MALI ang naisip ni Yarra na pang-snacks lang ang pagkaing tinutukoy ni Ex. Late lunch pala ang inaalok nito—mainit na kanin, gulay, fried chicken, at mga slices ng fresh papaya at apple ang nasa mesa. Lalo tuloy siyang nagutom.
Ngumiti si Ex pagkakitang palapit na siya. Nagsasalin ito ng malamig na tubig sa baso.
“Ngayon pa lang din ang lunch mo?” usisa niya. Imposible naman na inihanda nito ang mga iyon para sa kanya. Wala itong dahilan para gawin iyon.
Tumango ito. “Late din ang almusal ko kaya late din ang lunch,” sagot nito, hinila ang isang silya. “Maupo ka na.”
Hindi na siya nag-inarte pa. Talagang nagugutom na siya at hindi na niya kakayanin ang mga susunod na minuto kung mahihiya pa siya. Naupo siya, kandong niya si Elle na walang tigil sa kalilikot. Sa una ay mukha lang niya ang nilalaro nito, nang mga sumunod na sandali ay pendant na ng kuwintas niya at butones ng blouse niya.
Naudlot ang unang subo ni Yarra nang matabig ni Elle ang kutsara. Natapon ang unang subo niya. “Behave baby,” inayos niya ang upo nito. Nagpatuloy ito sa paglilikot, pinipilit hawakan ang kutsara. Napatingin siya kay Ex na nararamdaman niyang kanina pa nagmamasid sa kanila habang paisa-isang sumusubo.
Tumayo si Ex mayamaya at lumapit sa kanya. “Hindi ka makakain n’yan,” anito at kaswal na kinuha si Elle. “Kami na muna ni baby ang maglalaro,” niyuko nito ang sanggol. “Huwag mo akong kukulitin, Elle, iki-kiss kita. Sige ka, gusto mong masugatan ng stubbles ko?” Hinuli ng mga labi nito ang naglilikot na kamay ni Elle. Sa tingin niya ay natuwa si Elle, ang buong mukha na nito ang pinaglaruan ng maliliit nitong mga daliri.
Hindi niya alam kung paano nitong ginawa iyon—nakakain si Ex habang karga ang naglilikot na si Elle. Parang hindi man lang ito nahirapan. Sa tingin nga niya ay nag-enjoy pang pinagsabay ang pagkain at pakikipaglaro sa baby niya.
Sa huli ay na-enjoy ni Yarra ang pagkain. Nabusog siya, bagay na hindi na nangyari mula nang dumating sa buhay niya si Elle. Lagi na ay nagmamadali kasi sa pagkain upang mabantayan ito. Kung hindi man siya nalilipasan ng gutom ay madalian lang lagi ang kain niya.
Ngayon lang uli siya nakakain nang walang inaalalang baka nahulog na o kaya ay nasaktan na ang sanggol na inaalagaan niya.
Salamat kay Ex na mukhang hindi man lang naabala ni Elle sa kabila ng kalikutan nito. Mukhang aliw na aliw pa ang lalaki sa panggugulo ng sanggol. Hindi niya mapigilang isipin na sanay ito sa paghawak at pag-aalaga ng sanggol. Marami na sigurong anak?
“May baby ka na rin ba?” naitanong ni Yarra bago pa man niya napigil ang dila.
Natigilan si Ex, napatingin sa kanya bago napangiti. “Ilan na ang baby ko sa tingin mo?”
“Two or three?” agad balik niya. “Parang sanay na sanay kang mag-alaga, eh. Ikaw pala dapat ang nasa lugar ko, Ex. Mas alam mo ang dapat gawin samantalang ako, nangangapa lagi. May isang instance pa nga na ayaw tumigil sa pag-iyak si Elle. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya sinamahan ko na lang siyang umiyak. Hayun, habang pumapalahaw siya, iyak naman ako nang iyak. Sunod-sunod ang patak ng luha ko,” tumawa siya nang magaan, mas para sa sarili. “Nakakahiya kung may nakakita sa akin. Ngayon, ayoko ko nang umiyak. Hindi man ako ready, kailangan kong maging ina kay Elle—” Napahinto siya nang makitang nakatitig na ito sa kanya. “Ang dami ko na palang nasabi…” Napangiwing dugtong ni Yarra.
