Nang magkita ang magkaibigan sa munisipyo ay agad binatukan ni Ze si Dwien.
"Bakla, anong mga tsina-chat mo sa akin? Kapag ikaw talaga na-inlove sa akin, ewan ko sa 'yo," bungad ni Ze sa kan'yang kababata.
"Awit sa iyo. Nagkamali lang ako ng sent, para talaga kay Simon iyon," maarteng sabi ni Dwien.
"Hoy! Tigilan mo ko riyan sa kalandian mo, Dwien. Akin lang si Simon. Akala ko pa naman nagbago ka na," nakasimangot na sabi ni Ze.
"Hati na lang tayo. Gusto mo ba, Ze?"
"Yuck! Kadiri ka, Dwien!"
Naduduwal si Ze habang sinasabi 'yon. Panay naman ang tawa ni Dwien habang pinanonood ang kababata niya. Aliw na aliw siya sa nakikita niyang pag-iinarte nito.
Naging ugali na ng magkaibigan na sabay silang kumain ng tanghalian. Maging sa merienda ay gano'n din. Iyon lang kasi ang paraan nila upang magkausap. Panay pa rin kasi ang higpit sa dalaga na mga tiyahin nito.
Madalas nilang pag-usapan ang tungkol sa mga magnanakaw ng story ng mga author at ang epekto noon sa mga manunulat . Hindi pa rin batid ni Ze na ang kababata niya ay walang iba kundi ang kan'yang paboritong author. Ang libro nito ay isa rin sa madalas nilang pinag-uusapan bukod pa sa mga nagaganap na nakawan sa social media.
"May isang malaking grupo ng mga magnanakaw ang balita ko ay patuloy na ibenebenta ang mga libro ng mga authors nang walang pahintulot," sabi ni Ze.
"Alin? Iyon bang mayroong twenty-four thousand na members? tanong ni Dwien.
"Oo, iyon nga. Grabe ang tapang ng admin noon. Inaway pa si Author Terry. Ang daming readers doon na puro nagpapapasa ng soft copies. Mga hindi marunong magbasa ng legal," sabi ni Ze.
"Kawawa ang mga authors sa kanila. Sasabihan pa nilang mukhang pera ang mga manunulat samantalang kakarampot lang halos ang kinikita ng karamihan diyan. Iyong iba nga zero pa ang coins o walang kinikita pagkatapos nilang magpuyat ng ilang buwan o linggo. Samantalang ang mga magnanakaw ng libro nila ay nagpapasasa sa pinagbentahan ng pinagpaguran nila," mahabang pahayag ni Dwien
"May kilala akong magnanakaw ng mga stories, taga-Rizal. Ang tapang, Dwien. Ang masaklap, may mga anak siya. Kung siya na nanay ay gumagawa ng illegal, ano kaya ang ituturo niyang mabuti sa mga anak n'ya?"
Marami pang napagkuwentuhan ang magkaibigan. Napag-usapan din nila ang isinampang kaso ng isang author sa magnanakaw ng story nito. Panay daw ang pakiusap ng magulang ng magnanakaw sa author ng magkita sila sa istasyon ng pulis ayon kay Dwien. Hindi na nagtataka si Ze kung maraming alam si Dwien. Batid niyang adik din ito sa libro kaya kasundo n'ya ito sa kwentuhan. Hanggang sa ang usapan ng dalawa ay napunta sa libro ni Kisses.
"Sa tingin mo ba ay maayos ang itinatakbo ng kwentong Lust in the Dark? Hindi ba masyadong mahalay ang nagaganap kina Zion at Abby?" Minsan ay naitanong ni Dwien kay Ze.
"Tingin ko naman ay hindi. Ano ka ba? Ang init ng mga eksena nila. Ang sarap kayang ma-inlove sa isang taong hindi mo alam kung sino o ano. May thrill kasi iyon," masayang wika ni Ze.
"So, okay lang sa iyo na ma-inlove sa isang taong maraming sikreto?"
