HINDI alam ni Kamille kung nakailang beses na niyang pinaulit-ulit ang posisyon niya sa kama niya. Nang huling sumulyap siya sa orasan sa cellphone niya, mag-aalas tres na ng madaling araw. Halos isang oras na ulit ang muling lumipas, ngunit hayun at dilat na dilat pa rin ang mata niya. Kahit ang diwa niya ay walang bahid ng antok.
Paano nga naman siya makakatulog? Kung ang nagre-replay sa utak niya ang halik na pinagsaluhan nila ni Jester sa loob ng sinehan ng nagdaang gabi? Napabuntong-hininga siya. Sabay takip ng unan sa mukha niya at doon tumili siya. Saka sunod sunod na umiling. Hindi kasi niya lubos maisip na sa ganoon niya mararanasan ang unang halik niya. Marami nga sa mga kaibigan niya ang ayaw maniwala sa tuwing sasabihin niya noon na wala pa siyang first kiss. Dahil sa pagre-rebelde niya. Ang halos gabi gabi niyang paglabas at pag-inom, inakala ng mga ito na kung kani-kaninong lalaki din siya sumasama. Hindi na siya nag-abala pang magpaliwanag sa mga ito, o depensahan ang sarili man lang. Hinayaan niya ang mga ito sa kung ano man ang iniisip nito sa kanya. Hindi rin naman maniniwala ang mga ito kahit na anong sabihin niya. Pero ang totoo, hindi pa niya nararanasan na mahalikan sa labi. Nagkaroon siya ng dalawang boyfriend during and after college. Pero hindi siya nagpahalik sa mga ito.
Para kasi kay Kamille, mahalaga ang first kiss niya. Pinangako niya sa sarili noon na kung sino man ang unang makakahalik sa kanya sa labi ay ang siyang mamahalin niya habang buhay. Napabalikwas siya ng bangon dahil sa naisip na iyon.
"Hala! Ang ibig sabihin, siya na?" aniya.
Paano mamayang umaga? Anong sasabihin ko sa kanya? Oh my God! Natatarantang tanong niya sa sarili.
Muli ay humugot siya ng malalim na hininga. Saka kinalma ang sarili. Hindi na siguro muna siya lalabas ng bahay. Magkukulong siya buong araw. Magdadahilan siya na may sakit siya. Para hindi niya makita si Jester. Isipin pa lang niya na makakaharap niya ito ay nag-iinit na ang pisngi niya. Pinikit niya ang mga mata, saka pilit na i-relax ang isip. Baka sa ganoong paraan, makatulog siya. Napangiti siya ng muling maisip ang halik na pinagsaluhan nila. Kahit na hindi niya inaasahan ang tagpong iyon. Ang paglapat ng mga labi nila sa isa't isa ang isa sa mga magagandang nangyari sa buhay niya.
UMAAGOS ang luha sa mga mata ni Kamille, habang nakatingin siya sa walang malay na katawan ng lalaki sa harapan niya. Si Adrian. Habang si Norris at ang mga tauhan nito ay wala pa rin tigil na pinapaulanan ito ng suntok at sipa.
"Tama na! Parang awa n'yo na! Tigilan n'yo na siya!" pakiusap pa niya, habang umiiyak. Hawak siya sa magkabilang braso ng dalawa sa mga tauhan nito.
"Sinabihan na kita noon na layuan mo si Kamille, pero nagmatigas ka!" sabi pa ni Norris kay Adrian.
"Norris, please. Tama na." patuloy niya sa pakikiusap.
Nanlaki ang mata niya ng maglabas ng baril ang isa sa mga tauhan nito at ibigay iyon sa amo nito. Nakangisi na tumingin sa kanya ito at tinutok ang baril sa ulo ni Adrian.
"Magpaalam ka na sa kanya, Kamille." Sabi pa nito.
"Huwag!" sigaw niya.
"Buhatin n'yo 'to!" utos pa nito sa mga tauhan, saka bahagyang sinipa ang walang malay nang katawan ni Adrian. Habang nakatutok pa rin ang baril nito dito.
"Please Norris, tigilan mo na kami!" sigaw niya.
"Hindi! Sa akin ka lang Kamille! Iyon ang tandaan mo! At hindi ka kailan man mapupunta sa kahit na kanino. Sa akin ka lang." Mariing wika nito.
"Kahit kailan hindi ko magagawang mahalin ang katulad mong demonyo!" galit na galit na sagot niya dito.
