Pagkagising sa umaga ay agad tiningnan ni Ze ang kanyang cellphone.
"Good morning."
Chat ni Kisses ang agad niyang nakita. Kinikilig na hinalikan niya ang kan'yang gadget. Ang totoo ay inaantok pa siya dahil inabutan siya ng madaling araw sa pagbabasa ng update ni Kisses sa Lust in the Dark.
"Good morning, author," sagot din n'ya sa chat ng paborito niyang writer.
"Kumusta kayo ng crush mo?" tanong ni Kisses.
"Wala pang ganap pero magiging kami rin ni Simon. Hindi talaga ako papayag na maagaw siya ng bakleta kong kababata," sagot ni Ze.
Naghintay ang dalaga ng sagot ng kan'yang ka-chat pero hindi na tumugon pa ang kan'yang paboritong author. Gayo'n pa man, masaya siyang bumangon. Kakanta-kanta pa siyang bumaba ng bahay.
"Zeikera, maglalaba tayo sa ilog. Ang dami mong labahin," sabi ng Nanang Joan niya.
"Marami po akong kailangan gawin. Maglilinis pa ako ng aking silid," sabi ni Ze.
"Nagtataka na talaga ako sa 'yong bata ka. Ano ba 'yang ginagawa mo sa iyong silid at lagi ka na lang nakakulong?" nagdududa na tanong ng Nanang Clara niya.
Biglang natigilan si Ze. Naisip niyang baka biglang maghalughog ang kanyang mga tiyahin sa kanyang silid. Tiyak niyang mapapagalitan siya ng mga ito kapag nalaman nila ang librong kan'yang binabasa kahit sa cellphone lang iyon.
"Nanang, gusto ko lang pong maging malinis ang aking silid. Pero kung kailangan ko po talagang sumama sa paglalaba, sasama ako," sabi ni Ze.
At gano'n nga ang nangyari, isinama siya ng kan'yang mga tiyahin sa ilog. Mula sa kanilang bahay ay maglalakad sila ng halos bente minutos upang makarating sa ilog na malapit sa bahay nina Dwien.
"Dadaan na naman tayo sa bahay ng mga bakla," inis na sabi ng Nanang Clara niya.
"Tumigil ka nga po riyan, nanang. Baka mamaya ay mag-away pa kayo ni Mamang Jessa."
"Hindi ako natatakot sa kan'ya," mataray na sabi ng Nanang Clara ni Ze. "Tatagain ko talaga siya kapag nagpaloko-loko siya."
Para walang gulo, hindi na lang nagsalita pa si Ze. Panay na naman kasi ang sermon ng kan'yang Nanang Clara. Kung ano-ano ang sinasabi nito at hindi iyon pinansin ng dalaga.
Sa ilog ay nadatnan nilang naglalaba rin si Dwien. Nahihiyang nagbigay-galang ito sa mga tiyahin niya pero hindi ito pinansin ng dalawang matandang dalaga. Umismid naman siya sa dating kaibigan. Hindi niya kasi makakalimutan ang ginawa nito noong kaarawan ni Simon.
Kinuha niya ang cellphone sa kan'yang bulsa. Inis na inis na nag-chat siya sa kan'yang paboritong author.
"Miss Kisses, nakita ko na naman ang baklang walang hiya," sabi niya.
Ngunit hindi sumagot ang author na kanyang chinat. Nagdadabog na inilabas niya ang mga labahan sa dala nilang sako. Panay ang irap n'ya sa kan'yang kababata na hindi naman halos tumitingin sa kan'ya.
"Hmmp! Sayang ka. Ang gwapo mo pa naman," sabi ng isip niya.
Napatayo si Ze sa sobrang gulat. Hindi niya alam kung bakit niya naisip iyon. Para makabawi sa kan'yang sarili ay pinaringgan niya ang tahimik niyang kababata.
"Feeling maganda pero ang katawan... daig pa ang bouncer sa bar," walang pakundangan na sabi niya.
Hindi naman umimik si Dwien. Nagpatuloy lang ito sa kan'yang ginagawa. Minadali niya ang paglalaba dahil hindi s'ya halos makatingin sa mga tiyahin ni Ze. Hindi niya batid kung ano talaga ang tunay na dahilan kung bakit gano'n na lang ang galit sa kan'ya ng Nanang Joan at Nanang Clara ni Ze.
Kahit anong parinig sa kan'ya ng mag-tiya ay hindi siya sumagot kahit isang beses. Ayaw din kasi ng Mamang Jessa niya na nakikipag-away sa mga ito.
Ang pagsasamang iyon ng dalawang magkababata ay nasundan pa ng magkaroon ng misa sa kanilang barangay. Dahil pareho silang active sa kanilang lugar, kaya magkasama sila sa iisang organisasyon na kung saan ang tanging layunin ay makatulong sa kanilang mga kabarangay.
"Hoy! Dwien! Saan kayo galing ni Simon kahapon?" usig ni Ze sa taong nasa kan'yang harapan. Pilit siya nitong tinutulungan sa pagbalot ng mga ipamimigay nilang mga gamit ng kabataan.
"Nakakalurky ka! Shokot ka masyado sa beauty ko," malanding sagot ni Dwien.
"Ayusin mo ang pagsasalita mo. Akala mo naman nakakatuwang kung anu-ano ang lumalabas diyan sa bibig mo," sita naman ni Ze sa lalaki.
"Wala naman akong sinabing masama. Ayos ka lang ba, gurl?"
"Madami kang ginawang masama. Hindi mo lang alam 'yon."
Sasagot pa sana si Dwien ngunit biglang lumapit sa kanilang dalawa ang tiyahin ni Ze na si Joan. Galit na galit ito sa kan'ya at agad na hinablot ang pamangkin nito.
"Ano kayang problema ng mga babaeng ito!" tanong ni Dwien. Hanggang ngayon kasi ay hindi niya batid kung ano ang dahilan at nagagalit sa kanila ng kan'yang Mamang Jessa ang mga tiyahin ni Ze.
Tiningnan na lang ni Dwien si Ze habang kinakaladkad ito ng kan'yang Nanang Joan. Gusto n'yang tulungan si Ze pero hindi pwede. Bawal siyang makialam sa problema ng pamilya ng kababata niya.
"Dwien," nakangiting tawag ni Stephanie sa kan'ya. "Ang gwapo mo ngayon, alam mo ba?"
Napangiti si Dwien sa kanilang kababata. Batid niyang may gusto ito sa kan'ya ngunit hindi niya ito pinapansin. Ang kanyang puso at isip ay nakatuon lamang sa isang tao at kay Ze.
"Girl, kadiri "yang mga sinasabi mo," wika ni Dwien kay Stephanie. "Maganda ako. Maganda."
Nilagyan ni Dwien ng kaunting landi ang mga salitang iyon para tantanan siya ni Stephanie. Ngunit mas lalo lamang naging makulit ang babae. Niyayaya pa nito ang binata na magdate sila sa isang kilalang restaurant sa bayan. Subalit tumanggi ang huli. Hindi kasi niya gusto ang ugali ng kan'yang dating kalaro. Sa edad nitong bente uno ay marami nang mga lalaki ang napabalitang nakarelasyon nito.
"Dwien, bawasan mo ang kalandian mo," wika ni Manang Glor. Siya ang pinakamatandang babae sa kanilang baryo. "Ayusin mo rin ang pagsasalita mo. Hindi maganda sa isang propesyonal na lalaki na umarte ng parang walang pinag-aralan. Okay lang na maging isang bakla subalit kumilos ka ng tama."
Napahiya si Dwien sa matanda. Dahil kay Ze ay nagagawa niyang umarte. Ang mga gay lengo na kaniyang sinasabi ay natutunan niya lamang sa mga kaibigan ng kan'yang Mamang Jessa.
"Pasensya na po, Manang Glor," hinging paumanhin ni Dwien sa matanda.
"Bilang isa sa mga may pinag-aralan dito sa ating baryo, umaasa ako na magiging isa kang mabuting halimbawa. Ang mga kabataan ay tinitingala tayong mga nakatatanda kaya dapat ay maging mabuti tayo," pagtatapos ni Mang Glor.
Samantala, sa bahay nila ay pinagagalitan si Ze ng kan'yang mga tiyahin.
"Bakit magkasama kayo ng baklang 'yon?" tanong ni Clara.
"Nanang, may ginagawa lang po kaming activity sa barangay dahil sa aming samahan. Nagbabalot po kami ng mga pwedeng ipamigay sa ating mga ka-baryo," wika ni Ze.
"Eh, bakit dikit ka ng dikit sa kan'ya? Sinabihan ka na namin ang Nanang Joan mo na layuan mo ang anak na iyon ni Jessa. Hindi siya makabubuti para sa iyo dahil isa siyang masamang halimbawa."
Hindi alam ni Ze kung bakit ng mga oras na iyon ay gusto niyang ipagtanggol ang dating kaibigan. Ngunit hindi na rin siya kumibo dahil ayaw niyang may pag-aawayan sila ng kan'yang mga tiyahin.
Sa loob ng kanyang silid ay muli niyang binuksan ang F2Reads na app. Tiningnan niya kung mayroong update si Kisses sa Lust in the Dark. Nang makita niya na walang bagong post ang kan'yang paboritong author ay minabuti niyang gumawa ng isang group sa Meetmebook2. Gusto niyang ipakita ang kan'yang suporta kay Kisses kaya iipunin niya ang mga readers nito.
"Hi, Miss A. Gumawa pala ako ng group para sa atin. Gusto kong makatulong sa iyo para mas makilala pa ang libro mo," wika ni Ze sa chat.
"Thank you," reply naman ni Kisses.
Gusto pa sana makipag-usap ni Ze kay Kisses subalit mukhang abala ang manunulat. Hindi na niya ito kinulit.
Nang araw na iyon ay walang inatupag si Ze kun'di ang i-promote ang paboritong aklat niya. May mga readers na rin ang inaakalang siya ang author mismo ng librong Lust in the Dark.
"You are the light in this dark world of mine. You are the sunshine who brought so much hope in my heart," malakas na basa ni Ze sa laman ng page thirty-two ng Lust in the Dark.
"Zeikera, nababaliw ka na ba riyan sa loob ng silid mo?" tanong ng Nanang Clara niya.
"Nagbabasa lang po ako ng libro," sagot niya.
"Tigilan mo ang kababasa ng kung ano-ano. Baka mamaya ay masiraan ka ng ulo. Umayos ka, ha. Siya nga pala, mag-asikaso ka na. Mamaya lang ay pupunta na tayo sa simbahan. Mag-no-nobena tayo."
Mabilis na kumilos si Ze. Ang pagiging madasalin ang isang bagay na hindi mawawala sa kan'ya. Sa barangay nila, halos karamihan sa mga kabataan ay tinuruan na maging madasalin, magalang at masunurin sa magulang. Isa iyong kaugalian na hindi na yata mawawala sa kanila.
Mabilis na lumipas ang mga araw, patuloy lang sa kani-kanilang buhay ang dalawang dating magkaibigan. Sa trabaho ay bihira silang magkita. Naging abala kasi sila sa kani-kanilang gawain.
"Hoy! Ano iyan?" Inagaw ni Dwien ang cellphone na hawak ni Ze. Kumakain ito mag-isa sa isang karinderyang malapit sa munisipyo nang makita ng binata.
"Ibigay mo iyang cellphone ko, akin iyan." Tumayo si Ze at pilit inaabot ang cellphone na hawak ni Dwien. Itinaas iyon sa ere ng matangkad na lalaki kaya hindi niya makuha-kuha.
"Nagbabasa ka nito? Lagot ka sa mga nanang mo. Isusumbong kita," pang-aasar ni Dwien sa dating kaibigan niya.
"'Wag na 'wag mong gagawin 'yan kung hindi… babalatan kita ng buhay," banta ni Ze.
"Favorite author ko rin si Kisses," sambit ni Dwien habang pilit inilalayo kay Ze ang cellphone nito.
"Huwag kang maki-favorite diyan. Akin lang ang idol ko! Ibigay mo na sakin ang cellphone ko kung hindi... "
Hindi na natapos ni Ze ang kan'yang sasabihin dahil agad nang ibinigay ni Dwien ang cellphone niya. Ngunit paghawak niya sa cellphone ay bigla siyang natigilan.
"Teka, mukha yatang hindi ka na gumagamit ng mga salitang hindi ko maunawaan," sabi ni Ze. Tinitigan niya mula ulo hanggang pa ang lalaking nasa harapan niya. Tuwid itong nakatayo at hindi na pumipilantik ang mga daliri. Biglang kumabog ang kan'yang dibdib. Napaka-gwapo kasi ng lalaking nasa harapan niya at halos magkadikit na ang kanilang mga katawan.
Hindi sinasadyang napatingin siya sa mata na lalaking pilit pinalalayuan sa kan'ya ng kan'yang mga tiyahin. Tila nahihipnotismong nakagat n'ya ang kan'yang pang-ibabang labi. Lingid sa kan'yang kamalayan ay iba ang dating noon sa lalaking nagpapanggap lang na isang bakla. Hanggang sa naramdaman niya na lang ang paglapat ng mga labi nito sa kan'yang noo.
Napaurong siya dahil sa pagkagulat pero nawalan siya ng balanse hanggang sa natagpuan n'ya ang sariling nakakulong sa bising ng lalaking parang tinutunaw ang puso n'ya.