6

1799 Words
Magalit ka Diana, magalit ka! Paulit ulit na paalala ni Diana sa sarili habang walang sawa niyang kinakagat ang mga kuko niya sa daliri. Palakad lakad pa siya at kulang na lang ay tumalon na siya sa rooftop ng main building para matakasan ang kahihiyan na sinapit niya. Nang marinig niya ang malakas na pag ungol ni Connor ay hindi makapaniwalang nilingon niya ito. Bumangon ang matinding inis sa dibdib niya nang mapansin na sarap na sarap ito sa pagkain ng dala niyang cookies. Panay ang nguya nito habang siya ay halos hindi na magkandatuto dahil sa nangyari kanina. Pagkatapos siyang halikan ni Connor sa parking lot ng campus ay umiiyak naman na tumakbo ang babaeng humahabol dito. Nang pakawalan siya nito ay inakala niya na aalis na ito pero nagkamali siya nang sapantaha. Hinila siya nito patungo sa rooftop ng campus nila dahil natatakot daw itong bumalik si Denice at magtawag ng mga kasama at sugurin siya. May konsensiya naman pala ang kumag! napairap siya at nakataas ang isang kilay na nilapitan si Connor. "Masarap ba ha, masarap ba?" naniningkit ang mga matang tanong niya dito. Sumulyap ito sa kaniya habang hawak pa rin nito ang food container na dala niya kanina. "Ang alin? Itong cookies o ang mga labi mo?" mababakas ang pagkaaliw sa mga mata na tanong nito. Daddy! iuwi mo na si Ate! ayoko naaaaa! Ngayon ay parang gusto na niyang pagsisihan ang pagpayag sa pakiusap ng ama. Sa palagay niya ay hindi niya kayang makasama si Connor sa loob ng isang oras. Baka matuyuan siya ng dugo dahil sa sobrang inis. "Walanghiya! Magnanakaw ng first kiss.." nagsisikip ang dibdib na mahinang sabi niya. "Pardon?" nakakunot ang noo na tanong nito sa kaniya. Pinukol niya ito ng matalim na tingin bago niya ito tinalikuran. Ibinaling niya ang pansin sa ibaba ng rooftop building kung saan natatanaw niya ang malawak na basketball court ng campus. "Parang may narinig ako kanina eh, tungkol sa first kiss?" Walanghiya talaga! pakiramdam niya ay nanlamig ang buong katawan niya nang marinig ang tinig nito sa bandang likuran niya. Hindi niya namalayan ang paglapit nito kaya ganoon na lamang ang pagkagulat niya. Awtomatikong niyakap niya ang sarili at napahinga siya ng malalim para punuin ng hangin ang nagsisikip na dibdib niya. "W-wala nga!" bulyaw niya sa lalaki. Kahit siguro magunaw pa ang mundo ay hinding hindi niya aaminin kay Connor na ito ang first kiss niya. Wala na rin siyang magagawa pa kahit umatungal pa siya ng malakas sa harap ng lalaki. Kailangan na niyang maisagawa ang misyon niya para mapasaya niya ang mga magulang niya. "Okay," kibit balikat naman na tugon nito. Nang pumihit siya at humarap sa direksiyon nito ay nakita niya na abala pa rin ito sa pagkain ng mga cookies na siya mismo ang gumawa. Pinigilan niya ang mapangiti nang mapansin ang katuwaan sa maamong mukha ni Connor. Animo ay may higanteng tambol ang binabayo ng malakas sa loob ng katawan niya. Kahit marahil ipagluto pa niya ng masasarap na pagkain ang buong baranggay ay hindi niyon mapapantayan ang kakaibang emosyon na bumabalot sa kaniya ngayon habang pinagmamasdan ang masiglang pagkain ng binata sa mga cookies. Nang maubos na ang cookies ay nag angat na ng tingin sa kaniya si Connor. Parang yelo na unti unting natunaw ang puso niya nang mapansin na nakatutok sa kaniya ang kulay tsokolateng mga mata nito. "Y-yes?" natitigilang tanong niya. Inayos niya ang suot na salamin dahil sa labis na pagkailang. Hindi niya mapigilan ang sarili na pagmasdan si Connor. Mula sa black poloshirt, skinny jeans at mamahaling rubber shoes na suot nito ay naghuhumiyaw ang