Hindi maipinta ang mukha ni Ze habang naglalakad pauwi. Dadaanan na naman kasi niya ang bahay ni Mamang Jessa kaya lalong nagngitngit ang dalaga.
Hinihimas niya ang ilong na pinisil kanina ng beke niyang kababata. Napatanga kasi ang dalaga sa katawan nito kaya naman hindi niya napaghandaan ang aksyon ni Dwien.
"Kainis! Wala na nga akong nasingil, naisahan pa ako ng baklitang iyon," bulong ng dalaga sa sarili niya.
Sa sobrang galit ng dalaga ay tinadyakan niya ang isang tumpok ng mga damo sa tapat ng bahay nina Dwien. Hindi niya akalaing may bato doon kaya napangiwi siya sa kirot.
Nakita naman ni Dwien ang nangyari. Ang dapat sanang mga salitang pang-asar niya sa pikuning kababata ay nawala lahat sa utak niya. Mabilis niyang nilapitan si Ze.
Dumudugo ang hinlalaki ng kanang paa ng dalaga dahil sa pagtama nito sa bato. Nakaupo rin ito sa gilid ng daan dahil namanhid ang hita nito sa kirot.
"Pumasok ka muna sa loob ng bahay at lilinisin ko ang sugat mo," anyaya ni Dwien kay Ze.
Inis na tinabig ni Ze ang kamay ni Dwien. Hindi niya napansin ang kakaibang tono ng binata dahil sa pag-aalala.
"Huwag mo nga akong hawakan. Baka mahawa pa ako sa kalandian mo," wika ni Ze.
"Ay! Krung-krung ka ghurl! Tinutulungan ka na nga, ayaw mo pa," maarteng sagot ni Dwien.
Lalong napangiwi si Ze. Namimitig kasi ang hita niya kaya bigla siyang napahawak sa binti niya. Sumabay pa ang kirot sa sugat niya sa paa. Namumutla rin ang dalaga dahil sa dugong lumalabas sa kaniyang paa. Matindi ang phobia ni Ze sa dugo dahil nasaksihan niya ang aksidenteng kumitil sa buhay ng kaniyang ina. Naglalakad sila noon sa isang kalsada sa Cavite ng nabagsakan ang mama niya ng isang malaking kumpol ng semento mula sa itaas ng ginagawang gusali.
Nang makita ni Dwien ang itsura ni Ze ay walang pag-aalinlangang binuhat niya ang dalaga. Nabigla naman si Ze kaya napatitig na lamang siya sa mukha ng dating kaibigang bata pa lang siya ay may espesyal ng bahagi sa puso niya.
Pinipigilan ni Ze na haplusin ang mukha ni Dwien. Kahit naging binabae na kasi ito ay hindi pa rin nawawala ang paghanga niya sa kababata. Nakita ni Ze ng ilang ulit na nagtaas-baba ang adams apple ng dating kaibigan. Napapikit na lang ang dalaga at isinubsob ang mukha sa malapad na dibdib ng binata.
Marahang ibinaba ni Dwien si Ze sa kahoy na upuan sa sala nila. Kinuha niya ang maliit na lata kung saan itinatago ng Mamang Jessa niya ang mga gamot. Buong ingat niyang nilinis ang sugat sa paa ng dalaga at nilagyan iyon ng benda.
Tahimik namang nakatingin lang si Ze sa ginagawa ni Dwien. Hindi niya alam kung paanong tatarayan ang kababata. Nablangko bigla ang utak ni Ze.
"Oh, ayan na, shunga ka kasi kaya nangyari sa'yo iyan," sabi ni Dwien ng tumayo ito mula sa pagkakaupo sa harapan ng dalaga.
"Kasalanan mo ito! Kung hindi mo ako ginalit, hindi sana ako nagkasugat."
"Kapag maayos ka na, ihahatid na kita. Baka mapagalitan ka na naman ng mga nanang mo."
Dahil sa narinig ay napatayo bigla si Ze. Kapag nalaman kasi ng mga tiyahin niya na tumambay siya sa bahay nina Dwien ay maghahalo ang balat sa tinalupan. Baka kung anong gawing parusa sa kaniya ng mga ito.
"Aalis na ako. Salamat."
"Bente-uno ka na, takusa ka pa rin sa mga nanang mo," pang-aasar ni Dwien. Palagi nitong binabanggit ang edad niya sa tuwing nag-aaway sila.
"At ikaw, bente-tres ka na, bakla ka pa rin!" mataray na sagot ng dalaga.
"Walang masama sa pagiging bakla."
"Alam ko! Pero ang landiin mo ang lalaking gusto ko ay malaking kasalanan sa batas ko!"
Pagka-wika noon ay iika-ikang lumabas ng bahay nina Dwien si Ze. Susunod pa sana ang binata para alalayan ang kababata niya ngunit mataray na hinarap siya ni Ze.
"Huwag ka ng sumunod. Baka mapahamak pa ako dahil sa'yo."
Dahil sa sinabi ni Ze ay tinanaw na lang ni Dwien ang kababata habang naglalakad ito sa niyogan. Mga limang minuto pa bago makakalabas doon si Ze kaya nag-aalala siya para rito kahit madalas na silang mag-away.
Samantala, panay ang bulong-bulong ni Ze habang naglalakad. Nagagalit siya sa sarili dahil hindi niya sinamantala ang pagkakataon para makaganti sa madalas na pang-aasar sa kaniya ni Dwien.
Bago siya makalabas sa niyogan ay may nakita siyang mga bata. Nagpatulong siya sa isa sa mga ito para makauwi ng bahay. Nangunguha kasi ang mga bata ng palapa ng niyog para panggatong.
Pagdating sa bahay ay nakapamewang ang mga nanang ni Ze. Nagagalit ang mga ito dahil ang tagal umuwi ng dalaga. Ngunit ng makita nila ang nakabenda niyang hinlalaki sa paa ay napalitan ng pag-aalala ang galit nila.
Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Ze. Kahit napapadalas kasi ang sagutan nila ni Dwien ay hindi nawawala ang panghihinayang sa puso niya. Hindi kasi sila ganoon dati. Siya ang kusang lumayo sa binata at siya ang unang nagsimula ng away dahil sa pagtuligsa niya sa pagiging bading nito.
Kung tutuusin ay hindi niya kinokondena ang mga bakla. May mga kaklase rin kasi siyang binabae noon at hindi niya iniwasan o kinasuklaman man lang ang mga ito. Ngunit iba ang usapan pagdating kay Dwien. Siya lang naman kasi ang bukod tanging bakla na sumugat sa puso niyang umaasa na sana si Dwien ang maging kasama niyang bida sa kwento ng buhay niya.
Kinabukasan, hindi sinasadyang nagkasabay ang magkaaway sa jeep papuntang Ildefonso. Matalim ang tingin ni Ze sa lalaking nasa harapan niya. Naka-maong pants ito, nakasuot ng puting t-shirt at naka-rubber shoes. Maayos na sinuklay ang buhok nito na bumagay sa gwapo nitong mukha. Lahat ng mga babae sa jeep ay napapalingon sa poging engineer sa harapan niya.
"Bayad po," malamyos na sabi ni Dwien.
Nagtawanan ang mga lalaki sa paligid at napataas ang kilay ng mga babae. Maging si Ze ay napaismid.
Ngunit sa utak ni Dwien ay naglalaro ang mga katagang, "Kung hindi lang kita mahal, Ze, hindi ako aarte ng ganito. Ito lang kasi ang paraang alam ko para kahit paano ay makalapit pa rin ako sa'yo dahil kung lalaki ako ay baka tuluyan na akong isumpa ng mga nanang mo."
"Oh, bakit ka nakatingin? Gandang-ganda ka ba sa akin?" mataray na sabi ni Ze.
Hindi sumagot si Dwien. Ayaw niyang ipahiya si Ze. Kung alam lang sana ng babae kung gaano siya nasasaktan sa lahat ng away nila. Kung pwede lang sana niyang kunin ang loob ng dalaga sa tamang paraan katulad ng dati, sana hindi na siya magtatago pa sa ibang katauhan.
Yumuko si Dwien. Nakatitig lang siya sa sahig ng jeep. Nakita niyang hindi nakasapatos si Ze na nakaupo sa tapat niya. Wala sa loob na umangat ang mukha niya sabay tingin sa dalaga. Tingin na may halong pag-aalala.
"Masakit pa ba ang sugat mo?" tanong ni Dwien.
Lahat ng mga nasa loob ng jeep ay napatingin ulit sa gwapong lalaking nagsalita. Lahat ay nagtataka sa sexy na tono ng binata. Hindi malamyos, hindi malambot, kundi isang baritonong boses na humahaplos sa puso ng mga kinikilig na babae.