CHAPTER 2
BONI POV
"Ah okay," tatango-tangong sabi niya. "Oo nga pala, napansin ko tingin ka nang tingin sa akin kanina, bakit? Nagagandahan ka ba sa ‘kin?" seryosong tanong niya ulit.
Tingin ko ay ito talaga ang dahilan kung bakit niya ako hinintay.
"Tumitingin ako sa’yo kasi tingin ka rin ng tingin sa akin eh," honest na sagot ko.
"Talaga ba? Napansin mo pala? Kasi ang totoo, kamukha mo ‘yong kaibigan noong bida sa pinapanood kong Kdrama eh," apila niya sa akin. Huminto pa nga siya sandali sa paglalakad para kunin ang cellphone niya at ipakita sa akin ‘yong picture noong sinasabi niya. "O ‘di ba? Kamukha mo? Lalo na sa part ng mata niya, pareho kayong may nunal sa ibaba ng kaliwang mata. Ang charming!" nakangiting sabi pa niya sa akin.
"Ah," sagot ko lang. Wala akong masyadong mai-react dahil kahit kahawig ko ‘yong babae do’n, ano naman ang issue? Hindi naman siya ang bida sa korean drama na iyon.
"Hindi ka siguro nanonood ng kdrama, noh?"
Umiling lang ako bilang sagot.
"Ah kaya! Alam mo kaya mas favorite ko ‘yong kaibigan noong bida kaysa sa bida, kasi feeling ko mas magaling siya doon sa acting skill at sa pagiging natural sa camera. Ala lang, na share ko lang," natatawang sabi na langnya, napansin kasi niya na hindi ako interesado.
"Pero Boni, tingin mo maganda ako?" maya-maya ay segwey niya sa usapan na natatawa. Obviously, she's trying to send a joke.
"Oo naman, maganda ka Aerie, sana all," sagot ko sa kanya at nginitian ko siya.
"At sumagot nga! Joke lang naman iyon. Pero sige! Dahil oo ang sagot mo, ipapahiram ko sa ‘yo ang notes ko sa mga na-miss mo na klase natin. Okay ba yon?"
"Talaga ba? Sige, Salamat, ah, malaking tulong sa akin ‘yon."
"Oo naman, magkaibigan naman na tayo, ‘di ba?" nakangiting tanong niya sa akin. Siyempre nasisiyahang tumango ako.
*****
TRIA APARTELLE
"Magandang hapon po," bati ko kay aling Rose na nakasalubong ko sa hallway ng first floor. siya ‘yong isa sa triplets na may-ari ng apartelle (apartment-hotel) na tinuntuluyan ko.
"Magandang hapon naman, nakita ko na may delivery na iniwan sa harap ng pintuan mo kanina, tingnan mo na lang," inform niya sa akin at nagpaalam na din agad.
Nagpasalamat ako sa kanya at agad akong pumunta sa bandang dulo ng hallway kung saan nandoon ‘yong elevator. Bale limang palapag kasi ang building na ito at nasa 3rd floor kami. Kagagawa lang daw nito pero halos puno na ang mga rooms. Bukod kasi sa hindi masyadong mahal ang rent kumpara sa iba ay malinis talaga at tahimik.
Bale alas-singko na ng hapon ako nakalabas ng school dahil nagpunta pa ako sa library. Pero dahil 15 minutes lang ang biyahe ko pauwi ay hindi talaga nauubos ang oras ko sa pagko-commute.
Pagdating ko sa tapat ng pintuan ay nakita ko nga agad ang limang supot ng groceries. Hindi ko muna pinakialaman ang mga ito at pumasok na muna ako sa loob.
"Ma, hindi na ba natapos ang issue na iyan?" narinig kong sabi ni Rosario a.k.a. Sari sa kausap niya sa cellphone niya. Nakapatalikod kasi siya sa akin kaya hindi niya agad ako napansin.
