Halos maubusan ng hininga si Ze sa katatawa dahil napasubsob si Dwien sa kanal dahil sa lakas ng tulak n'ya. Akala niya kasi ay ang mga nanang na niya ang maingay kanina. Ngunit nagkamali siya dahil ang selosang asawa pala ng kapitbahay nila ang maingay kanina.
"Zeikera, ano'ng ginagawa mo pa riyan sa labas? Pumasok ka na," utos ng Nanang Joan niya.
Lihim na napangiti si Ze. Muli niyang nilingon ang pinagtataguan ni Dwien. Nagkukubli kasi ito sa puno ng niyog sa kabilang bahagi ng kalsada. Batid niyang nanginginig na ito sa lamig dahil nahulog ito sa kanal na nasa may gate nila. Tag-ulan na kaya may tubig na ang kanal.
Pagpasok sa kan'yang silid ay mabilis na kinuha ni Ze ang cellphone niya. Nakangiti s'ya habang nagbibihis. Hindi niya rin napigilan na haplusin ang kaniyang labi. Mainit pa rin ang kan'yang pakiramdam. Sa wakas, natupad na rin ang matagal na niyang pangarap. Iyon ay ang mahalikan si Dwien.
Namimilipit siya sa kilig. Gusto niyang sumigaw sa labis na tuwa ngunit alam niyang pagagalitan siya ng kaniyang mga nanang. Parang nangangarap na humiga siya sa kanyang higaan sabay takip ng kan'yang bibig.
"Ito ba talaga ang epekto sa akin ng baklitang iyon," bulong ni Ze. Bakit kaya sa bakla pa ako nagkagusto?"
Habang nakatingin sa kan'yang cellphone ay hindi alam ni Ze kung sino ang una niyang i-cha-chat; si Dwien ba para kumustahin ito o si Kisses para sabihin sa kan'yang paboritong author ang mga nangyari.
Hindi pa man siya nakakapagdesisyon ay may pumasok na agad na message mula kay Kisses.
"Kumusta?" tanong nito.
"Ehhh… Kilig overload, author. We kissed! Matagal iyon," parang teenager na pahayag ni Ze.
"Ano'ng naramdaman mo?" muling tanong ni Kisses.
"Heaven!" agad na sagot ni Ze.
"Congrats. I'm happy for you. I love you," chat ulit ni Kisses.
"Mas lalo akong kinikilig dahil diyan sa I love you mo, author. I love you too, Kisses. Mag-update ka na, please." Dinugtungan ni Ze ng heart emojis ang message n'ya.
Ngunit ang sayang nararamdaman niya ay biglang naputol nang sigawan siya ng kaniyang Nanang Clara. Pinapapatay na nito ang ilaw sa kan'yang silid. Para walang gulo ay agad niyang sinunod ang kan'yang tiyahin.
Hindi dalawin ng antok si Ze. Hinihintay niyang tumawag o mag-chat si Dwien. At hindi naman siya nabigo. Tumawag kasi ang binata.
"Tulog ka na ba?" tanong ni Dwien.
"Hindi pa. Ka-chat ko pa si Kisses," sagot ni Ze.
"I love…" Biglang natigilan si Dwien at hindi na nakapagsalita pa.
"Anong sabi mo?" urirat ni Ze.
"Girl, I love Kisses," sambit ni Dwien. Iniba n'ya ang usapan para makalusot. "Nakakawindang nang nalaman ni Abby na kaya pala palaging nasa dilim lang si Zion ay dahil madalas itong ma-bully noong kabataan pa nito. Kawawa naman si Zion. Mabuti na lang at dumating si Abby sa buhay n'ya."
Nawalan naman ng gana si Ze. Akala kasi niya ay magtatapat na si Dwien. Hindi niya akalain na tungkol pa rin sa librong Lust in the Dark ang magiging topic nila. Wala man lang nabanggit ang binata tungkol sa nangyari sa kanila.
"Mukhang masaya ka yata," alanganin na sabi niya.
"Masaya talaga ako. Masaya ka kasing kausap, kasama at… Alam mo na iyon," sagot ni Dwien. "Ze, mahalaga ka sa akin."
Hindi man tuwirang sinabi ni Dwien na mahal nito si Ze ay masaya ang dalaga. Simula nang gabing iyon ay mas lalo pang naging espesyal ang pagkakaibigan nila. Kapag may pagkakataon, lihim silang lumalabas upang kumain ng sabay.
Isang araw ay nagulat ang dalaga sa naging usapan nila ni Dwien. Nabanggit kasi ng huli na mukhang malabong maging okay ang kalagayan nila. Iyon ay dahil hindi madaling mawawala ang galit ng mga nanang ng dalaga sa Mamang Jessa ni Dwien.
"Bakit naman?" tanong ni Ze sa kababata niya.
"Dahil sa nakaraan nila," sagot ni Dwien.
