FORD’s Mansion. Three hours past after Kaison left . . .
Biglang uminit ang ulo ni Henry nang madatnan sa mansyon na wala na ang anak. Galing siya sa isang transaction sa kanyang bagong kliyente na mga Japanese kanina. Nang makauwi, doon namutawi sa kanyang pagkatao ang galit at sama ng loob kay Kaison. Nakita niyang wala na ang mga gamit nito sa cabinet at nasa isip niya na naglayas ito.
“Hayop kang bata ka! Pinapainit mo talaga ang ulo ko,” napamura na lamang niyang tugon habang busy siya sa pagtitipa sa kanyang cell phone upang tawagin ang lider-lider ng kanyang mga tauhan. Tinutukoy niya ang kanyang nag-iisang anak na lalaki na si Kaison.
May sumagot naman sa kabilang linya pagkatapos. “Pumunta kayo sa mansyon ngayon din! May ipapautos ako sa inyo! Bilisan niyo at baka kayo ang pang-initan ng ulo ko!”
“Sige po, Boss. Masusunod po!”
Mga ilang oras pa ang nakalilipas ay may dumating na apat na malalaking lalaki sa mansyon ni Henry. Parehong nakasuot ang mga ito ng itim na T-shirt, habang ang nasa gitna naman nila ay nakasuot ng isang makapal na denim jacket. Nasa mahigit trenta anyos na ang mga kalalakihang ito at bakas sa mga mukha ng mga lalaki ang sinapit ng nakaraan dahil na rin sa mga pilat na nakadikit sa kani-kanilang mukha at braso. At sa hitsura pa lang ng mga ito ay alam mong marunong itong pumatay ng tao.
“Ano po ang problema, Boss?” tanong ng isang lalaki na naka-denim jacket.
“May ipapautos ako sa inyong apat.”
Nagkatinginan ang apat na lalaki sa isa’t isa at mukhang nasisiyahan na naman ang mga ito dahil may itutumba na naman yata sila na tao. Sabik na sabik kasi ang mga ito sa mga illegal na trabaho.
“May ipapatumba po ba kayo, Boss?” saad naman ng isang lalaki na nasa kaliwang bahagi. Kalbo ito at sobrang banat na banat ang mga muscles sa katawan.
“Hindi. May ipapahanap ako sa inyo.”
“Sino po?”
“Kilala niyo naman ang anak ko, ’di ba?”
“Si Al—”
“Si Kaison. Si Kaison ang ipapahanap ko sa inyo. Wala ng iba,” pagputol ni Henry sa tauhan niyang muntikan nang masabi ang sikretong noon pa niya pinang-iingatan. Kung ano man iyon ay siya lang ang nakaaalam at ang kanyang mga tauhan. Binigyan ni Henry ng isang matalim na tingin ang lalaking iyon. Nahihiyang tumungo ito at iniwasan ang parang agilang galit na titig ng kanilang boss.
“Sorry po, Boss. Hindi ko po sinasadya. Hindi na po mauulit,” pagpapaumanhin nang lalaking muntikan nang masabi ang hindi dapat puwedeng masabi.
“Subukan mo lang at baka ikaw ang isusunod kong ipapatumba,” pagbabanta ni Henry rito at muli siyang tumingin sa lalaking naka-denim jacket.
“Nasaan po ba ang anak niyo, Boss?”
“Naglayas ang hayop! Matagal ng balakid sa buhay ko ang batang ’yan. Noon pa man ay dapat tinuluyan ko na iyan. Pero hindi puwede. Napakalaking mawawala sa akin kapag mamamatay siya.”
Sa kabilang banda naman ay aksidenteng napadaan ang matandang si Manang Luz sa kusina ng mansyon. Sikretong nakita niya si Henry na kinakausap ang mga tauhan nito sa likuran. Naririnig niya ang boses ng kanyang amo habang nagsasalita ito. Noon pa man ay wala sa pagkatao ni Manang Luz ang makinig sa usapan ng kanyang mga amo. Matagal na siyang nagtatrabaho bilang kasambahay ng mga Ford, at noon pa man ay may malakas na kutob na siya kay Henry—ang bunsong anak ng kanyang dating amo na si Don Juanito Ford na noo’y matagal ng patay.
