Chapter Eight

2813 Words
MAKALIPAS ang dalawang linggo, iyon na yata ang isa sa mga pinakamasayang pangyayari sa buhay ni Kamille. Matapos ang komprontasyon nila ni Jester, magda-dalawang linggo na ang nakakaraan. Naging maayos ang relasyon nila. Pinatunayan nito ang tunay na pagmamahal at respeto nito sa kanya. At sa bawat araw na dumadaan, mas lalo niya itong nakikilala. Mas lalo niya itong minamahal. Pinagmasdan ni Kamille ang masayang pamilya ni Jester. Ayaw man niya, hindi niya naiwasan na makaramdam ng inggit. Saksi siya sa pagmamahalan ng magpi-pinsan at ng Lolo at Lola nito. Isang bagay na wala sa pamilya niya, nakakalungkot man isipin. Tila wala ng ibang mahalaga sa Daddy niya kung hindi pera. Kaya maging ang sarili nilang buhay at kaligayahan ay sinasakripisyo nito para lamang sa pagpapalago ng negosyo nila. Kailan kaya magiging ganito ang pamilya niya? Kahit na nakakaangat sa buhay, hindi pa rin nawawala ang pagmamahalan. Isang small family reunion ang nagaganap sa mga sandaling iyon. Umuwi kasi galing sa London ang Daddy ni Jester. At hindi niya inaasahan na ipapakilala siya agad nito dito. Pagkatapos ay inanyayahan siya na sumama sa family dinner. Pasalamat na lang siya dahil naroon si Sam, dahil matalik na kaibigan nito si Jefti. Maging si Jhanine, Sumi at Razz ay naroon din dahil nobyo ng mga ito ang pinsan ni Jester. Bukod doon ay kaibigan na rin niya ang mga Mondejar kaya hindi siya nailang sa buong hapunan. Habang abala ang dalawang matanda sa pakikipag-usap sa kanya ay sumama sa umpukan nila ang Daddy nito. "I'm glad, Jester find a nice girl this time." Anito. "Dad, what do you mean by that?" tanong nito. "Lahat kasi ng mga naging girlfriend mo noon, ay hindi ko gusto para sa'yo. Puro ganda lang ang mga iyon. Pero hindi ko gusto ang ugali." Anito. Tila nahihiyang napangiti ito saka napakamot sa batok. "Dad naman eh," anito. "That's why I'm glad you found Kamille. I like her for you, mukha siyang mabait. And the way she talk, very smart girl." Puri nito sa kanya. Napangiti siya. Habang ang tenga at puso niya ay pumapalakpak. "Thank you so much, Sir. Kung ano man po ang pinapakita ko, iyong totoo lang pong ako." Aniya. Ngumiti sa kanya ito. Pagkatapos ay binalingan nito ang anak. "Anak, huwag mo ng papakawalan pa si Kamille." Sabi pa nito. "I won't Dad, that's a promise." Sagot nito. Umakbay pa ito sa kanya saka siya kinindatan. "Ma, Pa. Iwan ko na muna kayo at ako ay magpapahinga na muna." Paalam pa nito. "Kamille, iwan muna kita." Baling nito sa kanya. "Sige po," sagot niya. "Stay here with Lolo, ihahatid ko lang sa bahay si Dad." Sabi ni Jester sa kanya. "Okay, take your time." Kinintalan pa siya nito ng halik sa sentido, saka nito sinamahan ang Ama nito sa bahay nito hindi kalayuan mula sa bahay nila Lolo Badong. "Kumusta na pala ang problema mo sa pamilya mo?" tanong ni Lolo Badong. Napatingin siya sa dalawang matanda. Simula nang dumating siya doon sa Tanangco. Isa sa mga una niyang nakagaanan niya ng loob ay ang mga ito. At noong mga panahon na nabubuo pa lang ang pagkakaibigan nila ni Jester. Pinakilala na siya nito sa mga ito, at sa pagkukwentuhan nila. Na-open niya dito ang problema niya sa pamilya, partikular na sa Daddy niya. "Hindi pa rin po ako nagpapakita." Sagot niya. "Hija, hindi mo maaaring pagtaguan na lang habang buhay ang problema. Sa ayaw at sa gusto mo darating ang panahon na kailangan mo silang harapin. Kahit na anong pagkakamali ng Daddy mo, siya pa rin ang Ama mo. Harapin mo siya. Manalig ka sa Diyos. Naniniwala akong Siya ang aayos ng gulo sa pagitan n'yong dalawa, maging sa buong pamilya mo." Ani Lola Dadang. "Nauunahan po ako ng takot. Kapag humarap ako sa Daddy ko ulit, ang gusto ko sana ay wala na si Norris sa landas ko. Natatakot ako sa maaari niyang gawin kay Jester." Paliwanag niya. "Kamille, hija. Ako na mismo ang nagsasabi sa'yo. Kayang kaya ni Jester na pangalagaan ang sarili niya. Isa pa, anong silbi ng mga pinsan niya? Kita mo naman kung gaano kalaking bakulaw ang mga iyan." Sabi pa ni Lolo Badong. Natawa siya. Oo nga naman. Di hamak naman na mas malalaki ang mga katawan ng magpi-pinsan kumpara sa mga tauhan ni Norris. Kaya hindi na rin katakataka kung bakit kinahuhumalingan ito ng mga kababaihan at kabadingan kahit saan man pumunta ang mga ito. Bukod sa taglay na kaguwapuhan ng mga miyembro ng Carwash Boys. Taglay rin ng mga ito ang magalang at mabait na pag-uugali na mukhang pinamana ng mag-asawang Badong at Dadang sa mga apo nito, kaya hindi na rin siya magtataka kung bakit malaki ang respeto ng ibang tao sa buong pamilya ng Mondejar. "Mahal na mahal ko po si Jester, ayoko pong may mangyaring masama sa kanya. Nag-iingat lang po ako." Aniya. "Ang tadhana mismo ang maglalagay sa'yo sa sitwasyon kapag natakda na ang araw para harapin mo ang problema mo." Sabi pa ni Lolo Badong. "Lolo, hiramin muna namin si Kamille." Sabad ni Marisse sa usapan. Sabay hila sa kanya. Dinala siya ng mga ito doon sa tapat ng tindahan ni Kim. Sila na lang kasi ni Jester ang kulang sa kanilang magkakaibigan. "Uy, ang saya niya. Pinakilala na siya sa Daddy." Tudyo pa ni Kim sa kanya. Ngumiti lang siya. "Nahihiya nga ako eh." Sabi niya. "Sus, ngayon ka pa nahiya. Eh kitang kita naman kay Tito Rod na boto siya sa'yo para kay Jester." Ani Mark. Ang tinutukoy nito ay ang Daddy ni Jester. "Handa ka na ba?" sabad ni Gogoy sa usapan. Tahimik ito na nakaupo sa isang kahoy na upuan sa bandang likod nila. "Handa saan?" balik-tanong ni Karl. "Kay Norris." Sagot ni Gogoy. Natahimik siya. Bigla ay bumalik sa alaala niya ang kanyang panaginip. Ayaw niyang magpadaig sa takot. Ayaw niyang magpatalo muli kay Norris. Lalaban na siya sa pagkakataon na ito. Basta ang importante sa kanya, hindi aalis sa tabi niya si Jester. Kahit na ano, kakayanin niya. "Ipaglalaban ko si Jester sa kahit na kanino." Buo ang loob na wika niya. "Remember dear, you're not alone." Sabi ni Jhanine. "Right. Ano pang ginagawa ng Carwash Boys? Sayang naman ang laki ng katawan ng mga 'yan!" sang-ayon naman ni Razz. "Huwag kang matakot. Hindi kami papayag na masaktan kayo ng Norris na iyon." Sabi pa naman ni Wesley. "Maraming Salamat!" nakangiting wika niya sa mga ito. Sa kabila ng problema ni Kamille sa Daddy niya. Still, she felt so blessed. Maaga man kinuha ng Diyos si Adrian sa buhay niya, may pinalit naman ito. Isang lalaking minamahal siya at tinanggap siya sa kabila ng kinakaharap niyang problema at nakaraan niya. Hindi lang ito basta lalaking iniibig niya, ito rin ang nagsisilbing bago niyang matalik na kaibigan. Bukod dito, isang bagong pamilya ang natagpuan niya sa katauhan ng mga pinsan nito at ang mga bago niyang kaibigan na babae. "Tungkod lang ni Lolo Badong ang katapat ng Norris na 'yon!" biglang sabi ni Wayne. "Tama! Tapos 'yung arinola ni Lola Dadang na hindi pa nahuhugasan!" dagdag naman ni Marisse. "Yuck