"Nasaan na kaya ang kamahalan?" naiinip na tanong ni Diana sa sarili nang makarating siya sa school library.
Inilibot niya ang mga mata sa buong lugar pero nabigo siyang hanapin si Connor.
Nang sulyapan niya ang dalawang assistant ng masungit na librarian ay napansin niya na parang kinikilig ang mga ito habang may tinatanaw sa dulong bahagi ng library. Nang sundan niya ng tingin ang direksiyon na tinitingnan ng mga ito ay malakas na napapalatak siya nang matuklasan na si Connor pala ang pinagkakaabalahan ng dalawa.
Tingnan mo nga naman! hanggang sa library ba naman may mga nahuhumaling pa rin sa kaniya.
Hindi na niya pinansin pa ang dalawang assistant at agad na nilapitan ang binata. Abala si Connor sa pagpili ng libro sa bookshelf kaya hindi agad siya nito napansin.
Tahimik na pinagmasdan niya lang ito. Iglap lang ay parang nakontento na siya sa ginagawa at hindi na niya namalayan kung saan lugar sila naroon.
Hay!
Hindi niya mapigilan ang mapabuntong hininga. Kung bakit naman kasi habang nakakunot noo si Connor at kahit nagmumukha itong suplado ay nakakaakit pa rin itong pagmasdan. Daig pa nito ang isang bidang lalaki sa mga Koreanovela na napapanood niya dahil maliban sa talagang napakagwapo ay matalino rin ito.
"Yes?"
"Ay kabayo!" napaigtad siya sa pagkagulat ng biglang bumaling ng tingin sa kaniya si Connor. Tutop ang kaliwang dibdib na tumingin siya dito.
"B-bakit ba nanggugulat ka?" namumula ang mga pisnging tanong niya.
Kumibot ang mga labi nito at tahimik na pinagmasdan siya. Bago pa siya makakilos ay humakbang na ito at tinawid ang maliit na espasyo sa pagitan nilang dalawa. Agad na nanlaki ang mga mata niya at kusang umatras ang mga paa niya nang magsimulang bumilis ang t***k ng puso niya.
"Bakit?" kumakabog ang dibdib na tanong niya sa lalaki.
"Sino ba naman kasi ang may sabi sa'yo na tumayo ka lang diyan at titigan ako, ha?" nakakunot noong tanong nito sa kaniya.
Malakas na napasinghap siya dahil sa narinig. Lumingon siya sa paligid para siguruhin na walang ibang nakarinig sa sinabi nito. Mabuti na lang at walang masyadong mga estudyante sa bandang iyon ng library.
"Excuse me!" bulalas niya. "Nahihiya lang akong istorbuhin ka sa ginagawa mo kaya hindi na muna kita kinausap. Ang kapal nito!" pinanlakihan niya ng mga mata si Connor.
Hindi ito nagsalita at naaaliw na tumingin lang ito sa kaniya.
Dahil hindi niya matagalan ang tagos sa butong pagtitig nito sa kaniya ay nagmamadaling kinuha na niya sa bag ang dalang canister na may laman na chocolate cake at ibinigay iyon sa binata.
"Alam mo gutom lang iyan, kain ka na muna. Para naman marelax ka habang nag aaral ka. Sibat na ako, mukhang busy ka." akmang lalampasan na niya si Connor ng bigla nitong isandal ang isang kamay sa isang hanay ng bookshelf.
Naipikit niya ang mga mata nang tumama ang noo niya sa isang braso nito.
"M-may kailangan ka pa ba?"
Sumungaw ang pilyong ngiti sa mga labi nito. Napakagat labi siya nang mapansin na ilang dangkal na lang ang pagitan ng mga mukha nila. Naramdaman niya ang pagtama ng mainit na hininga nito sa kaliwang pisngi niya.
Napalunok siya nang magsimulang magkaroon ng rebolusyon sa loob ng katawan niya. Animo ay may karera ng mga kabayo sa loob ng dibdib niya at halos hindi na niya magawang huminga ng maayos.
"Ikaw, ikaw ang kailangan ko,"
"Ako?!" halos hindi na magkandatutong bulalas niya. Bigla ay parang namula ultimo ang paligid ng magkabilang tenga niya dahil sa narinig.
Hindi! hindi ka pwedeng kiligin! Fiancée lang naman siya ng kapatid mo. Umayos ka Diana! Saway niya sa sarili.
"B-busy ako," kagat labing tugon niya.
"Akala ko ba friends na tayo?"
Sino ba ang may sabi sa'yo na gusto kitang maging kaibigan! Kung alam ko lang na ganito ang magiging epekto mo sa akin malamang noong una pa lang ay hindi na ako pumayag sa pakiusap ng daddy ko.
"At saka sabi mo rin sa akin, tutulungan mo akong itaboy ang mga babaeng naghahabol sa akin, right?" nakataas ang isang sulok ng mga labi na tanong nito sa kaniya.
Nang sulyapan nito ang isang mahabang mesa sa bandang kaliwa ay awtomatikong sumunod ang tingin niya sa direksiyon na tinutumbok ng mga mata nito.
Napaawang ang mga labi niya nang mapansin ang isang grupo ng mga estudyante na naroon at pinagmamasdan sila. Kung ganoon ay wala rin pala siyang takas kay Connor. Kailangan siya nito ngayon para huwag itong guluhin ng mga babaeng naroon habang nag aaral ito.
"Sige, dito na lang muna ako para makapagreview ka." wika niya.
