“Ayusin mo nga ang ngiti mo, hija, engagement party ng ate Hasmine mo ngayon kaya dapat lang na ipakita natin sa mga tao na masaya tayo para sa kapatid mo.”
Mapait na ngumiti si Diana pagkatapos mapansin ng kaniyang ina ang pananahimik niya. Malapit nang magsimula ang party at kanina pa dumating ang mga bisita at mga kamag anak nila. Maging ang mga magulang ng fiance ng kapatid niya ay naroon na rin.
Hindi niya pinansin ang sinabi ng ina at inilibot niya ang pansin sa bawat sulok ng marangyang lugar na pagdarausan ng engagement party. Sa isang sikat na hotel pinili ni Hasmine na ganapin ang engagement party nito at ni Connor.
Laglag ang mga balikat na napatungo siya ng hindi niya makita ang binata. Nasaan na nga ba ito? naroon na sa hotel ang mga kamag anak nito pero si Connor ay hindi pa rin niya nakikita simula nang dumating siya doon.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya at nagpasiyang tumayo na muna.
“Mommy, excuse me po, kailangan ko lang lumabas sandali. Tatawagan ko lang po sandali si Nadine.”
Bumaha ang matinding pagtutol sa mukha ng kaniyang ina pero hindi naman ito tumanggi nang magpaalam siya. Tumango na lang ito at hinayaan na siyang umalis. Nakatungo na naglakad na siya palayo sa maraming tao.
Sa isang maliit at magandang garden sa bandang likuran ng hotel siya napadpad. Dahil nakatungo ay hindi agad niya nagawang iwasan ang taong nakasalubong niya. Mariing naipikit niya ang mga mata nang tumama sa noo niya ang matigas na dibdib nito.
“Ouch,” mahinang anas niya at gulat na napaatras. “S-sorry,” tanging nasabi niya at hindi na nag angat ng tingin pa.
Ang akala ni Diana ay iiwas na agad ito pero nanatili lang itong nakatayo sa harap niya.
Nalilitong nag angat siya ng tingin sa taong nakabangga niya. Ganoon na lang ang pagkagulat niya nang tumambad sa harap niya ang maamong mukha ni Connor. Tahimik lang ito habang matiim na pinagmamasdan siya.
“C-connor..” nagsisikip ang dibdib na anas niya.
Pakiramdam niya ay may mabigat na bato ang bumara sa lalamunan niya nang makita ang paghihirap sa mga mata nito. Tinangka nitong lapitan siya pero umatras siya.
“B-bakit nandito ka? pumasok ka na sa loob, malapit nang magsimula ang engagement party.”
Marahas na napabuntong hininga ito at nasasaktan na tumingin sa kaniya.
“Talaga bang hindi ako importante sa'yo?” halos magsalubong na ang mga kilay na tanong nito sa kaniya.
Pigil ang pag iyak na nag iwas siya ng tingin sa binata.
“Pumasok ka na sa loob,” tanging nasabi niya.
“s**t! ano pa ba ang hindi mo maintindihan, Diana? mahal na kita! hindi pwedeng hayaan ko na lang sila na ipagkasundo ako sa kapatid ng babaeng mahal ko!”
Parang malakas na bomba na sumabog sa harapan niya ang mga ipinagtapat ni Connor. Hindi makapaniwalang bumaling siya ng tingin sa lalaki. Naramdaman niya ang paghawak nito sa balikat niya. Nang kabigin siya nito at yakapin ng mahigpit ay nawalan na siya ng lakas na tumutol pa.
Mariing ipinikit niya ang mga mata at nagsumiksik sa mainit na mga bisig nito. Habang nakakulong siya sa mga bisig nito ay paulit ulit niyang hiniling na sana ay hindi isang panaginip lang iyon.
Nag angat siya ng tingin kay Connor at sinapo ang mga pisngi nito. Hindi maipaliwanag na emosyon ang bumaha sa dibdib niya nang rumehistro sa balat niya ang init na nagmumula sa magkabilang pisngi nito.
“Totoo nga…totoong nandito ka na ulit sa harap ko..” umiiyak na anas niya. Hinawakan nito ang dalawang palad niya na humahaplos sa mga pisngi nito.
“You love me, right? please say yes.... please say that you love me too.. please? Iyon lang ang kailangan kong marinig mula sa'yo para maisagawa ang plano ko.” nagsusumamong sabi ni Connor sa kaniya.
“Mahal na mahal kita, hindi ko alam kung kailan ko unang naramdaman iyon. Pero isang araw ay nagising na lang ako na hindi na ako makahinga ng normal kapag hindi kita nakikita. Alam kong mali pero hindi ko kayang ibigay ka sa kapatid ko. Ang gusto ko akin ka lang.” buong pagmamahal na wika niya.
Bumaha ang matinding emosyon sa mukha ni Connor. Muli siya nitong kinabig at dinala sa mga bisig nito. Naipikit niya ang mga mata nang maramdaman ang pagdampi ng mainit na mga labi nito sa noo niya.
Iyon na siguro ang pinakamasayang sandali ng buhay niya at hindi niya hahayaan ang kahit na sino na agawin iyon sa kaniya.
Hindi na niya hahayaan na tuluyang mawala si Connor sa kaniya..…