Hindi namalayan ni Ze kung paanong lumapat ang mga labi ni Dwien sa labi n'ya. Basta ang tanda n'ya lang ay nakaupo siya sa hita ng kan'yang kababata habang nakapulupot ang mga braso nito sa baywang n'ya.
Nahihiyang napayuko siya nang maghiwalay ang mga labi nila. First time n'yang nahalikan ng isang lalaki at hindi n'ya akalain na bakla pa ang makakasalo n'ya roon.
Hinihintay n'yang humingi ng pasensya ang dati n'yang kalaro ngunit iba ang narinig n'ya.
"Sana maulit itong muli," bulong ni Dwien sa punong-tainga niya habang naglalandas doon kanina ang labi ng binata. Kinilabutan siya sa narinig kaya bigla siyang napatayo. Inayos niya ang sarili at saka nagmamadaling lumabas sa bahay ni Mamang Jessa.
Habang pauwi ay hindi malaman ni Ze kung ano ang nararamdaman niya. Hinahabol n'ya ang kan'yang hininga habang hawak ang kan'yang labi. Kinikilig siya sa hindi niya malaman na dahilan. Ang mga mata niya ay kumikislap sa labis na tuwa.
"First kiss ko 'yon. Gano'n pala ang pakiramdam ng unang halik," tuwang-tuwa na bulong ng isip niya.
Pagdating sa bahay ay agad siyang nagmano sa kaniyang mga tiyahin. Nahalata naman ng mga ito ang tuwa na nararamdaman niya. Agad nag-usisa ang Nanang Clara niya. Nagkakanda-buhol naman ang dila ni Ze sa pagpapaliwanag.
"Ngayon ka lang namin nakitang gan'yan kasaya. Ano ang dahilan niyan, Zeikera?" usig ni Nanang Clara.
"Masaya lang po ako na nakakatulong kami sa mga kabataan dito sa ating barangay," palusot ni Ze. "Marami po kasi ang mga nakahandang plano para mas mapabuti pa ang kanilang kalagayan."
"Oh, iyon naman pala," wika ng Nanang Joan niya. "Sige na, Zeikera. Umakyat ka na sa iyong silid at magbihis ka na."
Tumalima kaagad si Ze. Nagmamadaling pumasok siya sa kan'yang silid at agad na kinuha ang cellphone. Tiningnan niya kaagad kung may mensahe na si Kisses. Hindi niya kasi napansin 'yon kanina habang abala siya sa pakikipag-usap sa mga ka-grupo nila.
"Oh, my… Author Kisses, hinalikan niya ako sa labi ko." Agad na balita ni Ze sa paborito niyang manunulat.
"Really? Ano'ng naramdaman mo?" tanong ni Kisses.
"Hmmm, ano nga ba? Siguro… Ay, ewan! Basta grabe ang kilig ko ngayon," sagot ni Ze sa chat.
Kinagat pa ni Ze ang pang-ibabang labi niya. Ang mga mata niya ay namumungay dahil sa sobrang kilig na nararamdaman niya. Excited siyang sabihin ang lahat ng iyon kay Kisses. Sumasagot naman agad ang manunulat na para bang hindi niya alam kung ano ang naganap. Ngunit sa kabila ay kinikilig din ang nagpapanggap na si Dwien.
"In-love ka na ba sa kababata mong bakla?" tanong ni Kisses sa chat.
Natigilan si Ze at saglit na nag-isip. Ano nga ba ang nararamdaman niya sa kan'yang kababata? Kahit nang mga bata pa sila ay hindi niya rin iyon maipaliwanag. Basta ang alam niya noon ay masaya s'ya sa tuwing kasama niya si Dwien.
Nahihiya na inamin ni Ze na hindi niya batid kung ano ang tunay niyang nararamdaman. Ang saya na kanina ay halos magpatalon kay Dwien ay biglang naglaho. Kung si Ze kasi ay hindi sigurado sa tunay niyang nadarama; siya naman ay batid niya sa sarili na mahal niya ang dalaga.
"Baka mahal mo rin siya ngunit hindi mo lang alam," nasabi ni Kisses sa chat.
"Siguro nga. Subalit natatakot akong iparamdam iyon sa kan'ya. Ang walang-hiyang iyon, mas malandi pa kasi kaysa sa akin," sagot ni Ze.
Nang mga sumunod na araw ay nagiging mas malapit na ulit sina Dwien at Ze sa isa't isa. Hindi na rin nila pinag-usapan ang tungkol sa nangyari sa kanila. Nagpatuloy lamang sila sa kanilang mga buhay. Kapag nagkikita naman sila, ang nagiging topic nila ay tungkol sa libro na kanilang binabasa. Unti-unti nang nababawasan ang palagi nilang pag-aaway.