"Demonyo pala ah!" anito.
Ganoon na lang ang gulat ni Kamille, nang tila mahimasmasan si Adrian. At sa pag-angat ng ulo nito. Hindi si Adrian ang lalaki. Walang iba kung hindi si Jester.
"Jester," pabulong na wika niya.
"Magpaalam ka na sa mahal mo," nanlilisik ang mata na wika ni Norris, sabay lapit ng baril sa sentido ni Jester. Dumilat si Jester at tumingin sa kanya.
"Kamille!" sigaw ni Jester.
"Jester!"
Hanggang sa umalingawngaw ang malakas na putok ng baril.
"Huwag!" sigaw niya. Sabay balikwas ng bangon. Humihingal na napalingon siya sa paligid. Naroon siya sa silid niya. Kung ganoon, isang masamang panaginip iyon. Muli siyang humiga, tinakpan ng unan ang mukha at doon umiyak. Parang tunay ang mga pangyayari. Parang ipinapahiwatig niyon ang maaaring mangyari kapag pinagpatuloy niya ang nararamdaman para kay Jester.
Isipin pa lang niya na iwasan ito ay nasasaktan na siya. Isa lang ang ibig sabihin ng lahat ng iyon. Ang dahilan kung bakit nasasaktan siya ng ganoon. Mahal na yata niya si Jester. Ang tanging dahilan kung bakit, nitong mga nakaraang araw ay masaya siya. Kung bakit sa tuwina ay hinahanap-hanap niya ang presensiya nito. Pero paano niya maipaparamdam dito ang pagmamahal na iyon, kung buhay naman nito ang magiging kapalit.
Lord, tulungan po ninyo ako. Ayoko ng mawalan ulit ng minamahal. Piping dalangin niya.
HINDI mapakali si Jester habang panay ang sulyap sa gate ng inuupahang apartment ni Kamille. Alas-dos na kasi ng hapon ngunit hindi pa rin ito lumalabas ng bahay nito. Simula kasi ng maging kaibigan nito ang mga pinsan niya at ang iba pang mga taga-doon ay madalas pagkatapos ng mga gawain nito sa bahay ay nakatambay na ito doon sa tindahan ni Kim o kaya naman ay sa Jefti's. Pero iba ng araw na iyon. Nag-aalala na siya, baka kasi nagkasakit na iyon. O kaya naman, hindi makalabas dahil nahihiya sa kanya.
Wala sa loob na napangiti siya. Naalala niya ang tagpo sa loob ng sinehan. Dahil hindi na niya alam kung paano lalabas doon. Isang paraan lang ang naisip niya para hindi makilala si Kamille ng Norris na iyon. Ang plano niya ay ilapit lang ng husto ang mukha niya dito ng sa ganoon ay matakpan ang mukha nito. Ngunit kahit sa dilim ay aninag pa rin niya ang kagandahan nito. He was totally mesmerized by her astounding beauty. Ang dating mga mata nitong malungkot ay napuno ng saya ngayon. Wala ng gaganda dito sa tuwing namumula ang mga pisngi nito. And her lips, her pink lips. He became really curious how it feels like kissing those innocent lips of her. And so he did, he kissed her. And it was the sweetest. Alam niya na iyon ang first kiss nito, dahil hindi nito alam kung paano gagantihan ang halik niya. Iyon na yata ang isa sa pinakamasayang sandali ng buhay niya.
"Hoy! Anong balita sa ngiti mong 'yan?" pukaw sa kanya ng pinsan niyang si Marvin.
Umiling siya. "Wala," sagot niya.
"Umamin ka nga sa amin, 'tol. Ikaw ba in love kay Kamille?" tanong pa ni Kevin sa kanya.
Sinulyapan niya ito, saka muling ngumiti. "You have no idea." Sagot ulit niya.
"Whoa! For real?" paniniguro pa ni Karl.
"Yup,"
"Handa ka na bang harapin ang pamilya niya? Alam ko kung anong Pinagdadaanan niya. Nabanggit ni Sam sa akin ang problema niya." sabi naman ni Jefti.
