VEGA AMARA'S P.O.V:
"Hijo, may problema ba? Bakit ganyan ang itsura mo?" tanong ni Mommy sa kanya kaya palihim kong nakagat ang aking labi upang pigilan ang pagbunghalit ko ng tawa sa itsura ni Axel.
"A-Ah, ayos lang po ako. Namiss ko lang po si Vega at gusto ko pong maging date niya ngayong gabi. Pwede ko po ba siyang hiramin?" nauutal na wika naman ni Axel.
"Bakit ka pa magpapaalam eh mag-asawa naman kayong dalawa? Kailan mo ba susunduin yan sa bahay at nagsasawa na ako sa mukha niyan."
Bigla akong napangiwi sa sinabi ni Daddy. "Correction, Dad, hindi na kami mag-asawa kaya pwede ba, huwag niyo nang ituring yan na para bang maganda ang dinulot niya sa akin. Ako yung nasaktan dito oh."
"Manahimik ka! Lahat ng tao ay nasasaktan dahil may damdamin tayo at kung ano man ang nagawa ni Axel sa'yo bakit hindi mo kausapin ng maayos? Ikaw na nga ang sinusuyo ng asawa mo ikaw pa itong nagmamatigas?"
Wow, kasalanan ko pa?
Hindi na ako sumagot at baka bigla akong bigwasan ni Daddy at uuwi ako sa amin na tabingi na ang mukha dahil sa gigil niya sa akin.
Wala akong nagawa nang ioffer ni Axel ang kanyang braso sa akin kaya kumapit na lamang ako doon at magkakasama kaming pumasok sa Monteverde Empire. Kahit labag sa loob ko na lumapit o kausapin man lang si Axel ay hindi ako makapag reklamo dahil sa mata nilang lahat ay mag-asawa kami.
Para sa kanila, ang paghihiwalay namin ay pansamantala lamang dahil sa bansang ito, walang divorce. Kung mayroon man ay matagal ang proseso at kung may pera ka ay madali na lamang 'yon.
Ang kasal kasi ay isang sagrado sa mata ng simbahan, batas at nang tao kaya bago ka magpakasal, siguraduhin mong buo na ang loob mo sa pagpasok sa panibagong yugto ng buhay mo ngunit kahit gaano ka pa kahanda kung ang tadhana mismo ang maglalaro sa inyong kapalaran, wala kang magagawa kundi ang lumaban ng patas.
Ngunit sa mundong ginagalawan ko, nag-iinarte lang ako at gustong magpasuyo kay Axel dahil hindi naman umano totoo ang pambababae nito dahil nakalipas na raw iyon at mas pinili nitong manahimik sa tabi ko bilang asawa ko.
Pero iyon ang akala nila dahil ako mismo ang nakakita kaya nga nasira ni Axel ang tiwala at pagmamahal na ibinigay ko sa kanya.
Hanggang sa tuluyan kaming makapasok sa loob, sinalubong kami ng mga magulang ni Axel at para gusto ko siyang tadyakan dahil sa laki ng ngiti niya na parang asong ulol.
"Mare, good evening, thanks for coming," bati ni Tita Aizel, ang Nanay ni Axel.
Nakipagbeso si Mommy sa kanya at ganoon din ako maging sa ama ni Axel na si Tito August.
"Thank you also for inviting us. Ayaw sanang sumama ni Vega sa amin ngunit pinilit ko siya."
"Aw, it's so sweet of them to see by each other side, di ba, hon?" baling pa nito sa asawa na nakangiti lang.
Actually, carbon copy ni Axel si Tito August, iyon nga lang hindi nito nakuha ang pagiging loyal sa asawa.
Sa totoo lang, ang sarap ibaon ni Axel sa hukay at kung hindi lang kami magkababata at hindi ipinagkasundo sa isang kasal baka hanggang ngayon ay tahimik pa rin ang buhay ko.
"Yeah, nagkabalikan na ba kayong dalawa?" intriga ni Tito August sa amin na siyang ikinangiwi ko.
"Dad, asawa ko pa rin si Vega kaya bakit kami magkakabalikan kung hindi naman kami naghiwalay?"
"Eh bakit ayaw umuwi ni Vega sa bahay niyo? Baka totoo talaga na may babae ka at ayaw mo lang aminin sa amin para hindi mawala ang mana mo."
Bumusangot ang mukha ni Axel. "Maganda ang trabaho ko Dad at hindi ko kailangan ang mana na sinasabi mo at tungkol naman sa pananatili ni Vega sa bahay ng parents niya ay nagkausap na kami tungkol doon. Nagkikita at nag-uusap pa rin naman kaming dalawa so wala kayong dapat ikabahala sa aming dalawa."
"Kailan niyo ba kami bibigyan ng anak? Limang taon na kayong kasal, anak."
"Oo nga, mare. Iyon din ang tanong ko sa anak kong si Vega ngunit tanging irap lang ang sagot sa akin."
Ayos ah, sirang-sira yata ang buong pagkatao ko rito na kung tutuusin ay ako ang biktima sa panloloko ng lalaking akala nila ay perpektong anak at asawa.
"Ini-enjoy pa namin ni Vega ang isa't-isa, Mom. Darating din tayo diyan. Huwag ni'yo namang pinipressure si Vega at baka tuluyan na akong hiwalayan."
Tinawanan na lamang ng mga magulang namin ang kasinungalingan ni Axel at saka kami naghiwa-hiwalay ng landas nang magsimula na ang party.
Ayaw sana akong pakawalan ni Axel ngunit ako na mismo ang kusang bumitaw dahil hindi na ako makahinga habang nasa paligid ko siya. Pinili ko na lamang na lumabas sa likurang bahagi ng Monteverde Empire kung saan naroon ang isang malaking fountain at maliit na garden na natataniman ng rosas.
Lumapit ako sa fountain at umupo sa gilid niyon at kitang-kita ko ang repleksyon ng buwan kaya napatingala ako doon.
Lungkot.
Iyon ang nakikita ko sa malamlam na sinag ng buwan at tila pinapahiwatig nito na pareho kami ng nararamdaman.
Bakit nga ba kami humantong ni Axel sa puntong nasasaktan na namin ang isa't-isa o mas tamang sabihin na ako lang ang nasasaktan dahil hanggang ngayon ay mahal ko pa rin siya?
Hindi ko lang pinapakita o pinapahalata pero sa tuwing magdadaop ang palad namin ni Axel ay malaki pa rin ang epekto niya sa akin at bawat dantay ng balat niya sa akin ay isang pangungulila ang unti-unting lumulukob sa loob ko.
Pangungulila mula sa haplos, halik at yakap niya na minsan na naming pinagsaluhan ngunit mananatili na lamang parte ng madilim na nakaraan.
"Kanina pa kita hinahanap, anong ginagawa mo rito?"
Naibaba ko ang aking tingin sa brasong nakayakap sa aking baywang at ang baba nito na nakapatong sa aking balikat. Ramdam ko ang mainit at malapad nitong dibdib na nagbibigay init sa malamig na simoy ng hangin na siyang yumayakap sa akin.