“HE LEFT me.” May kung ano’ng bumara sa lalamunan ni Mikaela nang sabihin niya iyon kay Kaison. Nagbabadya na naman ang kanyang dibdib na sumikip, sanhi ng kanyang nararamdamang sakit na sinapit niya sa dating kasintahan na si Matheo.
Lahat ng mga masasakit na salita nito ay kusang bumabalik sa kanyang isipan. Sa tuwing naaalala niya ang pagtataboy nito sa kanya ay hindi mapigilan ni Mikaela na maisambit sa sarili na nagsisisi siya sa kamaliang ginawa niya rito. Ang tanga niya. Masyadong siyang nagpahulog kay Matheo, dahilan upang mabulag siya sa reyalidad na niloloko lang pala siya nito.
Sayang, mahal pa naman niya si Matheo. Dumating pa sa puntong ibinigay pa niya ang kanyang katawan upang iparamdam sa lalaki na mahal na mahal niya ito. ’Yon nga lang, hindi nito sineryoso ang pagmamahal na inalay niya dahil nagloko si Matheo. Matapos siya nitong tikman, parang kusa itong nawalan ng gana sa kanya. At that point, noong nalaman ni Mikaela na buntis siya kay Matheo, kasabay pa na pinalayas siya ng kanyang Tita Alma, malakas pa siyang pumunta sa bahay ng nobyo upang humingi ng tulong.
Hindi niya alam kung magugulat o matutuwa ba ang lalaki kung ibabalita ba niya rito na buntis siya. Ngunit, siya yata ang nagulat nang wala man lang itong imik sa balita niyang nagdadalang-tao siya. At ang lahat ng masasakit na pangyayari na nangyari sa pagitan sa kanila ni Matheo ay kakalimutan na lang siguro ni niya. Sa puntong iyon, gusto niya munang umalis sa lugar na lagi siyang nagdurusa. Gusto niyang magnilay-nilay muna sandali, at nagpapasalamat siya kay Kaison dahil isinama siya nito kung saan man sila mapaparoon.
Pinahid ni Mikaela ang kanyang luha gamit ang likod ng kanyang kamay. Sumisinghot pa siya sa kadahilanang galing pa siya sa pag-iyak. Pero laking gulat niya nang magtaas siya ng tingin sa kamay na pumapahid sa gilid ng kanyang mata. Nabalingan niya ang kanyang katabi at nakita ang mukha ni Kaison na naaawa sa kanya.
“I’m sorry,” paghingi ng paumanhin sa kanya ng lalaki. Napatigil siya sa pag-iyak at natawa sa sinabi nito. “Bakit ka nagso-sorry sa akin? Wala ka namang kasalanan.” Tumahan na siya at ipinagpatuloy ang pagpahid ng kanyang luha na mukhang wala yatang balak na tumigil sa pag-tulo.
“Humihingi ako ng sorry sa iyo dahil nagtanong pa ako. Promise, hindi na ulit ako magtatanong tungkol sa ama ng batang pinagdadala mo ngayon,” straight forward na saad ni Kaison kay Mikaela.
“Ayoko lang kasi siyang pag-usapan dahil kapag naaalala ko siya, parang unti-unting pinupunit ang puso ko. Niloko niya kasi ako. Kaya ayoko na siyang pag-usapan pa. Sorry.”
Napahinga si Kaison at tipid siyang ngumiti para bigyan niya ng positive vibes ang dalaga. “Sige. Hindi na natin siya pag-uusapan pa.”
“Salamat dahil naiintindihan mo ako.”
Maya-maya pa ay nagpatuloy na sila sa kanilang pagkain. Malapit na rin nilang maubos ang cup noodles, kaya nang maubos iyon ay sunod na nilantakan na naman nila ang chichirya. Inayos ni Kaison ang upuan ni Mikaela upang makahiga ito nang maayos. Ganoon din ang ginawa ni Kaison sa kanyang upuan. Binuksan lang nila ang bintana ng sasakyan upang pumasok ang hangin. Kailangan na kasi nilang magpahinga.
“Ikaw, Kaison? Ano nga pala ang ibig mong sabihin sa sinabi mo kanina kung bakit ka naglayas?” tanong ni Mikaela sa binata upang hindi maging tahimik ang kanilang paligid. “Kung sensitive man iyan, ’wag mo na lang sagutin. Naiintindihan ko rin ang sitwasyon mo.”
Nagkatinginan silang dalawa habang nakahiga sa kani-kanilang upuan. Ginagawang unan ni Kaison ang kanyang kaliwang kamay habang ang isang kamay naman niya ay patuloy sa pagdukot sa chichiryang katabi lang niya. Pagkatapos ay kinakain niya ito.
“Gusto mo ba talagang malaman?” tanong ni Kaison sa babae.
“K-Kung okay lang sa iyo,” kibit-balikat na sabi ni Mikaela at inalis ang tingin niya sa lalaki. Umaarangkada na naman kasi ang pagkailang niya rito lalo na kapag daretsong napapatingin siya sa kulay brown na mga mata ni Kaison. Hindi maipagkakailang guwapo rin naman si Kaison sa kanyang paningin.
“Sige. Iku-kuwento ko sa iyo kung bakit nga ba ako naglayas sa amin.” Naghanda si Mikaela sa pagkakahiga upang humanda sa pakikinig dito. Para siyang nakikinig ng drama sa radio habang kumakain ng chichirya. “Ibang tao kasi si Daddy. Hindi siya gano’n kabait sa akin bilang ama ko magmula nang mamatay si Mommy dahil sa isang car accident. Actually, hindi na bago sa ama ko ang ugali niya kahit na nabubuhay pa si Mommy dati. Hayop siya. Hayop ang ginagawa niyang pang-aalipusta sa ina ko.” May kung anong galit ang bumubuhay sa kanyang kalooban para sa kanyang ama. Bumalik tanaw si Kaison noong bata pa siya: kung paano niya nakikita ang katarantaduhan ng ama sa kanyang ina; kung paano niya nakikita itong nangbababae kahit na naroon sa poder ang asawa; at kung paano niya nakikitang pinagmamalupitan nito ang kanyang ina.
Naikuyom tuloy ni Kaison ang isang niyang kamao dahil sa ala-alang iyon. Tuluyan na naman siyang nagagalit. Ayaw pa naman niya ang ganitong pakiramdam dahil nasasaktan lang siya.
Napansin naman iyon ni Mikaela kaya kunot-noo itong napatingin sa lalaki nang mapansin na tumigil ito sa pagkukuwento. Nakita rin niya kung paano nanggigigil na nakakuyom ang kanan nitong kamao kaya napabangon siya sa pagkakahiga.
“Sige. ’W-Wag na lang natin pag-usapan iyan. Iba na lang.”
Nagtatakang napatingin si Kaison sa kanya. “Ha? Bakit? Akala ko ba gusto mong marinig kung bakit ako naglayas?”
“Oo nga. Gusto ko ngang marinig. Pero . . . parang galit ka, eh. Nag-aalala lang ako sa iyo.”
Parang bula na naglaho ang poot na nararamdaman ni Kaison dahil sa sinabi ni Mikaela sa kanya. Nag-aalala ito, at hindi maiwasan ng binata na mapangiti dahil sa sinabi ng dalaga.
“Talaga? Nag-aalala ka sa akin?” parang tanga na tanong niya sa babae. Hindi niya alam kung bakit iyon ang lumabas sa kanyang bibig. Siguro ay wala lang siyang masabi. Sumisilay naman ang ngiti niya sa labi.
Tumango si Mikaela sa tanong ni Kaison. “Oo. Kasi . . . nakakuyom na ang isa mong kamao diyan. Baka bigla ka na lang magdabog nang dahil sa galit. Next time na lang natin pag-usapan ang ama mo. Naiintindihan ko rin naman ang sitwasyon mo.”
Wala na ring nagawa si Kaison kundi tumango upang sumang-ayon sa kagustuhan nito. Lihim na natutuwa ang kanyang kalooban dahil may isang babae ang nagpapagaan ng kanyang nararamdamang galit kanina sa ama. May isang tao ang pumigil sa kanya na huwag magalit, at si Mikaela iyon. Feeling niya tuloy ay parang napaka-espesyal niyang tao dahil may isang babae ang nag-aalala sa kanya. Naa-appreciate naman ni Kaison ang ginawang pagpigil nito.
Bumalik ulit si Mikaela sa pagkakahiga, at saka ito nagpatuloy sa pagkain ng chichirya. Bumalot sa kanilang dalawa ang katahimikan bago muling nagsalita si Mikaela. “Sabi nila, maganda raw ang Baguio? Totoo kaya ang sinasabi nila?”
Binigyan ni Kaison ng tingin ang babae saka siya tumango bilang sagot. “Oo naman. Hindi pa rin ako nakapupunta roon pero alam kong magugustuhan mo ang lugar na iyon. Hindi lang ikaw, kundi ako rin.”