Ilang segundo na hindi ito umimik, tiningnan lang siya habang nagpapaubaya sa paglalaro ni Elle sa mukha nito. Hindi ito nagtanong ng kahit ano. “Iyakin pala ang cute na cute na baby na ito, ah.” Sa halip ay sinabi nito. “Pa-kiss nga ng isa, o!” Mariin nitong hinagkan si Elle sa manipis na buhok nito. May kakaiba siyang naramdaman sa dibdib habang nagmamasid siya sa dalawa. Ang ganda palang pagmasdan ang isang malaking lalaking tulad nito na kalong at nilalambing ang isang sanggol. Larawan ng isang masayang mag-ama ang mga ito…
Hiling niyang sana ay hindi maging kakulangan sa pagkatao ni Elle ang kawalan nito ng isang ama. Hindi man niya alam kung paano niya gagawin ay pipilitin niyang ibigay ang lahat ng kailangan nito—lahat lahat na kaya niyang ibigay.
“Mukha na pala akong tatlo ang anak,” sabi nito mayamaya. “Hindi pala ako sing guwapo ng nakikita ko sa salamin `pag umaga.” Malapad ang ngiting dugtong nito. “Mali ka ng hula, Yarra.”
“Mali?” susog niya. “Apat na ba ang anak mo?”
Napaubo ito. “Dinagdagan mo pa talaga!” Kasunod ang tawa. “Wala pa akong anak.”
“Na-annulled ang kasal mo bago pa man kayo nagkaanak ng wife mo? O marami kang anak pero sa labas?” Biro na ang huling sinabi niya.
“None of the above.”
Umangat ang mga kilay niya. “Ows? Ilang taon ka na ba, Ex?”
“Thirty one.”
Isang guwapo, super hot na thirty one years old at single? Masama na ang naisip niya—bading ba ito? Ang laking tao nito para maging bading!
“Wala akong asawa at hindi pa nagka-asawa kahit minsan.”
Bading nga? Pero sa kisig nito ay imposibleng…
“Single po ako. Single and yummy,” ngisi nito kasunod ang exaggerated na pag-ubo. Natawa siya, hindi niya napigilan. Bakit kaya hindi pa ito nag-aasawa? Ang mga lalaking sing-guwapo at sing-kisig nito ay extinct na dahil sa dami ng mga babaeng naghahanap rito. Bakit binata pa rin si Ex?
“Hindi ako bading kung iyon ang iniisip mo.”
Napabungisngis si Yarra. Huling-huli nito na iyon ang eksaktong iniisip niya
“Girlfriend?”
“Wala rin. Ikaw, ilang taon ka na, Yarra?”
“Twenty. Nasa first sem na ako ng senior year ko nang bigla na lang naging baby ko si Elle. Mas pinili kong huminto muna sa pag-aaral. Bakit wala kang girlfriend?” Deretsong tanong niya. Sa maraming pagkakataon talaga ay nauuna ang dila niya kaysa sa utak.
Mahabang sandaling hindi ito umimik. Hindi na siya umasang sasagutin nito ang tanong pero nagsalita uli ito.
“It’s not them, it’s me.” Ang tono nito ay iyong tono ng isang bitter at insecure na boyfriend na hiniwalayan ng girlfriend na ang linya ay ang gasgas na: It’s not you, it’s me.
Napakurap-kurap siya.
Nagtama ang mga mata nila. Saka lang niya nasakyan ang biro nito. Mayamaya pa ay sabay lang ang malakas nilang tawanan.
“Gusto na kita, I mean, `yang style mo,” tumatawa pa rin na nasabi niya. “I’m sure hindi ako mabo-bore `pag nandito ka sa bahay.”
“Nasa paligid lang ako kung naiinip ka at kailangan mo ng kausap.”
“Thanks, Ex.”
Ngiti lang ang tugon nito.
Okay naman talaga si Ex—kung hindi lang sana sila laging nagsasalubong sa bahay na top less ito. Kung hindi niya ito nakikitang nagma-mop ng sahig na naka-boxer lang, kung hindi ito bumababa sa hatinggabi para kumuha ng tubig na naka-briefs lang kaya nagkakagulatan sila, at kung hindi ito animo ligaw na diyos ng Gresya na tinatamaan ng sinag ng papalubog na araw ang hubad na upper body habang nakatanaw ito sa malayo na para bang malalim ang iniisip. Ang resulta ay hindi okay sa kanya, lagi kasi siyang napapainom ng tubig pagkaalis nito.
Lumipas ang isang linggo na laging hindi normal ang pintig ng puso ni Yarra habang iniisip niya kung saang parte ng bahay niya ito susunod na makikitang hubad.