Isa siya sa mga kasama ko dito sa apartment. Mahiyain siya at mas gustong manatili na lang dito sa bahay at magbasa nang magbasa ng mga libro. Magkasing-edad lang kami, parehong 18 kaya mas madalas na siya ang sabihan ko ng problema.
Binuksan ko ang ilaw sa gawing sala kaya lang niya ako nakita. Tapos ay dali-dali siyang nagpaalam sa kausap niya.
"Nakauwi ka na pala, Boni, sorry hindi kita napansin," apologetic na sabi niya sa akin tapos ay itinaas niya ang bumabang salamin sa mata.
"Kaya lumalabo yang mata mo kasi hapon na ay ayaw mo pang magbukas ng ilaw," biro ko sa kanya habang nagpapalit ako ng sinelas panloob. "Siyanga pala, hindi mo ba alam na may groceries sa pintuan?"
"Meron ba? Ngayon na pala iyon ipapadala ni Mama. Hindi ko napansin, teka kukunin ko," sabi ni Sari tapos ay nagmamadali siyang pumunta sa labas.
"Ano ba naman kayo? Ito lang ay paghihilian n’yo pang dalawa? Paano na lang kung wala ako dito na tagabuhat n’yo aber?" reklamo ni Nelly na kapapasok lang, bitbit niya sa dalawang kamay ‘yong mga supot ng grocery.
Si Nelly ‘yong kasama namin ni Sari na tomboyish. Laging naka-brush up ang buhok nito, nakasuot ng ripped jeans at malaking shirt. Basta nagpapaka-boy siya. Kaya more often than not ay siya ang gumagawa ng mga gawain na pangbarako para sa aming tatlo. Bale matanda siya sa amin ni Sari ng tatlong taon.
"Pasensya na, ‘yaan n’yo next time itse-check ko na ‘yang mabuti. Si Mama naman kasi, may kinukwento na naman kanina," sabi ni Sari habang nag-aayos ng hapag kainan.
"Ano naman daw ‘yong sinasabi ng Mama mo?" curious na tanong ko.
"Alam n’yo na, lagi syang updated do’n sa kaso noong mga batang na-kidnap dati. Kaya nga ‘pag may mga balita tungkol do’n ay lagi niya din sinasabi sa akin,"
10 years ago kasi ay may isang daan na bata ang naiulat na nawawala sa buong bansa. Sa isang daan na iyon ay hindi lahat nailigtas at natagpuan. Sa pagkakatanda ko, ‘yong iba ay namatay na at ‘yong iba naman ay hindi agad nakita. Ginawa daw prisoner, s*x slave at kung anu-ano pa.
"So ano naman daw ang sabi ng nanay mo? Siya na lang yata ang hindi nakaka-move on do’n, noh?" tanong ni Nelly habang nguya nang nguya ng bubble gum.
"Hindi ba nga sampu na lang sa mga bata na iyon ang hindi talaga alam kung anong nangyari. Sa sampu na iyon, nakita na ‘yong isa kaso dahil may sakit sa kaisipan, nagpakamatay din daw noong isang araw, ‘yan ‘yong sabi ni Mama," kwento ni Sari sa amin.
"Hay nako! Wala na tayong magagawa diyan. I bet! Sa isandaang bata na iyon, lahat na ‘yon may topak dahil sa trauma na inabot nila. Sa susunod na kwentuhan n’yo ko, about bebot na lang nang magkasundo-sundo tayo, ha!" sabad ni Nelly bago tuluyang pumasok sa loob ng kuwarto. Nag-flying kiss pa nga siya sa amin, eh.
Nagkatinginan kami ni Sari at parehong napailing.
"Puro babae na lang ang iniisip ng mokong na ‘yon, eh, hayaan mo na nga siya!" sabi ko na lang tapos ay lumapit ako kay Sari at tinulungan ko siyang mag-ayos ng hapunan namin.
"Kamusta naman ang second day mo sa school?" tanong niya sa akin.
"Okay naman, mas maraming friendly kesa sa dati kong school," nasisiyahang kwento ko sa kanya. Basta nagkwentuhan pa kami para ma-update namin ang isa't isa.
Pagkatapos ko ngang mag-aral noong gabing iyon ay dating gawi lang kami. Manonood kami ng movie with popcorn, mag-chichikahan at magkakamustahan hanggang sa pare-pareho na kaming makatulog nang magkakasama sa isang kwarto.
Napangiti ako habang pinagmamasdan ko ang mahimbing na pagtulog nila. Nahiling ko sa Diyos na sana ay lagi ko na lang silang kasama. Sa ganoong paraan ay hindi ko na maiisip na nag-iisa ako para maiwasan ko na ang anumang kalungkutan na bumabagabag sa pagkatao ko.
Humiga ako sa pagitan ni Sari at ni Nelly. Hinawakan ko pa nga pareho ang mga kamay nila para makatulog ako nang maaga. Pero ilang minuto na akong nakapikit ay hindi pa rin ako dinadalaw ng antok kaya nanatili na lang ako na nakatitig sa kisame.
Hindi ko na alam kung gusto ko bang matulog o hindi na. Kasi ang totoo ay natatakot ako na paggising ko ay hindi na naman pala ako ang nagmamay-ari ng katawang ito.
Kinakabahang napabangon ako sa isipin kong iyon at automatic na napalinga ako sa loob ng kuwarto.
The realization hit me noong wala akong ibang makitang kasama kung hindi ang reflection ni Sari sa salamin na nakatutok sa akin.
Dahil kung mayroong totoong nilalang dito ay si Sari lang iyon. Dahil si Nelly at ako ay pawang bahagi lamang ng katauhan niyang tinatawag na "alters" or alternate personalities.
Si Sari o si Rosario Millan ay isang taong may Dissociative identity disorder (DID) o mas kilala sa tawag na Multiple personality disorder (MPD) isa iyong mental disorder kung saan si Sari ay nagiging pangunahing tauhan ng kanyang sarili (core) at may namumuhay pang ibang personalidad sa kanyang pagkatao na may iba't ibang pag-uugali at pagkakakilanlan. Sa oras na ang isang katauhan niya ay nag-take over sa katawan niya ay wala na siyang matatandaang kahit na ano. Kaya kami bilang alters niya ay kailangan naming magkwento sa kanya para alam din niya ang mga nangyayari.
Ang alam ko, nakuha ni Sari ang karamdaman niyang ito dahil na rin sa mga sinapit niyang kalupitan noong bata sya. Isa kasi siya sa mga biktima noong k********g, sampung taon na ang nakakaraan. At maliban doon ay hindi siya nakaramdam ng pagmamahal ng isang ama. Tanging ang ina lamang niya ang nag-iisang tao na nag-aaruga sa kanya.
Anak si Sari ng isang politiko na may mataas na katungkulan sa bansa ngunit ang ina niya ay isa lamang sa mga mistress nito kung kaya't hindi siya naambunan ng kahit kaunting pagmamahal o pansin man lang.
Noong makilala ko si Sari ay sobrang depress niya no’n at halos wala nang ganang mabuhay. Hindi siya nagsasalita, laging nag-iisa at ayaw magpakita sa iba. Kinumbinsi ko siyang mabuhay at maging malakas. Pumayag naman siya sa kondisyong hindi ko siya iiwan at ako ang makikiharap sa buhay niya bilang kapalit niya.
Kaya naman kahit alter lang ako ni Sari ay mas mahabang oras ang ibinibigay niya sa akin bilang siya kung kaya't mukhang ako na ang main personality niya.
"Pero natatakot akong mawala," bulong ko sa isip ko.
Napabuntonghininga ako at pinilit kong kumalma. Inisip ko na lang na magiging okay lang ako hanggat hindi umiinom ng gamot si Sari at habang gusto pa rin niya akong makasama.
Itutuloy...