Mahinang napamura si Connor nang hindi sinasadyang mabangga siya ng isang matangkad na lalaking nasalubong niya. Sa halip na komprontahin ang lalaki ay nilampasan na lang niya ito at mabilis na naglakad na siya palayo.
Gusto niyang sumigaw ng mga oras na iyon para mabawasan ang bigat ng dibdib niya. Hanggang ngayon ay inis na inis pa rin siya sa sarili dahil sa mga kapalpakan niya. Ilan linggo na siyang nagsisinungaling kay Diana nang sabihin niya na natanggap siya bilang staff sa isang maliit na coffee shop.
Nakita niya ang matinding tuwa sa mga mata nito nang malaman na may trabaho na siya kaya hindi niya magawang bawiin pa iyon.
Ang totoo ay walang kahit sino ang gustong tumanggap sa kaniya dahil nagbigay ng order ang daddy niya na huwag siyang tanggapin sa mga establisyemento na ina-apply-an niya. Ginamit ng daddy niya ang pera at kapangyarihan nito para maghirap siya at bumalik sa poder nito.
Kilala niya ang daddy niya, tiyak na may ideya na ito kung nasaan siya. Gusto siya nitong pahirapan para mapilitan siyang bumalik. Matigas na umiling siya nang maalala ang ginawa ng ama bago ang engagement party nila ni Hasmine. Dahil sa pagmamatigas niya ay tinakot siya nito na tatanggalan siya ng mana sa oras na tumutol pa siya sa pagpapakasal niya. Ipinacut pa nito ang lahat ng credit cards niya at binawi rin nito ang kotse niya.
Hindi ganoon kalaking halaga ang dinala niya nang magtanan sila ni Diana. Ang buong akala niya ay magiging madali lang sa kaniya ang lahat. Gustuhin man niyang lumapit sa mga kakilala niya ay hindi niya magawa dahil tiyak na napagsabihan na ang mga ito ng daddy niya na huwag siyang tulungan.
Ngayon ay isang kapalpakan na naman ang nangyari sa buhay niya. Ilan araw pa lang siya sa trabaho niya bilang utility staff sa isang maliit na ospital ay nawalan siya ng pera. Hindi niya alam kung sadyang nalaglag lang sa jeep na sinakyan niya ang wallet niya o talagang may kumuha niyon. Natangay ang natitira niyang walong libong piso.
Ngayon naman ay bigla na lang siyang tinanggal sa trabaho. Alam niyang may kinalaman ang daddy niya sa nangyari. Mariing kinuyom niya ang mga palad at nagsisikip ang dibdib na nagbaba siya ng tingin sa suot niyang sapatos.
Malungkot na ngumiti siya nang makita ang lumang sapatos niya. Ilan beses na niyang pilit na niremedyuhan ang sira niyon sa ilalim pero mukhang malapit na rin iyon bumigay. Ngayon na wala na naman siyang trabaho ay hindi birong paglalakad na naman ang gagawin niya para lang makapag apply siya.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya at sumakay na siya ng jeep. Mas mabuti pa sigurong umuwi na muna siya para magpahinga. Habang nakaupo ay mahigpit na hawak niya ang bulsa ng pantalon niya na naglalaman ng isang sobre. Bago umuwi ng hapon ay ibinigay sa kaniya ang sobreng iyon bilang bayad sa kaniya sa ilan araw na pamamasukan niya sa ospital. Iyon na lang ang natitira sa pera niya at dahil natatakot siyang muling manakawan kaya ganoon na lang kung protektahan niya ang sobreng hawak niya.
Gusto niyang manliit sa sarili dahil sa napakalaking pagbabago ng buhay niya. Mula sa pagiging anak mayaman at nag iisang tagapagmana ng mga magulang niya ay isang ordinaryong tao na lang siya ngayon. Naranasan niya ang malipasan ng gutom dahil nagtitipid siya habang matiyagang naghahanap siya ng trabaho.
Naranasan niya na masigawan at mapagalitan ng mga kasama niya sa tuwing magkakamali siya sa trabaho niya. Ang mga bagay na inakala niya na imposibleng mangyari sa isang katulad niya ay nararanasan na niya ngayon.
Pagkalipas ng mahigit kalahating oras na biyahe ay bumaba na siya ng jeep at binagtas ang mahabang eskinita. Sa loob pa ng eskinita ang bahay na inuupahan nila ni Diana at malamang ay nakauwi na ito mula sa pamamalengke.
Nang makarating siya sa bahay nila ay naabutan niya ito na abala sa pagtatakal ng bigas na sasaingin para sa gabihan nila. Pinigil niya ang mapaluha nang makita ang maliit na sugat sa mga palad ni Diana. Alam niyang nahihirapan na ito pero wala itong kahit anong sinasabi sa kaniya.
Nang lumingon ito sa kaniya ay ipinaskil niya ang pilit na ngiti sa mga labi niya. Hindi na niya mapigilan ang matinding emosyon, kinabig niya ito at maingat na dinala ito sa mga bisig niya. Ibinaon niya ang mukha sa leeg ni Diana at saka niya kontentong ipinikit ang mga mata.
“I love you so much, baby.” buong pagmamahal na anas niya.
Gumanti naman ito ng yakap sa kaniya at masuyong ginulo ang buhok niya.
“I love you too, baby.” tugon nito.
Sana ay sapat na ang mga salitang iyon para malampasan nila ng magkasama ang lahat ng pagsubok sa kanila.
Sana....