Chapter 14: Enemy or Ally

1068 Words
Naalimpungatan siya sa naulinigan niyang tila putok ng baril. Marahan siyang bumangon para tignan kung ano ang nangyayari sa labas. Napabuntong-hininga siya ng maalala na wala nga pala silang kasama ngayon ng dalawang bata kung hindi ang mga bodyguards na inupahan ni Ford at ang mga security. Matapos kasi ang nakakapanlambot na halik nito sa kaniya halos dalawang linggo na ang nakakalipas ay naging madalang ang kanilang pagkikita. Iyon ay matapos may tumawag sa cellphone nito at mukhang seryoso ang ibinalita dahil kita niya ang pagbabalik ng seryosong mukha nito. Lagi itong nasa labas at madalas gabi na umuuwi at kung umalis naman ay napakaaga dahil hindi talaga niya naaabutan. Minsan naiisip na rin niya na baka iniiwasan siya nito. Hayp na 'yon! Isa ring paasa! Pa-fall, hindi naman marunong sumalo! Nadagdagan pa ang lungkot niya dahil inihatid si Nana Aida ni Pepay sa probinsiya dahil sa lagi na masama ang pakiramdam nito at ang madalas na pag-atake ng vertigo. Nag-advise ang doktor na magpahinga muna ito. Sa isang linggo pa babalik si Pepay mula sa paghatid nito kay Nana Aida sa Zamboanga. Maingat ang kilos na lumabas siya ng nursery room. Doon na rin lagi natutulog si Klein lalo at wala silang ibang kasama. Tumingala siya sa wall clock na nasa may dingding. Alas dos ng madaling araw. Hindi pa niya naipipinid ang pinto ng nursery ng makarinig nanaman ng putok ng baril. Sh*t! Alam niyang putok iyon ng baril! Dali-dali siyang bumalik sa kuwarto at kinuha ang baril at silencer sa ilalim ng kutson. Lumapit din siya sa cabinet at kumuha ng dalawang magazine mula sa bag niya at isinuksok iyon sa maong niyang short. Nilapitan niya si Baby Ri, pinindot ang gadget nito at tumugtog ang lullaby song. Nilakasan niya pa iyon ng konti para magkaingay man sa labas ay hindi ito magigising agad. Sumunod na nilapitan niya ay si Klein. Inabot niya ang earphones nito at isinuot bago marahan na tumayo sa kama at lumabas ng silid. Inilock niya ang pinto at itinago ang susi sa bulsa sabay kasa ng hawak na baril at maingat na bumaba ng hagdan. Muli, dalawang malakas na putok ng baril ang naulinigan niya. Lumapit siya sa kinalalagyan ng cctv monitoring ng bahay. Kumpirmado, napasok sila! Pawang nakaitim ang mga ito at nakatakip ang mga mukha. Sa main gate ay nakabulagta na ang security na nakaposte roon. Napasingkit ang mga mata niya ng makita ang mga dala nitong armas. Puro matataas na kalibre! Mabilis siyang naglakad papunta sa main door ng bahay habang ikinakabit ang silencer ng baril. Nagpadala rin siya ng alerto sa departamento nila. Kailangan niya ng backup! Napalingon siya sa may kusina ng mahagip ng mata niya na may gumalaw na bulto roon. Umalerto siya at maingat na humakbang palapit doon. Tila nagulat pa ang lalaki ng makita siyang nakatayo sa may entrada papunta ng sala habang nakaumang ang baril niya rito at nakataas ang labi. "Surprise!" sambit niya. Tila nataranta ito ng makita ang mukha niya. Napasinghap ito sabay umakto na babarilin siya pero nauna na niyang pinutukan ito at agad na bumulagta. Kailangan niyang manatili rito para mapigilan ang mga ito na makaakyat sa silid ng mga bata. Nasaan ba kasi ang hinayupak na Ford na iyon?! Nasa panganib na ang mga pamangkin nito kung saan saan pa nagsusuot! Nawala siya sa konsentrasyon dahil sa pag-iisip sa kinaroroonan ni Ford. Hindi niya napansin ang isang bulto na papalapit sa kaniya mula sa likuran. Pagpaling niya ay nagitla siya sa biglang sumipa sa kamay niya at tumilapon ang baril malapit sa main door. Mabilis niyang sinangga ang muling pagsipa nito at tumama sa braso niya. "Sh*t!" napamura siya. Ang tigas kasi ng sapatos nito ang sakit kapag tumama ang sipa. Napahawak siya sa braso at iginalaw galaw iyon. Umigkas ang kamao ng lalaking nakaitim, mabilis niyang inilagan ito pero hindi siya handa sa isa pang suntok na pinakawalan nito at tumama sa kaniya. Napaatras siya at natumba malapit sa naka-hang na TV. Mabuti at mabilis niyang nakuha ang balanse at humanda muli sa atake ng kalaban. Naramdaman niya ang lasang kalawang sa bibig niya. Mabilis niyang pinunasan ang gilid ng labi niya na dumudugo. Tinignan niya ang mukha nitong nakatakip. Pilit siyang kumukuha ng detalye sa kabuuan nito pero wala. Balot na balot ito lalo na ang mukha nito na mata lang ang kita. Kailangan ko makita ang mukha ng hunghang na 'to. Mahinang usal niya sa sarili. Muling sumugod ang lalaki at inundayan siya ng roundhouse kick pero mabilis niyang nahuli ang paa nitong sumipa. Nagitla pa ito ng mapagtanto na hawak niya ang paa nito. Masakit talaga ang sapatos nito nang tumama nanaman sa kamay niya, pero kaya pa naman niyang tiisin. Mabuti na lang talaga at bumalik na siya sa training. Kung hindi baka nailampaso na ang beauty niya ng hudyo na ito. Hinatak niya ang paa nito at bumuwelo. Buong lakas niyang tinuhod ito. Tumama ang tuhod niya sa sikmura nito kung kaya't plakda itong napahiga sa sahig habang namimilipit sa sakit at sapo ang tiyan. Nang akma itong muling babangon ay hindi na siya nagsayang ng oras at malakas na sinipa ito sa mukha. Tulog ito na sumadsad sa sahig. Kumuha siya ng tali para itali ito. Hindi pa niya pwedeng tuluyan ang lalaki, kailangan niya makakuha ng impormasyon kung sino ang mga ito. Nang matapos niyang itali ang walang malay na lalaki ay mabilis siyang tumayo at pinulot ang baril na tumilapon kanina. Napalingon siya sa pinto dahil ramdam niya ang yabag na papalapit. Agad siyang pumuwesto sa harap nito at inumang ang baril habang inaabangan ang pagpasok nito. Ilang sandali pa ay isang malakas na tunog ang narinig niya sa likod ng nakapinid na pinto at marahas itong bumukas. Sinipa ng kung sino ang pinto para bumukas, nasipat yata na nakalock iyon. Ngunit napatda siya sa tumambad sa kaniya. "Ford," mahinang sambit niya sa pangalan nito. Nakaumang ang baril sa kaniya, hindi niya mabasa ang reaksiyon nito. Nakatiim ang mga labi at nakatago ang mga mata ng suot nitong baseball cap. "Viel," sambit naman nito sa pangalan niya. Kapwa nakatutok sa isa't isa ang kanilang mga hawak na baril. Nanlaki ang mata niya ng makita ang paggalaw ng daliri nito at pagkalabit sa gatilyo. "Sh*t!" mura niya sabay pikit at hinintay ang pagdampi ng bala sa katawan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD