9

1787 Words
"O, akala ko ba payag ka na sa gusto ng daddy mo na bantayan na muna ang fiancée ng ate Hasmine mo. Bakit parang napapansin ko nitong mga nakaraang araw, hindi mo na siya nababanggit sa akin. Hindi na rin kita nakikitang bumibisita sa main building. Anong ganap, ateng?" Malalim na napabuntong hininga si Diana at sinulyapan si Nadine. Kagaya niya ay may suot din itong costume na mascot para sa football game na ginanap sa mismong university nila. Dahil natapos na ang laro ay napagpasiyahan nilang magkaibigan na tumambay na muna sa field bago magpalit ng costume at umuwi. Hinubad na muna nila pareho ang bahagi ng costume na inilalagay sa ulo dahil masyadong mainit at nahihirapan silang kumilos. "Ay naku, friend, kung alam mo lang kung gaano kahirap iplease ang isang iyon. Para siyang prinsipe!" dahilan niya. "Talaga namang prinsipe siya. Well, isa sa prinsipe ng mga Campbell." "Kahit na," napalabi siya. "Hindi ko keri na makisama sa kaniya. Ang hirap kaya," Ang hirap pigilan ng puso ko na magkagusto sa kaniya! "Akala ko ba gagawin mo ang lahat para magkaroon ng tiwala sa'yo ang daddy mo?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Nadine. Malungkot na ngumiti na lang siya. Alam niyang umaasa ang mga magulang niya na ginagawa niya nang maayos ang misyon niya. Pero sa palagay niya ay kailangan pa niya ng sapat na oras para lang masanay siya sa presensiya ni Connor. "Oh, siya, sibat na muna ako, girl. May trabaho pa ako." kahit nahihirapan dahil sa suot na mabigat na costume ay pilit na tumayo na si Nadine mula sa pagkakasalampak nito nang upo sa damuhan. Matamlay na tumango siya. Wala naman siyang raket ngayong hapon kaya magpapalipas na lang muna siya ng oras sa campus bago umuwi ng bahay. Kapag sinipag siya ay baka sumaglit din siya sa mall para bumili ng bagong libro. Pagkauwi naman niya mamaya ay tiyak na magbabasa lang siya ng libro habang nagdadownload ng Korean drama series sa laptop niya. Ganoon kaboring ang buhay niya. Umiikot lang sa libro at mga nakakakilig na koreanovela ang bawat araw niya. Kaya siguro ayaw makipaglapit sa kaniya ng sarili niyang kapatid dahil iniisip nito na maliban sa boring ay wala siyang ibang alam kundi ang buhay na nakasanayan niya. "Sige, bye!" kumaway siya kay Nadine nang maglakad na ito palayo sa kaniya. Itinukod niya ang siko sa kaliwang niyang hita at nangalumbaba siya habang nakaupo sa sementadong sahig. Dahil walang magawa ay tahimik na nagbunot siya ng d**o at pinaglaruan iyon sa mga palad niya. "Iyan na ba ang part time job mo, ang magbunot ng d**o dito sa football field kapag walang tao?" Shit! Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ang tinig ni Connor. Bigla ay parang nanigas ang buong katawan niya ng mag angat siya ng tingin dito. "Bakit nandito ka?" pilit na ngumiti siya na bandang huli ay nauwi naman sa pagngiwi. Sa pagkagulat niya ay pasalampak na naupo sa tapat niya si Connor at naiiling na pinagmasdan siya. "Ikaw ang dapat tinatanong ko ng ganiyan. Bakit nandito ka at bakit ganiyan ang suot mo?" bumadha ang pagtataka sa gwapong mukha nito. Natutop niya ang mga labi nang maalala ang tungkol sa costume na suot niya. "Mangako ka na hindi mo sasabihin sa mga magulang ko ang tungkol sa pagiging part time mascot ko dito sa school. Please?" pinalamlam niya ang mga mata at pinaglapat niya ang dalawang palad para makiusap kay Connor. Kumibot ang mga labi nito at tila pinag isipan pa kung pagbibigyan nito ang pagmamakaawa niya. "Okay. Pero kailangan mo na munang