“Hmm, sabagay. Maganda siguro roon magbagong-buhay, ’no?” saad pa ni Mikaela. Hindi naman maintindihan ni Kaison kung bakit naitanong iyon ng dalaga sa kanya. Kaya kunot-noo siyang napatingin sa katabi.
“Why did you ask? May plano ka bang tumira sa Baguio?”
Sa pagkakatingin sa kisame ng sasakyan ay lumipat ang tingin ni Mikaela sa kanina pa nakatingin na binata sa kanya. Nginitian niya ito ng puno ng positibo sa buhay bago muling nagsalita. “Gusto kong magbagong-buhay roon . . . kasama ang magiging anak ko. Gusto kong magsimula muli at kalimutan ang lahat na nangyari sa akin. Naisip ko kasi na hindi puwede na lagi akong nakabuntot sa iyo. Ayokong umasa sa iyo, Kaison. Gusto ko, balang-araw, bumuwag sa iyo para naman makapag-focus ka rin sa buhay mo.”
May kung ano’ng bumabagabag sa dibdib ni Kaison matapos sabihin ni Mikaela sa kanya kung ano ang mangyayari kapag dumating na sila sa Baguio. Hindi niya maintindihan ang pakiramdam na iyon. Para siyang nasasaktan na nalulungkot na ano. Hindi niya alam. Hindi niya alam ang ibig sabihin ng pagkakalungkot niya.
“P-Pero . . . okay lang naman na . . . sumama ka muna sa akin,” sabi niya. Wala siyang ideya kung bakit iyon ang lumabas sa kanyang bibig.
Lumukot sa mukha ni Mikaela ang pagtataka pero kalaunan ay nawala rin iyon at natawa na lang. “Naku! Nakahihiya na sa iyo, Kaison. Ang dami mo ng nagawang tulong sa akin kahit ngayon lang tayo nagkita. Saka, sobrang sagabal na ako sa buhay mo. Una, muntikan mo na akong mabangga dahil sa katangahan ko. Pangalawa, ang bait mong tao. Kahit naiinis ka sa akin kanina ay dinala mo pa rin ako sa hospital nang mawalan ako ng malay. Pangatlo, pumayag kang sumama ako sa iyo kasi wala na akong ibang mapupuntahan. Pang-apat, binilhan mo pa ako ng pagkain ngayon. Kaya sobrang nakahihiya na kung lagi pa akong bubuntot sa iyo.”
“Pero . . .” Hindi na nagawa pang dugtungan ni Kaison ang kanyang sasabihin dahil kahit siya ay wala rin siyang ideya kung ano ang sasabihin niya. At bakit gano’n? Bakit tila parang ayaw niya yatang mawalay sa babaeng ngayon lang niya nakilala at nakasama? Bakit may isang parte ng kanyang dibdib na tutol siya sa ideyang sinabi nito na bubuwag ito sa kanya pagdating nila sa destinasyong kanilang pupuntahan?
Lumaki ang butas ng ilong ni Kaison nang mapagtantong wala siyang masabi rito. Ganoon din naman. Ano nga ba ang karapatan niya na tumutol sa desisyon nito sa buhay? Wala. Wala siya para rito. Hindi rin niya ito kaano-ano, at malamang sa hindi ay hindi rin siya nobyo nito.
“S-Sige. Kung ’yan ang gusto mo, susuportahan kita. Mabuti ’yan na magbagong-buhay ka. Para naman maging peaceful na ang buhay mo,” nasabi na lamang ni Kaison sa dalaga at inalis niya ang tingin niya rito. Inilipat niya ang tingin sa kisame ng sasakyan at nagpatuloy na lang sa pagnguya ng kinakaing chichirya. Kahit may kakaunting labag talaga sa kanyang dibdib sa sinabing plano nito.
“Salamat dahil nauunawaan mo ako, Kaison. Malaki talaga ang utang na loob ko sa iyo.”
“W-Wala ’yon. Maliit na bagay,” may yabang na pagbibiro niya kay Mikaela at sabay silang dalawa na mahinang napahagikhik ng tawa.
“Pero . . . puwede ba akong humingi ng favor sa iyo, Kaison?” Napataas bigla ang isang kilay niya out of curiosity sa tanong ni Mikaela sa kanya.
“Ano iyon?”
“Nakahihiya na sa iyo, pero magpapakapal na ako ng mukha dahil kailangan ko talaga ng tuloy mo. Okay lang sa iyo?”