"Kawawa naman 'yong isang author ng F2Reads, ninakaw pala ang aklat niya. Hayun, dinala sa ospital at hindi na ngayon makapagsulat. Sobrang na-stress si author dahil sa mga magnanakaw ng mga libro. Balita ko nga malaki na ang gastusin niya sa hospital samantalang 'yong magnanakaw ng libro n'ya, nagpapakasasa sa pera na hindi niya pinaghirapan," litanya ni Ze.
"Marami rin naman kasing mga readers na umaasa sa nakaw na story. Hindi nila naisip 'yong author na nagpakahirap noon. May free coins naman sa app, ayaw man lang magsikap. Sa totoo lang, sobrang selfish nila," dugtong naman ni Dwien..
"Dwien, sana itong librong binabasa natin, hindi manakaw."
"Naku, baka makabaril ako ng tao kapag ninakaw nila 'yan. Madaling araw na pero nagsusulat pa rin ang author n'yan tapos nanakawin lang nila," galit na sagot ni Dwien.
Nagulat si Ze sa naging reaction ng kababata niya. Bigla kasi itong nagalit nang maungkat ang tungkol sa mga magnanakaw ng libro ng mga authors.
"Dwien, bakit sobrang affected ka naman yata?" Hindi napigilang tanong niya sa kababata na muli niyang nakakasundo.
"Mga walang konsensya kasi ang mga magnanakaw na 'yan. Kahit galing sa nakaw ang perang kinakain nila, okay lang sa kanila," paliwanag ni Dwien.
"Ang iba kasi akala nila, kapag bumili sila ng coins para mabuksan ang kwento ay pwede na nila itong ibenta dahil sila na nagmamay-ari no'n," wika ni Ze sabay kagat sa tinapay na kinakain n'ya.
"Pay-to-read at hindi pay-to-sell. Ano'ng kab*b*han iyan? Ito namang mga suki ng mga magnanakaw na ito kunwari pang may 'I love you, author' pero sa magna rin naman pala kakapit! Nakaka-imbyerna!"
"Hoy, bakla! G na g ka! Tinalo mo pa si Kisses kung makapag-react ka," sita ni Ze kay Dwien. Pasakay na ang dalawa ng jeep dahil uwian na nila galing sa trabaho.
Biglang kumalma si Dwien nang marinig ang sinabi ni Ze. Biglang tumaas ang kilay niya dahilan para isipin pa rin ang mga kahampang nila na isa siyang bakla.
May usapan na ang dalawa. Mauunang bumaba si Ze at susundan naman siya ni Dwien. Hindi rin sila sabay na maglalakad. Kunwari tulad ng dati ay magkagalit pa rin sila. Ngunit ang totoo ay unti-unti nang nanunumbalik sa dati ang kanilang samahan. Hindi nila makakalimutan kung paano nila ipagtanggol ang isa't isa noong mga bata pa sila. Sa ngayon, iyon din ang kanilang pinaghahandaan kung sakaling mahuli sila ng mga tiyahin ni Ze.
Pagkababa ng jeep ay naglakad na kunwari ay hindi magkakilala ang dalawa. Gano'n pa man, wala na ang humahampas na balakang ni Dwien sa tuwing naglalakad ito. Hindi niya rin kasi gusto na muli siyang pagsabihan ng mga matatanda sa kanilang baryo. Nahihiya siya sa mga ito.
Ngunit kahit hindi sabay na lumakad ang magkaibigan ay napansin pa rin sila ng dalawang tiyahin ng dalaga. Hanggang sa pilit nilang pinapasok si Ze sa loob ng kanilang tarangkahan at pinaupo ito sa mahabang upuan na matatagpuan sa sala ng bahay nila.
"Bakit sabay kayong umuwi, ha, Zeikera?" bungad agad ng Nanang Joan niya.
"Nagkasabay lang po kami sa sasakyan. Iisang jeep lang po kasi ang naabutan naming nakatigil doon sa bayan," paliwanag ni Ze.
"Nag-usap na ba kayo ng baklang iyon?" Nagdududa na tanong ni Manang Clara.
"Hindi pa po, manang. Masyado po siyang guwapo para pansinin ako," tanggi ni Ze.
Hindi na natapos ang sermon ng kan'yang mga tiyahin dahil oras na para magdasal. Ugali na iyon ng dalawang matandang dalaga sa tuwing sasapit ang ala-sais ng gabi.