Muli niyang binalik ang tingin sa apartment ni Kamille. Noong una, ninais lang niya na malaman ang dahilan sa likod ng kalungkutan na nababanaag niya sa mga mata nito. Ngunit sa pagdaan ng mga araw, unti unti ay nahulog na ang loob niya dito. Hanggang sa nagising na lang siya isang umaga na minamahal na ang estrangherang ito. Kasama sa minahal niya dito ay ang mga kahinaan nito, ang pagiging matapang na pagharap nito sa mga hamon sa buhay. Ang pagiging malambing sa kabila ng mga problema. Kung sa iba siguro nangyari ang mga pinagdaanan nito, malamang sumuko na. Nakikita niya ang katatagan nito, kahit na minsan, tila gusto na nitong sumuko.
Kaya pinangako niya dito at sa sarili, na tutulungan niya itong makabangon. Kahit hindi niya sigurado kung pareho sila ng damdamin. Ngunit sa isang bahagi ng puso niya, tila sinasabi nito na hindi siya dapat mawalan ng pag-asa. Muli ay nanumbalik sa kanya ang halik na pinagsaluhan niya, base sa naramdaman niya. Tila gusto din siya nito, at gustong maniwala ng puso niya.
"I'll protect her. Hindi ko siya papabayaan." Sabi niya.
"Apo, ganyan mo na ba siya kamahal? Na kahit ang sarili mo ay kaya mong isakripisyo alang alang sa Kamille na sinasabi mo." Sabad ng Lola niya sa usapan.
Napalingon siya, saka inalalayang umupo ang abuela niya sa tabi niya. "Lola, mahal ko po siya. Alam ko naman po na hindi ako papabayaan ng Diyos. Hindi po ba? Kapag may mahal ka? Gagawin mo ang lahat makasama mo lang siya?" tanong pa niya dito.
Napangiti ang Lola niya, saka hinaplos pa nito ang pisngi nilang magpipinsan. "Ang aking mga pinakamamahal na apo, mana kayo sa Lolo ninyo. Kapag nagmahal, tunay at walang kapantay." Anito.
Ngumiti ito sa kanya. "Ikaw naman hijo, patnubayan ka nawa ng Poong Maykapal. Hindi Niya kayo papabayaan. Basta, patuloy lang kayo sa pagdalangin sa Kanya." Payo pa nito.
"Opo." Magalang niyang sagot.
"Dadang! Yuhoo! Where are you, darling?" narinig nilang tawag ng Lolo nila.
Natawa sila, ang Lola naman nila ay sumimangot.
"Isa lang ang ayaw ko diyan sa Lolo ninyo. Saksakan ng kulit!" reklamo nito.
Lalo silang naghagalpakan ng tawa. Nawala ang mga ngiti niya ng matanaw niya na bukas na ang pinto ng apartment ni Kamille. Agad siyang nagpaalam sa Lola niya at pumunta sa bahay ng una. Kailangan niyang makausap ito. Kung kinakailangan niyang sabihin dito ang tunay niyang nararamdaman, gagawin niya. Hindi na niya kayang mawala ito sa buhay niya.
"KAMILLE,"
Napahinto siya bago pa man din niya magawang pumasok sa loob ng bahay. Simula ng magising siya kanina, hindi na siya agad nagbukas ng pinto. Hinayaan niyang nakasarado iyon. Hindi niya kayang harapin ito. Sa tuwina ay bumabalik sa isip niya ang naganap na paghalik sa kanya nito. Hindi niya alam kung ano ang una niyang sasabihin dito. Ang pangalawa, ay ang masamang panaginip na iyon. Pakiramdam niya ay isang babala iyon. Kailangan na niyang layuan si Jester. Para hindi na ito madamay pa. Alam niya na hindi habang panahon ay makakapagtago siya kay Norris at sa Daddy niya. At balang araw, kailangan niyang muling harapin ang mga ito. At habang hindi pa dumarating ang araw na iyon, kailangan niyang pangalagaan ang mga tao sa paligid niya. Ayaw niyang may isang gaya ni Adrian ang muling mag-buwis ng buhay para lang sa kanya. At hindi niya hahayaan na mangyari iyon kay Jester. Mahal niya ito. Pero hindi niya puwedeng iparamdam dito iyon.
"Ah...uhm, medyo busy ako, Jester. Mamaya na lang tayo mag-usap." Pag-iwas niya dito. Nakakaisang hakbang pa lang siya ng magsalita itong muli.
"Iniiwasan mo ba ako?" diretsong tanong nito.
Hindi siya nakakibo. Muling kumabog ang puso niya. Kung nalalaman lang nito na labag sa loob niya ang ginagawa niyang iyon. Pero kailangan niyang tiisin ito, para hindi ito madamay. Pilit siyang ngumiti pagharap niya dito. Kahit na ang totoo'y gusto ng bumagsak ng luha niya.