B2! Ang baboy mo talaga!" komento naman ni Marvin sa kakambal nito. "Ang arte mo! Buhusan kita ng ihi diyan eh!" ganti naman ni Marisse. "Infairness, alam mo? Ang laki ng pinagbago mo ngayon kaysa noong bagong dating ka dito sa Tanangco." Puna ni Sumi sa kanya. "Talaga? Paano mo naman nasabi 'yan?" tanong niya dito. "Ako na sasagot," prisinta ni Razz. "Kasi ganito 'yon, girl. Noong dumating ka dito. Ang bigat ng dating mo, puro lungkot ang nakikita namin sa mga mata mo. Tapos parang nilagay mo sa ilalim ng dalawang mata mo arinola ni Lola Dadang. Ang laki ng eyebags mo, te! Madalas pang namumugto ang mata mo kakaiyak." Mahabang paliwanag nito. "Kaloka ka bakla! Lahat 'yon napansin mo? Para kang hindi dentista." Pang-aasar pa ni Sam dito. "Ganoon talaga kapag walang ngipin na makakalkal, pati eyebags ng tao nakikita." Katwiran nito. Nagtawanan sila. "Usapang ngipin, napunta sa eyebags." Tumatawang wika ni Kim. "Nagtaka ka pa diyan kay Agapita!" sabad naman ni Marisse. "Sus, nagsalita ang isa pang matino!" sabi naman ni Jhanine na ang tinutukoy ay ang una. "Ano 'to? Laglagan na?" tumatawa ding tanong niya. Sasagot pa lang sana ang isa sa mga ito ng makuha ang atensiyon nilang lahat ng bagong dating na dalawang black SUV. Agad na umahon ang takot at malakas na kaba sa dibdib niya nang makilala niya ang plate number ng nasa unahan na sasakyan. "Sino 'yan?" tanong pa ni Daryl. Hindi siya kumibo. Mabilis na nagsalubong ang dalawang kilay niya. Unang bumaba ang mga alalay nito pagkatapos ay may isang nagbukas ng pinto mula sa back seat. At doon bumaba ang lalaking ni sa bangungot ay ayaw niyang makita. "Kamille," anito. "Anong ginagawa mo dito?" galit na tanong niya. "Sinusundo kita." Kampanteng sagot nito. Pagkatapos ay tiningnan nito isa isa ang mga kaibigan niyang nakatayo sa likuran niya. "Hindi ako sasama sa'yo." Mariin niyang wika. "Look Kamille, your Dad and I gave you so much time for yourself. Hinayaan ka na nga namin magbakasyon. Hindi ba? Hindi ka naman namin inistorbo." Sabi pa nito. "What?" Tumaas ang isang sulok ng labi nito, saka umiling. "Do you really think makakatakas ka ng ganoon kadali lang sa akin? Baby, you really have no idea how powerful I am." Pagmamayabang pa nito. "Matagal na namin alam na nandito ka. Alam namin ang bawat kilos mo. Sa ilang buwan mo dito, sinadya ko lang talaga na pabayaan ka sa mga gusto mong gawin, sa ngayon. Ayoko naman kasi na nasabihin mong sobrang sama ako. Gusto ko rin na masaya ang mapapangasawa ko." Dagdag pa nito. Gustong kilabutan ni Kamille sa huling sinabi nito. Isipin pa lang niya na makakasama niya sa iisang bahay si Norris ay nasusuka na siya. Alam niya kung gaano kasamang tao ito. Kahit kailan hindi niya pinangarap na maikasal sa lalaking gaya nito. Mamamatay na muna siya bago mangyari iyon. "Kilabutan ka nga sa sinasabi mo, Norris. Kahit kailan hindi ako magpapakasal sa'yo!" pagtataray niya dito. "I know that, Baby. But I'm sorry, wala kang choice." Sagot nito. "She always has a choice." Agad na nagdiwang ang puso niya. Kahit nakapikit ay kilala niya ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Lumingon siya. Mula sa likuran ay nagbigay daan ang mga kaibigan niya. Hinawakan nito ang kamay niya pagdating nito sa tabi niya. Mabilis na lumipad ang tingin ni Norris sa magkasalikop na palad nila. Saka tumawa ng nakakaloko. "That is the one I missed." Sabi pa nito. Mabilis na nawala ang pagkakangisi