“Mom, mauna na ako sa ’yo! I’Ii just call Mang Gaston to pick you up here, kanina pa naghihintay ang friend ko!” naiinip na sigaw ni Atasha nang makababa si Santina sa sasakyan.
Tila balewala na kaagad sa dalaga ang nasaksihan kamakailan lang kung saan malinaw na nakagawa ng hindi maganda ang lalaking pakakasalan nito.
“Mabilis lang ako, Atasha. Kukunin ko lang ang cellphone ko sa loob. Hindi pa nga ako aabutin ng five minutes, eh! Hindi ba makapaghihintay ’yang friend mo?” Hindi naitago ang iritasyon sa mukha ni Santina nang lumingon siya sa anak.
Diniinan niya ang salitang 'friend' upang magpahaging sa anak subalit tila hindi iyon napansin ng dalaga.
Halos araw-araw ay umaalis si Atasha, at ang laging dahilan nito ay makikipagkita sa kaibigan. Wala sanang problema sa kaniya kung gawin iyon ng anak, subalit alam niyang walang kaibigan ang dalaga sa kanilang lugar. Lahat ng kaibigan nito ay mga kamag-aral noong nasa kolehiyo pa lamang ito.
“Fine!” Umirap sa kaniya si Atasha. Pinagkrus ang mga braso sa d*bdib at tumingin sa ibang direksiyon.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago humakbang palapit sa mataas na bakod ng mga Del Castillo. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkadismaya. Nawawalan na siya ng pag-asa na muling babalik sa dati ang samahan nilang mag-ina.
Nang makapasok si Santina, kaagad na lumabas si Atasha sa sasakyan upang lumipat sa driver's seat. Pangiti-ngiti na pinasibad nito ang sasakyan ng ina upang puntahan ang sinasabi nitong kaibigan.
Samantala, nagmamadali namang lumakad si Santina patungo sa bahay ng kaibigan upang hindi siya matagalan.
“Santi, naiwan mo pala ang cellphone mo,” bungad sa kaniya ni Aelinor nang makapasok sa pamamahay nito sabay abot sa gadget.
Nang mag-doorbell siya’y sinabi niya sa kasambahay kung ano ang pakay kaya siya bumalik. Agad namang ipinagbigay-alam iyon ng kawaksi kay Aelinor.
“Oo nga, eh. Mabuti na lang at hindi pa kami nakakalayo.” Ngumiti siya habang inaabot ang cellphone mula sa kaibigan. “Masiyado kasing okupado ang isip ko kaya medyo wala ako sa sarili,” dagdag pa niya.
Makahulugan siyang tumingin sa kaibigan. Tumango naman si Aelinor na tila naunawaan ang nais niyang ipakahulugan.
“Huwag mo munang isipin ang tungkol sa bagay na ’yon, baka magkasakit ka na naman,” may pag-aalala sa mukhang wika ng kaniyang kaibigan, maya-maya’y napalitan iyon ng galit.
Agad na uminit ang magkabilang sulok ng mga mata ni Santina. “Salamat, Lin. Salamat dahil lagi kang nandiyan para sa akin.” Tinawid ni Aelinor ang pagitan nila, at mahigpit siyang ikinulong sa mga bisig nito.
Magmula nang pumanaw si Lauro, ang matalik na kaibigan na ang naging sandalan niya sa lahat ng oras. Ang babae lamang ang napaglalabasan niya ng mga hinanakit niya sa buhay. At ikatutuwa niya na laging bukas ang tainga nito upang pakinggan siya.
“By the way, where’s your son?” kapagkuwa’y usisa niya sa kaibigan. “Hindi namin siya nakasalubong sa daan.” Inaasahan niyang susundan sila ng lalaking dapat ay magiging manugang niya. Subalit hindi iyon nangyari.
Tumingin si Aelinor sa may itaas ng hagdan na gawa sa marmol–na animo makikita doon ang kaisa-isang anak.
“Balak niya sanang sundan kayo. Pero hindi ko pinayagang umalis. Sinabi kong hayaan muna niyang mapag-isa si Atasha lalo at masama ang loob,” tugon ng kaibigan. “Nahirapan akong kumbinsihin siya, pero nakinig din naman sa huli.” Sinundan nito iyon ng isang malalim na buntong-hininga.
Ngumiti si Santina, subalit hindi iyon nakarating sa kaniyang mga mata. “Mabuti naman pala kung gano’n. Kasi balak ni Atasha na utusan ang anak mo na paalisin si Czerina dito. Sariwa pa ang gälít na nararamdaman nila pareho para kay Czerina, baka hindi mo mapigilan si Slyth kapag nagkataon.”
“Ngayong may mga nalaman ako, sisiguruhin kong desisyon ko ang masusunod pagdating dito sa bahay. You have nothing to worry about, Santi.”
“Aasahan ko ’yan, Lin.” Tumango-tango si Santina. “Nasaan na pala si Czerina?” maya-maya ay usisa niya kay Aelinor.
“Nandoon na siya sa kwarto niya. Pinilit niyang bumaba kahit masama pakiramdam. May sinat siya,” nag-aalalang tugon ng kaibigan. “Pero napainom ko na rin naman siya ng gamot.”
“Salamat sa pag-asikaso sa kaniya.” Nagpakawala ng tipid na ngiti si Santina. “Ikaw na muna ang bahala kay Czerina, ha?”
“Don’t worry, hindi ko siya pababayaan. Siguradong galit pa rin si Slyth sa kaniya, kaya hindi na muna ako aalis ng bahay.”
“Again, thank you so much, Lin.” Tipid siyang napangiti, bakas sa mukha ang bigat ng dinadalang problema. “Sige na, aalis na ako. Baka naiinip na ’yon si Atasha. Mamaya iwanan pa ’ko,” paalam niya sa kaibigan.
“Ihahatid na kita sa gate.”
Kumapit sa braso niya si Aelinor habang tinatahak nila ang garden pathway patungo sa gate na nalalatagan ng rustic red bricks.
Habang naglalakad, nakasalubong nila ang isa sa mga kawaksi ng mga Del Castillo. “Good morning, Ma’am Aelinor at sa inyo din po Ma’am Santi!” pagbati nito sa magkaibigan.
“Good morning din, Sheena!” magkapanabay na ganting bati nilang dalawa.
“Akala ko po Ma’am ikaw ang sakay ng kotse mo. Nakasalubong ko po kasi ang sasakyan ninyo habang nakasakay ako sa tricycle,” may pagtataka sa boses ng kasambahay na si Sheena.
“Umalis na?” tukoy ni Santina sa anak, bakas sa mukha ang pagkadismaya.
“Opo, Ma’am. Humaharurot pa nga, eh! Sino po ba ang sakay no’n?”
“Si Atasha,” walang buhay na tugon niya sa dalaga.
Dahil nauna nang umalis ang anak, nanatili na muna si Santina sa bahay ng kaibigan. Inanyayahan siya nito sa library upang doon sila mag-usap. Tinawagan na rin niya si Gustavo na sunduin na lang siya.
Kaagad na isinandal ni Santina ang likod sa sandalan ng leather sofa nang makapasok sila sa library. Ipinikit niya ang mga mata at bahagyang hinilot ang sintido na para bang masakit ang kaniyang ulo.
May awa sa mga matang pinagmasdan ni Aelinor ang kaibigan. Gälít ang ginang sa mga natuklasan. Ngunit mas pinili nitong manahimik na muna pansamantala upang maayos na maisagawa ang plano.
Humugot nang malalim na paghinga si Santina, na para bang sa pamamagitan niyon ay mailalabas lahat ng sama ng loob na kinimkim niya.
Nangilid ang mga luha sa sulok ng mga mata niya. Nanikip ang kaniyang d*bdib sa pagpipigil na huwag mapaluha. Ngunit kahit anong pigil niya, nag-unahan pa ring pumatak ang masaganang luha sa kaniyang mga mata.
Isinubsob ni Santina ang mukha sa mga palad nang tuluyan siyang màpáiyāk. Kapag kaharap ang ibang tao, ipinapakita niyang matatag siya at walang iniisip na problema, ngunit kapag ang matalik na kaibigan ang kaniyang kaharap, hindi niya maiwasang maging emosyonal.
Lumapit si Aelinor sa kaibigan, mahigpit siya nitong niyakap, bakas ang lungkot at simpatya sa mga mata.
“D-Desidido pa ring magpakasal si Atasha kay Slyth sa kabila ng nadatnan natin kanina,” aniya habang nagpupumas ng luha gamit ang palad matapos mahimasmasan at mailabas ang kinimkim na sama ng loob. “At balak pa niyang utusan ang anak mo na paalisin si Czerina dito.”
Tumiim ang bagang ni Aelinor. Umalsa ang gälít sa d*bdib nito. “Hindi si Slyth ang masusunod sa pamamahay na ito. Poprotektahan ko si Czerina lalong-lalo na ngayong itinaya na niya ang kaniyang dangal,” maríïng tugon ng kaibigan.
“Ipinapaubaya ko na sa ’yo ang tungkol sa bagay na ’yan, Lin. Ikaw na ang bahala sa anak mo, ako naman kay Atasha.” Ginagap niya ang mga kamay ni Aelinor, na tila doon nakasalalay ang tagumpay ng kanilang mga plano.
Pagkatapos mag-usap, ilang sandali lang ay dumating na si Gustavo upang sunduin siya gamit ang isa sa mga sasakyan niya. Dahil tanghalian na rin naman, hindi muna sila pinauwi ni Aelinor. Pinakain muna sila doon bago umuwi.
Nang pagkatapos kumain, nakatanggap si Santina ng tawag mula sa isang numero na hindi nakarehistro sa kaniyang cellphone.
Sinagot niya iyon subalit agad na nabitawan matapos marinig ang sinabi ng taong kausap nito. Nawalan siya ng malay sa mga nabalitaan. Kaagad namang kumilos si Gustavo upang daluhan siya.
Bago tuluyang takasan ng ulirat, narinig pa niya sigaw ni Aelinor nang mapansin nitong tila siya nauupos na kandila. Pagkatapos niyon, hindi na niya namalayan pa ang mga kaganapan sa paligid.