"Thanks," tugon nito.
Hinuli nito ang isang palad niya at marahang hinila siya nito patungo sa isa pang mahabang mesa kung saan naroon ang mga gamit nito.
Napangiwi siya nang mapansin ang makakapal na libro sa ibabaw ng mesa. Parang gusto na lang niyang umuwi at takasan si Connor.
Maliban sa mga romance novel na binabasa niya ay allergic na siya pagdating sa iba pang libro. Dahil Commerce ang kurso ni Connor ay hindi na nakapagtataka na panay numero ang nakikita niya sa mga librong kinuha nito mula sa bookshelf.
Nakakahilo!
Naisaloob niya nang maupo siya at hawakan ang isang libro. Isang pahina pa lang ang nababasa niya ay sumakit na agad ang ulo niya. Binitiwan niya ang libro at ibinaling ang atensiyon sa binata na nakaupo naman sa tabi niya.
Ipinatong nito sa ibabaw ng mesa ang canister at inabala ang sarili sa pagsolve ng isang equation na hindi naman niya maintindihan. Itinukod niya ang siko sa mesa at nakapangalumbaba na pinagmasdan ang lalaki.
Oo na, mas mas masahol pa siya sa stalker dahil maliban sa walang sawa na pagbuntot buntot niya rito ay hindi rin siya napapagod na titigan ito ng matagal. Naninibago lang siguro siya dahil ngayon lang niya nagawang makalapit sa isang kagaya nito.
Hindi naman kasi siya ligawin na kagaya ni Hasmine. Sa katunayan ay iyon ang unang beses na may lalaki siyang nakasama ng ganoon katagal.
"Hindi ba sumasakit ang ulo mo diyan sa ginagawa mo? Ako kasi kanina pa naduduling eh," sabi niya.
Nabitiwan ni Connor ang ballpen at nakakunot noong tumingin sa kaniya.
"Ano ba ang course mo?"
"Culinary Arts,"
"At least sa course mo walang masyadong involved na math," anito.
"Hindi rin ah, yabang nito," napaingos siya dahil sa narinig.
Proud siya pagdating sa kurso niya dahil naniniwala siya na darating ang araw na matutupad ang pangarap niya na magkaroon ng sarili niyang restaurant.
"Alam mo ba na sa baking ay kailangan na tama ang lahat ng sukat ng mga ingredients na ilalagay mo. Kaya may math din na kasama iyon."
"Defensive," kibit balikat na tugon nito at binuksan ang canister.
Nanlaki ang mga mata nito ng tumambad sa harap nila ang ginawa niyang chocolate cake. Kumublit ito ng kaunti sa dala niyang dalawang slice ng cake at tinikman iyon.
"Bilib ka na sa akin, noh? sabi naman sa'yo, kapag naging BFF tayo hindi ka lang magkakaroon ng bodyguard, araw-araw ka rin may libreng pagkain." pagyayabang niya.
Gumising pa siya ng madaling araw para lang maipagbake niya ito ng chocolate cake.
Ikaw na ang todo effort!
"Hehe!" tanging nasabi ni Connor. Napasinghap siya nang idutdot nito sa ilong niya ang daliri nitong may bahid ng icing.
"Ano ba!" nanlaki ang mga mata niya sa ginawa nito. Galit na sinaway naman silang dalawa ng librarian.
"Ikaw kasi, sumigaw ka pa. Napagalitan tuloy tayo ng librarian." naiiling na turan ni Connor.
Natigilan siya ng bigla itong umusod palapit sa kaniya. Bago pa siya makahuma ay kinuha na nito mula sa bulsa ng black pants nito ang kulay puting panyo at pinunasan nito ang kumalat na icing sa tungki ng ilong niya.
Hindi niya maipaliwanag ang eksaktong nararamdaman niya ng mga oras na iyon habang magkalapit ang mga mukha nilang dalawa.
Narinig niya ang pagkagulat sa tinig ng mga nakakita sa ginawa ng binata. Pero wala na siyang pakialam pa sa iisipin ng ibang tao. Ang importante na lang sa kaniya ngayon ay ang kakaibang emosyon na bumabalot sa kaniya.
Sh~t!
Bakit ba ganoon kalakas ang epekto sa kaniya ni Connor? Bakit parang pakiramdam niya ay hindi na lang pagpapanggap para sa kaniya ang lahat?
Hindi ito pwede! Hindi ako pwedeng magkagusto sa fiancée ng mismong kapatid ko!
Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig nang hindi sinasadya ay biglang kumislot ang puso niya. Nagmamadaling tumayo na siya. Nagtatanong ang mga matang tumingin sa kaniya si Connor.
Marahas na napabuntong hininga siya at nag iwas ng tingin dito. Gustuhin man niya na manatili pa sa tabi nito ay alam niyang hindi na pwede. Bago pa siya tuluyang ipagkanulo ng sarili niya ay kailangan na siguro niyang maglagay ng distansiya sa pagitan nila.
"A-ano...ahm....aalis na muna ako. May klase pa pala ako. Saka na lang ulit tayo mag usap. Sige, bye!" hindi na niya hinintay pa na magsalita ulit ito. Tinalikuran na niya si Connor at mabilis ang mga hakbang na umalis na.
Malungkot na tinapik niya ang magkabilang pisngi nang paulit ulit na lumitaw sa isip niya ang maamong mukha ni Connor.
Umayos ka! may misyon ka pang kailangang gawin. Para ito sa ate Hasmine mo at hindi para sa'yo!