nito, pagkatapos ay nagtagis ang bagang nito. Nakita rin niya ng ikuyom nito ng mariin ang kamao nito. Alam niyang galit na galit ito. Siya naman ang napangisi. "Akala ko ba powerful ka, bakit hindi mo nalaman na may mahal na ako?" pangungutya pa niya dito. "Shut up!" biglang sigaw nito. Mabilis na tinago siya ni Jester sa likod nito. Nagulat siya ng bigla siyang hablutin ni Norris sa isang braso at pilit siyang hilahin nito. Mabilis na hinarang ni Jester ang katawan nito sa kanya para hindi siya makuha nito. Pagkatapos nagsukatan ng tingin ang dalawa. "Umalis ka na Norris! Tigilan mo na ako!" pagtataboy niya dito. "You should know, when a woman says no. Hindi mo siya dapat pinipilit." Matapang na sabi ni Jester kay Norris. Kapwa walang gustong bumawi ng tingin sa dalawa. May isang maling kilos, alam niyang magpapang-abot ang mga ito. "Huwag kang makialam dito. Kamille is my fiancée. Deal with it." Mariing wika nito. "Really? Do you ask her if she wants you to be her fiancée? She loves me, so deal with it." Ganti naman ni Jester. Mabilis na hinablot ni Norris ang kwelyo ng suot na polo shirt ni Jester. Ganoon din naman ang ginawa ng huli. Mabilis na kumilos ang mga tauhan ni Norris, may ibang agad na bumunot ng baril. "Kung ako sa'yo, aalis na ako. Dahil kapag sinimulan n'yong manggulo. Ako na nagsasabi sa inyo, kayo rin ang kawawa!" sabi pa ni Jester. "Pare, sabihan mo ang mga tauhan mo." Sabad ni Miguel. "Hindi uubra ang yabang n'yo dito sa Tanangco. Baka akala mo hindi kita kilala, Mister Norris Liu." Parang namutla si Norris ng matitigan nito si Miguel. "Umalis ka na, Norris!" pagtataboy niya dito. Tiningnan siya nito. "Tandaan mo 'to, Kamille. Hindi ka kailan man mapupunta sa kahit na sino. Sa akin ka pa rin, at iyon ang ilagay mo diyan sa isip mo. Hindi ako papayag na mapunta ka sa kahit na kanino!" Pagbabanta pa nito. "Hindi ako kailan man magiging iyo. Si Jester ang mahal ko at iyon ang tanggapin mo!" sagot niya. "Leave her alone!" sabad ni Jester sa usapan. "And I'm telling you, I won't give her to you. Hindi ako papayag na mapunta sa'yo si Kamille. Narinig mo, 'di ba? Ako ang mahal niya. Kahit ikamatay ko pa, hindi ko siya ibibigay sa'yo." Buo ang loob na wika ni Jester dito. "Mali ka ng pinasok na lugar, Pare. Hindi uubra dito ang mga baril n'yo. Kahit na ang tapang n'yo. Kung ako sa inyo, aalis na ako. Wala kayo sa lugar." Sabi pa ni Gogoy. "Go!" pagtataboy pa ni Daryl sa mga ito. "Dito sa lugar namin, mas inuuna namin ang salitang respeto. Hindi ang yaman at yabang." Dugtong pa ni Kevin. "Aalis kayo o magpapatawag na ako ng Pulis?" pagbabanta pa ni Glenn. Diretso sa mata na tinignan ni Norris si Jester. "Hindi pa tayo tapos. Magkikita pa tayo." Sabi nito, dinuro pa nito ang nobyo niya. Pagkatapos ay tumalikod na ito, sumakay sa kotse at mabilis na pinasibad iyon palabas ng Tanangco. Parang nanghihina siya na napakapit kay Jester. Mabilis naman siya nitong niyakap. Naramdaman niya ng halikan siya nito sa ulo. Muli ay naramdaman niya ang takot, lalo na ang huling sinabi nito kay Jester bago ito umalis. Dumating na ang kintatakutan niyang sandali. Dalangin niya na sana'y hindi na maulit ang nakaraan. Hindi niya maaatim na mawalan ulit ng minamahal ng dahil sa pagiging makasarili ni Norris. "Hindi siya talaga titigil hangga't hindi niya ako nakukuha." Sabi niya. "Huwag kang mag-alala, hindi ako papayag na makuha ka niya sa akin." Sagot naman ni Jester. "Natatakot