IT WAS LONG and tiredly journey for Kaison. First time niyang mag-out of town sa buong buhay niya. Ni minsan ay hindi pa niya talaga nae-experience ang lumabas ng Manila, lalo na kung siya lang mag-isa ang bumabiyahe ngayon.
On the contrary, hindi pala siya nag-iisa. Dahil kasama niya si Mikaela, ang estrangherong babaeng napilitan niyang isama dahil nagmamakaawa ito sa kanya kanina. Inaamin ni Kaison sa sarili na wala talaga siyang plano na isama itong si Mikaela sa kanyang biyahe patungong Baguio. Ngunit, nakaramdam siya ng awa sa dalaga, lalo na sa kalagayan nitong pinalayas kuno ng tita nito dahil nalaman na buntis ito. At ang mas masakit pa ay nang malaman niyang hindi pala ito tunay na pamangkin ng titang tinutukoy ni Mikaela sa kanya.
So that means, Mikaela is an orphan, ani sa isip ni Kaison habang nagmamaneho siya ng sasakyan. Napatingin siya sa katabi niya. Napansin niyang mahimbing na natutulog si Mikaela sa front seat habang nakasandal ang ulo nito sa bintanang nakasarado. Nakayapos ang dalawang bisig nito sa sariling katawan, marahil ay giniginaw ito dahil naka-air conditioned ang loob ng kanyang sasakyan.
Maga-ala una na ng madaling araw, napapagod na rin si Kaison sa pagdadrive at napakalayo pa ng kanilang tatahakin para makarating sa Baguio. Nandidilim na rin ang kanyang paningin dahil sa antok. Ngunit, pinipilit pa rin niya ang magising dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kanila ngayon.
Tinatahak na nila ang isang expressway patungong norte ng Luzon. Mabuti na lang at may nadaanan silang isang convenience store na open bente-kuwatro oras. Siguro magi-stop over muna sila rito at dito muna magpapansamantalang magpahinga. Napagod siya ngayong gabi at gustong-gusto na rin niyang matulog dahil hapong-hapo siya sa pagod.
Iniliko ni Kaison ang sasakyan sa parking lot ng convenience store. Bumusina siya sa lalaking naka-on duty ngayon sa convenience store na iyon habang naglilinis ito ng glass wall.
“Puwedeng dito magpahinga, boss?” paalam niya roon sa lalaki.
Tumango lang ito at ngumiti para sa kasagutang pagpayag.
Saktong pagpatay ni Kaison ng makina ng kanyang sasakyan ay gumalaw si Mikaela sa upuan nito at nagising. Nagpalinga-linga ito sa paligid at inaantok na nagtataka.
“Nasaan na tayo?” mahinang tanong ng babae sa kanya.
“Hindi ko alam. Magpahinga muna tayo rito. Bukas na tayo magpapatuloy sa pag-alis,” ani Kaison.
“Ganoon ba.”
“Ikaw? Baka gusto mo ng kape? ’Di ba, nagugutom ka? Bibili ako ngayon.”
Hindi nagsalita si Mikaela sa kanya. Dahan-dahan lang itong tumango at muling isinadig ang ulo sa bintana. “Ikaw bahala. Nakahihiya na sa iyo.” Saka ipinikit nito ang mga mata.
“Hindi naman.” Binigyan niya ng tipid na ngiti ang dalaga at napansin ang kasuotan nito. Napansin niya na kanina pa nito suot-suot ang basang damit. Natuyo na lang ito dahil sa aircon. Nakasasama yata ito sa katawan ng babae kung ipagpapatuloy nito na suotin ang damit na iyon. Kaya muli niyang ginising ito. “M-Mikaela?”
Kakaiba ang kanyang nararamdaman nang tawagin niya muli ang pangalan ng babae. Hindi siya sanay.
“Hmm?”
“Hindi ka magbibihis? Napansin ko na kanina pa basa ’yang suot mo. Natuyo na lang dahil sa aircon. May CR naman yata sa convenience store, puwede ka roon magbihis.”
Na-realize naman ni Mikaela iyon kaya dali-dali siyang bumangon at nagpaalam kay Kaison na magbibihis muna. Tinulungan naman ito ng lalaki na kunin ang maletang dala nito na nakalagay lamang sa likod ng sasakyan. Pagkatapos ay sabay silang dalawa na pumasok sa convenience store; bibili si Kaison ng pagkain nilang dalawa dahil kanina pa kumukulo ang tiyan nila, habang si Mikaela naman ay magbibihis ng damit sa loob ng CR.
Sabay rin naman silang lumabas ng convenience store, dala-dala ang mga pagkain na binili ni Kaison. Dalawang cup noodles, bottled water at mga chichirya ang binili niya para naman may makain sila habang nagpapahinga sa biyahe.
“Dahan-dahan, mainit,” may halong pag-iingat na saad ni Kaison sa babae nang iabot niya ang cup noodles nito na nananatiling nakasarado dahil pinapainit pa ito ng mainit na tubig. Inilagay naman ni Mikaela ang cup noodles na iyon sa harapan ng sasakyan. Ganoon din ang ginawa ni Kaison sa kanya.
Habang hinihintay ang cup noodles na maluto, nag-abot naman si Kaison sa babae ng malaking chichirya.
“Gusto mo?”
“Okay lang?” nahihiyang tanong ni Mikaela kay Kaison nang bigyan siya nito ng chichirya.
“Oo naman. Ibinili ko iyan para sa iyo.”
Tinanggap naman ni Mikaela ang chichiryang iyon at dali-daling binuksan. “Salamat.”
“You’re welcome.”
“Siya nga pala, sorry dahil nabasa ang upuan ng kotse mo. Hindi ko sinasadya.”
“Wala iyon. Teka, may kukunin ako sa likod.”
Bumaba si Kaison at may kinuha sa trunk ng kanyang sasakyan. Pagbalik niya ay may dala-dala na siyang mga lumang diyaryo. “Patungan mo lang nito at matutuyo na iyan. Ganyan ginagawa ko kapag nababasa ang upuan ng sasakyan ko.”
Kinuha naman ni Mikaela ang diyaryong iyon at siya na ang naglagay niyon sa kanyang kinauupuan. Hindi niya alam na pinapanuod na pala siya ni Kaison.
“Bakit?” tanong ni Mikaela nang mapatingin siya sa gawi ng binata. Nahuli niya kasi itong nakatingin sa kanya at naiilang na ibinaling ng lalaki ang tingin nito sa ibang direksyon.
“W-Wala. Hindi kasi ako nasanay na may kasama sa sasakyan.”
“Talaga ba? Naku! Pasensya ka na, ah. Walang-wala na talaga akong mapupuntahan, eh.”
Mahinang natawa si Kaison. “Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. What I mean is . . . ngayon lang ako nagkaroon ng companion sa sasakyan ko. Wala ni isa pa ang umuupo diyan sa front seat.”
Paulit-ulit na patango-tango ng ulo si Mikaela habang nakabukas ang kanyang bibig. “Ahh, ganoon ba. So, ako pala ang unang naka-binyag sa upuan na ito. ’Tapos, nabasa ko pa. Nakahihiya naman sa iyo, Kaison.”
Kaison . . . Ito ang unang beses na tinawag siya ng dalaga sa kanyang pangalan. At para sa binata, kakaiba iyon sa kanyang pandinig. Hindi niya masabi kung ano’ng klaseng tuwa ang kanyang nararamdaman ngayon. Nasisiyahan lang siya na may bago siyang kaibigan . . . at babae pa.
Kaison was an introvert person. Hindi siya nakiki-sosyo sa ibang tao maliban na lang kay Kashton. Noong nag-aaral pa siya ng high school at kolehiyo, mahilig na talaga siyang mag-isa, karamay ang DSLR camera ng kanyang ina na lagi niyang bitbit kung saan man siya magpunta. Mayroon naman siyang maituturing na kaibigan noong student days pa niya, ’yon nga lang, kahit ano’ng gawin niyang pakikipag-deal sa mga ito ay hindi niya talaga magawa. Sa tuwing kasama niya kasi ang mga kaibigan sa eskwelahan, parang nabo-bored lang si Kaison. Siguro ay nasanay na talaga siyang nag-iisa dahil sa kung paano rin siya i-handle ng kanyang ama.
Ang gusto ng ama niya ay mag-aral siya ng mabuti, at iyon ang kanyang ginawa. Nakapagtapos siya sa kolehiyo bilang Magna c*m Laude. Pero hindi naman niya gusto ang kursong kinuha niya dahil simula’t sapul pa lang ay gusto niyang kumuha ng arts. Subalit ano nga ba ang magagawa niya sa kanyang ama? Wala. Para siyang tupa na kailangang sundin ang gusto nito para hindi ito magalit.
Kaya ito ang rason kung bakit sa edad ni Kaison ay hindi pa niya nae-experience na magmahal at magkaroon ng girlfriend. Nakarehistro na siguro sa utak niya ang hindi pagno-nobya muna dahil busy siya sa kanyang buhay na mayroong limitasyon.
Kaya ganito na lamang naninibaguhan si Kaison habang kasama niya si Mikaela. Para tuloy siyang ignorante kung tutuusin.
“Okay ka lang?” Napukaw ni Kaison ang kanyang sarili nang marinig niya ang boses ni Mikaela na nagtatanong. Pailing-iling na tumingin siya sa babae.
“Ha?”
“Kanina ka pa nakatulala. Okay ka lang ba?”
“Ahm, oo. Okay lang ako. May nasagi lang sa isipan ko,” pagdadahilan na lamang ni Kaison at saka siya napatingin sa ibang direksyon.
“Gutom lang siguro iyan.” Kinuha ni Mikaela ang cup noodles sa harapan niya at tiningnan kung maayos na ba ang pagkakaluto ng noodles. Nang mapansing malambot na ito, saka niya ito dahan-dahan na kinuha at hinipan bago isubo. “Kain na lang tayo. Salamat nga pala sa libre, ah.”
“W-Wala ’yon.”
Tahimik na kinain nila ang cup noodles na binili ni Kaison. Ang mga tunog ng higop at nguya lang nilang dalawa ang nagsisilbing background music nila nang mga oras na iyon. As for Mikaela, nakararamdam siya ng pagkailang sa lalaking katabi kaya pinutol niya ang awkwardness na katahimikan na pumapagitna sa kanila ni Kaison.
“Pasensya ka na pala sa nangyari kanina. Muntik mo na akong mabangga. Ang tanga ko kasi, kahit saan-saan na lang ako tumatawid. Hindi ako tumitingin sa dinaraanan ko.”
Napatigil sa paghigop ng sabaw si Kaison at saka niya binigyan ng tingin ang dalagang abala naman sa pagnguya ng noodles. Muli na naman niyang naramdaman ang guilt sa kanyang puso nang maalala ang pagsigaw niya rito. Again, he never meant it.
“Sorry rin dahil sinigawan kita. Hindi ko sinasadya. Magulo kasi ang utak ko nang mga oras na iyon. Sorry,” Kaison apologized as he sipped his cup noodles so loudly.
“Nang dahil ba iyon sa paglalayas mo?”
Natigilan ang lalaki sa sinabi ni Mikaela, at tahimik na muling tiningnan ito. Parang nakuha naman ni Mikaela ang tingin nito sa kanya kaya nagsalita siya. “Sorry sa pagiging madaldal ko. Hindi ko na sana tinanong.”
“No. It’s okay.” Tipid na ngumiti si Kaison sa babae. “Oo, tungkol nga roon kung bakit gulong-gulo ang utak ko kanina.”
“Pareho pala tayo. Umalis tayo sa poder ng pamilya natin. Though, magkaiba nga lang tayo ng rason at pinagdaanan. Pinalayas ako ng Tita Alma ko ’tapos ikaw naman ay naglayas. Bakit mo nga pala nagawa ang maglayas?”
Sa tanong ni Mikaela sa kanya ay muntikan nang mabulunan si Kaison sa hinihigop niyang cup noodles. Mabuti na lang ay hindi natuloy. Pinahid niya ang bibig gamit ang tissue at balak sanang magsalita, ngunit muling nagsalita si Mikaela sa kanya.
“Sorry ulit. Nagtanong uli ako sa iyo tungkol sa paglalayas mo. Promise! Hindi na talaga ako magiging madaldal.”
Natawa si Kaison sa saad niya. “Hindi. Okay lang talaga sa akin.”
“So bakit ka nga pala naglayas?”
Kinuha muli ni Kaison ang cup noodles niya para ipagpatuloy ang paghigop ng sabaw. “Mahabang kuwento. Pero pai-iklian ko na lang,” sagot niya. “Malupit kasi siya sa akin.”
“Malupit? As in . . . binubugbog ka niya?”
Umiling siya. “Hindi. What I mean is . . . ang dami niyang gustong gawin para sa akin, to the point na hindi na ako ang nagdedesisyon sa mga gusto ko.”