"Nakaraan? Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ni Ze.
"Ang Mamang Jessa ko at ang Manang Clara mo ay dating magkarelasyon."
"Ano? Nagbibiro ka ba, Dwien?"
"Hindi. Nasaktan ni Mamang Jessa ang nanang mo. Mas pinili kasi ni Mamang Jessa na maging isang ganap na babae kaysa panindigan ang relasyon nila ng nanang mo. Mahal pa rin ni mamang ang nanang mo pero matindi na ang galit ng Nanang Clara mo sa mamang ko."
Dahil sa narinig ay nawalan ng pag-asa si Ze na magiging maayos nga ang sitwasyon nila. Ngunit kahit wala pa silang relasyon ni Dwien ay handa siyang ipaglaban ito.
Naging ordinaryo ang mga sumunod na araw ni Ze. Ngunit kabaliktaran naman iyon ng kay Dwien. Kung saan-saan siya ipinadadala ng kanilang head kaya wala na s'yang time para magkita sila ni Ze. Batid ni Dwien na dahil iyon sa mismong kaibigan niyang si Simon. Pinahihirapan siya ng mayor upang tuluyan niyang layuan si Ze.
"Gusto mo bang kausapin ko si Simon?" Minsan ay naitanong na Ze sa kababata niya. Naaawa na kasi ito dahil kung saan-saan na lang ipinapadala ang binata upang hindi lang niya makasama. Grabe rin ang natatanggap ni Dwien na pang-aalipusta dahil sa pagiging bading niya.
"Huwag na. Pabayaan mo na 'yon," sagot ni Dwien. "Nagkakausap naman tayo sa telepono."
"Miss ko nang kasalo ka sa tanghalian," wika ni Ze.
"Ako rin," sagot ni Dwien. "Pero masaya akong kahit sa telepono ay naririnig ko ang boses mo."
Tuluyan na ngang nawalan ng pagkakataon ang magkababata na magkasamang kumain sa tanghalian. Dahil sa inis ni Ze kaya kahit minsan ay hindi siya pumayag na ihatid ni Simon.
"Iniiwasan mo ba ako?" minsan ay naitanong ni Simon. "Malinis ang intensyon ko sa iyo, Ze. Gusto kita. Hindi bilang isang empleyado, kung hindi bilang isang babae."
Tumaas ang kilay ni Ze. Ni hindi man lang siya kinilig dahil sa narinig mula kay Simon. Nakaramdam pa nga siya ng inis. Lalo lang kasi niyang napatunayan na mahilig ngang mam-bully ang lalaki. Ginagamit nito ang pagiging makapangyarihan niya upang mang-apak ng kan'yang kapwa.
Samantala, kahit masyado silang abala sa trabaho ay hindi nakakalimot si Dwien na kausapin si Ze kahit sa cellphone lang. May mga pagkakataon na gusto na niyang magtapat ng nararamdaman sa dalaga ngunit batid niyang mas lalong mahihirapan sila kapag ginawa niya iyon. Baka kasi tuluyang ilayo sa kan'ya si Ze ng mga tiyahin nito.
Dumating ang araw ng aktibidad ng organisasyon nila sa kanilang barangay. Namigay sila ng mga gamit pang-eskwela sa mga batang papasok sa paaralan ng taong iyon. Dahil doon ay nagkaroon ng pagkakataon ang magkababata na magkasama at makapag-usap ng matagal.
Nagkayayaan din ang kanilang grupo na mag-o-overnight swimming sa isang resort sa kabilang barangay. Sa susunod na linggo pa naman iyon kaya naisipan ni Ze na magpaalam.
"Nanang Clara, gusto ko po talagang sumama sa kanila," pakiusap ni Ze sa kan'yang tiya.
"Naku! Ako, tigil-tigilan mo riyan sa katarayan mo, Zeikera. Hindi ka sasama sa kanila. Tapos ang usapan," galit na sabi ng Nanang Clara niya nang magpaalam si Ze na gusto n'yang sumama sa grupo nina Dwien.
"Nanang, twenty-one na po ako. Kaya ko na po sarili ko," katwiran ni Ze.
"Kapag bente-uno ba ay pwede nang sumuway sa utos ng matatanda? 'Wag ka ngang mangatwiran diyan, Zeikera."
"Bakit kapag si Simon ang nagpapaalam para sa akin, kahit ayaw ko ay pinapayagan ninyo ako?" May halong panunumbat ang tono ng boses ng dalaga.
Hindi na sumagot ang Nanang Clara ni Ze. Tinalikuran na siya kaagad nito. Ngunit kahit ganoon, buo na sa isip ni Ze na sasama siya sa grupo nila kahit pagalitan pa siya ng kaniyang mga tiyahin.
"Kisses, nakakasakal sila," bulalas ni Ze sa manunulat.
"Marahil ay iniisip lang nila kung ano ang makakabuti sa iyo," tugon naman nito.
"Gusto rin yata nilang tumanda akong dalaga. Ah, hindi!! Gusto nilang si Simon ang mapangasawa ko. Nawalan na ako ng amor sa lalaking iyon. Bully siya, author. Pinahihirapan n'ya masyado si bakla."
"Gusto mo lang yata si bakla kaya gano'n ang nararamdaman mo kay Simon," panunukso naman ni Kisses sa kan'ya.
Hindi na sinagot ni Ze ang chat na iyon. Batid niya kasi sa sarili niyang totoo iyon. Subalit wala siyang planong sabihin 'yon ngayon sa kababata niya dahil alam niyang hindi ito sigurado sa nararamdaman nito sa kaniya.
"Hays! Dwien, bakit ka ba kasi naging bakla? Paano kaya kita gagawing lalaki muli?" bulong ni Ze.
Kung dati-rati ay magkasabay kumakain ang magkaibigan sa tuwing tanghalian at nagkukwentuhan sila pagkatapos, ngayon na madalas wala si Dwien ay mas minabuti ni Ze na ubusin ang oras niya sa pagbabasa. Ginagamit niya rin iyon upang makipag-usap sa iba pang mga readers na sumusuporta sa mga manunulat.
Dahil doon ay mas lumawak ang kaalaman niya tungkol sa online platform na F2Reads. Mas lalo niya rin minahal si Kisses bilang isang manunulat. Lalo na nang dumating sa punto na ang unang libro nito na pinamagatang Flames of Lust ay napunta na rin sa kamay ng mga magnanakaw.
"Kisses, wala ka bang plano kay R na taga-Rizal. Ang lakas niyang bumenta ng libro mo. Kahit saan group ng mga magnanakaw, makikita mo siya na nagpo-promote ng libro mo. Nakakapanghina, ano kayang ipamamana n'yang magandang lesson sa anak n'ya?" tanong ni Ze kay Kisses. "Si Cassandra, si Rose, Samantha, at marami pang iba, ang lalakas nilang magbenta ng librong hindi nila pinagpaguran."
"'Wag kang mag-alala. Kasama na sila sa listahan ng mga magnanakaw na sasampahan namin sa NBI. Kumukuha lang kami ng mga kasamahan kong authors ng sapat na ebidensya para hindi sila makalusot sa kaso," sagot ni Kisses sa chat.
"May nabanggit kanina 'yong isang reader mo. Ang kapal ng mukha ng isang magnanakaw. Nagmamakaawa ito na bumili na raw ng story sa kan'ya para maipaayos daw nito ang kaniyang laptop. Wala raw kasi siyang magamit sa online class," kuwento ni Ze kay Kisses. Tumawa naman ang huli.
Dahil sa dumaraming mga kaibigan na nakikilala niya sa online reading platforms, nalaman ni Ze na may mga authors na tumitigil na sa pagsusulat dahil sa mga magnanakaw ng stories nila.
May isang author pa nga ang nasa ospital ang anak at kailangan ng pera para sa maintenance na gamot nito. Ngunit wala nang maibili dahil ang libro niyang dating best seller ay bumagsak ang sale simula nang nakawin ng mga magnanakaw. Ngayon, swerte na kung kumita ng bente pesos sa isang araw ang libro ng author na iyon.
"Sa totoo lang, kung walang mga readers na naghahanap ng librong galing sa nakaw, walang magnanakaw na magtatagal sa industriyang ito. Depende kasi yan sa mga readers. Ang iba, kunwari ay supporter ng isang author subalit kapag PTR na ang story ay hinahanap na sa magnanakaw ang libro. Ang daming mga readers na kapag nag-PTR na ang libro ay inaaway na ang author. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinasabi nila sa author na nagiging dahilan din kung bakit tumitigil ang iba na ipagpatuloy ang kanilang pangarap," chat na natanggap ni Ze mula sa isang bagong kakilala online. Kasama niya ito sa group chat ni Kisses na binuo niya.
"Subalit may mga readers din, na kahit anong offer ng mga magnanakaw, nananaig pa rin ang konsensya nila. Isa na kayo roon, " singit ni Kisses sa usapan nila.
Awa ang naramdaman ni Ze para sa mga manunulat. Si Bhil na isa sa mga reader at supporter din ni Kisses ay naging kaibigan n'ya na rin. Dahil sa kanila kaya nawala pansamantala ang isip ni Ze sa sobrang paghihigpit ng mga tiyahin niya. Hanggang sa dumating ang araw ng overnight swimming nila.
Ang mga nanang n'yang hindi pa rin payag ay kulang na lang luhuran niya. Hanggang sa pumasok ang kaniyang Nanang Clara sa loob ng silid n'ya at paglabas nito ay dala na nito ang kaniyang mga damit na nakalagay na sa travelling bag.