“LUNCHTIME na, hindi ka pa ba magla – lunch?”
Awtomatikong napatingin si Frances sa pinto ng kanyang opisina nang marinig ang boses na kilalang – kilala niya.
“Justin?” gulat na biglang sabi niya nang makita ang nobyo.
“Who else?” ngiting – ngiting sagot nito bago nagmamadaling naglakad palapit sa kanya.
Kaagad siyang tumayo at nagpakulong sa mahigpit na yakap ng nobyo.
“Hindi mo sinabing darating ka,” sita ni Frances na bahagyang naninibago. Iyon kasi ang unang pagkakataon na sinorpresa siya nito sa pagdating nito sa bansa.
“Gusto kitang makita,” sabi ni Justin bago yumuko at sabik na hinalikan ang kanyang mga labi. Buong puso naman niyang tinungon ang mga halik nito.
“May tatlong araw na bakasyon ako,” humihingal na sabi ng binata nang mag – angat ito ng mukha. “Busy ka ba?”
“Actually, yes. Pupunta ako sa flower farm pagkatapos ng lunch.”
“Sasama ako sa 'yo.”
“Okay,” nakangiting sagot niya.
Sandaling iniligpit ni Frances ang kanyang mga gamit at pagkatapos ay magkahawak-kamay na silang lumabas ng kanyang opisina.
“PAPASOK ka pa ba sa loob?” masuyong tanong ni Frances kay Justin matapos nitong maiparada ang sasakyan niya sa labas ng bakuran nila. Sa flower farm na sila nagpalipas ng gabi at hapon na sila nakauwi.
“Magpakasal na tayo,” sa halip ay sabi ni Justin.
Napangiti siya. “We’re already engaged, remember? Kailan mo ba gusto?”
Tatlong buwan na ang nakalilipas nang mag–propose si Justin ng kasal sa kanya sa mismong araw ng kanilang anibersaryo. Masayang – masaya siya noong araw na iyon. Nasorpresa talaga siya. Kahit matagal na naman kasi ang relasyon nila ng nobyo at may mga asawa na rin ang karamihan sa mga kapatid at kaibigan nila ay alam niyang gusto muna nitong tuparin ang lahat ng mga pangarap nila bago nila pag – usapan ang bagay na iyon. But she was more than willing and ready for a long time now to accept him if ever he would pop up the question. Kaagad nilang ibinalita sa pamilya nila at mga kaibigan ang pagbabago sa kanilang relasyon. Tulad niya ay masayang – masaya rin ang mga ito para sa kanila ni Justin.
“Sa susunod na buwan pagbalik ko,” walang kangiti – ngiting tugon nito.
“What?” Hindi siya nakagalaw. “Bakit ang bilis?”
“Gusto kong sumama ka sa akin sa Portland pagkatapos ng kasal.” Kinuha nito ang kamay niya at marahang pinisil. “Doon muna tayo titira sa loob ng dalawang taon at pagkatapos ng fellowship ko babalik na tayo rito, for good.”
“Fellowship?” biglang sabi ni Frances. “Akala ko pa tatapusin mo lang ang specialization mo?”
“Nagbago ang mga plano ko. Gusto kong maging child neurologist kaya pina-plano kong mag – take ng fellowship. That means I still need to live in Portland but I can’t do it without you beside me. Let’s get married and let’s stay there for awhile.”
“Justin, alam mong hindi ganoon kadali ‘yon.” Pumiksi si Frances at binawi ang kamay na hawak nito. Ngayon alam na niya kung bakit ito biglang umuwi ang nobyo na hindi naman nito normal na ginagawa kapag may ilang araw na bakasyon. May importante pala itong sasabihin sa kanya. Napalitan na ng pagkainis ang sayang naramdaman niya nang muli itong magbanggit ng kasal.
“Alam ko pero, please intindihin mo naman ako. Gawin mo Ito para sa 'akin… para sa atin.”
“Para sa 'yo lang, Justin, at hindi para sa atin,” mariing sabi niya. “Hindi ko puwedeng iwanan ang trabaho ko dahil nagbago na naman ang mga plano mo.”
“Pero, Frances…”
“At paano naman ang mga negosyo ko rito? Ang trabaho ko?”
“Puwede mong ipagkatiwala sa iba ang pamamahala ng Petals at may managers naman ang business mo kaya maari kang sumama sa akin sa Portland. Puwede ka ring bumalik dito twice a month para i – check ang progress ng mga negosyo mo. Marami ka ring puwedeng pasukang kompanya sa Portland kung gusto mong magtrabaho roon o kung gusto mo naman mag – open ka rin ng bakeshop mo roon. O kung gusto mong magka–baby kaagad tayo, puwede rin. Hindi ka maiinip, Frances, just please come with me.”
“So, nakapagplano ka na naman pala nang hindi mo sinasabi sa akin?” namamanghang sabi niya matapos marinig ang kanyang options.
“Frances…”
“Ang sabi mo noon, pagkatapos ng training mo, babalik ka na rito. Inunawa kita at hinintay. Ngayong nagbago na naman ang plano mo, gusto mo uling intindihin kita?”
“Frances, please.” Tinangka ni Justin na muling hawakan ang kamay niya pero umiwas siya. “Ayoko nang tumira sa Portland na hindi ka kasama. So please be with me,” nakikiusap na patuloy pa nito.
Maganda sana sa pandinig ang mga sinasabi nito pero sarado ang isip niya sa mga oras na iyon.
“No!”
“Frances…”
“Ang daya – daya mo alam mo ba ‘yon? It’s easier for you to make plans, and yet gusto mo kaagad na intindihan kita? You’re so unfair!” himutok niya.
“Okay, okay, think about it first,” biglang bawi nito. “Bibigyan kita ng sapat ng oras para makapag – isip pero sana pumayag ka sa gusto kong mangyari.”
Umiling si Frances. “No, Justin. Kailangan mong baguhin ang plano mo. Sa pagkakataong ito, ako naman ang pagbigyan mo dahil hindi na magbabago ang desisyon ko.” Kinuha na niya ang bag at bumaba ng kotse. Bumaba rin ng kotse si Justin at narinig niyang tinatawag siya niya ito nilingon at dire – diretsong pumasok sa loob ng bahay nila.
SA UNANG pagkakataon ay bumalik sa Portland si Justin nang hindi sila nagkakasundo. Bago ito umalis ay muli pa siyang kinausap pero desidido talaga siyang hindi pumayag sa gusto nitong mangyari.
Lumipas ang mga araw na hindi nag – uusap sina Frances at Justin. Kapwa sila nagtikisan at kung sino ang unang susuko at magbabago ng desisyon. Nang ikapitong araw na ay nagkatanggap ng e-mail si Frances mula sa nobyo, nangangamusta ito at nagtanong kung pumapayag na ba siya sa mga plano nito. Sa inis niya ay hindi siya nag - reply at hindi na rin niya binasa ang sumunod pang e-mail nito. Inawasan din niyang maglog – in sa Skype, at hindi niya sinagot ang mga text at phone calls ng nobyo hanggang sa umabot na sa dalawang linggo ang hindi nila pag - uusap.
Miss na miss na ni Frances si Justin at gustong – gusto na niya itong makita at makausap kahit sa Skype lang pero sa tuwina ay nanaig ang kagustuhan niyang ito ang magbago ng desisyon at unawain siya.
Nang gabing iyon, naghahanda na siyang matulog nang makatanggap ng phone call mula kay Troy. Hindi sila gaanong nagkikita ng kaibigan ng mga nakaraang buwan dahil kapwa sila naging abala. Nagtatampo ito sa kanya sa hindi niya pagsama sa mga kaibigan nila para manood ng laban ng team nito. Isa nang sikat at in-demand professional basketball player ang best friend niya. Sabay pa rin silang nagtapos ng pag – aaral at pareho sila ng kurso sa ADMU. Single pa rin ang binata dahil nanatili pa rin itong in love sa babaeng nakilala nito noon sa Palawan na bigla na lang itong iniwan ilang taon na ang nakakaraan. Mabilis namang nawala ang tampo nito nang mangako siyang manonood na sa susunod nitong game.
Masaya si Troy nang gabing iyon at hindi makatulog dahil kakapanalo lang ng team nito at nakapasok na sa semi – finals, kaya nasa mood itong payuhan at sermunan siya nang ikuwento niya rito ang hindi nila pagkakaunawaan ng nobyo.
“You loved Justin since high school. Ngayong gusto ka na niyang pakasalan at makasama, tumatanggi ka naman,” hindi makapaniwalang sabi nito. “Mahal mo ba talaga siya?”
“I’ve got only one man to love and that is Justin. At hindi naman ako tumangging magpakasal. Ang ayaw ko lang ay ang mga plano niya para sa amin,” katwiran niya. “Ako na lang ba lagi ang magsasakripisyo sa relasyon namin?”
“Bakit hindi? Mabilis lang ang two years, Frances. Halos wala rin namang mababago sa set up n’yo. Tama si Justin. May managers naman ang shop mo kaya pwedeng–pwede kang umalis pansamantala. Hayaan mong tapusin muna ni Justin ang fellowship na sinasabi niya at saka kayo bumalik rito,” payo ni Troy.
“Kinampihan mo pa siya. Paano kung pagkatapos ng fellowship ay magbago na naman ang plano niya at mas gustuhin na niyang sa Portland na lang kami tumira?”
“Well, nasa sa inyo ‘yan. Sa tingin ko naman, hindi gusto ni Justin na permanente nang tumira sa States, eh. Nakita mo naman na halos ayaw na niyang umalis uli kapag umuuwi siya rito, ‘di ba? At isa pa hindi naman mahalaga kung saan kayo titira. Ang mahalaga, nagmamahalan kayo at magkasama,” sabi pa ni Troy.
Natahimik si Frances dahil may katwiran ang kaibigan. Inabot pa ng ilang oras ang pag – uusap nila ni Troy. Aminado siyang lumambot ang depensa niya dahil sa mga paliwanag ng kaibigan. Troy had an ability to clear her mind eversince,that’s why she liked him a lot. Alam niyang kaunti na lang ay magbabago na ang desisyon niya at papayag na siya sa plano ni Justin.
Nang makatulog ay nagkaroon pa siya nang magandang panaginip kasama si Justin. Nakatira na raw sila sa Portland at isa na siyang full time housewife. Nakita niya ang sarili na nakaupo sa sofa sa mismong apartment nito na nagdadalang – tao, katabi sa upuan si Justin at hinahaplos nito ang malaking tiyan niya. Pareho silang masaya, habang pinagpaplanuhan ang pag – uwi nila sa Pilipinas pagkapanganak niya.
She loved that scene. Kaya nang magising si Frances ay kaagad nabuo ang desisyon niya na pumayag na sa mga plano ni Justin para sa kanilang dalawa. Magagawa uli niyang magsakrisyo para sa nobyo dahil mahal na mahal niya ito. Pagbalik na pagbalik ng Auntie Danna mula sa Italy kasama ng parents niya ay kakausapin niya ang tiyahin. Plano niyang ipasa ang pamamahala ng Perfect Petals sa kanilang very trusted and very dedicated assistant na si Lulu habang nasa Portland siya. Lulu mastered the job over the years at alam ni Frances na kung hindi lang siya umeksena at naging business partner ng Auntie Danna niya, marahil ito na ngayon ang namamahala ng Petals.
Sinubukan ni Frances na tawagan si Justin para ipaalam ang desisyon niya pero out of coverage ang cell phone nito at answering machine lang ang sumagot sa kanya sa apartment nito. Dahil matagal silang hindi nag – usap ay hindi niya alam ang schedule ng nobyo sa ospital.
Bumangon na lang siya at nagdesisyong mamaya na lang uli niya tatawagan ang nobyo. Nagtuloy siya sa banyo at naligo. May usapan sila ni Troy na magtutungo sa Friend Jungle nang umagang iyon at susunduin siya nito. Ang Friend Jungle ay isang sports club center na ipinatayo ng kanilang mga magulang para sa barkada nila three years ago para maging hang out nila pagkatapos ng opisina at tuwing weekends.
Pero paglabas ni Frances ng banyo ay parang ayaw na niyang tumuloy. Muli kasing sumasakit ang kanyang puson at bahagya pa niyang iniinda ang masakit na balakang. Nadulas kasi siya sa banyo ng farm house sa flower farm kahapon. Uminom siya ng pain killer at nang marinig ang pamilyar na busina ng kotse ni Troy ay napilitan siyang magbihis.
“I’ve missed you,” sabi ni Troy sa pagsakay niya sa kotse nito.
“I’ve missed you, too,” Hinalikan niya ang kaibiga sa pisngi at sandaling niyakap. Pagkatapos ay ini- start na nito ang kotse at nagmaneho.
“Libre ako ng dalawang araw. Busy ka ba, date tayo later?” tanong nito.
“Wala akong gagawin mamaya pero masakit ang balakang ko, eh. May kilala ka bang massage therapist?”
“Of course, madalas akong magka – muscle spasm. Ano’ng nangyari sa ’yo?”
“Nadulas ako sa farm kahapon. Napasama yata ang bagsak ko,” sabi ni Frances na muling napangiwi nang makaramdam ng muling pananakit ng puson.
Bahagyang nagmenor si Troy nang makita ang pagngiwi ni Frances.
“Kung ganyan pala ang nararamdaman mo dapat huwag na tayong pumunta sa Jungle. Dapat magpahinga ka na lang.”
“Ouch!” Sa halip na daing ni Frances. Napahawak siya sa kanyang puson nang muling umatake ang sakit na kanina pa niya nararamdaman. Muli siyang napasigaw sa matinding sakit na nararamdaman.
“Frances, are you all right?” nag – aalalang tanong ni Troy. Inihinto nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
“Troy…” Nakaramdam siya ng takot nang makita ang umaagos na dugo sa kaliwang hita niya mula sa suot na niyang jogging shorts.
Muli siyang napasigaw nang magsunod – sunod pa ang pagsakit ng kanyang puson. Hindi na niya alam ang sunod na nangyari dahil nagdilim na sa kanya ang lahat.