Napansin naman ni Mikaela kung paano naging seryoso ang mukha ng lalaking kausap ngayon. Sa nakikita niya ay pakiramdam niya ay hindi madali rito ang buhay sa ama. But then, she get confuse. Napakunot tuloy siya ng noo at nahuli naman ni Kaison ang reaksyon niyang iyon.
“Magulo ba?” nakangisi nitong tanong.
“Hindi ko gets.” Mahinang napahagakhak uli si Kaison ng tawa dahil sa sagot niya.
“’Wag mo na lang intindihan ang sinabi ko. Kumain na lang tayo.”
Napatango ng ulo si Mikaela at sinunod na lang niya ang sinabi ni Kaison. Muling binahiran ang kanilang presensya ng katahimikan. Habang nananalantay ito, hindi naman maiwasan ni Kaison na lihim na mapatingin sa dalaga habang kumakain ito. May kung ano’ng kakaiba siyang nararamdaman sa kaloob-looban ng kanyang katawan. Tumatayo ang balahibo niya habang pinagmamasdan ang katawan ng babae. Pagkatapos ay naramdaman na lamang ni Kaison na parang nang-iinit ang buong katawan niya. Dahil ba ito sa mainit na cup noodles na kanyang kinakain o dahil sa naaakit siya sa kagandahang taglay ng katawan ng dalaga?
Hindi naman ganoon ka-sexy ang dalaga para sa kanya. May pagkapayat kasi ito at morena. Mahaba ang itim nitong buhok na lagpas balikat ang haba. Namimilog ang dalawang mata nito at matangos ang hugis ng ilong. Lumalabas din sa magkabilang pisngi nito ang nakatagong dimples sa tuwing ngumingiti ito sa kanya, hamak na masasabi ni Kaison na may angking kagandahang taglay si Mikaela.
Hindi rin niya maisasatulad si Mikaela sa mga babaeng nakilala na niya. Para kay Kaison, napakasimple lang nito. Walang kaarte-arteng nilalagay sa mukha at walang mga burloloy na nakakabit sa magkabilang tenga at palapulsuhan nito. Hindi ito kagaya ng mga nakikita niyang babaeng model sa magazine. Simpleng babae lamang si Mikaela na may simpleng kagandahan.
Mula sa mukha nito ay napatingin si Kaison sa harapan nitong dibdib. Hindi iyon ganoon kalaki. Katamtaman lang, na siya ring naging sanhi upang mapalunok siya ng laway.
Bigla siyang napailing upang pukawin ang kanyang presensya. Iba na yata ang iniisip niya habang pinagmamasdan ang dalaga. Hindi niya dapat ginagawa iyon. Ang bastos mo, Kaison!
Inalis niya ang pagkakatingin rito at itinuon na lang ang sarili sa pagkain. Maya-maya pa, parang tukso na napadako muli ang kanyang tingin sa babae. Abala pa rin ito sa pag-nguya at makikitang gutom na gutom talaga ito. Binale-wala iyon ni Kaison at daretsong tumutok ang tingin ng kanyang mga mata sa tiyan nito.
Buntis siya, nasabi na lamang ni Kaison sa sarili. Ibig sabihin may boyfriend ito o asawa. Parang nasaktan naman siya sa ideyang iyon. Ibig sabihin ay hindi na single si Mikaela.
Pero doon na lamang niya natandaan ang sinabi ni Mikaela sa kanya kanina sa hospital na wala itong asawa. Kumurba naman ang kanyang kilay sa pagtataka. Paano nangyaring nabuntis ito kung walang lalaki ang gumalaw sa dalaga?
“Mikaela?” tawag ni Kaison dito.
“Hmm.” Busy naman si Mikaela sa paghigop ng sabaw mula sa cup noodles.
“May tanong ako, okay lang?” Tumango naman ang babae sa kanya.
“Ano iyon?”
“Nasaan na nga pala ang ama ng batang pinagdadala mo?”
Nahuli ni Kaison kung paano napatigil si Mikaela sa paghigop ng sabaw nito. Ang ngiting kanina pa sumisilay sa labi ng dalaga ay unti-unting nabura at tuluyan na ngang nawala. Seryosong napatingin ito sa kanya at nagbabadya ang masasaganang luha nitong tumulo sa pisngi.
Hindi nagtagal ay tumulo nga ang masaganang luha nito habang nakatungo ng ulo. “He left me,” tipid na sagot ni Mikaela sa tanong ni Kaison.