Tumango si Kaison. Oo, gusto niyang tulungan si Mikaela para lang makamit nito ang bagong-buhay na gusto nito. Kung sa ikakasaya lang ito ng dalaga ay okay na rin iyon para sa kanya. Magiging masaya rin siya sa desisyon nito.
“You can share it to me.”
Muling napabangon sa pagkakahiga si Mikaela at nakaupo siyang kinausap si Kaison. “Sige. ’Wag ka sanang mabibigla, ah. Gusto ko lang kasi manghiram ng money sa iyo kung sakaling bubuwag na ako sa iyo, Kaison.” Nahihiyang itinaas pa ng babae ang isa niyang kamay upang manampalataya. “Promise! Babayaran ko ang pera na hiniram ko sa iyo. ’Yon nga lang, mukhang matatagalan pa dahil kailangan ko pang maghanap ng matitirhan at trabaho. Kailangan ko pang ipunin ang utang ko sa iyo bago makabayad. But, rest assured na hindi ako tatakbo sa utang ko sa iyo. Babayaran ko talaga iyon. Walang-wala talaga ako ngayon, eh.”
No’ng una pa lang nang sabihin ni Mikaela sa kanyana may favor itong gustong sabihin ay alam na niya kung ano ito. At hindi nga siya nagkakamali, manghihiram nga ito ng pera. Hindi na siya nagulat sa sinabi nito dahil alam naman niya talagang walang-wala si Mikaela ngayon. Naalala niya na isang bente pesos lang ang laman ng malaking wallet nito, at puro na resibo. Kaya wala para kay Kaison ang panghihiram ng pera nito sa kanya.
Napabangon na rin si Kaison sa pagkakahiga at nakangiting nakatingin kay Mikaela. Nahihiyang napatungo naman ng ulo si Mikaela dahil nakararamdam pa rin siya ng hiya sa favor nito sa lalaki. But then, her eyes went wide open nang pumayag si Kaison sa favor niya.
“Sige. Pahihiramin kita. I am willing to help you para sa pagbabagong-buhay mo, at para na rin sa baby mo. Alam kong walang-wala ka ngayon, Mikaela. Kaya okay lang sa akin na pahiramin kita ng pera para makatulong ako sa iyo. Saka huwag ka ng mag-alala. ’Wag mo ng bayaran ang utang mo sa akin. Bigay ko na iyon sa iyo.”
Nang dahil sa tuwang bumalot sa pagkatao ni Mikaela ay hindi na niya napigilan pa ang sarili na mapayakap kay Kaison dahil sa tuwa. Nagsisisigaw pa siya sa loob ng sasakyan na parang nanalo siya sa lotto. Nagulat naman si Kaison sa pagyakap nito sa kanya. Sa pagkakataong iyon, parang may kung ano’ng electricity na sumagap sa kanyang katawan nang yakapin siya ni Mikaela, and that electricity made his heart throbbed like a drum. Feeling din niya ay parang huminto ang oras nilang dalawa.
Kaison admitted to himself na bagong-bago at kakaiba para sa kanya ang nararamdaman niyang tuwa sa babaeng kasama. Ngayon lang niya naramdaman ang ganitong pakiramdam na animo’y kay sarap na hinihiling niya sana ay hindi na dapat mawala pa.
Ganito ba ang epekto ng pagiging introvert niya kaya marahil ay napaka-strange ng feeling na iyon nang yakapin siya ni Mikaela? O, ito na nga ba ’yong sinasabi ni Kashton sa kanya noon na marami siyang matututunan o mararamdaman kapag first time na tumibok ang puso niya sa isang babae?
Sabi pa nga niya noon, hindi siya interesado sa mga babae. Ngunit, mukhang kinain niya ang sinabi niya dahil ngayon pa lang na nakayakap si Mikaela sa kanya, he think na nagkakaroon na siya ng interest sa babae . . . lalo na kay Mikaela. Tama ba ito o masyado lang ba talaga siyang mabilis? Baka naman infatuation lang itong nararamdaman niya dahil masaya siya na kasama ang dalaga? Kung ano man ang ibig sabihin ng pakiramdam niya sa kanyang puso ay wala na siyang pakialam.
Maya-maya pa ay doon lang napansin ni Mikaela na nakayapos nga pala siya sa binata. Nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na pinutol ang yakap na iyon. Mula sa pagkakatingin niya kay Kaison ay mabilis na iniwas niya ang tingin. Hindi dapat niya ginawa iyon. Dapat hindi niya niyakap si Kaison.
“Sorry.”
