12

1640 Words
“Sigurado ka ba talaga, girl?” Mahinang napaungol si Diana nang marinig ang matinding pagtutol sa tinig Nadine. Hindi pa ito nakontento dahil hinila pa siya nito sa isang sulok ng maliit na silid na kinaroroonan nila. “Bakit naman hindi?” naitirik niya ang mga mata nang pumalatak ang kaibigan niya. Simula kaninang dumating sila ni Connor sa pagdarausan ng birthday party ay hindi na mapakali si Nadine. Sinulyapan niya si Connor habang nilalagyan ito ng makapal na makep up sa mukha ng kasama nilang si Menchie. Hindi naman ito nagreklamo kahit sinabi niya na isang clown ang magiging papel nito sa party na iyon. Dahil nagpumilit ang binata na bayaran ang mga librong binili niya na nagkakahalaga ng mahigit limang libo ay hindi na tuloy siya matahimik. Alam niyang maliit na halaga lang iyon para dito pero hindi niya ugali na tumanggap ng kahit ano mula sa ibang tao. Pinilit niyang ibalik ang pera pero mariin na tinanggihan naman iyon nito. Isang paraan ang naisip nito bilang kapalit ng mga librong ibinigay nito sa kaniya at para na rin sa ikatatahimik ng konsensiya niya. Gusto nitong maranasan ang buhay na mayroon siya. At dahil parte ng buhay niya ang pagiging clown ay gusto niyang maranasan iyon ni Connor kahit isang araw lang. “Gaga ka talaga, friend. Ang isa sa tagapagmana ng KARA isasama mo sa raket natin? nababaliw ka na ba? isang kahibangan na nga na sumama ka sa grupo namin dahil sa estado ng buhay na mayroon ka, tapos nagsama ka pa ng kalevel mo dito.” namamanghang turan ni Nadine. “Correction, mas mataas ang level ni Connor kumpara sa akin,” “Kahit na,” anito at pinamaywangan siya. Para matapos na ang debate sa pagitan nilang dalawa ay tumango na lang siya at tinapik ito sa balikat. “Isang araw lang naman ito, friend. Hayaan mo na lang ako, please?” pakiusap niya. Napahinga ito ng malalim at animo ay napipilitan lang na tinanguan siya. “Sige na nga,” sumusukong wika ni Nadine at lumabas na ng silid. Sumabay naman si Menchie dito kaya silang dalawa na lang ni Connor ang natira sa loob. Ang ibang mga kagrupo niya ay kanina pa tapos sa pagbibihis at nasa labas na para ihanda ang mga gagamitin nila. “Bagay ba?,” pumihit paharap sa kaniya si Connor. Pareho pa silang natawa nang makita ang hitsura nilang dalawa. Kagaya niya ay may suot din ito sa ulo na makapal at nakakatawang wig. “Tara na nga sa labas, malapit nang magsimula ang party,” aniya at hinila ito palabas ng silid. Sa bahay ng mismong may birthday celebrant idinaos ang party at mayamaya lang ay magsisimula na ang grupo nila. “Sigurado ka ba na ito talaga ang kapalit na gusto mo?” naisip niyang itanong habang naghihintay sila sa pagtawag sa kanila ng emcee. Magkatabi sila habang nasa likod nila ang mga kagrupo niya. “Ilan beses mo ba dapat itanong iyan sa akin?” Napilitan siyang sulyapan ang lalaki. Dahil sa makapal na lipstick sa mga labi nito ay hindi niya makita ang totoong reaksiyon nito dahil parang palagi itong nakangiti sa kaniya. Napalabi siya. “Baka lang kasing naaabala na kita at saka isa pa ayaw mo rin naman tanggapin ang bayad na ibibigay sa'yo mamaya pagkatapos ng party.” nalaman niya mula sa boss niya na si Mikoy—na siyang magician at leader ng grupo nila—na kinausap pala ito ni Connor at sinabi ng huli na gusto nitong idagdag sa perang kikitain niya ang magiging bayad para sa serbisyo nito. “Wala naman akong pakialam sa pera, ang gusto ko lang naman makapagrelax minsan.” “Hindi pagrerelax ang tawag dito. Trabaho na namin ito,” “Pero nag eenjoy ako,” giit nito. “Pero bakit?” nalilitong tanong niya. “I don’t know,” kibit balikat na tugon nito. Nang ipakilala na sila ng emcee ay wala na siyang nagawa pa kundi sumunod sa mga kagrupo niya na nagtungo sa gitna para magpakilala. Ilan sandali pa at nagsimula na ang performance nila. Dahil hindi naman alam ni Connor ang ginagawa ng grupo ay nakontento na lang ito na aliwin ang mga bata sa pagsasayaw nito. Ang ilan sa mga ina ng mga batang naroon ay kinunan pa ng litrato ang mga anak kasama si Connor. Habang inaalalayan niya si Mikoy sa mga ginagawa nitong magic tricks ay halos hindi na niya magawa pa na alisin ang mga mata kay Connor. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala na kasama niya ito ngayon at ginagawa nito ang mga bagay na kailanman ay hindi niya inakala na kaya pala nitong gawin. Noon kasi, ang akala niya ay kagaya rin ito ng ibang anak mayaman na kilala niya. Ang akala niya ay katulad din ito ng iba na huhusgahan siya dahil naiiba siya kung ikukumpara sa mga babaeng nabibilang sa mga mayayamang angkan. Pero sa loob ng maikling panahon na nakasama niya ito ay unti unti na niyang nakikilala ang totoong pagkatao nito. At masasabi niya na gusto niya ang Connor na nakikita niya ngayon. 'Yung Connor na hindi mayabang at handang ilaan ang oras sa kaniya kahit alam nito na paulit ulit lang ang takbo ng buhay niya. Pagkatapos ng trabaho ay nagsipag uwian na ang mga kasama niya. Dahil hindi naman kaya ng konsensiya niya na solohin ang perang kinita ni Connor ay napagpasiyahan niya na ilibre ito sa isang maliit na restaurant na nadaanan nila. Kanina ay nagtalo pa sila dahil ayaw niyang tanggapin ang pera mula dito. Pero wala na rin siyang nagawa sa huli dahil nagbanta ito na magagalit ito kapag tinanggihan niya ang parte nito. Ngayon ay naglalakad lakad na sila sa maliit na parke na malapit sa restaurant na pinanggalingan nila. “Papaano ka uuwi sa inyo kung hindi mo naman dala ang kotse mo?” bigla ay naalala niyang itanong kay Connor. Kanina ay nagpahatid lang ito sa driver ng daddy nito sa lugar na naging tagpuan ng grupo nila. Napakamot siya sa batok nang maalala na hindi ito marunong magcommute. Hindi ito kagaya niya na sanay sumakay ng Jeep o kaya naman ay makipagsiksikan sa maraming tao sa LRT. Hindi naman kasi siya nag aral magmaneho ng kotse at tinanggihan niya ang alok ng daddy niya noon na bigyan siya nito ng sariling driver. Tumigil sa paghakbang ang mga paa si Connor at pumihit paharap sa kaniya. Dahil hindi niya inaasahan ang ginawa nito ay malakas na napasinghap siya nang tumama ang ulo niya sa matigas na dibdib nito. “Paano kung sabihin ko sa'yo na ayoko pang umuwi?” “Ha?” gulat na naibulalas niya. Malapit nang sumapit ang alas siyete ng gabi. Mabuti na lang at alam ng mga magulang niya na kasama niya ngayon si Connor kaya wala naman problema kahit gabihin siya ng uwi. Ang inaalala niya ay ang binata dahil alam niya na hindi ito sanay magpunta sa mga ganoong lugar. Kampanteng naupo ito sa isang wooden bench at parang walang pakialam na nag angat ng tingin sa kalangitan. Awang ang mga labi na pinagmasdan niya lang ito. Dumako ang mga mata niya sa perpektong hugis ng mga labi nito at bigla siyang natigilan. Nakaramdam siya nang paninikip ng dibdib nang sumilay ang ngiti sa mga labi ni Connor at lumingon ito sa kaniya. “Wala rin naman akong gagawin sa bahay kaya siguradong maiinip lang ako kapag umuwi agad ako.” “S-sigurado ka?” halos mautal siya dahil sa simpatikong pagngiti ng binata. Ang sarap sigurong hulihin ng mga ngiti nito at itago iyon sa mga palad niya. Sa hitsura ni Connor ngayon ay mapapansin agad na ang gusto lang naman nito ay ang magpalipas ng oras. Naupo siya sa tabi nito at hinarap ito. “Gusto mong makakita ng magic?” tanong niya. Pinigilan niya ang mapangiti nang magsimulang kumislap na parang bumbilya ang mga mata ni Connor. Mabilis na tumango ito at parang bata na sabik sa gagawin niyang magic. Kumuha siya ng piso mula sa loob ng bag niya at ipinakita iyon dito. Inilagay niya ang piso sa kanang palad niya. Tiniklop niya ang palad at inilapit iyon sa mga labi nito. “Hipan mo,” utos niya. Tatlong beses nitong hinipan ang kanang palad niya. Pagkaraan ng ilan saglit ay binuksan niya ang palad at nawala na doon ang piso na hawak niya kanina. Nanlaki ang mga mata nito nang bahagya siyang dumukwang at pinisil ang kaliwang tenga nito. Saka niya ipinakita ang piso na nawala sa kanang palad niya. “Wow!” namamanghang bulalas ni Connor nang makita ang ginawa niya. Dahil sa kakaibang tuwa na bumaha sa maamong mukha nito ay parang gustong sumabog ng dibdib niya sa matinding emosyon na hindi niya mabigyan ng pangalan. “May isa pa,” aniya. Pinagkiskis niya ang mga palad at saka nagkunwaring hinuli ang mga ngiti ng lalaki. Nang maintindihan nito ang ginawa niya ay unti unting napalis ang ngiti sa mga labi nito. “I think….I think I like you, Diana,” seryosong turan nito at hinuli ang isang palad niya na naiwan sa ere. Hindi makapaniwala na naikurap niya ng ilan beses ang mga mata. Nang masiguro na hindi isang panaginip lang ang lahat ay parang napapaso na tumayo na siya. “K-kailangan ko na palang umuwi dahil may gagawin pa ako,” nag iwas siya ng tingin para maitago ang pamumula ng gilid ng mga mata niya. Nagmamadaling humakbang na siya at hindi pinansin ang ilan beses na pagtawag nito. Para hindi siya nito masundan ay agad na sumakay siya sa unang jeep na nakita niya. Bahala na kung saan siya makarating! Ang importante ay ang matakasan niya ang katotohanan na hindi na niya kayang pigilan pa ang totoong nararamdaman niya kay Connor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD