“KAILANGANG–KAILANGAN ka ng kapatid ko ngayon, Justin. Kung hindi ka talaga uuwi rito, ako mismo ang kukumbinsi sa kanya na hiwalayan ka!” galit banta ni Francine kay Justin sa telepono.
Nag–aalalang napasulyap si Francine sa kapatid dahil sa biglang pagtaas ng boses niya matapos sabihin ni Justin na hindi nito magagawang umuwi.
Nakita niyang gising na si Frances, nakatingin ito sa kanya at muli na namang umiiyak habang nakahiga sa hospital bed nito. Hindi na niya nagawang magpaalam sa kausap, kaagad siyang napasugod sa tabi ng kapatid.
Frances had a miscarriage. Kung na – shocked sila nang malaman ang dahilan kung bakit ito isinugod ni Troy sa ospital, lalo ang kanyang kapatid. Hindi alam ng kapatid na buntis ito at ang mas malala ay nalaglag ang bata. Hinanap kaagad nito si Justin nang malaman ang masamang nangyari nang nagkamalay ito, pero nahirapan silang hanapin ang binata. Nang ma - contact naman nila at makausap ni Frances ay lalo itong naging miserable nang malaman na hindi makakauwi si Justin para sa damayan ang kapatid niya.
“Hey, Justin is coming home. Ikaw pa rin ang importante sa kanya,” pag–aalo ni Francine. Alalang–alala na siya sa kapatid, halos hindi na ito tumitigil sa pag – iyak at kung tumigil naman ay natutula.
Umiling si Frances. “Hindi niya gagawin ‘yon, Ate,” paputol – putol na sabi nito habang umiiyak. “Lagi na lang siyang wala kapag kailangan ko siya. Tama ka, dapat ko na siyang hiwalayan.”
Hindi nakapagsalita si Francine. Niyakap niya ito bilang pagsuporta.Awang - awa siya kay Frances kaya nasaid na ang kanyang pasensiya at pinagbantaan si Justin, pero ayaw rin naman niyang magkahiwalay ang dalawa. Alam niya kung gaano kamahal ng dalawa ang isa’t –isa. Naniniwala siya na malalagpasan din ng mga ito ang pagsubok na iyon.
MULING sinubukan ni Justin na tawagan ang numero ni Francine, pero tulad ng mga nauna ay hindi na nito sinasagot ang cell phone. Ayaw na rin siyang kausapin ni Frances nang malaman nitong hindi siya makakauwi. Helpless na napaupo siya sa sofa, hindi malaman ang gagawin.
Gusto–gusto na niyang umuwi sa Pilipinas para damayan ang kasintahan sa masakit na nangyari dito pero hindi siya maaring umalis ng bansa. Muli ay sinisisi niya ang alcohol sa naging kapabayaan niya. Ilang araw siyang nakulong matapos masangkot sa isang vehicular accident.
Kasama ang ilang kaibigang doktor ay nagtungo sila sa isang bar at uminom. At dahil mababa ang tolerance niya sa alak ay madali siyang nalasing. Pagkatapos ay umalis siya ng bar, nag–drive at nangyari ang aksidente. Ilang galos lang ang nakuha niya pero ang teenager na driver ng kotse na nakabangga niya na lasing din ay hindi pa rin nagkakamalay sa ospital. Patong – patong na kaso ang isinampa sa kanya dahilan upang hindi siya makauwi sa Pilipinas.
Kasalukuyang ginagawa ng mga kamag–anak nila ang lahat para maayos ang kaso niya at mapabilis ang kanyang pag – uwi niya sa bansa. Dumating din ang mga magulang niya pero pinauwi rin niya kaagad ang mga ito sa Pilipinas para puntahan si Frances na tulad niya ay nagulat din nang malaman ang nangyari sa kanyang kasintahan.
Habang nag – iisip ng susunod na hakbang ay nag-ring ang cell phone ni Justin. Mabilis niyang sinagot iyon nang makitang ang kakambal ang caller. At habang kausap ito ay nakaisip siya ng pansamantalang solusyon sa kanyang problema.
“NATUTUWA akong nakarating ka.”
Napatingin si Frances sa pinto nang marinig ang sinabing iyon ng Ate Francine niya.
Niluwagan ng kanyang kapatid ang pinto at pumasok ang kausap nito. Nagtama ang tingin nila ng lalaking bagong dating.
“Frances, sa labas muna ako. Mag – usap muna kayo ni Justin,” paalam ng ate niya.
Hindi siya kumibo. Hinintay muna niyang makalabas ang kapatid at makalapit ang lalaki sa kanya bago siya nagsalita.
“Bakit nagpapanggap ka na ikaw ang kakambal mo, BJ?” pigil ang galit na tanong ni Frances. Isang tingin pa lang niya sa lalaki ay alam niya na hindi ito si Justin. Kahit na perpekto naman nitong nagaya ang hitsura ng nobyo ay hinding – hindi siya magkakamali sa dalawa kahit kailan.
“Paanong?” gulat na sabi ni BJ.
“Hindi mo ako maloloko o kahit pa ng kapatid mo,” mariing sabi niya. “Inutusan ka ba niyang magpanggap bilang siya? Nasaan siya?”
Tumango ito bilang pag – amin. “Hindi pa siya makakauwi, Frances,” tugon nito.
Pinigilan niya ang muling mapaiyak sa narinig.
“I know you’re strong enough to handle this trial, Frances. Please, unawain mo muna siya,” patuloy pa ni BJ.
“Sa loob ng anim na taon, laging ako na lang umuunawa sa kanya at laging ako ang gumagawa ng paraan para lang magkita kami. Pagod na akong intindihin siya.”
Hindi nakakibo si BJ sa narinig.
Kumilos si Frances, inabot niya ang kanyang bag na nasa gilid ng kama at mula roon ay kinuha niya ang singsing na ibinigay ni Justin sa kanya at iniabot sa kapatid nito.
“Hindi ko na ito kailangan. Pakibigay na lang sa kapatid mo.”
“Frances, no!” gulat na tanggi nito.
“Nakapagdesisyon na ako, BJ.” Kinuha niya ang isang kamay nito at anyong ilalagay niya sa kamay nito at ilalagay ang singsing nang bawiin nito ang kamay.
“Hindi ko matatanggap ‘yan,” muling tanggi ni BJ.
“Kung hindi mo ito tatanggapin, mas madali para sa akin na itapon ito,” sabi niya at iniumang ang singsing sa bintana.
Sa narinig ay mabilis nitong kinuha ang singsing sa kanya.
“Makakaalis ka na,” sabi pa niya nang ipamulsa nito ang singsing.
“Frances, I can stay here. Kung kailangan mo ng – ”
“No!” putol niya sa sinasabi nito. “Umalis ka na, gusto kong mapag – isa.”
Napabuntong - hininga si BJ at tahimik na umalis. Nang mapag – isa ay saka lang niya hinayaang tumulo ang luha sa kanyang mga mata na kanina pa niya pinipigilan.
PAGBABA pa lang ng kanyang kotse ay nakita na ni Frances na naghihintay sa front door ang kanyang mommy. Lumapit siya rito matapos maibigay sa kanilang kasambahay ang dala niyang bag.
“Mom,” bati niya at humalik sa pisngi nito.
“Kanina pa kita tinatawagan pero hindi kita makontak,” sabi nito na tila tensiyonado.
Napakunot-noo siya. “Kanina pa na-lowbat ang phone ko. May problema po ba?” Isang linggo matapos niyang ma - discharge sa ospital ay pumasok na siya sa trabaho. Ibinuhos niya buong araw ang atensiyon sa tambak na trabaho at hindi na niya inabala ang sarili na mag - charge ng cell phone.
“Nandito si Justin,” imporma nito.
Natigilan si Frances. Pagkatapos nilang mag – usap ni BJ sa ospital ay hindi na talaga niya pinagbigyan si Justin nang tangkain nitong kausapin siya sa telepono. Para sa kanya ay tapos na sa kanila ang lahat at hindi na dapat sila mag - usap. Nang makapag – isip siya nang maayos ay nag – alala rin naman siya sa nangyari sa binata. Pero mas masakit ang nangyari sa kanya. Sabihin nang hindi nito ginustong hindi makauwi para damayan siya pero pagod na siyang unawain ito kaya hindi nagbago ang desisyon niyang hiwalayan si Justin.
“He shouldn’t be here. Wala na kami. Dapat pinaalis n’yo na siya!” iritableng sabi niya.
“Frances,” Hinawakan muna ng mommy niya ang kanyang kamay bago nagpatuloy. “Mas makakabuti kung kakausapin mo si Justin. Nasuntok na siya ng daddy mo kanina pero pursigido talaga siyang makita ka. Hindi talaga siya aaalis hangga’t hindi ka niya nakakausap.”
Hindi na nagtaka si Frances kung bakit nagawang saktan ng kanyang daddy si Justin. Tulad ng mga kapatid niya at mga pinsan ay nagalit din ang daddy niya nang malaman ang nangyari sa kanya. Sinisisi ng mga ito ang binata at lalo pa silang nagalit nang hindi man nagawa ni Justin na umuwi para makita siya. Tanging ang mommy lang yata niya sa kanyang pamilya ang nanatiling nakaunawa at hindi nagpakita ng galit sa binata.
“Kung talagang desidido ka nang hiwalayan siya, say it in person, Frances. Tapusin mo nang maayos ang relasyon n’yo para pareho na kayong makapag – move on,” sabi pa nito.
Napabutong – hininga siya. Tama ang kanyang mommy, dapat niyang ayusin ang pakikipaghiwalay kay Justin para tigilan na siya.
“Nasa library si Justin. Doon ko na siya pinaghintay sa 'yo baka kasi lumabas uli ang daddy mo sa kuwarto at baka saktan na naman niya si Justin kapag nakita niya,” imporma ng mommy niya bago pa siya makapagtanong kung nasaan ang binata.
Tumango si Frances. Pumasok na siya sa loob ng bahay at dumiretso sa library.Naabutan niya si Justin na nakaupo sa isa sa mga silya ng mahogany table. Kaagad itong tumayo nang makita siya. Hindi siya nakaiwas nang pasugod siyang niyakap ng binata.
“God, I’ve missed you so much! I’m so sorry, sweetheart,” bulong nito habang mahigpit siyang nakakulong sa mga bisig nito.
Pinigilan ni Frances ang sariling tumugon sa mahigpit na pagkakayakap nito. Na – miss din niya ang binata pero hindi niya aaminin iyon. Inipon niya ang kanyang lakas at buod – lakas na itinulak ito para makakawala siya.
“Frances…”
Bahagya pa siyang umatras nang makakawala para hindi kaagad ito makalapit sa kanya. Pinagmasdan niya ang hitsura ni Justin. He looked like hell. Bukod sa halatang pumayat ay nangingitim din ang ilalim ng mga mata nito na halatang hindi gaanong nakakatulog. Putok din ang ibabang labi at nangangasul ang ilalim ng kaliwang mata. Her dad punched him hard on his face pero pinigilan niya ang sariling maawa rito.
“Tapos na tayo, Justin. Hindi ka na dapat nagpunta rito.”
“Ikaw lang ang tumapos ng lahat, Frances. Hindi ako papayag na mawala ka sa akin. I’ll do everything to win you back. Please, patawarin mo ako,” puno ng emosyon ang mga matang sabi nito.
Umiling siya. “No, Justin. Pagod na akong unawain ka dahil lagi rin naman akong huli sa mga priorities mo.”
“Hindi totoo yan!” kaila nito.
“Nang nawala ang baby natin, ikaw ang gusto kong makasama. Ikaw ang hinanap ko pero gaya ng dati, wala ka na naman kapag kailangan kita,” sumbat niya.
“Frances, hindi ko gustong hindi makauwi. May nangyari lang sa akin kaya hindi ako kaagad nakauwi. Pero nandito na ako, gagawin ko ang – ”
“Hindi na kita kailangan!” putol niya sa sinasabi nito. Namalayan na lang niya na umiiyak na naman siya. “Ikaw ang laging una sa mga priorities ko, Justin. Lagi kitang sinusuportahan, laging ako ang nagpapasensiya at umuunawa sa sitwasyon mo. Samantalang ikaw, kailan ba kita huling nakasama sa masasaya at masasakit na pangyayari sa buhay ko?”
“A - akala ko naunawaan mo ang sitwasyon ko.”
“Hindi na ngayon kaya makakaalis ka na,” muling pagtataboy niya.
“Frances, please, huwag mo naman akong itaboy.” Humakbang pa ito palapit sa kanya pero muli siyang umiwas.
“Nakapagdesisyon na ako, Justin. Umalis ka na lang, at tanggapin mo ang desisyon ko, tapos na tayo,” aniya at nagmamadali nang lumabas ng library.