ako sa sinabi niya at sa puwede niyang gawin sa'yo." Aniya sa nobyo. Muli siya nitong niyakap ng mahigpit. "Huwag kang magpadala sa takot. Kahit kailan, hindi nagtagumpay ang may masamang hangarin sa kapwa. Sinabi ko na noon sa'yo, ipagtatanggol kita sa kahit na kanino. What important to me is your trust." Wika nito. "You know, I trust you." Mabilis niyang sagot. "Doon nga muna tayo sa restaurant ko, huminga muna tayo." Yaya pa ni Jefti sa kanila. Pumunta sila sa Jefti's, nagpalabas ito ng kape sa mga tauhan nito, sa iba naman ay juice o kaya ay softdrinks. "Relax muna kayo." Sabi pa nito. "Miguel, bakit mo parang kilalang kilala mo si Norris?" nagtatakang tanong niya dito. Tumingin ito sa kanya. "Sa tingin ko kailangan mo ng malaman." Anito. Kumunot ang noo niya. Nagkatinginan sila ni Jester. "Anong ibig mong sabihin?" tanong niya. "Under surveillance namin si Norris Liu. Pati si Nelson Tan." Sagot nito. Nanlaki ang mata niya matapos marinig ang huling pangalan na sinabi nito. Kasabay ng pag-ahon ng kaba sa kanyang dibdib. Pangalan iyon ng Daddy niya. Paanong masasama ito sa isang Police Investigation? "Ang Daddy ko?" tanong niya. Tumango si Miguel. "Oo. Isa si Norris sa mga pinaghihinalaang leader ng isang sindikato na siyang involve sa Drug Trafficking. At sa pag-iimbestiga namin, napag-alaman namin na involve din ang Daddy mo." Paliwanag nito. Mabilis na tumulo ang luha niya. Biglang gumulo ang isip niya. Hindi maaaring masangkot ang Daddy niya sa ganoong klaseng negosyo. Galit man siya sa Daddy niya. Hindi kailan man niya inisip na papasok sa ano mang illegal na gawain ito. "No, it's not true." Umiiling na tanggi niya. Mabilis na bumagsak ang mga luha niya. "Sana nga ay nagkakamali lang ako, Kamille. Pero ng una mong binanggit si Norris noon sa amin, iniimbestigahan na siya. Ilang buwan na rin namin siyang sinusubaybayan. Para makakalap kami ng mabigat na ebidensiya. At sa gitna ng pag-iimbestiga namin, doon pumasok ang pangalan ng Daddy mo. Eksakto naman na nalaman ko ang tungkol sa problema mo. Hindi ko muna sinabi sa'yo, dahil ayokong dagdagan noon ang lahat ng iniisip mo. Alam kong hindi magiging madali ito para sa'yo." Mahabang paliwanag ulit ni Miguel. Sunod-sunod na umiling siya. "No! Hindi totoo yang sinasabi mo, Miguel." sigaw niya. Kasunod ng pagbagsak ng mga luha niya. Mahigpit siyang niyakap ni Jester. Natahimik ang lahat. Ayaw niyang isipin isang theory na nabubuo sa isip niya. Nasasaktan siya sa nalaman niya. Hindi niya akalain na magagawa iyon ng Daddy niya. Hindi niya matanggap na galing sa masama ang ipinambubuhay nito sa kanila. Pakiramdam niya ay mas lalo siyang nanghina sa narinig niya. Kung dati ay binalak niyang hindi umuwi sa kanila, ngayon gustong gusto niyang umalis para komprontahin ang Daddy niya. "Uuwi ako! Kakausapin ko ang Daddy ko!" sabi pa niya. "Kamille, hindi ka puwedeng umalis!" pigil sa kanya ni Jester. "Pero si Daddy." "Naiintindihan kita. Pero hindi ka dapat magpadalos dalos ng kilos mo. Baka matyempuhan ka ni Norris. Please, I want you to calm down. I promise you, sasamahan kita." Anito. Mahigpit na yumakap siya dito at doon umiyak sa matipunong dibdib nito. Higit kailan man, sa mga pagkakataon na ganito. Nagpapasalamat siya dahil may isang kagaya ni Jester na nariyan sa kanyang tabi at handang umunawa sa kanya. At hindi kailan man humusga sa pagkatao niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD