Ilang araw na ang lumipas ng hindi man lang nakikita ni Angel kahit anino ni David. Nagtatataka siya, hinihintay niya ito sa pag-uwi, pero nakatulog na lang siya at inumaga na sa sala ay walang David na umuwi.
Hindi siya nagtanong kay Manang Tessa dahil baka makulitan ito sa kanya, pero ngayon ay maglalakas-loob na siyang tanungin ito.
Pumunta siya sa sala at nakita niya si Manang, lumapit siya dito saka tinawag ito.
"Bakit?"
"Itatanong ko lang ho sana kung nasa isang business trip ba si David," nahihiya niyang tanong.
Kahit kasi gusto siya nito para kay David ay nahihiya pa rin siya at ayaw niyang masabi nito na inaabuso niya ang binigay nitong tiwala sa kanya.
"Wala naman. Bakit?"
Napakamot siya sa batok. "Ilang araw ko na kasi siyang hindi nakikita."
Napatango-tango ito. "Nasa condo siya ngayon natutulog."
"Ha? Bakit doon po?"
"Hindi ko din alam." Nagkibit-balikat ito na ikinalungkot niya. Kung alam lang nito, sigurado na siya ang dahilan kaya hindi ito umuuwi sa mansyon. "Siguro ay dahil tinatamad na siyang bumyahe pauwi dito. Mas malapit kasi ang condo niya sa kompanya niya." Tinapik nito ang balikat niya. "Huwag mong isipin na dahil sa ‘yo kaya hindi siya umuuwi. Hindi lang din naman ito ang unang beses na hindi siya umuuwi dito. Kapag kasi hindi siya umuuwi dito, ibig sabihin ay masyado siyang busy sa kompanya at pagod buong araw."
"Ahh. Okay po" Nakahinga naman siya ng maluwag. "Kung doon siya sa condo niya natutulog, sino po ang nagluluto para sa kanya."
"Wala. Sa labas lang siya kumakain."
Napaisip naman siya, nagdadalawang-isip man ay nagsalita pa rin siya. "Manang, pwede po bang dalhan ko siya ng pagkain sa kompanya niya?"
Biglang napangiti si Manang Tessa sa sinabi niya saka natutuwang hinawakan ang dalawa niyang kamay. "Sige, hija. Dalhan mo siya ng pagkain. Sandali lang at ipapahanda ko ang pagkain na dadalhin mo."
"Sandali lang, Manang." Pigil niya ng akma na itong aalis. "Ako na lang ang maghahanda."
Nakuha naman agad ni Manang Tessa ang sinabi niya. Gusto niyang siya mismo ang maghanda ng pagkain para sa binata.
"Sige, hija. Pupuntahan ko lang si Delfin para ihatid ka sa kompanya."
"Nakakahiya naman, Manang. Pwede naman po akong mag-commute."
"Hindi. Ipapahatid kita kay Delfin. Hindi ka pa lumalabas ng mansyon simula ng dumating ka dito. Baka kapag ikaw lang mag-isa, baka mawala ka pa."
"Pero, Manang---"
"Hindi ako mapapakali kapag ikaw lang mag-isa ang aalis."
Nakikita niya sa mga mata nito na nag-aalala ito sa kanya kaya napabuntong-hininga na lang siya. Ayaw din naman niyang nag-aalala ito sa kanya.
"Sige po, Manang." pagpayag niya.
"Sige. Ihanda mo na ng pagkain si David at ipapahanda ko naman ang sasakyan."
"Sige po, Manang."
Umalis na si Manang Tessa kaya naman pumasok na siya sa kusina at inihanda ang dadalhin. Syempre dahil para sa binata ang lulutuin niya ay sinarapan niya talaga ang pagluluto dito at pinaganda pa niya.
Napangiti siya ng makita ang gawa. Ginawa niyang kaaya-aya ang pagkain para mas ganahan kumain ang binata. Sa sobrang focus niya sa ginagawa niya ay hindi niya napansin na nakalapit na pala sa kanya si Krizza at may kunot-noo na nakatingin sa ginagawa niya.
"Para kanino 'yan?"
"Para kay Sir David," sagot niya ng hindi tinitingnan si Krizza.
Binibilisan niya kasi ang pagtapos para makaalis na siya at para makita na din ang binata. Excited na siyang makita ulit ito dahil ilang araw din itong hindi umuuwi.
"Kay Sir David?" nagtataka nitong tanong.
Nagtataka ito dahil ilang araw din nitong hindi nakikita ang amo at mas nagtataka ito kung papaano nito ibibigay sa binata gayong wala naman ito sa mansyon.
"Oo."
"Paano? I mean, wala naman si Sir David, dito para ibigay mo 'yan."
"Pinapahatid sa akin ito ni Manang sa kompanya niya."
"Talaga lang ha?"
Napatayo ng tuwid si Angel saka tiningnan si Krizza. "Ayan ka na naman sa mga suspitsa mo," naiiling nitong sabi saka tinapos ang gawa nitong bento.
"Hindi mo naman kasi maiiwas sa akin, Angel, na hindi magtaka. Iba ang ngiti mo habang ginagawa mo ang bento na ‘yan eh."
"Di ba nga, mas sumasarap ang pagkain kapag ginawa ito ng nakangiti. Iyon lang ang ginagawa ko."
Hindi na nagsalita pa si Krizza dahil alam naman nito na magde-deny lang ito. May kutob talaga siya na may gusto ang kaibigan niya sa amo nila, ayaw lang nitong aminin.
"Sige na. Aalis na ako," paalam ni Angel kay Krizza ng matapos na nitong ilagay sa paper bag ang bento.
"Sige. Mag-iingat ka."
NAPATINGIN si Angel sa mataas na gusali na nasa harap niya. Hindi niya akalain na gano’n pala kalaki ang kompanya ng Montelfalco Corp. Huminga siya ng malalim bago tuluyan na pumasok.
Kung nalula siya sa labas dahil sa taas nito ay mas nalula naman siya nang makapasok sa kompanya. Napaganda ng loob at ang laki ng espasyo, para tuloy siyang nasa isang mall dahil sa dami ng empleyado na naglalakad.
Pumunta siya sa receptionist ng nakangiti.
"Excuse me, miss," tawag pansin niya sa babaeng may kausap sa telepono.
Sumenyas ito sa kanya ng ‘sandali lang’, kaya naman ngumiti siya dito bilang sagot. Napatingin-tingin siya sa paligid habang hinihintay ang babae na matapos ang tawag nito.
Hindi niya aakalain na ganito kadami ang empleyado ng Montelfalco Corp., na kahit nasa taas ang mga opisina ay may mga empleyado pa rin na naglalakad kung saan man ang mga ito papunta.
"Miss." Napalingon siya sa babae. Tapos na ito sa telepono kaya naman lumapit siya dito. "May I help you?"
"Itatanong ko lang kung saang floor si Sir David Montefalco?"
"You are?"
Ngumiti siya dito. "Angel. Katulong niya ako sa bahay. Nandito lang ako para ibigay sa kanya ang pagkain niya." Inilagay niya ang paper bag sa mesa para ipakita dito.
"I see." Tumango-tango ito. "But I'm sorry to inform you that, Mr. Montefalco is having a meeting right now."
"Gano’n ba?" Nakaramdam siya ng paghihinayang dahil hindi din naman pala niya makikita ang binata. "Makikisuyo na lang ako, miss. Pakibigay na lang ito sa kanya, pakisabi na galing sa akin."
Ngumiti sa kanya ang babae. "I will." Kinuha na nito ang paper bag.
Lumabas na siya ng kompanya, bago pa man tuluyang lumayo ay napatingin siya sa taas ng building saka napabuntong-hininga.
"Akala ko naman makikita ko siya ngayon. Excited pa naman ako. Totoo pala talaga ang kasabihan na ‘kapag excited ka sa isang bagay ay minsan hindi natutuloy." Napabuntong-hininga na naman siya saka tuluyang tumalikod.
Habang papalayo si Angel ng may bigat sa dibdib ay hindi niya alam na may isang tao pa lang nakamasid sa kanya mula sa pinakamataas na building. Kahit nasa malayo ay alam niya na ang dalaga iyon.
Kinuha niya ang telepono saka tinawagan ang receptionist na agad din naman nitong sinagot.
"Good afternoon, this is Montefalco Corporation. How may I help you," sabi ng receptionist ng masagot nito ang tawag niya.
"Is there a woman who named, Angel, came there?"
"Mr. Montefalco," gulat na ani ng babae pero agad ding bumalik sa ulirat. "Yes, Mr. Montefalco. Kakaalis niya lang."
"What does she want?'
"May iniwan po siyang paper bag, Mr. Montefalco. Lunch niyo po daw." Hindi na siya sumagot saka pinutol ang linya at tinawagan ang secretary niya.
"Bring me the paper bag that from the receptionist." Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito saka binaba ang telepono.
Ilang minuto lang ay kumatok saka pumasok ang secretary niya.
"Here it is, Mr. Montefalco." Inilagay nito sa mesa ang dalang paper bag. "I'll leave then if there is nothing else."
Tumango lang siya bilang tugon dito. Nang makaalis na ito ay doon lang siya lumapit sa mesa saka tiningnan ang laman ng paper bag na dala ni Angel. Umupo siya saka binuksan ang bento.
Napatawa siya ng mahina ng makita ang nasa loob nito. Parang pambata kasi ang design ng kanin, ulam at mga gulay. Kinuha niya ang isang papel na kasama ng bento saka binasa ito.
'Sana magustohan mo ang niluto ko. Magpakabusog ka. HUwag kang masyadong magpakapagod sa trabaho. Sana umuwi ka na. Wala na kasing nagsususngit sa akin. Na-miss ko ang pagkamasungit mo. Anyway, Ingat ka palagi, Sir David.'
- Angel
Napabuga siya ng hangin sa nabasa niya. Kinuha niya ang chicken hotdog na ginawa nitong parang pusit. He smirk, nakakainis mang isipin pero nami-miss niya ang makulit na babaeng 'yon. Wala na siyang pinapagalitan at sinusungitan.
Napailing na lang siya saka kinain ang pagkain na ginawa ni Angel para sa kanya.