“Sabi ko naman sa'yo ako na lang,”
“Ako na nga,”
“Ako na!” sa sobrang inis ay pinalo niya ang isang kamay ni Connor nang pilit na kunin nito mula sa kaniya ang isang pinggan.
Pagkatapos kumain ng gabihan ay nakipagtalo siya dito nang magpumilit ito na maghugas ng pinagkainan nila.
Siyempre ay hindi siya pumayag dahil alam niya na hindi naman ito sanay sa gawaing bahay. Isa pa ay dapat lang na siya na ang gumawa ng mga gawain sa bahay at hindi na niya dapat na iasa pa iyon sa binata.
“Okay,” sumusukong sabi nito.
Laglag ang mga balikat na nagtungo na lang ito sa maliit na sala at nagbukas ng TV. Dahil kadikit lang ng sala ang kusina ay malaya niyang nakikita ang ginagawa ni Connor. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagbabago ng reaksiyon nito nang malipat sa isang news channel ang pinanonood nito.
Agad na nagsikip ang dibdib ni Diana nang makita sa TV ang mga magulang at kapatid niya habang nasa parking lot ang mga ito ng hotel at pinagkakaguluhan ng mga reporter.
“Mr. San Roque, totoo po ba na tumakas ang bunsong anak ninyo kasama ang fiancée ng panganay ninyo?”
Mariing naipikit niya ang mga mata nang sumigid ang matinding sakit sa dibdib niya. Parang may matalim na punyal ang bumaon sa puso niya nang maalala ang pamilya niya. Siguradong abot hanggang langit na ang galit sa kaniya ng ama dahil sa kahihiyan na dinala niya sa mga ito.
Itinigil niya ang paghuhugas ng pinggan at lumapit kay Connor. Naupo siya sa tabi nito at kinuha ang remote control mula sa mababang mesa na nasa harap nila. Inilipat niya sa ibang channel ang palabas at nilingon ito.
Daig pa niya ang tinadyakan ng malakas sa dibdib nang makita ang pilit na pagngiti nito. Umusod ito palapit sa kaniya at masuyong kinabig siya. Isinandal niya ang ulo sa balikat ng binata at nagpakawala ng malalim na buntong hininga.
“Nagsisisi ka ba?” bigla ay tanong nito sa kaniya. Dahan dahan siyang nag angat ng tingin at nalilitong pinagmasdan ang gwapong mukha ni Connor.
“I-ikaw nagsisisi ka na ba? P-pwede ka pa naman umurong,” aniya at nag iwas ng tingin dito.
Mas mabuti na siguro na habang maaga pa ay mapag usapan nila ang tungkol sa bagay na iyon. Kung ano man ang magiging desisyon nito ay buong puso niyang tatanggapin kahit pa masaktan siya ng sobra. Ganoon niya kamahal si Connor.
“Silly!” ngumiti ito at masuyong pinisil ang pisngi niya. “Alam kong mahihirapan tayo pero sa una lang naman ang lahat ng iyon. Trust me, baby, magiging okay din ang lahat.”
“I love you, baby,” nagsumiksik siya sa katawan nito ng muli siya nitong kabigin. Hindi siya natatakot na maranasan ang kahit anong hirap basta kasama niya ito.
“I love you more, babe.”
Ipinikit niya ang mga mata at kontentong pinakinggan ang bawat paghinga nito.
Pagsapit nang alas nuwebe ng gabi ay hindi na niya mapigilan pa ang antok. Tumayo na siya at agad na naghikab.
“Matutulog ka na, baby?” tanong ni Connor. Nakaupo pa rin ito sa lumang couch at nag angat ng tingin sa kaniya.
“Oo, ikaw?”
“Hmmm…” tanging nasabi nito at pinindot ang mute button ng remote control para walang makaistorbo sa pag uusap nila.
Nang mapansin niya ang kislap ng kapilyuhan sa mga mata nito ay parang bulang naglaho ang antok niya.
