10

1824 Words
Hindi malaman ni Diana kung saan siya pwedeng magpalipas ng oras pagkatapos niyang pagtaguan ang mga magulang niya. Kararating lang nila sa birthday party ng isang kaibigan ng daddy niya. Ayaw pa sana niyang sumama noong una pero pinilit naman siya ng ina. Hindi na rin siya nakatanggi pa lalo na nang igiit nito na isama siya kanina sa salon na pag aari ng isang kaibigan nito. Nang makita niya ang sarili sa mahabang salamin na nagsisilbing dibisyon sa loob at labas ng hotel ay hindi makapaniwalang tumigil siya sa paghakbang at pinagmasdan ang sarili. Sino ang mag aakala na siya ang magandang babae na nakikita niya sa harap ng salamin. Malayong malayo na sa dati ang hitsura niya. Namamanghang hinaplos niya ang kaliwang pisngi. Dahil pinilit ng mommy niya na gamitin niya ang contact lens na binili nito para sa kaniya ay parang nagkaroon na ng buhay ang mga mata niya. Dahil natural na mahaba ang mga pilikmata niya ay bumagay iyon sa gamit niyang lens. Lumutang din ang bilugang hugis ng mukha niya nang ipuyod pataas ang mahaba at alun-alon niyang buhok. Ibinili rin siya ng bagong evening dress ng ina na siyang isinuot niya ngayong gabi ng party. Black dress iyon na bumagay sa maputing kulay ng balat niya at bahagya lang umabot sa ibaba ng mga tuhod niya ang haba niyon. Kahit naiilang siya dahil hindi naman siya sanay na magsuot ng ganoong klase ng damit ay hindi naman niya matanggihan ang kagustuhan ng mommy niya. Ngayon na naglayas ang ate Hasmine niya ay dapat na rin siguro niyang ipagpasalamat na nabigyan siya ng atensiyon ng ina. Iyon ang unang beses na isinama siya ng mga magulang sa isang party. Dati kasi ay madalas na naiiwan siya sa bahay dahil alam naman ng mga ito na hindi siya mahilig makihalubilo sa maraming tao. Napangiti siya nang maalala ang kakaibang tuwa sa mukha ng ina nang makita nito ang bagong ayos niya. Nagmukha daw siyang prinsesa na tumalon palabas ng libro dahil lumabas ang natural niyang ganda. Ipinikit niya ang mga mata at huminga ng malalim. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at pilit na kinalma niya ang sarili. Kung hindi niya kasi gagawin iyon ay baka mapabunghalit siya nang iyak. Sobrang sarap pala sa pakiramdam na napapasaya niya ang mommy niya. Parang gusto tuloy niyang umiyak dahil sa sobrang tuwa. “Tumakas ka din ba?” “Huh?” agad na naimulat niya ang mga mata dahil sa matinding gulat nang maramdaman ang tila mainit na hangin na bumuga sa bandang batok niya. Daig pa niya ang napako sa kinatatayuan nang makita mula sa salamin ang nakangiting anyo ni Connor. Nakatayo ito sa likod niya at pinagmamasdan siya. Hindi niya mapigilan na ikurap ang mga mata nang makita ang napakagwapong mukha ng lalaki. Mula sa black suit na suot nito at sa bagsak na istilo ng buhok nito ay masasabi niya na hindi niya magagawang sisihin ang mga babaeng nagkakandarapa para lang makuha ang buong atensiyon nito. Pero teka nga! Ano nga ba ang ginagawa nito sa ganoong klase ng lugar? Sinusundan ba siya nito? Bigla ay naging mabilis na naman ang t***k ng puso niya dahil sa naisip. Masyado man siyang assuming ay inaamin niya na kinikilig siya kung totoo man na sinundan siya nito sa party na iyon. Tutop ang dibdib na nagsalita siya at sinalubong ang tingin nito sa harap ng salamin. “Bakit nandito ka? sinusundan mo ba ako? stalker ba kita?” walang prenong tanong niya kay Connor. Nanatili pa rin na nakatayo ito sa likod niya at sa tantiya niya ay magdidikit na ang mga katawan nila sa maling galaw lang niya. “What if I say ‘yes’?” anito at inakbayan siya. Ipinatong pa nito ang palad sa ibabaw ng ulo niya habang nasa batok niya ang braso nito. Hindi mabigat ang paraan ng pag akbay nito sa kaniya. Parang ayaw na nga niyang matapos ang sandaling iyon na magkalapit silang dalawa. “Namumuro ka nang umakbay sa akin, Mr. Campbell,” aniya at pinaningkitan ito ng mga mata. Hindi naman ito natinag at maingat na tinapik lang ang ibabaw ng ulo niya. “Nag eenjoy ako sa ganito, anyway, hindi naman talaga kita sinundan dito sa party. Kaibigan ng daddy ko ang celebrant kaya invited kami. Ayoko sanang umattend sa party pero nasa ibang bansa sila daddy kaya ako ang nagpunta bilang representative.” “Ganoon ba?” Tinangka niyang alisin ang kamay nito na nakaakbay sa kaniya pero hindi naman ito pumayag. Mas lalo lang siya nitong hinila patungo sa katawan nito kaya halos hindi na siya makahinga ng normal. Iglap lang ay parang higanteng drum na tinatambol na ng malakas ang dibdib niya. “You’re beautiful tonight, baby.” anas nito at idinikit ang mga labi sa bandang tenga niya. Parang musika iyon na unti unting dumadaloy sa bawat himaymay niya. Nang marinig niya ang pagsasalita ng emcee mula sa loob ng hotel ay parang bigla siyang natauhan. Mabilis pa sa alas kuwatrong lumayo siya kay Connor at nagpasiyang iwan ito. Mabilis ang mga hakbang na lumayo siya pero panay naman ang habol nito sa kaniya. Nakakainis! Sirang sira na ang plano ko dahil hindi ko magawang makalapit sa kaniya ng hindi natataranta! Mangiyak ngiyak na sabi niya sa sarili. Marahil sa sobrang pagmamadali ay hindi niya napansin na nakarating na siya sa maliit na garden ng hotel at medyo mabato na pala ang daan na tinatahak niya. Malakas na napasinghap si Diana nang maramdaman ang paggewang niya matapos niyang matapakan ang isang maliit na bato. Ipinikit niya ang mga mata nang makita ang nalalapit na pagbagsak ng pang upo niya sa lupa. Pero hindi nangyari ang inaasahan niya dahil may matigas na mga bisig ang pumaikot sa baywang niya. Hindi ang lupa ang sumalo sa katawan niya kundi ang mismong mga bisig ni Connor. Nanlaki ang mga mata niya nang magtama ang mga mata nila habang nakayakap ito sa baywang niya. Napakaliit ng distansiya sa pagitan nila kaya malaya niyang nasasamyo ang preskong amoy ng pabangong gamit nito. “Careful,” turan nito. Napalunok siya at tumango nang marinig ang sinabi ng lalaki. Umayos na siya ng tayo at pilit na lumayo dito. “Hindi mo ba gusto ang huling sinabi ko kaya bigla kang umalis?” nagtatanong ang mga matang sabi nito sa kaniya. Agad na namula ang mga pisngi niya nang maalala ang huling sinabi nito. Matipid na ngumiti siya at umiling bilang tugon. “Maganda lang ako ngayon dahil inayusan ako. Pero alam na alam mo na hindi ito ang totoong ako.” “Sino ba ang totoong ikaw?” Napahinga siya ng malalim at matiim na pinagmasdan ang binata. Sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya ay parang sinasabi nito na kailangan nitong malaman ang sagot mula sa kaniya. Na kailangan nitong makilala ang totoong siya. “Ang totoong ako? ako si Diana na isang simpleng tao lang. Kontento na ako na magbasa ng mga romance novel at manood ng mga Korean drama series. Hindi ako sanay sa mga ganitong party na kagaya ng ate Hasmine ko. Hindi ako kagaya niyang sopistikada. Si Diana lang ako, isang taong nangangarap na mapansin ng mga magulang ko.” malungkot na litanya niya. Unti unti ay parang bumibigat ang paghinga siya. Sa tuwing maiisip niya ang mga pagkakaiba nila ng kapatid ay hindi niya mapigilan na makaramdam ng matinding lungkot. Nang sulyapan niya si Connor ay napansin niya ang matiim na pagtitig nito sa kaniya. Na animo ay inaarok nito ang totoong nilalaman ng puso niya. Pilit na ngumiti siya sa binata para ipakita na ayos lang siya. “Okay lang ako. Sanay na ako kaya huwag mo akong tingnan ng ganiyan na parang naaawa ka sa akin,” Napailing ito at isinuksok ang mga palad sa magkabilang bulsa ng black pants na suot nito. “No, you’re not okay. Nararamdaman ko na nagsisinungaling ka lang.” Bumuhos ang matinding emosyon sa dibdib niya dahil sa sinabi nito. Tinalikuran niya ito para maitago ang pagdaan ng matinding sakit sa mga mata niya. Nang ihakbang niya ang mga paa ay mahinang napaigik siya. Mukhang natuluyan na sa pagkapaltos ang p*******t ng mga paa niya dahil hindi siya sanay magsuot ng sapatos na may mataas na takong. Marahil ay napansin ni Connor ang naging reaksiyon niya dahil nilapitan siya nito. Parang tinakasan siya ng kulay sa mukha nang lumuhod ito sa harap niya at hawakan nito ang isang paa niya. “Connor!” natitigilang saway niya dito. Nag angat naman ito ng tingin sa kaniya na ikinapitlag ng puso niya. “Hanggang kailan ka magpapanggap para mapasaya ang mga magulang mo?” naiiling na tanong nito. Hindi niya inaasahan ang sinabi nito kaya natigilan siya. Hindi maipaliwanag na sakit ang bumaon sa dibdib niya kaya hindi niya mapigilan ang pagpatak ng mga luha niya. “Sorry.....gusto ko lang naman talaga na mapasaya sila kaya pinipilit ko na maging kagaya ng ate ko.” Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang humingi ng tawad. Masyado na marahil siyang naging emosyonal kaya kung anu-ano na lang ang nasasabi niya. Nagmamadaling tumayo naman ang binata at sinapo ang mga pisngi niya. Naipikit niya ang mga mata nang masamyo ang mabangong hininga nito na tumatama sa mga pisngi niya. Pakiramdam niya ay ayaw na niyang matapos pa ang sandaling iyon na magkasama sila. Kung siya si Cinderella ay hindi na niya nanaisin pa na dumating ang itinakdang oras para iwan niya ang prinsipe na matagal na niyang pinangarap na makilala. Kung siya ang masusunod ay parang ayaw na na niyang bumalik pa si Hasmine at siya na lang ang pumalit sa pwesto nito bilang fiancée ni Connor. Nang magmulat siya ng mga mata ay nag angat siya ng tingin at pinagmasdan ang kalangitan. Animo ay nakikisama ang mga bituin sa kanila dahil walang kapaguran sa pagkislap ang mga iyon. “Can I kiss you?” masuyong anas ni Connor na nagpagising sa paglalakbay ng diwa niya. Mabagal ang ginawa niyang pagtango at sinalubong ang matiim na pagtitig nito. Nang ngumiti ito ay parang ice cream na unti unting natunaw ang puso niya. Yumuko ito at buong pag iingat na sinakop ang mga labi niya. Muli niyang naipikit ang mga mata dahil sa matinding sensasyon na ipinaramdam sa kaniya ng binata. Parang may sariling isip ang mga braso niya na kusang yumakap sa leeg nito. Pumaikot ang mga kamay nito sa baywang niya at isiniksik siya nito sa mainit na katawan nito. Heaven! Ayaw na niyang matapos pa ang mga sandaling iyon. Pwede kayang humiling siya ng isang bagay sa harap ng mga bituin? Isa lang naman ang gusto niya, sana ay huwag nang matapos pa ang mga sandaling iyon na kapiling niya si Connor. Makasarili man siya ay paulit ulit niyang hiniling ng mga oras na iyon na sana ay huwag nang bumalik pa ang ate Hasmine niya at bawiin ito sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD