Walang sino man ang maaaring tumanggi sa luto niya, iyon ang paniniwala ni Diana. Siguro nga ay hindi siya kagaya ni Hasmine na perpekto sa mata ng lahat, pero may isang bagay naman siya na maipagmamalaki. Masarap siyang magluto at iyon ang talentong namana niya sa namayapa niyang lola.
Kaya hayun siya ngayon, bitbit ang maliit at transparent na food container habang naglalakad siya sa mahabang lobby ng main building. Sa kabilang building pa siya kaya kailangan niyang tumawid kung gusto niyang makausap si Connor.
Napansin niya ang pagtataka ng ibang estudyante nang mapansin ng mga ito ang bitbit niya. Nagkibit balikat lang siya at itinuloy ang paglalakad. Pagkatapos siyang masermunan ng daddy niya dahil sa palpak na unang pagkikita nila ni Connor ay mas naging determinado pa siya na mapaamo ang binata.
Hindi siya natatakot na maghirap o maubos ang yaman nila. Ang gusto lang naman niya ay matulungan ang mga magulang niya at mapansin na siya ng mga ito. Dati kasi ay lumilipas ang buong araw na hindi siya kinakausap ng daddy niya. Ngayon ay nagbago na nag ihip ng hangin dahil inaalam na nito ang bawat lakad niya magmula ng maglayas ang ate Hasmine niya.
Really, Diana Shane.. dapat ka ba talagang matuwa na ikaw na ang nakikita ng mga magulang mo ngayon? pasarkastikong sabi niya sa sarili.
Namataan niya ang isang matangkad na lalaki na lumabas sa isang silid at nagpasiya siya na magtanong dito.
"Excuse me."
"Yes?" tanong nito.
"Ah, pumasok ba ngayon si Connor?" nag aalangan naman na tanong niya.
Nalaman niya na kilala pala sa buong campus ang binata. Para sa isang kagaya niya na tanging sa libro lang nakatuon ang buong atensiyon ay hindi na nakapagtataka na hindi niya ito kilala. Hindi kasi siya kagaya ng ibang mayayaman niyang kaklase na updated sa mga issue sa campus nila.
Napangisi ang lalaki at sinulyapan siya mula ulo hanggang paa. Bigla ay parang gustong kumulo ng dugo niya. Kung tingnan siya nito ay daig pa niya ang alien na naligaw sa main building ng campus nila.
"Tingnan mo nga naman, kahit ba naman ang mga nerd dito sa university naghahabol pa rin kay Connor." Anang lalaki at napapalatak pa.
"H-ha?" gulat na napalunok si Diana.
Umurong na ang lakas ng loob na inipon niya bago sumugod sa building na iyon. Nalilitong inayos niya ang suot na salamin sa mata at ibinuka ang mga labi para sana magpaliwanag pero may kung anong itinuro ang lalaki mula sa likuran niya.
"Nandoon siya, Miss. Good luck na lang sa'yo." naiiling na sabi ng lalaking kausap niya at iniwan na siya.
Mabilis na nilingon niya ang direksiyon na itinuro nito. Napasinghap siya nang makita si Connor na pababa ng hagdan. Parang may kung anong humahabol dito dahil masyadong mabilis ang pagtakbo nito.
Dahil natatakot siyang mawala ito sa paningin niya ay ihinakbang niya ang mga paa at tumakbo na rin para sundan ang binata.
"Sandali!" hingal kabayo na siya kahit ilan baytang pa lang ng matarik na hagdan ang binabagtas niya.
"Connor, babe! Hintayin mo naman ako, kailangan natin mag usap." ang maarteng sabi ng isang babae mula sa likuran niya. Apat na baytang ang agwat nito sa kaniya.
Kaya pala! napailing siya nang maintindihan ang nangyayari. Hinahabol pala ng babae sa likuran niya si Connor kaya panay naman ang takbo nito para lang makatakas.
"Connor, sandali!" pigil niya sa binata. Dumiretso ito sa parking lot ng campus at nagmamadaling sinundan niya ito. "Sandali!" mahigpit na hinawakan niya ang magkabilang dulo ng dala niyang food container at nilapitan si Connor.
"What?" hinihingal na tanong nito sa kaniya. Naitukod nito ang mga kamay sa katawan ng kotse at nakayukong nagsalita ito. "Anong...anong kailangan mo?"
Napabuntong hininga siya ng wala sa oras. Kahit ubod ng yabang ang tingin niya kay Connor ay parang gusto niyang maawa dito ngayon. Pawisan ito at halatang napagod na sa pagtakbo.
"A-are you okay?" naiilang na tanong niya. Naihampas nito ang isang kamay sa salamin ng sasakyan at tiim bagang hinarap siya.
"Serioulsy, I'm not okay, will you stop following me-s**t!" nanlaki ang mga mata nito at napako ang mga iyon sa bandang likuran niya.
"Connor, honey, hindi ko naman alam na ganitong klase ng laro ang gusto mo. Kung alam ko lang na magpapahabol ka ng ganito ay hindi na sana ako nagsuot pa ng high heels. Pinagod mo ako!" nanunulis ang mga nguso na bungad sa kanila ng maarteng babae nang lumapit ito.
Yay! kung tutuusin ay maganda ang babae na iniiwasan ni Connor kaya hindi niya alam kung bakit kailangan pa nitong pagurin ang sarili sa pagtakbo kanina. Nagpalipat lipat ang tingin niya sa dalawa. Gusto niya nang kumaripas ng takbo at iwan ang mga ito nang mapansin ang pagtaas ng isang kilay ng babae.
"Who is she?" agad na nagliyab sa galit ang mga mata nito nang sulyapan siya.
"I-I.." nalilitong bumaling siya ng tingin kay Connor para humingi ng saklolo dito. Nagtama ang mga mata nila ng binata. Kumabog ang dibdib niya nang makita ang unti unting paglaho ng matinding inis sa mga mata nito.
"She's my girl." seryosong sabi nito. Napasinghap siya at hindi makapaniwalang itinuro niya ang sarili.
"M-me?" tinakasan siya ng kulay dahil sa narinig. Hindi na lang kumakabog ng malakas ang dibdib niya ngayon. Animo ay nagbreakdance na rin ang puso niya dahil sa sinabi ni Connor.
"What? ipinagpalit mo ako sa babaeng baduy na iyan?" sigaw ng babae. Bago pa siya makakilos ay marahang hinila na siya ni Connor at itinago sa likuran nito. Naipikit niya ang mga mata ng dumaloy ang malakas na kuryente sa balat niya nang hawakan nito ang mga kamay niya.
"Sinabi ko naman sa'yo noon pa na hindi ikaw ang gusto ko. At kahit araw-araw mo pa akong kulitin ay imposibleng maging tayo."
"Pero magkaibigan ang mga magulang natin. Kung mayroon man na dapat maging fiancée mo ay ako iyon."
"Pero may girlfriend na ako." giit ni Connor. Pigil pa rin nito ang mga palad niya habang nakatayo siya sa likuran nito.
Heaven.. paulit ulit na naiusal niya ang salitang iyon sa isip dahil sa kakaibang epekto ni Connor sa katawan niya. Sa simpleng paghawak lang nito sa kaniya ay nagagawa nitong guluhin ang buong sistema niya.
"Patunayan mo! hindi ako naniniwalang magkakagusto ka sa isang baduy na kagaya ng babaeng iyan. Patunayan mo!" umiiyak na hamon ng babae kay Connor.
Malakas na napasinghap siya nang pumihit paharap sa kaniya ang binata. Naging mabilis ang mga pangyayari at namalayan niya na naisandal na pala siya nito sa kotse. Itinukod nito ang mga kamay sa salamin at pinagmasdan siya.
Nabitiwan niya ang dala dahil sa labis na pagkabigla. Sinamantala naman ng magaling na lalaki ang naging reaksiyon niya dahil mabilis na nagyuko ito ng ulo at sinakop ang mga labi niya. Pakiramdam niya ay parang lobo na puputok anumang sandali ang ulo niya nang maramdaman ang paghalik ni Connor sa kaniya.
Binalot siya ng hindi maipaliwanag na emosyon dahil sa ginawa nito. At teka nga....bakit ba parang ayaw na niyang matapos pa ang mga sandaling iyon?