katotohanan na nagmula ito sa isang mayamang angkan. Pero hindi ang porma nito ang unang mapapansin dito kundi ang pisikal na hitsura nito. Kahit mayabang ang tingin niya kay Connor ay hindi niya maitatanggi na napakagwapo nito. Tipong boy next door ang dating kaya maraming babae ang nahuhumaling dito. Dahil may dugong Australyano ang ama ay hindi na nakapagtataka ang maputi at mamula mulang kutis ng binata. Matangos ang ilong nito na animo ay inukit ng isang magaling na iskultor. Kasing kulay ng kalangitan sa gabi ang bawat hibla ng buhok ni Connor at mas lalo pa iyon nakadagdag sa s*x appeal na taglay nito. "Satisfied?" "Huh?" awtomatikong namula ang mga pisngi niya nang matuklasan ang pagkaaliw sa gwapong mukha ni Connor. Mabilis pa sa alas kuwatrong nag iwas siya ng tingin para itago ang pagkapahiya. "Bakit mo nga pala ako hinahabol kanina?" tanong nito. Nang maalala ang sadya niya sa binata ay agad na kumabog ang dibdib niya. Kailangan na niyang mapapayag si Connor na maging kaibigan siya nito. O kahit nga hindi na sila umabot pa sa puntong iyon, ang importante lang naman ay makasama niya ito ng madalas at mabantayan ang bawat kilos nito. Hindi niya pwedeng hayaan na malapitan ito ng ibang babae habang wala pa ang ate Hasmine niya. "Nagbaked kasi ako ng cookies, may nakapagsabi sa akin na paborito mo daw iyon kaya nagdala ako para sa'yo." pagdadahilan niya. Saglit na natigilan ito at nakaawang ang mga labi na pinagmasdan siya. Kahit hindi ito nagsasalita ay hindi maikakaila ng mga mata nito na napakarami nitong gustong sabihin. Kumabog ang dibdib niya habang hinihintay itong magsalita. Ano ka ba Diana! Hinihintay mo ba na sabihin niya sa'yo na masarap ang ginawa mong cookies? saway niya sa sarili. Tumango lang si Connor at humakbang palapit sa kaniya. Iniabot nito sa kaniya ang food container at tahimik na kinuha naman niya iyon mula dito. "Well...thanks," kibit balikat na turan nito. Nadismaya man ay pilit na itinago niya iyon sa lalaki. Narinig niyang tumunog ang cellphone nito pero hindi naman nito sinagot ang tawag. Lumitaw ang matinding iritasyon sa mukha ng binata at malakas na napapalatak. Nang makatanggap naman ito ng text message ay napilitan itong basahin iyon. Animo ay may tumayong antenna sa ibabaw ng ulo niya at bahagya siyang lumapit kay Connor. Naramdaman niya ang pag umpugan ng mga ulo nilang dalawa pero hindi niya ininda iyon. Nagyuko lang siya ng ulo at tiningnan ang mensahe sa screen ng cellphone nito. Babe, where are you? akala ko ba lalabas tayo today? Anyway, nabanggit ko na sa mommy ko ang tungkol sa paghahanap ng lolo mo ng magiging fiancée mo. Payag siya na magpakasal tayo pagkagraduate natin. What? malakas na napasinghap siya nang pitikin ni Connor ang noo niya. "Ouch!" gulat na hinagod niya ng kamay ang noo at bahagyang lumayo sa lalaki. "Sino ang may sabi sa'yo na pwede kang magbasa ng text ng ibang tao ha?" naniningkit ang mga matang tanong nito. Napakagat labi siya. Wala na siyang pakialam pa kung magalit ito sa pagiging usisera niya. Ang importante ay natuklasan niya na totoo ang sinabi ng kaniyang ina na maraming babae ang maaaring pumalit sa posisyon ng ate Hasmine niya. Hindi ako papayag! mariing nasabi niya sa sarili. Base sa mga impormasyon na nakalap niya ay wala naman naging seryosong relasyon si Connor dahil ayaw nito ng commitment. Panay pakikipagfling lang ang ginagawa nito at ang mga babae pa ang mismong naghahabol dito. Nang ianunsiyo ni Federico Campbell na nais na nitong ihanap ng magiging fiancée ang limang apo ay mas lalo pang pinagkaguluhan si Connor. Isang kumikinang na diyamante ang tingin dito ng mga kababaihan dahil maliban sa napakagwapo ay nabibilang pa ito sa mayamang angkan. Kailangan ko na talaga sigurong higpitan ang pagbabantay sa isang ito bago pa tuluyang mawala ang tiwala sa akin ni daddy. Napahinga siya ng malalim sa naisip. Hindi man siya masaya sa misyon na ibinigay sa kaniya ng ama ay kailangan niyang magawa nang maayos iyon para maipakita dito na pwede rin siyang mapagkatiwalaan. "Alam mo, Miss-" "Diana ang pangalan ko," "O-okay! hindi ko pa rin mapapalampas ang ginawa sa akin ng kapatid mo." "Sabi ko naman sa'yo na wala ngayon sa Pilipinas ang kapatid ko. At isa pa, hindi pa naman naisasagawa ang pormal na pag aanunsiyo ng mga pamilya natin tungkol sa pagpapakasal ninyong dalawa." giit niya. Dahil nagkaroon nang problema ang isang kompanya ng mga Campbell ay kinailangang umalis ng bansa ng mga magulang ni Connor para maasikaso iyon. Kaya maliban sa mga pamilya nila ay wala pang nakakaalam na ang kapatid niya ang napili bilang fiancée nito. "Kung wala ang kapatid mo, bakit panay pa rin ang buntot mo sa akin?" magkasalubong ang kilay na tanong nito sa kaniya. Nawalan siya ng imik at pilit na naghanap siya nang maidadahilan. Sh~t! nakita ba siya nito sa loob ng ilan araw na pabalik balik siya sa main building ng campus nila para lang makakuha siya ng impormasyon tungkol dito? Malakas na tumikhim siya nang bigla ay magkaroon ng bara sa lalamunan niya. "K-kasi nga...magiging magkamag anak na tayo, hayun!" nakahinga siya ng maluwag dahil sa naisip niyang alibi. "Magiging hipag mo naman ako kaya dapat lang na bantayan-ahhh-dalawin kita rito sa main building kapag hindi ako busy." Isang nagdududang tingin ang ipinukol nito sa kaniya. "Really?" "Y-yes," mahinang tugon niya. "Hindi ako naniniwala sa'yo," nakataas ang isang sulok ng mga labi na sabi nito at tinalikuran siya. Nataranta na siya nang maglakad ito palayo sa kaniya. Pakiramdam niya ay mabibigo na naman siyang makalapit sa binata kaya mabilis na tinakbo niya ang mga pagitan nila. "Connor, sandali!" habol niya dito. Hindi siya nito pinansin at patuloy lang sa paglalakad. Malapit na ito sa unang baytang ng hagdan. Dala marahil ng labis na pagkatuliro niya ay kusang bumuka ang mga labi niya at malakas na nagsalita siya. "Kung papayag kang makipagkaibigan sa akin, ipagluluto kita araw-araw. Itataboy ko ang mga babaeng nagpapacute sa'yo para matahimik na ang buhay mo. Para wala nang humabol habol pa sa'yo kahit saan ka magpunta. Isa lang naman ang gusto ko, ang hayaan mo akong makalapit sa'yo at maging kaibigan ka!" malakas na sigaw niya. Please say yes.. please.. please.. piping dalangin niya. Naipikit niya ang mga mata pagkatapos niyang sabihin iyon. Naubos na marahil ang lahat ng enerhiya niya sa katawan dahil sa pagsigaw niya. Nang dahan dahan niyang imulat ang mga mata ay tumambad sa kaniya ang pagtatanong at pagkalito sa mga mata ni Connor. Sa pagkagulat niya ay agad na napalitan nang pagkaaliw ang reaksiyon nito kanina. "Deal," sagot nito. Animo ay bumulusok pababa mula sa mataas na building ang puso niya nang marinig ang sinabi nito. "T-talaga?" "Yup," "Oh my God! deal? As in sure? payag ka ng maging friends tayo? for real?" Gulat na pinagmasdan niya ang perpekto at magandang pares ng mga mata ng binata. Pumitlag ang puso niya nang masilayan ang tila bituin na pagkinang ng mga mata nito. Huminga siya ng malalim para kalmahin kahit papaano ang sarili. Relax lang, Diana Shane.. wala ka pa sa kalagitnaan ng misyon mo. Itataboy mo pa ang mga chicks niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD