Kuryusidad ang unang naramdaman ni Connor kaya hinayaan niya ang sarili na makipaglapit sa kapatid ng magiging fiancée niya. Noong una ay nagdududa siya sa totoong hangarin ni Diana nang sabihin nito na gusto nitong makipagkaibigan sa kaniya.
Akala niya ay pagpapanggap lang ang pagiging boring at nerd nito para makuha nito ang atensiyon niya. Kaya nga hindi na siya nagdalawang isip pa na alamin ang totoong pagkatao ng babae.
Pero natuklasan niya na totoo ang lahat nang nakikita niya kay Diana at hindi ito basta nagpapanggap lang. Kung ano man ang totoong dahilan nang pakikipaglapit nito sa kaniya ay hindi pa niya alam.
Ano ba ang nangyayari sayo Connor Gray!
Naipilig niya ang ulo para alisin ang mga bagay na tumatakbo sa utak niya. Sa halip na pagurin niya ang sarili sa pag iisip ay mas mabuti pa na sakyan na lang niya ang trip ni Diana. Wala naman mawawala sa kaniya. Mas mabuti pa nga na makipaglapit siya dito para sa oras na makabalik na mula sa ibang bansa ang kapatid nito ay hindi na siya mahihirapan pa na maisagawa ang mga plano niya.
“Alam mo ba kung ano ang mga ayaw ng ate Hasmine mo?” bigla ay naisip niyang itanong kay Diana habang nakatuon ang buong pansin nito sa pagpili ng libro sa isang bookshelf.
Nagpumilit siyang sumama nang sabihin nito kanina na kailangan nitong magtungo sa mall para bumili ng bagong libro. Akala niya noong una ay maiinip lang siya dahil hindi naman niya gawain ang tumambay sa bookstore. Pero sa tuwing nakikita niya ang kakaibang kislap sa mga mata ni Diana habang nagbabasa ito ng libro ay parang saglit na nawala na sa isip niya ang mabagal na takbo ng oras.
“Bakit mo naman naitanong sa akin iyan?” anito.
Panay ang buklat nito sa mga pahina ng makapal na librong hawak nito.
“Wala lang, para kung sakali kapag bumalik na siya, alam ko kung ano ang mga bagay na pwede kong iregalo sa kaniya.” nahagod niya ang sariling batok dahil sa pagkailang nang mapansin ang matiim na pagtitig nito sa kaniya.
Hindi ba ito naniniwala sa mga sinabi niya?
Kungsabagay ay hindi naman iyon ang totoong pakay niya. Gusto niyang malaman ang mga bagay na ayaw ni Hasmine dahil iyon ang mismong ibibigay o gagawin niya sa oras na magkita na sila. Bahagi iyon ng plano niya na matigil ang plano ng lolo niya na ipagkasundo siya dito.
“Ayaw ni ate Hasmine ng…” saglit na natigilan si Diana at nag iwas ng tingin.
Dahil walang suot na makapal na eyeglasses ay malaya na niyang nakikita ang bilugang mga mata nito.
“Nang?”
Bahagya naman nitong itinaas ang hawak na libro at ipinakita sa kaniya.
“Ayaw niya ng mga bagay na ginagawa ko. Ayaw niyang magbasa ng mga romance novel dahil masyado daw boring. Ayaw niyang manood ng mga nakakakilig na drama series dahil masyado rin baduy iyon para sa kaniya.” pilit na ngumiti ito at ibinalik ang atensiyon sa pagbabasa.
Bigla ay napakunot noo siya nang mapansin ang pait sa tinig nito. Napaigtad ito nang masuyong pisilin niya ang tungki ng ilong nito. Bago pa siya nito mapagalitan ay inagaw na niya ang apat na librong dala nito.
“A-anong gagawin mo diyan?” nalilitong tanong nito sa kaniya.
“Tapos ka na ba o baka naman may gusto ka pang libro?”
“Wala na,” nagtataka man ay hinayaan na lang siya nito na bitbitin ang mga libro.
Nang dumiretso siya sa counter ay mabilis na sumunod naman ito sa kaniya.
“Ako na ang magbabayad,” giit nito nang ibigay niya sa cashier ang bayad niya.
“No, ako ang kasama mo kaya dapat lang na ako ang magbayad ng mga pinamili mo. Let’s go!” bitbit ang malaking plastic bag na naglalaman ng mga libro na hinila na niya ito palabas ng bookstore.
“Pero ayoko naman na magkautang ako sa'yo, baka naman isipin mo na sinasamantala kita.” panay ang reklamo ni Diana habang naglalakad silang dalawa.
“Hindi naman kita sinisingil,”
“Kahit na,” mababakas ang matinding pagtutol sa tinig nito.
Napabuntong hininga siya at napilitan siyang tumigil sa paghakbang at hinarap ito.
“Gusto mo talagang makabawi?” nakakunot noong tanong niya sa babae. Mabilis na tumango naman ito at animo ay nabuhayan ng pag asa. Nagkaroon ng kakaibang sigla ang mga mata nito.
“Pag iisipan ko,” makahulugang wika niya at ginulo ang buhok nito.
Ngayon lang siya nakatagpo ng isang babae na ayaw gumastos kapag kasama siya. Nasanay siya na ibinibigay ang luho ng mga babaeng nakakarelasyon niya.
Pero wala kayong relasyon! Natigilan siya dahil sa naisip niya.
Ano ba ang nangyayari sa'yo Connor Gray? nagbago na ba ang taste mo pagdating sa mga babae?