Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Diana habang naririnig niya ang mahabang litanya ni Nadine. Kanina pa nagsasalita ang kaibigan niya pero wala naman siyang maintindihan kahit isa man sa mga sinasabi nito.
“Diyos ko naman, Diana! maano ba naman na makinig ka sa mga sinasabi ko,” anang kaibigan niya.
Niyugyog siya nito sa kaliwang balikat para kunin ang atensiyon niya. Matamlay na tumango naman siya at nilingon ito. Dahil walang pasok ay nagpasiya siya na bisitahin ang mga magulang nito. Isang oras pa lang siya sa bahay ni Nadine ay parang gusto na niyang umuwi at magmukmok na lang sa silid niya.
“Girl, may problema ba? ilan araw ka na kasing ganiyan,” nalilitong tanong ni Nadine sa kaniya.
Naroon sila sa sala ng bahay ng mga ito at nagpapalipas ng oras.
“W-wala,” nag iwas siya ng tingin para maitago dito ang kakaibang sakit na sumungaw sa mga mata niya.
“Hindi eh, may problema ka at hindi mo lang sinasabi. At saka bakit ba napapansin ko ilan araw mo nang iniiwasan si Connor. Kaloka ka!”
Malungkot na ngumiti siya kahit pakiramdam niya ay parang binubudburan ng asin ang sugat sa puso niya. Umiling si Nadine at hinawakan ang isang palad niya.
“Sige na, sabihin mo na sa akin kung ano man iyon gumugulo sa isip mo. Kahit naman hindi ako rich na kagaya ninyo, matutulungan pa rin kita sa abot ng makakaya ko.” seryosong turan nito.
Nagkaroon ng bikig sa lalamunan niya dahil sa sinabi ng kaibigan. Malaki ang pasasalamat niya sa Diyos dahil binigyan siya ng isang mapagpamahal at mabuting kaibigan. Kung wala si Nadine ngayon para damayan siya ay hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya.
Saglit lang ay parang malakas na pagbuhos ng ulan na pumatak ang mga luha niya. Nagsisikip ang dibdib na unti unti niyang ipinaliwanag sa kaibigan ang problema niya.
“Mahal ko si Connor,” mapait na anas niya at pilit na ngumiti.
Tumango naman ito at parang inaasahan na ang sinabi niya.
“Matagal ko nang alam iyon, Diana,” sabi naman nito.
Gulat na sumulyap siya sa kaibigan. Ngumiti ito at masuyong tinapik ang kaliwang pisngi niya.
“Wala kang maililihim sa akin, hinihintay ko lang naman na ikaw ang kusang magsabi sa akin nang nararamdaman mo para sa fiancée ng kapatid mo.”
“At sinabi niya na gusto rin niya ako, A-anong gagawin ko? akala ko, okay lang na mahalin ko siya nang palihim. P-pero ngayon na sinabi niya sa akin na....na gusto niya ako, parang gusto ko na siyang agawin sa sarili kong kapatid. Gusto ko na siyang ipagkait sa iba.” hindi niya mapigilan ang mapahagulhol.
Tinakpan niya ng mga palad ang mukha at hinayaan ang sarili na umiyak nang umiyak.
“Ssshhh… magiging okay din ang lahat.” mahigpit na niyakap siya ni Nadine.
Mariing ipinikit niya ang mga mata at umaasa na sa pagmulat niya ay magising siya na isang masamang panaginip lang ang lahat.
Kung hindi niya sinunod ang utos ng daddy niya ay hindi mangyayari ang lahat ng ito. Hindi siya magiging makasarili at hahangarin na agawin si Connor mula sa ate Hasmine niya.
Hindi sana siya nahihirapan ngayon na iwasan ang binata sa tuwing magkikita sila sa campus. At higit sa lahat ay hindi rin sana siya unti unting namamatay sa sobrang sakit sa tuwing makikita niya ang matinding pait at hinanakit sa mga mata ni Connor.
Pagkauwi ng bahay ay ang mommy agad niya ang sumalubong sa kaniya. Nagtataka man dahil sa kakaibang sigla nito ay hindi na niya binigyan pansin pa iyon. Matamlay na humalik siya sa pisngi ng mommy niya at akmang tatalikuran na ito para pumanhik sa silid niya nang marinig niya itong magsalita.
“Diana, anak, may sorpresa kami sa'yo ng daddy mo,” masiglang sabi nito.
Napilitan siyang ngumiti sa ina at nagsalita.
“Ano iyon, mommy?”
“Nandito na ulit ang ate Hasmine mo, hindi ka na mahihirapan sa misyon na gustong ipagawa sa'yo ng daddy mo.” lumapit sa kaniya ang mommy niya at mahigpit na niyakap siya. “Kompleto na ulit tayo, anak.”
“M-mom.....”
Parang higanteng bato na nadurog at nagkapira-piraso ang puso niya. Parang malakas na bombang sumabog sa harap niya ang sinabi ng ina. Ibinuka niya ang mga labi pero walang kahit anong salita ang nanulas mula sa kaniya.
“Hey, little sister! I’m back!” ang malamyos na tinig ni Hasmine ang bumalot sa malaking sala ng mansiyon nila.
Nang lingunin niya ito ay nakita niya itong pababa ng mahabang hagdan. Nagmistula itong diyosa habang elegante ang bawat kilos na binabagtas nito ang bawat baytang ng hagdan. Lihim na nahiling niya na sana ay bumuka na lang bigla ang lupa at lamunin na siya ng buo ng mga oras na iyon.
Ngayon na bumalik na ang babaeng itinakda para pakasalan ni Connor ay hahayaan na lang ba niya na mawala ito sa kaniya?