"Siguro. Ewan. Hindi ko alam, Dwien. Sa itinatakbo kasi ng kwentong Lust in the Dark, mararamdaman mong mahal na nila ang isa't isa. Takot lang talaga si Zion na sabihin kung ano ang tunay niyang pagkatao kay Abby."
Dahil sa mga naging sagot ni Ze ay nagkaroon ng idea si Dwien kung ano ang susunod n'yang isusulat. Lingid sa kaalaman kasi ng dalaga, ang librong iyon ay isinulat niya para rito.
Matuling lumipas ang mga araw. Ang magkaibigan ay madalas magkasama kapag hindi sila nakikita ng mga tiyahin ng dalaga. Ang Mamang Jessa naman ni Dwien ay nagpapaalala lamang ngunit hindi sila nito pinagbabawalan.
Isang umaga, araw ng Sabado, walang pasok si Dwien sa trabaho. Sabay silang kumakain ni Mamang Jessa at nag-uusap ng malumanay.
"Anak, alam mong wala akong masamang tinapay diyan sa kaibigan mo. Ngunit mag-iingat ka. Mahirap kung magkaroon ka ng hindi magandang reputasyon dito sa barangay natin. Pinagdaanan ko na iyon at ayokong mangyari din sa 'yo," paalala ni Jessa.
"Bakit po ba gano'n na lang ang galit sa iyo ng mga tiya ni Ze?"
Matagal bago kumibo si Mamang Jessa. Nag-isip ito kung kailangan niyang sabihin sa kan'yang anak ang naganap sa kahapon. Nakailang lagok ito ng tubig at hindi na halos maituloy ang pagkain. Naghihintay lang naman si Dwien ng sagot nito.
Ilang beses na napatingin sa itaas si Mamang Jessa bago siya nagsalita. Mahigpit din ang hawak niya sa baso na may laman na tubig. Panay din ang basa niya sa kan'yang labi at tinatantiya niya ang sitwasyon kung dapat na nga ba siyang magsalita.
"Si Clara kasi…"
Bago pa man madugtungan ni Mamang Jessa ang sasabihin niya ay maririnig ang matinis na boses ni Clara mula sa labas ng bahay. Kasunod nito si Joan na nagwawala rin sa galit.
Kinakalampag nila ang pintuan ng bahay ni Mamang Jessa. May kasama rin silang mga tanod. Nakapamaywang na hinarap sila ng taong nag-alaga kay Dwien simula pagkabata niya.
"Sugudera na kayo ngayon. Hindi na ba kayo makuntento sa parinig lang?" Matapang na tanong ni Mamang Jessa sa dalawang dumating.
"Ilabas mo 'yang ampon mo!" sigaw ng Nanang Clara ni Ze.
"Ano'ng kailangan niyo sa anak ko?" galit na tanong ni mamang Jessa.
Napapiksi ang magkapatid. Kapwa sila nakapamaywang at nakatingin ng masama sa hindi naman natatakot na si Mamang Jessa.
"Kung ano man ang problema niyo, pag-usapan n'yo 'yan ng maayos," payo ng isa sa mga tanod.
"Walang usap-usap! Ilabas mo 'yang anak-anakan mo, Joselito, at nang makita niya ang hinahanap niya," tungayaw ni Joan.
Si Dwien na nagtatago sa likod ng kan'yang Mamang Jessa ay biglang lumabas. Agad siyang binato sa ulo ng nadampot na plastik na bote ng mga tiyahin ni Ze. Dahil doon ay nanggigil si Mamang Jessa at muntik nang sabunutan ang magkapatid.
Pilit niyang pinalalayas ang mga ito ngunit galit na galit ang dalawa at waring walang naririnig. Kahit ang mga tanod ay hindi sila mapigilan.
"Ano po ang kailangan niyo sa akin?" malumanay na tanong ni Dwien sa dalawa.
"Hoy! Bakla! Layuan mo ang pamangkin namin. Tinuturuan mo siya ng kung ano-ano," sambit ni Clara.
"Wala po kaming ginagawang masama ni Ze. Ibinabalik lang po namin sa dati ang aming samahan," paliwanag ni Dwien.
Gusto niya sanang sabihin sa dalawang babae na mahal niya ang pamangkin ng mga ito subalit hindi niya 'yon pwedeng gawin. Alam niyang lalong magiging magulo ang sitwasyon. Baka tuluyang pang ilayo sa kan'ya ng mga ito ang babaeng lihim niyang minamahal.
Tiningnan ni Dwien ang likuran ng dalawa. Hinanap niya ang kaibigan subalit hindi niya ito nakita. Nagtataka na napatanong siya sa mga tanod kung nasaan si Ze. Sumenyas ang isa sa mga tanod na wari bang sinasabi na hindi nila kasama ang dalaga.
"Tigil-tigilan mo ang pagpapapansin kay Zeikera. Huwag na huwag mo siyang lalapitan lalo na kapag nasa trabaho kayo. Kapag nalaman kong nakikipagmabutihan ka sa kaniya, kakaladkarin kita!" banta ni Clara.
Pilit na kinakalma ng mga tanod ang magkapatid at iniuwi sila sa kanilang bahay. Nagsisisi ang mga ito na sinamahan nila ang dalawa sa pag-aakalang maayos na usapan ang magaganap.
"Ayan na ang sinasabi ko sa iyo, Dwien. Wala ka talagang magandang mapapala sa magkapatid na 'yan," litanya ni Mamang Jessa.
"Mamang, alam mong mahal ko si Ze. Hindi ko kayang sundin ang ipinag-uutos nila."
"Ayaw kong mangyari sa 'yo ang nangyari sa akin kaya habang maaga pa, turuan mo ang puso mo na iwasan si Ze."
Dahil sa sinabi ni Mamang Jessa ay hindi na napigilan pa ni Dwien na uriratin pa ito. Ang kaninang naputol na usapan ay itinuloy nila sa sala.
"Alam mo, Dwien, matindi dati ang pagkagusto sa akin ni Clara. Iyang manang na babaeng iyan ay halos magkandarapa sa akin. Munti n'ya na nga akong pikutin. Ano'ng magagawa ko kung habang magkarelasyon kami ay nagbago ang gusto ng puso ko?"
"Naging kayo po ba ng Nanag Clara ni Ze?" Nanlalaki ang mga mata ni Dwien habang itinatanong iyon. Bahagya rin siyang natatawa dahil hindi niya akalain na nagkaroon ng kasintahan ang kan'yang Mamang Jessa.
"Akala ko kasi noon ay kaya kong panindigan. Mahal ko siya. Minahal ko siya. Subalit ang mapanghusga niyang paniniwala ang naglayo sa aming dalawa," malungkot na sabi ni Mamang Jessa.
"Mahal mo pa rin po ba siya hanggang ngayon?"
"Sino?"
"Si Nanang Clara. Mahal mo pa rin ba siya hanggang ngayon, Mamang Jessa?"
"Hindi madaling mabura ang pagmamahal lalo na kung palagi mong nakikita ang taong pinag-uukulan mo nito."
Nakaalis na si Mamang Jessa papunta sa salon nito ngunit nanatiling nakaupo lang si Dwien sa sala. Dapat sana ay maglilinis siya ng bahay ngunit hindi niya iyon kayang simulan. Hanggang sa tumunog ang cellphone niya.
"Stephanie, bakit ka napatawag?"
Gusto ni Dwien na p*****n ng telepono ang babae ngunit hindi niya ginawa. Ayaw kasi niyang maging bastos dito. Nagtitimpi siya sa inis na kan'yang nararamdaman. Kung may isang tao kasing gusto niyang makausap ng mga oras na iyon ay walang iba kun'di si Ze
"Gusto sana kitang yayain. Magsimba tayo bukas. Kain na rin tayo do'n sa paborito kong restaurant sa bayan." Hindi nahihiyang paanyaya ni Stephanie.
Aksidenteng biglang napatay ni Dwien ang tawag kahit niya hindi niya gustong lumabas na bastos siya sa kausap. Nabigla kasi siya sa sinabi nito. Hindi siya sanay na babae ang nag-aakit ng isang date. Tama, date na kung maituturing ang paanyaya ng babae.
Muling tumunog ang cellphone ni Dwien. Tumatawag ulit si Stephanie. Matagal pa bago nakapag desisyon ang lalaki kung sasagutin niya ba iyon o hindi. Hanggang sa pumasok ang isang mensahe sa kan'yang isa pang cellphone.
"Kisses, may problema ako. Sinugod ng mga nanang ko ang aking kababata," sumbong ni Ze sa kan'ya. "Wala ako sa bahay kasi nangunguha ako ng gulayin kanina. Hindi ko alam kung ano'ng nangyari basta pag-uwi ko ay nag-aapoy na sila sa galit."
"Huwag mong alalahanin ang mga bagay na hindi mo naman dapat pang pagtuunan ng pansin," sagot niya kay Ze.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" chat ulit ni Ze.
"Minsan may mga bagay na hindi mo kailangang problemahin. Ikaw na rin ang may sabi na mataray ang kaibigan mong bakla. Sa tingin mo ba magpapakita siya ng kahinaan sa mga nanang mo?"
Hindi na sumagot pa si Ze. Ilang minuto rin na naghintay si Dwien ng kan'yang reply ngunit nang mapagtanto ng huli na wala ng balak pang sumagot ang dalaga ay nagsimula na lang siyang gumawa ng kwento.
Dumating ang araw ng Lunes, muling nagkita ang magkaibigan sa bayan. Hindi alam ni Dwien kung iiwas ba siya o hindi sa dalaga. Ngunit nang makita siya nito bigla siya nitong hinila sa isang gilid.
"Baka may makakita sa atin, isumbong tayo sa mga nanang mo," umiiwas sa sabi ni Dwien.
"Pasensya ka na. Hindi ko alam kung bakit nagagalit sina nanang sa inyo. Pwede bang 'wag mo na lang silang pansinin?" mahinang tanong ni Ze. Kinakabahan na napalingon si Dwien sa paligid bago tumango.
Pinag-iisipan ni Dwien kung kailangan niya bang sabihin kay Ze ang nalaman niya tungkol sa nakaraan nina Mamang Jessa at Nanang Clara. Inaalala niya kasi kung ano ang magiging reaksyon ni Ze.
"Oy, pumasok na kayo sa trabaho n'yo," sita sa kanila ng isa sa pinakamatandang empleyado sa munisipyo.
"Bakit hindi ka halos umiimik? May gusto ka bang sabihin?" kapagkuwan ay tanong ni Ze.
"Iwasan muna natin ang isa't-isa katulad ng dati nating ginagawa," mahinang sabi ni Dwien.
"Ang bilis mo namang maduwag. Nakakainis ka talaga!'" pagkatapos sabihin iyon ay agad na nagmartsa si Ze palayo sa kaibigan n'ya.
Hinabol ni Dwien ang kababata niya. Hinawakan niya ito sa braso at muling iniharap sa kan'ya.
"Ayaw ko lang na may mangyaring masama sa 'yo. Baka kasi patuloy kang paghigpitan ng iyong mga nanang kapag hindi natin iniwasan ang isa't isa," paliwanag ni Dwien.
"Kaya ko na ang sarili ko. Ang gusto ko lang naman ay ipaglaban mo ako katulad ng kung paano kita ipagtanggol sa mga kapatid ng daddy ko." Pinunas ni Ze ang mga luha niyang unti-unti nang pumapatak.
Napatingin si Dwien sa babaeng lihim niyang minamahal. Bigla n'yang naitanong sa sarili kung tama bang iwasan n'ya ito o katulad ng kan'yang character na si Zion ay mas mabuting ipaglaban niya rin ang kan'yang nararamdaman. Hanggang sa namalayan niya na lang na yakap niya na si Ze at pinagtitinginan sila ng mga tao. Isa sa mga iyon ay walang iba kundi si Mayor Simon Astrino. Wala itong kangiti-ngiti at hindi malaman ni Dwien kung ano ang iniisip nito.