hindi ko pa nasilayan ang kanyang mukha dahil hindi ko pa ito tiningnan.
Pero napahinto naman ako at napatitig sa kamay na ngayo'y nakalahad na sa aking harapan. Bigla akong napa-angat ng tingin at natulala na lang sa aking nabungaran.
Isang maputi at makisig na lalaki ang naglahad sa akin ng kanyang kamay. Ang tangos pa ng kanyang ilong! Ang ganda ng mga mata. Ang pogi!
Hindi ko namalayan na napatitig na pala ako sa lalaki. Nginitian niya ako. Bahagya na rin akong gumanti ng ngiti sa kanya.
Hindi ko alam, bigla na lamang akong kumalma dahil sa ngiti at presensya niya.
Kumapit na ako sa kanyang kamay at tumayo.
"I'm sorry, miss. Hindi kasi kita nakita. Ang liit mo kasi," pilyo niyang saad habang nakangiti. Binitawan din niya ang kamay ko.
Napasimangot naman ako sa sinabi niya. Oo, matangkad nga siya, parang 5'9 or 5'10 yata siya. 5'4 lang naman ako.
"Pasensya ka na rin, hindi ako tumitingin sa dinadaanan ko," paghingi ko ng pasensya habang nagpapaspas ng damit bago muling tumitig at ngumiti sa kanya.
"Naagaw siguro ang atensyon mo sa baba. By the way, I'm Richie, and you are?" Naglahad ulit siya ng kamay.
"Kara." Malugod ko namang tinanggap ulit ang kanyang palad, at binitawan din ito.
Naalala ko naman bigla, nag-iinarte pa akong magpakilala kay kuya Nash noon, pero sa lalaking kaharap ko ngayon ay walang pag-alinlangan akong nagpakilala. Hays, iba kasi ang lalaking 'yon, e!
Bahagya akong napayuko at nakaramdam ng hiya ng titigan niya ako.
"May kamukha ka, Kara," aniya na siyang nakaagaw ng atensyon ko.
"Talaga po?"
"Yes, kamukha mo ang Grandma Tasha ko." Nginitian niya ako.
Napasimangot naman ulit ako sa sinabi niya. Ano raw? Lola niya? Mukha na ba talaga akong matanda?
Mahina siyang natawa dahil siguro sa nakita niyang reaksyon ko. Niloloko naman ako nito.
"What I mean is, kamukha mo siya noong kadalagahan pa niya. But she's still very beautiful naman kahit matanda na siya ngayon. You just reminded me of her youth. Nakikita ko kasi sa old pictures niya," paliwanag niya sabay wink sa'kin.
Napatango-tango naman ako, at napangiwi. Noong kabataan naman pala.
"Gano'n ba," tanging sagot ko.
Luminga ulit ako sa paligid. Muli akong nagbaba ng tingin sa first floor at hinanap si Kuya Nash. Ngunit kaagad namang namilog ang mga mata ko nang makita ko siyang nakatitig na sa'kin sa madilim na anyo!
Bigla na lamang tumibok ng malakas ang puso ko. Naaalala pa niya ako?
"Ahh, Richie, Kuya...mauna na ako ha," natataranta kong paalam.
"Huh?..hmm, sure."
Hindi ko na siya pinansin dahil ang paningin ko ay nasa lalaking pa-akyat na rito sa second floor habang pabalik-balik ng tingin sa akin.
Wala sa sarili akong napatakbo nang mabilis hanggang sa makalayo at makapagtago, dahil pakiramdam ko ay may kasalanan akong nagawa sa kanya kahit wala naman talaga!
Tsk! Bakit ba ako nagtatago sa lalaking 'yon?! hays!