Nagising si Angel saka napatingin sa wall clock na nasa sala at biglang napabangon ng makitang lampas ala-una na ng madaling araw.
"Nakauwi na kaya siya?" tanong niya sa sarili. Pero napaisip din siya na kung dumating na nga ito ay bakit hindi siya nagising?
Napangiwi na lang siya, ni hindi nga niya napansin na nakatulog pala siya sa paghihintay kay David, ang pagdating pa kaya nito. Ganoon ba siya kapagod para makatulog ng hindi man lang niya namamalayan?
Tumayo siya saka sinilip ang garahe para silipin ang sasakyan ng binata at para masigurado niyang nakauwi na nga ito. Napakunot noo na lang siya ng makitang wala ang sasakyan ni David.
"Lampas ala-una na, pero bakit wala pa rin siya?" Para siyang timang na kausap ang sarili. "Hindi naman nabanggit sa akin ni Manang Tessa na may business trip si David." Natawa siya sa ginawang pagkausap niya sa sarili saka napailing-iling pero hindi nagtagal ay napakunot noo siya. Napasilip ulit siya sa garahe ng makarinig ng ugong ng sasakyan at makita si David na kababa lang. "So, hindi pa talaga siya nakauwi." Agad siyang tumungo sa pintuan saka pinagbuksan ang binata ng pinto. "Good---" Hindi na niya natuloy pa ang sasabihin ng mapansin niya ang mapupungay nitong mga mata.
"Get out of my way." Muntik na siyang matumba ng tinulak siya nito nang aakayin na sana niya ito dahil iba na ito kung maglakad.
"Eh, Sir." Lumapit si Angel kay David at doon niya lang napagtanto na lasing pala ito. Naaamoy niya ang matapang na alak mula dito. "Bakit ka naglasing?" Hinawakan niya ang kamay nito para sana alalayan pero kagaya ng kanina ay tinulak lang siya nito ulit.
"Don't touch me!" sigaw nito at dinuro siya ng may mapupungay na tingin. "How many times do I have to tell you that, I don't need your help. I don't want anyone in my life and especially I don't need you."
Kahit anong masasakit na mga salita ang sinasabi nito sa kanya ay hindi niya talaga pinapakinggan dahil nakatutok lang siya sa binata. Gumigewang-gewang kasi ito habang nagsasalita at galit na dinuduro siya. Nag-aalala siya na baka matumba ito at masaktan.
"Sige na, sige na. Hindi mo na kailangan ng tulong ng kahit na, sino pero pwede ba kahit ngayon man lang ay hayaan mo akong tulungan ka papunta sa kwarto mo para makapagpahinga ka na." Sinubukan niyang lumapit dito pero umatras ito para hindi niya ito mahawakan.
"I said, don't touch me! I don't need your help. I can take care of myself I don’t need anyone’s help."
Wala na siyang nagawa ng magsimula na itong maglakad. Kahit sinabi nito na hindi nito kailangan ng tulong niya ay sumunod pa rin siya sa paglalakad nito. Nasa likod lang siya nito.
Nang nasa hagdan na ito ay hindi siya lumayo dito. Ayaw niyang may mangyaring masama sa binata. Muntik na niyang mahawakan si David ng muntik itong matumba, pero napahawak ito sa hawakan ng hagdanan. Napabuga na lang siya ng hangin. Kinabahan siya doon.
"Tutulungan na kita." Hahawakan niya sana ang kamay nito na nasa hawakan ng hagdan ng bigla nitong iiwas ang kamay.
"I said, I don't need your help. Why can’t you understand that? Are you stupid?"
Hindi niya pinansin ang sinasabi nito ngayon. Ang tanging nasa isip niya lang ay matulungan ang binata na maayos makarating sa kwarto nito at makapagpahinga.
"Kahit ngayon lang oh. Huwag mo naman pairalin ang pagkamasungit mo. Hayaan mo akong tulungan ka, baka kasi mapano ka."
"Kahit ngayon lang din, Angel. Tigilan mo ang kakakulit sa akin."
Bigla siyang natameme sa sinabi nito. Nakaramdam siya ng kirot dahil nararamdaman talaga niyang ayaw sa kanya ng binata, na nakukulitan ito sa kanya. Bumalik siya sa reyalidad ng makitang wala na ito sa harapan niya at nasa hallway na ito ng second floor. Naglalakad pero nakadikit sa dingding.
Mabilis siyang naglakad patungo dito saka huminto ng nasa likod na siya nito. Nang makita niyang nahihirapan ito sa pagbukas ng pinto ay hindi na niya napigilan pa ang sarili na tulungan ito. Siya na mismo ang nagbukas ng pinto. Sinamaan siya nito ng tingin saka walang sabi-sabing pumasok at malakas na sinara ang pinto.
Kahit ganoon ang inasta ng binata ay nakahinga na din siya ng maluwag dahil nakauwi ito ng ligtas at sana lang ay hindi na ito maulit pa. Hindi na sana ito maglalasing dahil delikado kapag nagmaneho pa ito pauwi. Baka maaksidente pa ito at ayaw niyang may mangyaring masama dito.
KINABUKASAN ay masakit ang ulo ni David ng magising. Naalala niyang uminom siya kasama ang kaibigan niyang si Denver. Hindi niya mapigilan ang magpakalasing dahil naaalala na naman niya ang araw ng pagkawala ng mga magulang niya. Mas nagpakalasing siya ng maalala ang makulit na dalaga na nasa mansyon niya ngayon. Hindi niya alam kung ano pa bang pwede niyang gawin para lubayan siya nito.
Napatingin siya sa orasan na nasa bedside table. Malapit ng magtanghali. Linggo ngayon kaya okay lang kahit hindi siya magising ng maaga pero hindi din okay na wala siyang pasok dahil buong araw niyang makikita ang makulit na babaeng ‘yun.
"Who's that?" tanong niya ng may kumatok sa pinto, habang nakapikit ang kanyang mga mata..
"Good afternoon po, Sir David. Si Angel, po ito,"
Mariin niyang napikit ang mga mata ng marinig ang boses nito. "What do you want?"
"Gusto ko lang sabihin na tanghali na po at hindi ka pa kumakain ng agahan kaya kailangan mo ng kumain," sagot nito mula sa labas.
Napabuntong-hininga na lang siya, sigurado siyang kukuliti lang siya nito kapag hindi pa siya lumabas. "Okay." Ayaw na niyang makipag-usap pa dito.
"Okay, Sir. Bilisan mo lang at baka lumalig na ang pagkain. Ipaghahanda ko na din ang kape niyo."
Hindi na siya sumagot pa at napaikot na lang ng mata. Nang marinig niya ang yapak nito na papalayo ay doon lang siya bumangon saka tumungo sa banyo para maligo. Nang matapos ay bumaba na siya saka dumiretso sa hapagkainan.
Napakunot noo siya ng makitang may gamot sa isang platito. "What's this?" tanong niya kay Angel na kararating lang galing kusina at dala ang isang tasa ng kape na para sa kanya.
"Gamot, Sir."
Napaikot mata siya sa sagot nito. "I know, you idiot. What I mean is, what for?"
Natawa ng mahina si Angel saka napakamot sa ulo. "Ayusin mo kasi ang tanong mo, Sir. Para sa sakit ng ulo mo 'yan." Nagkasalubong ang kilay niya ng pinamewangan siya nito. "Syempre lasing ka kagabi kaya naman sasakit ang ulo mo ngayon at ito," inilagay nito ang dalang tasa sa mesa. "kape, para matanggal ang hang-over mo."
Hindi man makikita sa mukha ni David pero hindi siya makapaniwalang nakatingin sa dalaga na nakangiti sa kanya ngayon. Hindi niya alam kung maaantig ba siya dahil sa ginagawa nitong pagsisilbi at dahil ito ang unang beses na may nagmalasakit sa kanya maliban kay Manang Tessa, na simula pagkabata ay nandyan palagi sa tabi niya.
Maaantig na sana siya, pero naalala niya kung bakit ito ginagawa ng dalaga. Ginagawa niya lang ito bilang pasasalamat, dahil sa utang na loob nito. Bigla siyang nainis ng maalala ito at hindi niya alam kung bakit.
Nagtaka si Angel ng biglang sumama ang mukha ni David. Napatanong tuloy siya sa sarili kung may nagawa ba siyang mali, pero sa tingin naman niya ay wala. Lahat ng kailangan nito ay sinugurado niya na naihanda na niya. Ang pagkain, kape, lalo na ang gamot para sa sakit ng ulo nito.
"Kumain na kayo, Sir, at huwag mong kalimutan na inumin ang gamot mo." Napalabi siya ng hindi na naman siya nito pinansin. “Doon muna ako sa kusina, tawagin mo na lang ako kapag may kailangan ka." Turo niya sa kusina. Napakagat-labi na lang siya saka umalis ng hindi pa rin ito nagsasalita.
Mukhang balik sa pagiging masungit ang amo niya. Napabuntong-hininga siya ng makapasok siya sa kusina. Mukhang tinutuhanan talaga ang sinabi nito ang sinabi niya kagabi na huwag na lang siyang pansinin at isipin na hangin lang siya.
Lumapit si Krizza sa kanya. "Oh, ano? Napagalitan ka na naman ba?"
"Hindi naman," sagot niya saka napakunot ng noo. "Pero parang iba siya ngayon."
"Anong iba?" curious na tanong ni Krizza.
"Parang malamig eh."
Napasapo sa sariling noo si Krizza. "Kailan ba hindi naging malamig ang pakikitungo ni Sir?" Napailing-iling ito. "Ewan ko sa ‘yo, ang weird mo kausap." Bumalik na ito sa trabaho.
Napaisip siya sa sinabi ni Krizza saka napakibit-balikat, may punto din kasi ito. Kailan ba kasi hindi naging malamig ang pakikitungo nito sa kanya o sa iba? Pero may iba talaga siyang nararamdaman, hindi niya nga alam kung ano.
"Aalis ka?" Napahinto si David sa paglalakad saka napatingin kay Angel.
"Why?" Tiningnan niya ito ng masama. "Do I need your permission to go out?"
"Para nagtatanong lang eh." Nagkasalubong ang kilay niya ng ngumuso ito. "Gusto ko lang sabihin na mag-iingat ka." Hindi na niya ito pinansin saka naglakad na. "Huwag ka ng iinom ng marami ha?" Narinig niyang sigaw nito bago pa siya makalabas ng tuluyan sa mansyon.
Napa-tsk siya sa sinabi nito. Sino ba ito sa buhay niya para pagbawalan siyang uminom ng marami? Hindi naman sila close. Iinom siya hanggang gusto niya at walang kahit na sino man ang makakapagpapigil sa kanya.
Habang naiinis ang binata dahil sa inaasta ng dalaga ay may natutuwa naman sa kabilang banta. Natutuwang tinitingnan ni Manang Tessa ang dalawa. Nakangiti siya habang nakatingin kay David na sumakay sa kotse nito saka napatingin kay Angel na nakangiti namang nagtatrabaho. Nais niyang maging maayos ang relasyon ng dalawa.
NAGWAWALIS si Angel sa harden nang dumating si Manang Tessa saka naupo sa isang upuan na nasa harden. Napangiti ito ng makitang masayang nagwawalis ang dalaga. Nakikita niya sa mukha nito na masaya ito.
"Angel, hija," tawag pansin niya dito.
Napalingon ito sa kanya. "Bakit, Manang?"
"Maupo ka dito, hija." Tinapik niya ang upuan sa tabi niya. Lumapit ito sa kanya saka naupo sa tabi niya. "Mukhang masaya ka ata."
Natawa ng mahina si Angel. "Halata ba, Manang?"
"Halata. Nauukit sa mukha mo eh." Ngumiti ito sa kanya. "Tungkol nga pala sa pinag-usapan natin noong isang araw."
"Bakit po?"
"Mahal mo na ba si David?"
"Ahmm," napakamot ito sa ulo. "Hindi ko po alam, Manang. Ang alam ko lang kasi ay gusto ko siya pero hindi pa ako sigurado kung mahal ko na talaga siya."
"Kung ganoon, paano mo matutupad ang pangako mo na hindi mo siya iiwan kung hindi mo pa pala siya mahal?" Bigla itong natameme at hindi makasagot. "Alam mo ba si David noon ay masayahing bata? Siya ang nagbigay saya sa buong Montefalco mansyon noon. Napakabibo niyang bata, mabait, mapagbigay sa kapwa, at palaging nakangiti. Ni minsan ay hindi siya pinagalitan ng mga magulang niya dahil hindi siya gumagawa ng mga bagay na ikakagalit ng mga ito. Mahal na mahal siya ng mga magulang niya kaya naman ng mawala ang mga ito ay nagbago na siya. Simula ng mawala ang mga magulang niya ay hindi ko na siya nakita pang ngumiti. Naging masungit na siya at malamig kung makitungo sa iba, palagi na siyang galit kaya naman umalis ang ibang kasambahay noon na dati ay close na close niya. Si Delfin at ako na lang ang natira, kahit na masungit siya at pinapagalitan kami ako noon, hindi namin siya iniwan.."
"Bakit hindi kayo umalis noon, Manang?"
"Dahil alam ko na hindi talaga 'yon ang totoong David. Kilala ko ang totoong siya dahil ako ang nagpalaki sa kanya simula noong bata pa siya at kung iiwan ko siya, sino na lang ang matitira sa kanya? Baka kapag iniwan ko siya ay maramdaman niya na umalis na lahat at iniwan siya. Ayokong maramdaman niya iyon. Si Delfin, ako, at si Denver lang ang matyagang umintindi sa kanya noon kaya naman hindi nagtaggal ay nakuha din namin ang tiwala niya." Hinawakan niya ang palad nito. "Kaya gusto kong isipin mong mabuti at pakiramdaman mo ang puso mo kung ano ba talaga ang tunay mong nararamdaman para sa kanya dahil gustong-gusto talaga kita para sa alaga ko. Nakikita kong matyaga mo siyang pinagsisilbihan kahit pa pinapagalitan ka niya at sinusungitan."
"Hindi ko naman kasi dinidibdib, Manang, kaya wala lang sa akin kahit anong masasakit ang sinasabi niya."
"Kaya nga gusto kita para sa kanya. Nararamdaman ko na ikaw na nga ang babaeng hiniling ko na makapagpapangiti ulit sa alaga ko."
"Magagawa ko naman siguro 'yon, Manang, ang problema nga lang mukhang matatagalan. Ang sungit ho kasi talaga ng alaga nyo eh." Nakanguso niyang sabi.
"Pasasaan pa't mapapalambot mo din siya. Tyaga lang, anak."
Niyakap ni Angel si Manang Tessa dahil sa tuwa. Tuwa dahil maliban na tinawag siya nitong anak ay malaki ang tiwala nito sa kanya. Ipinagkakatiwala nito sa kanya si David.
"Ayoko din mawala sa mundo ng walang nag-aalaga sa kanya."
Bigla siyang kumawala sa yakap dito. "Huwag kang magsalita ng ganyan, Manang. Matagal ka pang mabubuhay."
Ngumiti ito sa kanya. "Hindi natin alam kung hanggang kailan lang tayo sa mundong ibabaw. Walang nakakaalam kung kailan tayo kukunin ng Diyos, kaya nga habang buhay pa ako ay gusto kong makahanap ng babaeng mag-aalaga kay David at mamahalin siya ng totoo at ikaw na nga ang binigay ng Diyos."
Hinawakan niya ang kamay nito. "Pangako, Manang, hinding-hindi ko iiwan si David. Makakaasa kayong aalagaan ko siya."
"Salamat, anak."