Tipid na napangiti na lang si Kaison sa kanyang kinauupuan. Ni isang salita ay wala siyang binitawan sa babae. Napailing siya at muling humiga.
Sa kabilang banda ay hindi naman maiwasan ni Mikaela na mamula ang pisngi. Para itong kamatis dahil sa sobrang pula at namumutawi sa kanyang labi ang ngiti na kanina pa gustong makawala. Mabuti na lang at napatalikod siya kay Kaison upang itago itong nangyayari sa kanya. Dahil kung hindi, at kung makikita siya ni Kaison na ganoon ang porma, baka mag-isip pa ito ng kakaiba sa kanya. Ayaw na niyang mapahiya pa sa harapan ng guwapong binata na ito.
Umakto siya ng maayos at normal. Tumikhim siya at tipid na ngumiti bago nagsalita. “Pasensya ka na. Nagawa ko lang ’yon dahil sa tuwa. Hindi ko sinasadya,” paghihingi na naman niya ng paumanhin sa lalaki na ang tinutukoy niya ay ang pagyakap niya rito kanina. Wala naman siyang narinig na salita galing kay Kaison kaya nagpatuloy na lamang siya sa pagsasalita. “Saka babayaran ko ang utang ko sa iyo. Nakahihiya na kung hindi ko babayaran.”
Muli, wala siyang narinig na salita galing kay Kaison. Nakaramdam naman siya ng inis sa pananahimik nito, ngunit hindi niya iyon pinahalata. Naisip kasi ni Mikaela na wala siyang karapatan upang mainis sa lalaki dahil siya na nga ’tong nangungutang, siya pa itong maiinis. Magpasalamat ka na lang, Mikaela, na pinautang ka niya, sambit ng kanyang isipan.
Mga ilang oras ang nakalilipas, naubos na rin nila ang kanilang chichiryang kinakain. Uminom sila ng tubig at nagyaya si Kaison na matulog na dahil pasado alas-tres na pala ng madaling araw. Pumayag naman si Mikaela sa gusto nito at nang ipikit niya ang kanyang mata sa unang pagkakataon, tuluyan na nga siyang dinalaw ng antok.
Kinabukasan, nagising na lamang siya dahil sa sinag ng araw na tumatama sa kanyang mukha. Naimulat niya ang kanyang mga mata at naalimpungatang tumingin sa katabi.
Nakita niya na nananatiling natutulog pa rin si Kaison habang nakatihaya itong nakatalikod sa kanya. Naririnig na rin niya ang ugong ng mga sasakyan sa expressway.
Napabalikwas siya sa pagkakahiga nang may kumatok mula sa bandang bahagi ng bintana ng sasakyan. Kumakabog ang dibdib ni Mikaela nang bumangon siya para tingnan ang taong kumakatok doon. Akala niya kung sino na, ang cashier lang pala ng convenience store ang kumakatok. Pero ibang tao na ito, hindi na ito ’yong cashier na nakita nila kagabi. Nakauwi na siguro iyon at iba na ang naka-duty ngayong umaga; kundi ang lalaking payat na ito na patuloy pa rin sa pagkatok sa tinted na bintana ng sasakyan.
Binuksan ni Mikaela ang bintana at hinintay niya ang sasabihin ng cashier. “Ma’am, hindi po sa pinapaalis ko po kayo, pero kailangan niyo na pong umalis dahil papagalitan po ako ng manager ko rito kapag nandito pa po kayo.”
“Ah, sorry, kuya. Nagpahinga lang kami saglit sa biyahe kagabi kaya dito kami nag-parking. Gigisingin ko na lang po ’yong kasama ko.”
“Sige po, Ma’am. Salamat po,” ani ng cashier at saka ito umalis papunta sa loob ng convenience store.
Wala siyang nagawa kundi gisingin si Kaison na himbing na himbing pa rin sa pagtulog. Mahinang tinawag pa niya ito sa pangalan bago niya hawakan ang braso nito. “Kaison?”
Nang mahawakan niya ang braso nito, biglang kumurba ang kilay niya nang mapansing umaapoy ito sa init. “Kaison!?” muli niyang tawag dito at napahawak na siya sa leeg nito upang tingnan kung nilalagnat ba ang binata. At mukhang tama nga ang hinala niya. Mainit ang katawan ni Kaison at inaapoy ito ng lagnat. Nakita pa niyang nanginginig pa ito habang nakapikit ang mga mata dahil na rin siguro sa lamig na nararamdaman.
“Kaison!?” may halong pag-aalalang sambit niya sa binata.