Pagkatapos kumain ay agad na pinaakyat si Ze ng kaniyang mga tiyahin sa silid niya upang makapagpahinga siya. Tuwang-tuwa naman ang dalaga dahil magkakaroon pa siya ng oras upang makapagbasa. Masayang kinuha niya ang cellphone at tiningnan kung may bagong update na ba si Kisses.
"May balita ka ba? Bakit walang update ngayon si Kisses?" tanong ni Ze sa kababata niya.
"Pagod daw kasi siya. Galing siya sa maghapong trabaho. Sabi niya kanina ay sisikapin niyang mag-update daw bago matapos ang araw na ito."
"Ang tagal naman. Nakakainip kayang maghintay," reklamo ni Ze.
Bago pa man makasagot ang kan'yang kausap sa kabilang linya ay may tumawag kay Ze. Ang kan'yang Nanang Clara ay nakatayo sa harapan ng kan'yang pintuan.
"Sino ang kausap mo," tanong agad nito.
"Kasamahan ko po sa trabaho. Nag-uusap lang po kami tungkol sa isang libro," palusot ni Ze.
"Ay siya! Bumaba ka roon at naghihintay sayo si Stephanie."
Nagtataka na bumaba si Ze. Hindi niya kasi inaasahan na may darating silang bisita. Gusto n'ya na sanang magpahinga pero kailangan niyang harapin ito. Ayaw kasi ng kan'yang mga tiyahin na may binabastos silang ibang tao sa pamamahay nila.
"Stephanie, bakit ka napunta rito? Ano'ng sadya mo?" Dama ang inis sa boses ng dalaga.
Tumayo si Stephanie mula sa kinauupuan niya at lumapit siya kay Ze. Umupo siya sa tabi ng huli.
"Magpapatulong kasi sana ako sa 'yo, eh," mabilis na turan ni Stephanie. "Okay lang ba, Ze?"
Pilit na ngumiti si Ze at tumango. Napipilitan lang talaga siya ngunit wala siyang magagawa. Nahihiya kasi siyang tumanggi sa kaniyang kababata.
"Tulungan mo naman akong mapalapit kay Dwien," pakiusap ni Stephanie.
Napatayo si Ze sa kan'yang kinauupuan. Hindi niya kasi alam kung paano niya tatanggapin ang hiling ng kaibigan. Ayaw niyang tanggihan ito subalit hindi naman niya pwedeng paburan 'to.
"Binigyan mo pa ako ng problema." Hindi naiwasan na reklamo ni Ze.
"Sorry na, Ze. Gusto ko talagang mapalapit sa lalaking iyon."
"Ngayon ko lang nalaman na hindi ka totoong kaibigan," maanghang na salita ni Ze. "Alam mo naman ang sitwasyon ko, hindi ba?"
Napatango-tango si Stephanie. Batid kasi sa buong barangay kung paano siyang paghigpitan ng kan'yang mga tiyahin. Hanggang sa umuwi si Stephanie ay wala siyang maayos na sagot na naibigay dito. Ang alam kasi ng mga ito ay magkaaway pa rin sila ni Dwien.
Ngunit pagkaalis ni Stephanie ay kaagad niyang sinabi kay Dwien ang tungkol sa kagustuhan ni Stephanie na mapalapit sa bakla niyang kaibigan. Tila hindi naman iyon nagustuhan ng lalaki.
"Girl, mas gusto ko pang lalaki ang makarelasyon ko kaysa sa babaeng ubod ng arte," prangkang sagot ni Dwien sa mga sinabi ni Ze.
Dahil sa isinagot ni Dwien ay biglang naisip ni Ze na sabihin iyon kay Kisses. Nasaktan kasi siya dahil tila wala na silang pag-asa ng kan'yang kababata.
"Nakakaiyak naman, mas gusto niya pa talaga ang lalaki kaysa sa babae," sumbong ni Ze kay Kisses.
"Sino?" Nagtataka na tanong ni Kisses sa kan'ya.
"Si Dwien. Pagkatapos niya akong halikan, bale-wala lang pala. Mas gusto n'ya pa rin ang lalaki kaysa sa babaeng katulad ko," nagtatampo na sabi ni Ze.
Dahil sa nabasa ay nataranta si Dwien. Hindi niya ngayon alam kung ano ang sasabihin sa babaeng matagal na niyang minamahal. Gamit ang real account niya ay nai-chat n'ya si Ze ng mga katagang, "Don't worry. Mahal kita. Ikaw lang talaga ang gusto kong makasama."
Huli na nang mabatid niyang hindi account ni Kisses ang ginagamit niya. Nabasa na kasi kaagad ni Ze ang mensahe niya.