“Yarra?” hinihingal pang nasambit nito. Magkahinang ang mga mata nila kaya huling-huli niya kung paanong mula sa alertong tingin ay naging masuyo ang titig nito bago marahang ngumiti. “Kanina ka pa ba?” Ibinalik nito sa itim na case ang mga patalim, itinabi iyon saka lumapit sa kanya. Gusto niyang umurong. Pakiramdam niya ay hindi siya makakahinga kung magkakalapit sila ng pawisang hubad na katawan nito. Na ang gandang titigan sa mahinang sinag ng araw.
“H-Hindi naman. Mag…magpapaaraw lang kami ni Elle. Nandito ka pala…”
“Nagpapapawis lang.”
“Ang galing mong humawak ng knife, ah.”
Ngumiti lang si Ex.
“Ninja ka ba?”
Tumawa ito. Tinakpan kunwari ang mukha ng dalawang kamay, mata na lang ang visible sa mukha. “Bagay ba akong maging ninja?”
“Oo naman,” pinipigil niyang mapangiti nang malapad.
“Ninja assassin?” susog nito.
“Ninja turtle.”
Ang lakas ng halakhak ni Ex. Ilang segundo bago ito tumigil sa pagtawa. “Lagi ka talagang may paraan para laitin ako,” lumapit ito at pinanggigilan si Elle. Pinupog ng halik ang baby hanggang sa nagalit na at umiyak. Tumawa lang si Ex nang umiiyak na si Elle. Para bang sa paraang iyon ay nakaganti na ito sa kanya. Hindi pa rin ito lumayo sa kanila kaya naamoy niya ang scent. Pawis na pawis na si Ex pero hindi naman mabaho. Kilalang brand ng sabon ang naamoy niya rito, at mint nang magsalita malapit sa kanya.
Lumayo na si Yarra bago pa nito mahalata na aware siya sa lahat ng tungkol dito. “Shh. Hush, baby. Papaluin natin si bad ninja turtle. Huwag ka nang umiyak, gaganti tayo `pag tulog siya, okay?” Inehele niya si Elle. Naroon na sila sa bahaging mas malakas ang sinag ng araw.
Lumapit uli si Ex at aktong uulitin ang ginawa kay Elle. Tinalikuran niya ito para ilayo ang baby. Nagpilit pa rin si Ex na mahawakan si Elle—na inilalayo naman ni Yarra. Tawa na nang tawa ang lalaki.
“Ex!” Tili na ni Yarra nang pinigilan nito ang baywang niya. “Isa pa! `Pag umiyak uli si Elle, masasaktan ka!” Banta niya pero natatawa naman. “Ex! Sabing tama na, eh!”
“Ki-kiss lang naman,” sabi nito at hinagkan nga sa ulo si baby Elle. “Bye, baby.” dugtong nito, ginulo ang buhok niya bago sila iniwan.
Wala na si Ex, napapangiti pa rin si Yarra.
NAKATULOG si Elle pagkatapos paliguan ni Yarra. Nagkaroon siya ng pagkakataong lumabas ng silid. Wala pang alas nuebe nang umaga iyon. Bumaba siya at hinanap sa paligid si Ex—sa bakuran nahagip ng mga mata niya ang lalaki, boxers lang suot at abalang naglilinis ng kotse nito.
Napasandal si Yarra sa dingding katabi ng bintana kung saan siya sumilip. Kumabog na naman ang puso niya. Hindi niya alam kung bakit may ganoong epekto sa kanya ang pang Mr. Body Beautiful na katawan nito. Nakalimutan na tuloy niya ang mga sasabihin na dahilan ng pagbaba niya.
Natukso na siyang panoorin si Ex sa ginagawa.
Napasinghap na natutop ni Yarra ang bibig nang hindi na ang sasakyan ang pinagkaabalahan nito mayamaya—ang sarili na ang nilinis gamit ang tubig na mula sa hose na hawak nito. Mukhang nag-enjoy pa, itinuloy-tuloy na ang paliligo. Nagmistula itong tanned Greek god na nasa bakuran.
Hindi niya kayang harapin si Ex sa ganoong ayos, baka manlambot ang mga tuhod niya. Bumalik na lang siya sa silid nila ni baby Elle. Ang problema, hindi rin siya mapakali, natutukso siyang muling silipin si Ex—na ginawa nga niya mayamaya.
Abala na uli si Ex sa kotse nito, tumutulo ang tubig sa basang katawan habang naglilinis. Napaurong siya nang humarap ito sa direksiyon niya. Nalantad ng husto sa mga mata ni Yarra ang kabuuan nito—ang malapad na mga balikat na nagpapahayag ng awtoridad kahit nakatayo lang, ang dibdib na parang masarap sandalan lagi, ang mga muscles sa tamang lugar, at ang mga brasong nakakatuksong magpayakap. Sigurado siyang ramdam na ramdam niya ang lakas ng nga iyon habang nakakulong siya sa yakap nito.
Ipinilig ni Yarra ang ulo. Ano ba ang mga iniisip niyang iyon? Walang kamalay-malay si Ex na iyon ang mga tumatakbo sa isip niya kapag napapatingin siya rito. Idagdag pang walang anuman para rito ang parang habit nang paghuhubad. Hindi nito ginagawa iyon para magbilad ng katawan o akitin siya. Sa tingin niya ay sanay lang ang lalaki na ginagawa iyon. Siya lang ang may malisya sa isip.
Iginala niya ang tingin—ah, hindi lang pala siya ang nagfi-fiesta sa katawan nito. Sa guest house na katapat nila ay may dalawang babae sa terrace, may hawak pang binoculars ang isa at kunwari ay ang view sa paligid ang sinisipat pero kay Ex tumutok iyon nang iaabot sa kasama nito. Sa kanan naman nila ay nasa rooftop ang parang mga fans nito, tatlong dalagitang sa tingin niya ay crush si Ex base sa tulakan at tawanan ng mga iyon pagkatapos ng pasimpleng pagsilip sa guest house.
Nagbago bigla ang mood ni Yarra. Hindi na niya gustong maging katulad ng mga nasa paligid na palihim na sumisilip lang. Gusto niyang makita ng mga nagfi-fiesta sa katawan ni Ex na hindi ito mag-isa sa bahay—na kasama siya nito kaya walang karapatan ang mga itong mamboso sa guwapo niyang housemate.
Kunwari, girlfriend siya.
Ang lapad ng ngiti ni Yarra habang pababa. Ang bilis ng mga hakbang niya. Hindi niya alam kung saan napunta ang kaba niya. Hindi na siya nanlalambot ngayon, naiinis siya—kung kay Ex na laging naghuhubad o sa mga namboboso sa paligid nila ay hindi niya alam. Naiinis lang siya.
Hindi na nga lang naituloy ni Yarra ang mahabang linyang binuo niya sa isip nang pagkababa niya ay pumapasok na sa bahay si Ex. Nagpupunas ito ng mukha at katawan gamit ang puting tuwalya habang kaswal ang mga hakbang patungo sa silid nito.
“Yarra,” anitong ngumiti agad nang magtama ang mga mata nila. “Mga thirty minutes pa ang breakfast. Naglinis muna ako ng kotse. Gutom ka na ba?”
Nakalimutan niyang pagsasabihan niya ito sa pagbibilad ng katawan, napatitig na lang siya rito—sa mga mata nitong nagpapatigil yata sa activity ng utak niya, kaya nakakalimutan ni Yarra lahat ng mga dapat niyang sabihin kapag tumutok na ang titig nito sa mga mata niya.
Humakbang si Ex palapit. Gusto niyang umurong pero napako siya sa puwesto. Naroon na naman ang malakas na kabog sa dibdib niya. Hindi na tuloy siya makatingin nang deretso sa mga mata nito.
Sa sulok ng mga mata, nakita ni Yarra na inayos nito sa katawan ang tuwalya, sinadyang takpan ang ibabang bahagi ng katawan. Napanatag siya. Tama pala ang iniisip niya kay Ex, na wala itong hindi magandang intensiyon sa parang pagbibilad ng katawan. Sa tingin rin niya ay hindi rin nito intensiyon na mabastos o ma-offend siya sa sitwasyon nila.
“Gutom na nga ako, eh,” sabi niya sa pinagaang tono. “Bumaba lang ako para kumuha ng…ng ano…” Mabilis siyang nag-isip kung ano ang puwede niyang kunin sa kusina. “…ng mainit na tubig. Magco-coffee ako sa `taas habang tulog si Elle.”
Tumango ito. “Hindi mo na hihintayin ang free breakfast?” Ang tanong ni Ex sa kanya at ngumiti. Nakalimutan na niya ang sadya.
Ngumiti rin si Yarra, sinadya niyang hindi ito tingnan sa mga mata. “Hindi na, Ex, thanks.”
“Sa lunch?” naudlot ang pagpihit niya palayo rito. Baka masanay siya sa free food at sa pag-aasikaso nito, mahirap na.
“Ah…”
“Kung ayaw mo ng free, bumaba na lang kayo pagkagising ni Elle. Tulungan mo na lang ako sa kusina or ako ang kakarga kay Elle at ikaw ang magluto. Ano sa tingin mo?”
Nagustuhan niya ang ideya. “Okay, sige. Gusto ko `yan.”
Tulad ng mga naunang pagsasalo nila sa pagkain, naaliw siya nang husto na hindi niya namalayang mahabang oras na silang magkakasama sa kusina. Kung hindi lang nabasa ang diaper ni Elle ay hindi pa siya babalik sa silid nila.
Maging nang mga sumunod na araw ay lagi siyang pinupuntahan ni Ex sa silid nila ni Elle para imbitahang sumalo sa pagkain. Nahihiya man ay hindi rin matanggihan ni Yarra si Ex. Gusto rin niyang kasama at kausap ito. Nasasanay na rin siyang nasa paligid ang lalaki at inaalalayan siya sa pag-aalaga kay Elle.
Malapit na siyang mag-feeling wife ni Ex.
Napangiti na naman mag-isa si Yarra.