"H-ha? Iniiwasan? Ba-bakit naman?" patay-malisya niyang tanong.
Walang kakurap kurap na tinitigan siya nito. "You tell me, bakit nga ba?" pagbabalik nito ng tanong sa kanya.
"Look, busy lang ako talaga." Pagdadahilan niya.
"Is it about what happened yesterday?" diretso ulit na tanong nito.
Agad siyang nag-iwas ng tingin. "Hindi. Basta, huwag muna tayong mag-usap." Sagot niya. Sabay talikod muli at lakad papasok ng bahay. Ngunit nagulat siya ng basta na lang itong pumasok at dumiretso sa loob.
"Jester! Bakit ka ba bigla na lang pumapasok dito?" sita niya dito.
"Hindi ako aalis hangga't hindi mo sinasabi sa akin kung bakit mo ako kailangan iwasan."
"Sinabi ko ng hindi." Giit niya.
"Hindi nga ba? Pero bakit iba ang pinapahiwatig ng mga mata mo, kaysa sa sinasabi ng bibig mo."
Hindi siya ulit nakakibo. Napatungo na lang siya. Kunwa'y nagkibit-balikat na lang siya. "Hindi ko alam ang ibig mong sabihin."
"Huwag mong lokohin ang sarili mo."
"Please Jester, huwag na muna tayong mag-usap ngayon." pakiusap pa niya, saka mabilis na tumalikod. Pero agad naman na nahawakan siya nito sa isang braso.
Naramdaman niya na humakbang ito palapit sa kanya, at ramdam ng batok niya ang bawat paghinga nito. Sana'y hindi nito naririnig ang malakas na t***k ng puso niya.
"Kamille, was it because of the kiss?" halos pabulong na tanong nito.
Napapikit siya. Bakit nga ba kay hirap pigilan ang tunay na damdamin? Bakit nga ba mahirap magsinungaling sa sarili? Hindi ba puwedeng papaniwalain na lang niya ang sarili na hindi niya ito mahal? Na kahit na anong tago niya sa nararamdaman, pilit pa rin itong umaalpas at nagsusumigaw. At ang lalaking ito ang tanging pangalan na sinasambit ng puso niya. Hindi niya maintindihan kung paano nitong nagawang makapasok sa sistema niya ng hindi niya namamalayan. Hindi lang nito tinulungan siyang makalimot sa masasakit na pangyayari sa nakaraan. Pinatunayan din nito na may panibagong bukas pang naghihintay sa kanya sa piling nito.
"Jester,"
"Bakit kailangan mong pigilan ang damdamin mo?"
"Dahil hindi puwede,"
"Dahil kay Norris?"
"Oo. Dahil ayokong mapahamak ka."
"That's nonsense."
Humarap siya dito. Saka niya ito tinitigan ng diretso sa mga mata.
"Ayoko ng maulit ang nangyari. At hindi ko papayagan na pati ikaw ay madamay." Aniya.
"Kaya kong protektahan ang sarili ko," katwiran nito.
"Hindi mo kilala si Norris, at kung ano ang kaya niyang gawin."
"Hindi rin niya ako kilala at ang kaya kong gawin." Sagot nito.
"Argh! Why don't you just listen?! The safer way to end this is to stay away from me!" naiiyak na wika niya.
"And then what? Pretend that you don't love me?" Dugtong nito.
Tila iyon ang naging hudyat para bumagsak ang mga luha niyang kanina pa niya pinipigilan.
"Wala akong sinasabi na mahal kita." Wika niya, habang pilit niyang tinitigasan ang damdamin.
"Hindi kayang magsinungaling ng mga mata mo," puno ng emosyon nitong wika.
"Umalis ka na, Jester. Please." Pakiusap niya.
"Hindi mo kailangan magkunwari na wala kang nararamdaman para sa akin." Sa halip ay sabi nito.
"Wala akong sinasabing may damdamin ako para sa'yo." Tanggi niya.
"Then, why are you so concern about me?" tanong nito.
Nasukol siya. Hindi siya nakakibo. Pilit niyang iniwas ang paningin niya dito. Pakiramdam ni Kamille ay matutunaw siya sa klase ng mga tingin nito sa kanya. Hindi niya sinagot ang tanong nito, basta na lang siya tumalikod at dumiretso sa kusina.
"Answer my question,"
Napapitlag siya saka mabilis na napalingon. Sumunod pala ito sa kanya doon sa kusina. Lumakad ito palapit sa kanya. Dahil nasa may lababo siya. Hindi na niya magawa pang makaiwas dito. His face is few inches away from hers. At kung kanina ay malakas na ang kabog ng dibdib niya, ngayon ay mas dumoble na iyon.
"Hindi ako concern sa'yo."
"Kung ganoon, bakit mo gusto akong lumayo ako para hindi mapahamak?"
"Ka-kasi, kai-bigan kita." Kandautal niyang sagot.
"Liar,"
"Jester, hindi ako nagsi—"
"Mahal kita, Kamille." Biglang sabi nito.
Natulala siya. Daig pa ng isang bomba na sumabog sa tenga niya ang rebelasyong iyon.
"You're kidding me." Aniya.
"Mahal kita. At iyon ang totoo."
"Jester, don't do this to me."
"Mahal kita, Kamille Tan. At kung kailangan kong paulit-ulitin iyon sa'yo. Gagawin ko. Para malaman mo na hindi ako aalis sa tabi mo, at hindi ako natatakot sa Norris na iyon. Kahit ilan pa ang mga alipores n'ya!"
Napapikit siya. Muli niyang tinalikuran ito. Dahil sa narinig, lalong nagwala ang puso niya. Parang gustong tumalon niyon palabas ng dibdib niya.
"Hindi mo ako naiintindihan, hindi mo ako dapat mahalin. Hindi dapat. Natatakot akong mangyari sa'yo ang nangyari kay Adrian. Hindi ko na kakayanin, kung pati ikaw ang mawala sa akin!" Hindi niya napigilan ang sarili na wika niya.
Kasunod niyon ay niyakap siya ni Jester mula sa likuran.
"You don't have to be scared. At kung mangyari man iyon, mamamatay akong masaya dahil naipagtanggol kita laban sa kanya," sagot nito.
Dahil sa narinig ay mabilis siyang humarap dito, saka tinakpan ang bibig nito. Tinukod pa niya ang noo sa palad na nakatakip sa bibig nito. Habang ang isa naman niyang kamay ay nakahawak sa dibdib nito.
"No! Please, don't say that. Please, don't you dare say that again! Ayoko na ulit maiwan! Hindi na ako papayag na pati ikaw ay mawala sa akin! Nawalan na ako ng minamahal noon, ayokong mawalan ulit sa pangalawang pagkakataon. Baka ikamatay ko na rin iyon." Umiiyak na pakiusap niya.
Dahan dahan na inalis ni Jester ang kamay niya sa bibig nito. Pagkatapos ay ngumiti pa ito sa kanya. Isang ngiti na umabot sa mga mata nito. Then, held her face with his both hands.
"Nangako ako sa'yo noon na hindi kita iiwan. And I intend to keep that promise. Hindi mo kailangan matakot." Sabi nito. "Mahal na mahal kita, Kamille."
"Mahal din kita, Jester." Sagot niya.
Tila iyon ang naging hudyat para agad na tawirin nito ang pagitan nila. Sinakop nito ang mga labi niya, hindi man siya marunong, ginaya niya kung paano nito igalaw ang mga labi nito. Hindi niya sigurado kung tama ang ginagawa niya, basta ang importante sa kanya. Gusto niyang maiparamdam dito ang pagmamahal niya para dito.
Nang maghiwalay ang mga labi nila ay pinagdikit pa nito ang noo nila. And they both smiled at each other. Muli ay mariin siya nitong hinalikan sa labi.
"Hindi ka makukuha ng Norris na 'yon sa akin." Sabi pa nito. Pagkatapos ay niyakap siya nito ng mahigpit. "God is our protector. Remember that."
Tumango siya, saka gumanti ng yakap dito. Sa isang iglap ay naalala niya ang sinapit noon ni Adrian. Namatay ito ng hindi man lang niya nasasabi ang nararamdaman niya para dito. At hindi niya aaksayahin ang panahon, kaya hinayag na rin niya ang damdamin dito. Nagawang niyang lumaban kay Norris nang mawala si Adrian, magagawa din niyang lumaban dito para kay Jester. Tama ito, nariyan ang Diyos para protektahan sila. Kaya wala ng rason para matakot siya. At gaya ng pangako nito, naniniwala siyang hindi ito mawawala sa kanya.