Palihim na nagtago si Manang Luz sa isang pader at umupo roon upang hindi makita nang mga lalaking nag-uusap. Pasilip-silip din siya sa tinted na glass wall upang tingnan ang mga kinikilos ng mga ito habang nag-uusap. Nananatili siyang tahimik at maingat.
“’Yon lang po ba ang gagawin namin sa anak niyo, Boss? Wala na bang iba?” parang nakukulangan ang isa pang lalaki sa utos ni Henry sa kanila.
“Patikimin niyo ng bugbog kapag makita ninyo, para naman magtanda na ang hayop. Pero huwag niyong tutuluyan dahil kailangan ko pa siya. Naiintindihan niyo ba ako?”
Sumilay sa mga labi ng apat na lalaki ang ngiti at saya sa utos sa kanila ni Henry. Nasisiyahan sila sa kanilang gagawin kay Kaison.
Kahit matanda na ay narinig pa rin iyon ni Manang Luz. Namilog ang mga mata nito at umusbong ang kaba sa dibdib nang dahil sa narinig. Napasinghap siya at napatakip ng bibig dahil baka marinig siya ng mga ito. Hindi niya akalain na magagawa ni Henry na ipabugbog si Kaison sa mga tauhan nito. Bigla tuloy siyang naawa sa sasapitin ng kanyang anak-anakan. Kailangan niya itong matawagan, kailangan niya itong mabalaan.
Mula sa pagkakaupo ay dahan-dahan na tumayo si Manang Luz at bumalik sa kanyang kuwarto. Malapit lamang ang kuwarto niya sa kusina kaya naging madali lang sa matanda na makapunta roon ng ilang segundo lamang.
Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya ang lumang de-keypad na cell phone sa drawer. Nagsimula na siyang magtipa upang matawagan ang numero ni Kaison. Sa kasamaang palad, out of coverage area ito. Muli niyang sinubukan ngunit ganoon pa rin ang resulta ng kanyang pagtawag.
Napatayo siya at nagpabalik-balik sa paglalakad. Iniisip ni Manang Luz kung sino ang puwedeng matawagan niya upang masabihan niya ang binata sa panganib na darating dito.
Dumaan sa isip ni Manang Luz ang nakatatandang kapatid ni Henry na si Jerome. Kilalang-kilala na ni Manang Luz ang mga anak ni Don Juanito dahil bata pa lang sina Jerome at Henry nang magsimula siyang magtrabaho bilang kasambahay ng mga ito. Hanggang ngayon na matanda na siya ay wala pa siyang balak na magretiro sa pamilya Ford.
Dali-daling kinontak ni Manang Luz ang cell phone number ni Jerome. Kahit matagal na itong wala sa mansyon ng Ford dahil itinakwil ito ni Don Juanito noon, may pagkakataon pa rin siya na makausap ito.
Hinding-hindi rin makalilimutan ni Manang Luz ang mabait na batang si Jerome na minsan na rin siyang tinuran na isang ina nito kahit na yaya lang siya ng lalaki noon. Alam niyang matutulungan siya nito.
“Manang Luz, napatawag po kayo? Ano po ang problema?” Narinig ni Manang Luz ang boses ng lalaking nagtataka. Inaamin niyang nami-miss na niya ito dahil matagal na niya itong hindi nakikita. Pangarap niya sana na kung sakali ay kukunin na siya ng Diyos, gusto niyang makita muli ang batang dati niyang inalagaan. Gusto niyang masilayan muli ang nakangiting labi nito.
“Hijo, Jerome, salamat at sinagot mo. Hindi ko talaga alam kung sino ang tatawagan ko,” mahinang sambit ni Manang Luz sa kabilang linya dahil naisip niya na kailangan pa rin niyang maging maingat at baka marinig siya ni Henry sa labas. Namumutawi sa tono ng boses niya ang pag-aalala.
“Bakit po? Ano po ang nangyayari? May masama po bang nangyari sa inyo?”
“Hindi. Okay lang ako. ’Yong kapatid mong si Henry, nababaliw na yata. Pinapahanap niya si Kaison at ipapabugbog daw niya sa mga tauhan niya. Nag-aalala ako sa batang iyon at baka kung mapaano.”
“Po?! Teka!? Nasaan po ba si Kaison?”
“Hindi ko nga rin alam, Hijo, dahil wala siya rito kanina pa. Hindi ko na siya nakita pa. Nag-aalala ako sa kanya, Hijo. Kung nandiyan siya ngayon, sana protektahan niyo siya. Iba na kasi ang pakiramdam ko sa ama niya, eh.”
“Sige po, Manang Luz. Kami na po bahala. ’Wag na po kayong mag-alala, okay. Saka ’wag na ’wag po kayong maingay kay Henry na nag-usap po tayo tungkol kay Kaison. Ako na bahala sa pamangkin ko. Hayop talaga ’yang Henry na iyan!”
“Sige, Hijo. Salamat.”
NAHILAMOS ni Kashton ang kanyang mukha gamit ang isa niyang kamay nang pumanhik siya sa kaniyang private office sa tinatrabahuan niyang hospital. Matapos silang mag-usap ni Kaison dahil sa paglalayas nito, mabuti na lang ay nakapagtimpi pa siya sa kanyang nararamdamang inis sa pinsan.
Ayaw lang naman niyang madamay ang kanyang pamilya dahil sa paglalayas nito. Kasi kung malalaman ng ama ni Kaison na naglayas ito, expected na ni Kashton na ang daddy na naman niya na si Jerome ang pang-iinitan ng ulo ng kaniyang Tito Henry. Worst, baka kung ano pa ang katarantaduhang gagawin ng Tito Henry niya sa kanyang pamilya. Ayaw niya ulit mangyari iyong nangyari noong bata pa siya; na lihim na pumunta sina Kaison kasama ang ina nito na si Elma sa bahay ng kanilang ama at bigla na lang dumating ang kanyang Tito Henry upang sunduin ang dalawa.
Hindi maiaalis sa ala-ala ni Kashton kung paano tinutukan ng baril ni Henry ang kanyang ama matapos nitong manlaban. Walang laban ang kanyang ama rito dahil may armas itong dala. Mabuti na lang ay hindi nagpaputok ng baril si Henry. Iyon ang mas ikinatatakot pa ni Kashton kapag nangyari ngang nagpaputok ito ng baril sa harap ng kanyang ama. Nagpapasalamat na lamang siya na walang nangyari sa kanyang ama. Sa mura niyang edad, iyon ang pinakaunang nakatatakot na experience na kaniyang nasilayan sa pagitan ng kanyang ama at ng kanyang Tito Henry. Alam din kasi ni Kashton na may alitan ang mga ito noon pa man.
Dahil sa trahedyang nangyari sa kaniyang pamilya, hindi iyon naging rason upang magalit siya kay Kaison. Nag-iisang pinsan niya kasi ito at gusto niyang maging close sila ng lalaki. Sobrang bait naman ni Kaison sa kanya. Masunurin itong tao, saka palaging masaya. ’Yon nga lang, hindi rin nakatatakas sa paningin ni Kashton noon kapag nakikita niyang malungkot si Kaison. Nagkukuwento ito tungkol sa ama nitong si Henry at pinapagaan na lamang niya ang kalooban ng pinsan.
Napaupo siya sa kanyang swivel chair at kinuha ang laruang bola niya sa lamesa. Nagsisilbing stress reliever niya ang malambot na bolang iyon sa tuwing nai-stress siya sa mga nangyayari sa kanya. Kanina pa siya nagtatrabaho. Kinakailangan niya kasing mag-overtime sa duty dahil nitong mga nakaraang araw ay samu’t saring mga pasyente ang isinusugod sa hospital dahil sa aksidenteng sinasapit ng mga ito. ’Yong iba naman ay mga hindi ganoon kaseryoso ang kondisyon. Chini-check up na lamang niya ang mga ito at nireresatahan ng gamot.
Maya-maya pa ay napatayo siya ng pumasok ang isang nurse na si Gina. Hingal na hingal itong pumasok sa kanyang silid.
“Doc, kailangan po kayo sa ICU. Nanawalan po ng vital signs si Mr. Ramirez,” nag-aalalang ani ni Gina kay Kashton na ang tinutukoy nito ay ang pasyenteng naka-coma sa ICU dahil nagbantang magpakamatay ito gamit ang baril na ipinutok mismo sa ulo nito. Imposible talaga na mabuhay ang ganitong case para kay Kashton. Pero bilib siya sa mga doctor sa hospital na tinatrabahuan dahil nakaya nilang sagipin ang buhay ng taong nagpatiwakal, kahit na na-comatose nga lang ito.