sagutin ang tanong ko," anito. "S-sige," kagat labing tugon naman niya. Bahagya itong dumukwang palapit sa kaniya na muli niyang ikinagulat. "Bakit hindi ka na nagpapakita sa akin nitong mga nakaraang araw?" "Ha?" Magic! Iyon ang eksaktong naramdaman niya ng mga oras na iyon habang magkahugpong ang mga mata nila. Iyon din ang kailangan niya para mapigilan niya ang pagwawala ng puso niya. "Sagot," ani Connor. Naipikit niya ang mga mata nang pag umpugin nito ang mga ulo nilang dalawa. Wala siyang maisip na isagot sa tanong nito dahil parang nilamon na ng mahika ang mga bagay na tumatakbo sa utak niya. Ang tanging laman na lang ng isip niya ay ang magandang pares ng mga mata nito. "K-kasi..." "Kasi?" "Kailangan ba araw-araw magkikita tayo?" lakas loob na iminulat niya ang mga mata. Iniatras niya ang likod para kahit papaano ay makaiwas siya sa binata. Nang makalayo siya dito ay huminga siya ng malalim para maibalik sa dati ang abnormal na t***k ng puso niya. Pero kahit ano marahil ang gawin niya ay hindi na niya magagawang pigilan pa ang pagwawala ng buong sistema niya. Animo ay unti unti siyang nalulunod sa kulay tsokolateng mga mata ni Connor. "May bagong magkaibigan ba na minsan lang sa isang linggo magkita?" magkasalubong ang mga kilay na tanong naman nito. Ah! kung alam lang nito na hindi biro ang pagpipigil niya na umusod palapit dito at padaanan ng mga daliri niya ang nakakunot na noo nito. Kung alam lang sana nito kung anong klaseng emosyon ang nagagawa nitong iparamdam sa kaniya sa tuwing naroon ito sa tabi niya. "Meron, tayo," matipid na sagot niya. "Diyan ako hindi papayag. Ang mabuti pa gagawa na lang ako ng paraan para makausap ang daddy mo at sasabihin ko sa kaniya ang tungkol sa part time job ng isa sa mga anak niya." tumayo na ito at saka pinagpagan ang narumihan na mga kamay. Mabilis pa sa alas kuwatrong tumayo siya nang marinig ang pagbabanta sa tinig nito. Pero hindi niya inakala na mawawalan siya ng panimbang dahil sa pagmamadali niyang tumayo. Nahawakan niya ang isang kamay ni Connor at hindi sinasadyang nahila niya ito. Naipikit niya ang mga mata at hinintay ang pagbagsak niya sa lupa pero hindi naman nangyari ang inaasahan niya. Sa maikling sandali ay nagawang pagpalitin ni Connor ang posisyon nilang dalawa. Nasa ibabaw siya nito habang halos hindi na ito makahinga dahil sa sobrang bigat ng costume niya. "Oh my god! I'm sorry, Connor!" tinangka niyang umalis sa ibabaw ng binata nang makita na nakapikit ito at parang nawalan pa ng malay. Pero masyadong mabigat ang suot niyang costume at nakayakapos pa ang mga braso ng binata sa baywang niya kaya hindi niya agad magawang kumilos. "Connor?" namutla siya ng hindi ito kumilos matapos niyang tapikin ang kaliwang pisngi nito. Hala! Iglap lang ay bumaha na ang matinding pag aalala sa dibdib niya. Napabunghalit siya ng iyak dahil sa takot na baka kung ano na ang nangyari dito. Papaano kung nabagok ang ulo nito pagkatapos nitong matumba kanina? pagkatapos ay bumagsak pa siya sa ibabaw nito kaya nahirapan itong huminga at biglang nawalan ng malay. "I'm sorry, kasalanan ko..kasalanan ko...." umiiyak na sabi ni Dianna. Hindi niya mapigilan ang sarili na ibaon ang mukha sa bandang leeg ni Connor at umiyak doon na parang bata. Paulit ulit siyang humingi ng tawad sa lalaki. Pero bigla ay napakunot noo siya ng biglang yumugyog ang mga balikat nito na parang nagpipigil ito ng tawa. Nagtatakang nag angat siya ng tingin sa lalaki para lang magulat sa bandang huli nang makita ang reaksiyon nito. Naaaliw na pinagmamasdan siya nito at halos mamilipit na ang tiyan nito sa pagtawa. "H-hindi ka totoong nawalan ng malay?" nagsisikip ang dibdib na anas niya. Mabilis na umiling naman ito at muling napahagalpak ng tawa. "No, sa totoo lang ikaw lang ang kilala kong babae na mabilis mapaniwala sa mga ganoong style." Awang ang mga labi na tinitigan niya ito. Nang hindi na niya makayanan ang pagtawa nito ay inis na hinampas niya ito ng palad niya sa dibdib at nagmamadaling umalis na siya mula sa ibabaw nito. "Nakakainis ka!" umiiyak na asik niya dito. "I hate you!" "Hey!" napabalikwas naman ito ng bangon at hinabol siya. "Nagbibiro lang naman ako," giit nito. "Sorry dahil hindi ko kayang makipagsabayan sa mga joke mo! Aalis na ako kaya pwede ba tigilan mo na muna ako." nakasimangot na sabi niya. "Uuwi ka ng ganiyan?" Bigla siyang natigilan ng maalala na hindi pa pala niya nahuhubad ang costume niya. Malakas na napasinghap siya nang maramdaman sa mga pisngi niya ang pagpatak ng ulan. "Ang bag ko!" nanlaki ang mga mata niya nang maalala ang dalang bag kung saan niya inilagay ang damit niya kanina. Manipis na sando at short lang kasi ang nasa ilalim ng costume niya para hindi siya masyadong mainitan. "Here," ani Connor at akmang iaabot sa kaniya ang backpack niya. Pero bago pa niya makuha ang bag ay itinago naman nito iyon sa bandang likuran nito. "Connor!" nanggigigil na asik niya. Ilan saglit lang ay tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan. "Let's go!" Nagulat na lang siya nang marahang abutin ni Connor ang isang palad niya. Magkasabay silang tumakbo at sinuong ang malakas na pagbuhos ng ulan. Napakalamig ng mga oras na iyon pero kabaliktaran naman niyon ang nararamdaman niya. Animo ay may munting mga palad ang humaplos sa puso niya nang mapansin niya ang seryosong anyo ng binata habang tumatakbo sila. Sa isang sulok ng field ay may parte na natatakpan ng bubong. Doon sila tumigil para sumilong at magpahinga. Binitiwan ni Connor ang palad niya at kinuha nito mula sa bulsa ng suot nitong maong jeans ang isang panyo. Sa halip na intindihin nito ang sarili ay siya na muna ang inuna nitong asikasuhin. Pinunasan nito ng panyo ang nabasang mga pisngi niya. "Sorry, nabasa ka pa tuloy ng ulan," "O-okay lang," natitigilang anas niya. Hindi siya sanay na mahinahon ito at hindi nakakunot ang noo na parang magsusungit anumang oras. Nang magtama ang mga mata nila ay natigilan siya. "Friends?" iniabot nito ang kanang palad sa kaniya. Naikurap niya ang mga mata at hindi makapaniwalang pinagmasdan ito. Pakiramdam niya ay katapusan na ng mundo ng mga oras na iyon. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito pero agad din niyang binawi iyon nang makaramdam siya ng malakas na boltahe ng kuryente na gumapang sa bawat himaymay niya. "At dahil friends na tayo..." Nanlaki ang mga mata niya ng bigla siya nitong akbayan at masuyong ginulo nito ang buhok niya. "Ipagluluto mo na ulit ako ng pagkain, okay?" Awtomatikong namula ang mga pisngi niya dahil sa ginawa nito. Gustuhin man niyang iwasan ito ay wala naman lakas ang katawan niya na kumilos at iwan ito sa football field. Napabuntong hininga siya dahil parang sasabog anumang sandali ang puso niya. Nang muli niyang sulyapan ang maamong mukha nito ay isa lang ang sumagi sa isip niya. Si Connor ang first kiss niya at kahit imposible para sa iba ay paulit ulit naman na isinisigaw ng puso niya na ito na ang first love niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD