Aili's Point of View
Napakamot ako sa aking ulo kinabukasan habang padabog na binabaybay ang daan papasok sa Zhenvalle University. May program sila kaya nagpapasok ng mga outsiders. Ngayon din magsisimula ang favor na sinasabi ni kuya Keir na labag talaga sa aking kalooban.
Seryoso ba siya?
Ako pa talaga na titibo-tibo ang napili niya?
"Uhm-excuse me, miss." Pilit kong kinuha ang atensyon ng babaeng nasa aking harapan. Nakasuot siya ng traditional Japanese Kimono at mahaba ang kanyang itim na buhok na nakatali pa. May espadang nakasabit sa kanyang baywang at abala siya sa pagtutupi ng kanyang uniporme.
Kapansin-pansin ang pulang tagos sa kanyang pang-upo dahilan para kunin ko ang aking napkin sa bag at ibigay ito sa kanya.
"Miss, may tagos ka," pag-agaw ko ng atensyon niya.
Hinila ko ang kanyang palapulsuan na kanyang ikinagulat. Inilapag ko ang napkin sa kanyang palad na pinagsisihan ko rin. Nakuha ko pang kumindat na pinagsisihan ko talaga.
Tangime!
"What are you thinking? Aanhin ko 'to?" usisa niya sabay ipinakita ang napkin.
Lalaki pala!
Bakas ang iritasyon sa kanyang mukha at pananalita na siyang ikinangiti ko ng peke. Sumipol-sipol ako para takasan siya subalit pinigilan niya ako. Tagpong-tagpo ang kanyang kilay at parang sasabog na siya sa iritasyon.
"Sa'yo na 'yan! Marami kasing stock sa amin!" palusot ko. Pilit na iniiwasan ang madidilim nitong titig. Inagaw ko ang aking palapulsuan na hinawakan niya at tumakbo paalis. Napapikit ako sa umaapaw na kahihiyang nararamdaman ko ngayon.
In fairness, poganda ... wait, familiar?
Tinignan ko ang picture sa cellphone ko at napanganga na lamang dahil siya nga si Kryo Cadell Arzaga. Ang anak nina tita Lizette at tito Van; ang masungit na tinutukoy ni kuya Keir!
Ibig sabihin, siya rin ang nag-iwan ng cellphone sa akin?
Chance ko na ito para ayain siyang makipag-date!
Ang dali lang pala nitong task ko, hoay!
Taas noo akong bumalik sa kinaroroonan ni Kryo at nagawa pang ngumisi. Pakiramdam ko kasi makukuha ko na ang loob niya ngayon.
"What the heck!"
Napatakbo ako ng wala sa oras papunta sa gawi no'ng Kryo upang hilahin siya paalis. Namataan ko kasi ang nakangiting si Xylia na may hinahanap. Sigurado akong si Kryo ang hanap ng babaeng iyon.
"Will you stop pestering me?" iritadong tanong niya. Nagpumiglas siya, lalo na nang makakuha kami ng maraming atensyon.
"Umalis ka sa harapan ko," matigas at maotoridad niyang utos na hindi man lang nagpatinag sa akin. Napapalibutan na kami ng maraming tao kaya't hindi na siya mapakali.
Panigurado akong papayag siya sa alok ko lalo na't kapwa mapapahiya kami. Ang talino ko talaga!
"Kryo Cadell Arzaga." Huminga muna ako ng malalim bago walang alinlangang itinuloy ang tanong.
"Will you court me?" nakangisi kong tanong na ikinatigil niya. Halos lumuwa rin ang mata ng iilang estudyanteng nanunuod sa amin.
Tama ba ang tanong ko?
Rinig ko ang tawanan at kantyawan ng mga estudyante sa paligid. Nakita ko rin ang pagkuyom ng kamao ni Kryo. Hindi ko makuha-kuha ang dahilan ng pagtawa nila kaya ilang segundong tikom ang aking bibig.
"Mukha ba akong pumapatol sa tibo?" sarkastiko niyang tanong na ngayo'y tinataasan na ako ng kilay. Tinignan niya ako mula paa hanggang ulo at sinalubong ang aking titig. Punong-puno ng pandidiri at pangmamaliit.
Hindi pala ito ganoon kadali!
Kahit na pinagtatawanan na ako ay hindi pa rin ako nagpatinag. I'm not after their attention anyway. All I need is Kryo Cadell Arzaga's eyes on me.
"Hindi pa ako tapos!"
"Yes, you are."
Kaasar!
Bakas ang galit sa kanyang mga matang nakapirmi sa akin. Nakakuyom din ang kanyang panga at ang mga ugat sa braso niya, animo'y puputok.
"Stop fooling around, Tañedo. This isn't your playground and I'm not your toy," malamig niyang bilin habang inililibot din ang tingin sa paligid.
"Hindi ang katulad mo ang magpapabago sa akin at nasisiguro ko ring hindi pagmamahal ang kailangan mo mula sa'kin," misteryoso niyang dugtong. He sighed and looked at me full of disappointment.
Bakit ba kasi namana ko ang katangahan ni mommy?
Hindi pa nga ako nakakasagot ay iniwan na niya akong naliligo ng tawa. Tinakpan ko ang aking mukha ng aking bag at lumayo sa nakakahiyang lugar na iyon. Sa halip na manuod sa gymnasium, dumeretso ako sa music room kung nasaan nag-eensayo sila ni kuya ngayon.
"Kuya, paano ba manligaw ng lalaki?" nakatulalang tanong ko na nasa labas ng bintana ang tingin. Rinig ko ang pagkaputol ng string dahilan para mapatingin ako kila kuya.
Nakatayo na silang apat na animo'y handa ng makipaglaban sa lalaking tinutukoy ko. Maliban na lamang sa kalmado at abala sa pagpa-piano na si El. Kapatid ni kuya Keir na tatlong taon lamang ang tanda sa akin.
"Sino? Nang masapak ko," seryosong sabi ni kuya Aevan na ikinailing-iling ko.
"Aevan, mukhang nagdadalaga na ang Queen natin," pang-aasar ni kuya Keir na inirapan ko sapagkat siya pa naman ang dahilan kung bakit ako nahihirapan ngayon.
"Aili, who's the lucky guy? Hmm?" panunuya ni kuya Jairus sabay nakipag-apir kay kuya Ked na tuwang-tuwa na rin.
"Wala. Bakit pa ako nagtanong sa inyo eh wala rin pala kayong girlfriend," salaysay ko na ikinabalik nila sa kani-kanilang upuan.
Wala sa sarili akong umalis at naupo sa bench sa may garden. Sinuklay ko paitaas ang aking buhok at napahilamos na lamang ng aking mukha. Habang pilit na ikinakalma ang sarili ay narinig ko ang ringtone ng cellphone ni Kryo.
Hinalungkat ko ito sa aking bag at walang alinlangan na sinagot ang tawag. Ni hindi na ako nag-abala pang tignan kung sino ang nasa kabilang linya.
"Yes, Kryo's girlfriend speaking," pagsisinungaling ko para kung babae niya man ito ay lulubayan na niya ang pagtawag kay Kryo.
Wow, territorial na ang boyish na si Aili!
Wala akong natanggap na sagot mula sa kabilang linya. Sigurado akong nagulantang talaga siya sa pasabog ko. Napangisi ako at ibababa na sana ang tawag kung 'di lang niya ako sinagot ng isang nakakapagpabagabag na tanong. Isang taong na nagpatahimik sa akin ng ilang segundo. My joke backfired me! Nakakahiya!
"M-My son's girlfriend?"
Naknampucha! Tita?!