“What? Nasaan si Doc Nelson?”
“Nag-out na po kanina, mukhang may emergency rin po kasing nangyari sa misis niyang buntis.”
Malapit na siyang mapamura dahil na rin sa balitang kanyang narinig. Mabuti na lang ay nakapagtimpi siya. Ito talaga ang pinakaaayaw niya sa lahat, ’yong siya mismo ang tinatawag ng mga nurses in case na may problemang nangyayari sa ibang pasyente na hindi naman siya ang nagha-handle.
Dahil may sinumpaan siya na gagawin niya ang lahat para lang masagip ang buhay ng taong nangangailangan, mas lalo naman siyang nagaganahan sa kanyang trabaho. Ito ang mas nagugustuhang traits ng mga co-doctors at nurses sa kanya bilang doctor sa Don Del Valle Memorial Hospital. Tatlong taon pa lang siyang nagtatrabaho sa private hospital na ito, pero sa nakikita sa kanya ng mga nurses at doctors ay sobrang galing nitong humawak ng pasyente.
“I’ll go.”
Dali-daling lumabas si Kashton kasama si Gina sa private office nito at saka nagtatakbong dumaretso sa ICU ng hospital. Natagpuan niya ang ibang mga nurses doon sa loob na busy sa kakabigay ng resuscitation sa pasyenteng nag-aagaw buhay. Wala ng signs sa heartbeat nito at tila nawawalan na rin ng pag-asa ang mga nagre-resuscitation sa pasyente.
“Doc Ford,” sabay-sabay na bumati ang mga healthcare workers sa kanya, sumilay sa mukha ng mga ito ang pag-asang maililigtas pa nila ang pasyenteng nag-aagaw buhay.
Matapos pasuotin ng isang nurse si Kashton ng ICU gown na kulay asul, sinimulan na niya ang dapat gawin.
Mga ilang minuto ang nakalilipas, bumalik ang heart beat ng pasyente at conscious na ito sa hinihigaang kama. Nagpalakpakan ang mga kasama ni Kashton sa loob dahil sa magiting na ginawa nito sa pasyente. Tila isang hero si Kashton sa hospital na iyon.
MATAPOS ang mala-heroic na ginawa ni Kashton kanina ay nakapagdesisyon siyang umalis na sa ICU at tumungo muli sa kanyang opisina. Papalapit na sana siya sa kanyang opisina nang may lumapit na naman sa kanya na isang nurse. May ibinigay lamang itong isang folder at sinabing result daw iyon sa babaeng kamakailan lang na dinala sa hospital. Batid naman ni Kashton na ang tinutukoy ng nurse na ito ay ang babaeng dala ni Kaison kanina.
Nagsabi na lang siya sa nurse na siya na ang bahala makipag-usap sa kasama ng pasyente at nagpaalam na ang nurse sa kanya. Tiningnan muna ni Kashton ang laman ng folder at napag-alaman niya na buntis ang babaeng pasyente. ’Di kaya nabuntis iyon ni Kaison, at kaya rin nasubukan ng pinsan kong ’yon na maglayas?
Napailing na lang siya at mabilis na dumaretso siya sa pinsang si Kaison. Ibinalita niya na buntis ang babae at humingi muli siya ng pasensya sa pag-uusap nila kanina.
Nang muli siyang makapagpaalam, naramdaman niya ang pagtunog ng kanyang cell phone mula sa loob ng kanyang bulsa. Kinuha niya ito at nakakunot ang noo sa tumatawag—ang kanyang ama na si Jerome.
“Dad? Napatawag po kayo? May problema po ba?”
“Nasaan si Kaison?”
Nalito siya sa unang tanong nito. Bakit naman hinahanap nito si Kaison?
“Po?”
“Nasaan ang pinsan mo ngayon? May alam ka ba kung nasaan siya?”
“Yes po. Nandito po siya sa hospital, kasama ako.”
“May nangyari bang masama sa kanya?” Hindi na maiwasan ni Kashton ang kalituhan sa pinagsasabi ng kanyang ama. Napakababa pa ng boses nito sa kabilang linya na animo’y napaka-sikreto ng kanilang pag-uusap.
“W-Wala naman po. Teka? Ano po’ng nangyayari?”
“Naglayas ba siya?”
Napalunok si Kashton sa tanong ng kanyang ama. Bakit alam nito na naglayas si Kaison?
Gusto niya sanang ilihim ito sa ama ngunit napagpasyahan niyang sabihin na lang ang totoo rito. “Y-Yes po. Naglayas po siya. Pero pinigilan ko po siya dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kanya at sa inyo ni mama kapag pumunta riyan si Tito Henry. Bakit niyo po alam na naglayas si Kaison, Dad?”
“Talk to him. Tell him na nasa panganib ang buhay niya ngayon. Protect him, son. Protect your cousin. Paalisin mo siya sa hospital ngayon at huwag mong papauwiin sa kanila. Mas mabuti pang huwag muna siyang umuwi.”
“Teka po. Naguguluhan po ako. Saan niyo po itatago si Kaison? Diyan sa bahay?! Eh, ’di matutunton din siya ng ama niya diyan. And worst, madadamay pa kayo.”
“Kinausap ko na ang mommy mo. May ancestral house tayo sa Baguio. Puwedeng doon muna siya mag-stay kahit papaano. Just give him the address, okay.”
“S-Sige po.”
“Bilis. Kailangan mong paalisin si Kaison sa hospital dahil nagsisimula ng hanapin siya ng mga tauhan ng kanyang ama.”
Tumango si Kashton kahit na hindi naman siya nakikita ng ama. “Okay po. I will.”
At sa puntong iyon matapos maputol ang kanilang pag-uusap ng ama ay dali-dali namang nagtatatakbo si Kashton pabalik sa silid na kung saan doon niya nakausap si Kaison kanina.
NAKAHINGA ng maayos si Kashton nang makita ang dalawa na kakalabas lang ng hospital. Patingin-tingin siya sa paligid at tinitingnan kung may makikita siyang sign ng mga tauhan ng kanyang Tito Henry. Lumuwag ang kanyang dibdib nang makitang wala.
Pabalik na sana siya sa kanyang opisina nang makatanggap siya ng text message sa ama. Pinapauwi na siya nito, hindi sa condo niya, kundi sa bahay ng kanyang ama’t ina. Delikado raw kung magi-stay siya sa condo. Ginawa naman ni Kashton na sundin ang utos ng ama sa kanya. Kahit hindi pa niya oras na mag-out sa trabaho ay dali-dali na siyang umalis sa hospital.
Mga ilang minuto ang nakalilipas matapos siyang umalis, may isang lalaki naman ang pumasok sa hospital. May dala-dala itong isang kahon ng pizza. Lumapit ito sa receptionist at nagtanong.
“Nurse, nandito pa ba si Doc Ford? May special delivery pala siya.”
Nagtatakang napatingin ang napagtanungan na nurse sa lalaking nakasuot ng uniform. Sa hitsura ng lalaki ay masasabi ng nurse na isa itong delivery boy. “Tatawagan ko po muna si Doc Ford para magtanong kung may expected po siyang delivery ngayon.”
Biglang kinabahan ang lalaking naga-astang delivery boy. Tumango na lamang ito at kumalma.
“Sige, nurse. Pakisabi na lang.”
Nakailang ulit naman ang nurse sa pagtawag sa telepono ni Kashton sa opisina. Sa ikatatlong beses nitong dial ay walang sumasagot. Marahil, kutob ng nurse, ay wala na ang doctor na kanyang tinatawagan sa opisina. Kaya malungkot na ibinalita niya ito sa delivery boy.
Nanggigigil ang mga bagang na lumabas ang lalaking iyon sa hospital. Pumunta ito sa sasakyan na kasalukuyang nagmamasid sa labas at ibinalita sa driver na wala ang doctor doon na kanilang hinahanap.
“Boss, negative. Wala ang pinsan ng anak ni Boss Henry. Takas na tayo at parang kakaiba na ang tingin sa atin ng guard.”
Walang nagawa ang lalaking driver ng sasakyan na iyon kundi lumiko upang makaalis na sa lugar na iyon.