Naalala niya ang unang gabi na magkasama sila sa hotel. Walang nangyari sa kanila dahil sa sahig naman ito natulog kahit pinilit niya itong tumabi sa kaniya. Siguro ay naiintindihan naman ni Connor na hindi pa siya komportable kaya kahit hindi ito sanay matulog sa malamig na sahig ay nagparaya na lang ito para sa kaniya.
“Tumigil ka nga,” kunwari ay inis na hinampas niya ito ng throw pillow na nahawakan niya.
Natawa naman ito at saka malakas na napapalatak.
“Dito ako matutulog, malambot naman itong couch kahit medyo luma na,” anito.
Nangonsensiya pa!
Napangiwi siya at sinulyapan ang couch. Hindi lang iyon medyo luma dahil sa tingin niya ay lumang luma na talaga iyon. Baka hindi rin makatulog ng komportable si Connor kung magpupumilit ito na doon matulog.
“P-pwede naman na magkatabi tayong matulog sa kama, hindi naman ako malikot matulog kaya okay lang.” suhestiyon niya.
Napalis ang ngiti sa mga labi nito nang marinig ang sinabi niya. Mabilis na umiling ito at seryosong nagsalita.
“Hindi ko gagawin iyon hangga’t hindi pa tayo naikakasal.”
Naikurap niya ang mga mata nang marinig niya ang salitang ‘kasal’ paulit ulit na nag echo iyon sa utak niya. Walang imik na tinalikuran na niya si Connor. Parang sasabog ang dibdib na naglakad na siya patungo sa nag iisang silid ng bahay nila.
Sa pagpasok niya sa silid ay nanghihinang isinandal niya ang likod sa dahon ng pinto. Hanggang ngayon ay parang bulkan na nag aalburuto pa rin ang puso niya at kahit anong gawin niya ay hindi niya iyon magawang kalmahin. Kahit nang mahiga na siya sa kamay ay patuloy pa rin sa pagsisikip ang dibdib niya.
Dahil tuluyan nang naglaho ang antok niya ay kinuha niya mula sa cabinet ang isang lumang libro. Ang ilan sa mga gamit ng dating may ari ay naroon pa rin at maswerte siya na may ilan libro ang naiwan sa silid na iyon.
Pasalampak na nahiga siya sa kama at binuklat ang libro. Ilan pahina na ang nabasa niya pero wala naman siyang maintindihan sa naging takbo ng kwento. Ang buong isip niya ay okupado na ni Connor. Nang hindi na niya makayanan ang nararamdaman ay napilitan siyang tumayo at bitbit ang malaking unan na lumabas siya ng silid. Dumiretso siya sa sala at naabutan niya si Connor na natutulog sa couch.
Dahan dahan siyang lumapit sa binata. Dahil nakasiksik ito sa bandang dulo ng couch ay may maliit na espasyo sa tabi nito. Maingat na inilagay niya ang unan sa ibabaw ng ulo ni Connor at saka siya nahiga sa tabi nito. Nang pumihit ito paharap sa kaniya ay mabagal ang pagkilos na yumakap siya sa bandang baywang nito at isinandal niya ang ulo sa ibabaw ng dibdib nito.
Narinig niya ang pintig ng puso ni Connor at parang iyon na ang sagot sa problema niya kanina. Unti unti ay naramdaman niya ang pagkalma ng buong sistema niya. Hindi na nagsisikip ang dibdib niya at kontento na siya habang nasa mga bisig siya nito.
“Hindi ka ba makatulog?”
Napasinghap siya nang marinig ang inaantok na tinig nito. Nanatili pa rin itong nakapikit nang sulyapan niya ito.
“Ngayon lang baby, please?” nakalabing anas niya at nagsumiksik sa mainit na katawan nito.
Hindi na ito nag abalang magmulat pa ng mga mata. Ngumiti lang ito at masuyong kinabig siya.
“Good night, baby.” Anas nito sa bandang leeg niya.
Napangiti siya at bahagyang inilayo ang mukha para mapagmasdan niya ang natutulog na anyo nito.
“I love you.” anas niya at kinintalan ng masuyong halik ang mga labi ni Connor.
Buong buhay niya ay ngayon lang siya makakatulog ng mahimbing dahil nasa mga bisig siya ng lalaking pinakamamahal niya.