18

1575 Words
Pagkatapos magluto ng almusal ay agad na naghain na ng pagkain si Diana sa mesa. Nang sulyapan niya si Connor ay mahimbing pa rin ang tulog nito sa couch. Alas singko y medya pa lang naman ng umaga kaya hindi na muna niya ito ginising. Kinuha niya ang wallet mula sa bulsa ng short niya. Agad na nanlumo siya nang bilangin niya ang pera sa wallet niya. Wala pang tatlong daan iyon at kailangan na niyang magbayad ng kuryente at tubig para ngayong buwan. Ang pera na natitira sa wallet niya ay budget nila sa pagkain para sa loob ng isang linggo. Bigla ay parang gustong sumakit ng ulo niya. Gusto sana niyang ibili ng regalo si Connor para sa second monthsary nila pero mukhang imposible na iyon dahil nagkataon na gipit sila. Napabuntong hininga siya at muling ibinalik sa bulsa ng short ang wallet niya. Baka tuluyan na siyang mawalan ng pag asa kapag patuloy pa niyang tinitigan ang kakarampot na pera nila. Nang maramdaman ang matigas na mga bisig ni Connor na yumakap sa baywang niya ay unti unting naglaho ang pag aalala sa dibdib niya. Nagpakawala siya ng pilit na ngiti at pumihit paharap sa direksyon nito. “Good morning.” anito at masuyong hinaplos ang kaliwang pisngi niya. “Morning.” tugon niya sa binata. Saglit na natahimik ito at pinagmasdan siya. “May problema ba?” kapagkuwan ay tanong nito sa kaniya. Natigilan si Diana at agad na napalis ang ngiti sa mga labi niya. Nang makabawi ay ipinilig niya ang ulo at mabilis na kinintalan ito ng magaang halik sa mga labi. “Wala po,” sabi niya. “You’re lying,” anito habang iniipit ang ilan hibla ng buhok sa gilid ng tenga niya. “Come on, tell me, anong problema ng baby ko?” nagtatanong ang mga matang hinaplos nito ang mga pisngi niya. Bumaha ang matinding pag aalala sa maamong mukha ni Connor ng pilit na ngumiti ulit siya. “Tell me, please?” Iglap lang ay nagsikip na ang dibdib niya at pilit na pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya makakayang makita na nahihirapan ito. Tinitiis nito ang lahat ng hirap para lang makasama siya. Kung alam lang nito kung gaano siya nasasaktan sa tuwing nakikita niya itong umuuwi sa gabi at pagod na pagod. Isang beses ay umuwi pa itong putok ang mga labi dahil nakipagsuntukan ito sa isang katrabaho matapos itong mapag initan. Sa tuwing umaga at isusuot na nito ang lumang sapatos ay parang hindi niya ito kayang tingnan. Habang nakikita niya na tinitiis ni Connor ang lahat ng paghihirap ay para siyang unti unting namamatay. Mas nakadagdag pa sa sakit na nararamdaman niya ang hindi nito pagpayag na magtrabaho rin siya kagaya nito. Iniyakap niya ang mga kamay sa batok ni Connor at pilit na pinagaan niya ang tinig. “Baby, naisip ko lang, bakit hindi na lang kaya ako magtrabaho?” “No way!” mariing tugon naman nito sa kaniya. “Ilan beses mo ba dapat itanong sa akin iyan?” “P-pero kasi…” napakagat labi siya nang makita ang pagbabago ng reaksiyon nito. Sa tuwing mababanggit niya ang tungkol sa paghahanap ng trabaho ay nagbabago na ang mood nito. “Mamaya na lang tayo mag usap, baby. Kailangan ko nang maligo dahil baka malate ako sa trabaho ko.” Wala na siyang nagawa nang bitiwan na siya ni Connor. “I love you.” anito at ginawaran siya ng masuyong halik sa noo. Naipikit niya ang mga mata nang sabihin ni Connor na mahal siya nito. Parang may maliit at mainit na mga palad ang humaplos sa puso niya dahil sa narinig. Mahal ako ni Connor.. hangga’t walang sapat na dahilan ay hinding hindi ako susuko. Tama. Wala naman talagang sapat na dahilan para isuko niya ang pagmamahal niya dito. Walang kahit anong dahilan para bumitiw siya kay Connor. Pagdating ng alas dos ng hapon ay namalengke na muna siya bago sumaglit sa bahay ni Nadine. Kailangan niyang makausap ang kaibigan dahil nagbabakasakali siya na mabayaran siya nito ng kahit kaunti. “Girl!” bati ni Nadine sa kaniya nang pagbuksan siya nito ng pinto. “Kumusta ka na?” mahigpit na niyakap siya nito nang pumasok na sila sa loob. Natawa siya ng mahina nang mapansin ang mahigpit na pagyakap nito sa kaniya. “Para naman tayong isang taon na hindi nagkita niyan,” natatawang wika niya. Isang sakay lang naman ng jeep at makakarating na siya sa bahay ng kaibigan niya. Minsan nga ay nilalakad pa niya iyon mula sa bahay na inuupahan nila ni Connor kapag naiinip siya at gusto niyang makita si Nadine. “Ikaw naman kasi, isang linggo mo akong hindi dinalaw.” nanghahaba ang mga ngusong turan nito. “Sorry, alam mo naman hindi ako masyadong lumalabas ng bahay dahil madali akong mapagod nitong mga nakaraang araw.” “Buntis ka na?” “Ha?” nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “W-wala pang nangyayari sa amin,” namumula ang mga pisngi na tugon niya. Tinupad ni Connor ang pangako nito sa kaniya na lalampas lang sila sa limitasyon sa oras na pinakasalan na siya nito. Dalawang buwan na silang nagsasama pero wala pa rin nangyayari sa kanila kahit isang beses. “Ay, ang hina!” dismayadong sabi ni Nadine. “Ano ba, mabilis lang akong mapagod dahil nag aadjust pa rin ako sa bagong buhay.” kahit sanay siyang magtrabaho ay iba pa rin pala kapag gawaing bahay na ang pinag uusapan. “Napadalaw ka nga pala, girl?” Matipid na ngumiti siya at nagsalita. “Friend, okay lang ba kung makuha ko na iyon nahiram mo sa akin? pasensiya na ha, kailangan ko lang kasi.” sampung libo ang nahiram nito sa kaniya nang magkasakit ito. “Pero hindi ko naman sinisingil iyon buong nahiram mo.” Nahihiya man ay napilitan na siyang lumapit kay Nadine. Hindi niya magawang lumapit sa ibang mga kamag anak niya dahil alam niyang nagalit ang mga ito sa ginawa niya. Siguradong ang daddy niya ang papanigan ng mga ito. Sinubukan naman niya na lumapit sa ibang mga katrabaho niya pero gipit din ang mga ito. Kung siya lang ang masusunod ay plano sana niya na bumalik sa pagiging clown o kaya naman ay maghanap ng ibang trabaho. Pero ayaw siyang payagan ni Connor at iniiwasan niya na pagtalunan nila ang tungkol doon kaya sinunod niya ang gusto nito. Ngumiti si Nadine at tinapik siya sa balikat. “Sa dami nang nagawa mo para sa akin ikaw pa talaga ang nahihiyang maningil,” naiiling na turan nito sa kaniya. Kinuha nito mula sa ibabaw ng mesa ang wallet nito at dumukot ng dalawang libong piso. “Girl, pasensiya ka na, ha? sa ngayon ito lang talaga ang extra ko. Pero hayaan mo sa sahod ko, ibabalik ko sa'yo nang buo ang walong libo.” “Okay lang, pasensiya na rin, ha?” nahihiyang wika niya. “Kailangan ko lang talaga ngayon.” “Ay naku! huwag mo na ngang isipin pa iyon. Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo rin.” “Salamat.” Kahit papaano ay nakahinga na siya ng maluwag. Bago umuwi mamaya ay magbabayad na muna siya ng kuryente at tubig para sa ngayon buwan. Ang mahigit limandaang piso na natitira sa pera ay idadagdag niya para isang linggo nilang budget ni Connor dahil nabawasan niya ang pera kanina pambili ng regalo para sa monthsary nila. Gusto niyang sorpresahin ang binata mamaya kaya ibinili niya ito ng sapatos. “Siya nga pala friend, nabanggit na ba sa'yo ni Connor na natanggap siyang construction worker sa isang construction site malapit dito.” Natigilan siya at nalilitong tiningnan si Nadine. Mabagal ang ginawa niyang pag iling. “A-ang alam ko ay staff siya sa isang coffee shop. Wala naman siyang nabanggit sa akin na nagresign siya.” tumahip ang dibdib niya dahil sa labis na pagkalito. Nagbaba ng tingin si Nadine at parang may kung anong itinatago ito sa kaniya. “Pasensiya na....” tanging nasabi nito. “B-bakit? may dapat ba akong malaman?” parang nagkaroon na ng bara sa lalamunan niya dahil pinigilan niya ang mapaiyak. “Si Connor na lang ang tanungin mo, friend. O kaya puntahan mo na lang ang construction site na sinasabi ko sa'yo. Pasensiya na talaga....” bumaha ang matinding pagsisisi sa mukha ni Nadine. Nang idetalye nito sa kaniya kung saan ang construction site na tinutukoy nito ay parang wala sa sarili na umalis na siya. Hindi na niya pinansin ang pagtawag ni Nadine at patuloy lang siya sa mabilis na paglalakad. Nang makarating siya sa site ay kusang bumuhos ang mga luha niya nang makita niya si Connor habang pasan nito sa likod ang ilan sako ng semento. Nang dumako sa direksiyon niya ang tingin nito ay mabilis na nagtago siya sa isang mataas na pader. Tutop ang mga labi na napaiyak siya at nanlulumong isinandal ang katawan sa malamig na pader. Hinayaan niya ang sarili na umiyak nang umiyak. Gusto niya itong komprontahin dahil sa pagsisinungaling nito tungkol sa trabaho nito pero hindi niya magawa. Pakiramdam niya ay tuluyan na siyang nawalan ng lakas nang makita ng mismong mga mata niya ang buong katotohanan. Hanggang kailan mo pahihirapan ang sarili mo para lang makasama ako, Connor? Sabihin mo nga sa akin, hindi pa ba ito ang sapat na dahilan para bitiwan kita?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD