CHAPTER 4
*Abby*
Hindi na ako nag-abalang ayusin ang sarili ko o kahit magpalit man lang ng damit. Pinusod ko lang ang buhok ko kahit wala pang suklay. Buti na lang at hindi halatang galing ako sa pag-iyak. Hindi nga ba? O baka hindi lang napansin ni Nanay kasi nagmamadali siya.
Lumabas ako sa kwarto ko na tanging cotton short at malaking t-shirt ang suot ko. Laking gulat ko nang makita ang malaking bulto sa bungad ng pintuan namin. Parang kinalampag ang dibdib ko nang masilayan siya.
He looks so good. Bagong gupit at preskong-presko ang itsura niya. Aakalain kong may artistang nagso-shooting dito sa bahay namin. Match na match ang kagwapuhan niya sa sport scar niyang pula na ang lakas makaagaw pansin sa mga kapitbahay naming tsismosa.
Ang mga dumadaan ay hindi maiwasang lumingon sa gawi niya. Kahit ako ay hindi rin maiwasang hindi siya tignan. Ang lakas niyang makaagaw pansin.
Nakakahiya naman kung nasa labas lang siya dahil pinagtitinginan talaga siya. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at nahuli ko siyang nakatitig sa akin! Tumalon yata ang puso ko sa gulat dahil sa simpleng titig niyang ‘yon. Pero hindi lang basta titig ang ginagawa niya dahil nakatitig siya sa dibdib ko! Agad nagliyab ang pisngi ko nang mapagtantong wala nga pala akong bra!
Agad kong tinakpan ng dalawang braso ang dibdib ko. “Ah, uhmm..” hindi ko malaman ang sasabihin dahil sa hiya.
“K-Kanina ka pa diyan?” nauutal kong tanong sa kaniya.
Hindi ko alam kung tama ba ‘yong tinanong ko. Kasi parang inaasahan ko siyang dadating. At kanina ko pa siya tinititigan at dahil sa sobrang paninitig ko ay hindi ko namalayang pinapanood niya pala ako. Kinagat ko ng mariin ang ibabang labi para maibsan ang kaba sa dibdib.
“No. Kadarating ko lang,” simpleng sagot niya pero iba yata ang naging hatid sa dibdib ko? Hindi ko ito naramdaman kay Mark. Kakaibang kaba sa dibdib na ngayon ko lang yata naramdaman sa tanang buhay ko.
Umikot pa siya sa sasakyan niya at may kinuha sa backseat. Pinapanood ko siya sa ginagawa niya. Bagay na bagay sa kaniya ang itim na pantalon at puting cotton long sleeve na nilihis hanggang siko. Tila lumaki yata ang katawan ni Jason? Ngayon ko lang kasi siya ulit nakita. Matagal na noong huli. Nililigawan niya pa nga si Vanessa na ngayon ay may asawa na.
Nakita kong kinuha niya ang isang malaking boquet ng bulaklak at ilang paper bags doon. May tatlong pulang balloons pa. At may isang box yata ng cake? Ang dami naman.
Lumapit siya sa’kin at ngumiti. “Happy birthday!” nakangiting bati niya sa’kin sabay abot ng mga hawak niya. Labas pa ang mapuputi at pantay-pantay niyang ngipin. Nakakatunaw ang ngiti niya. Nakakapanghina ng tuhod.
Pasimple akong ngumiti. Noong birthday ko ay hindi ako binigyan ni Mark ng kahit ano. Hindi rin naman ako umaasa pero bakit si Jason na hindi ko naman close ay nag-abala pa para sa akin.
Hindi ko malaman kung papaano kukunin dahil nakatakip ang dalawang braso ko sa dibdib ko. Nakakahiya pa dahil naghihintay siyang kunin ko ‘yon.
Mabilis kong kinuha ang bulaklak at ilang paper bags. Naiwan sa kaniya ang cake. Nang mahawakan ko pa ang kamay niya ay natigilan ako. Parang may kuryente akong naramdaman. Spark ba ‘yon? Iyon ba ang tawag doon?
“S-Salamat, nag-abala ka pa,” nauutal kong pasasalamat.
Ano ba ‘tong nangyayari sa’kin? Ang dami kong nararamdaman buhat nang dumating siya dito. May iba yatang hangin na dala si Jason dahil tila nahipan ako kaya ganito ako ngayon.
“Ah, pasok ka,” aya ko sa kaniya.
Humakbang siya palapit at inakbayan ako! Tila nanigas ang katawan ko dahil sa ginawa niya. Hindi naman niya binibigatan ang braso kaya lang kasi ay sobrang lapit niya at oh my gosh! Ang bango niya! Nanunuot sa ilong ko at parang dinadala ako sa ulap ng amoy niya. I can live with this scent forever. At kung ito ang magiging oxygen dito sa earth ay hindi ako tatanggi. Sobrang bango niya. Sa sabon kaya ‘yon ng damit niya? Ano kayang detergent nila? O baka sa fabric conditioner. Baka siguro pabango.
Pinilit kong maging normal kahit na hindi na mapakali ang puso ko. Hindi ako sigurado kung napapansin niya bang kabado ako at nawawala sa sarili. Hindi rin ako sigurado kung naririnig niya ba ang t***k ng puso ko dahil sa lakas.
“M-Maupo ka,” wika ko sa kaniya. Nautal pa ako kahit ang iksi lang ng sinabi ko. Bakit ba kasi sobrang tense ako?!
Umupo siya sa maliit naming sofa na parang siya ang nagmamay-ari no’n. Nanliit yata ang sofa namin no’ng umupo siya. Sinandal niya pa ang likod doon kaya nagmistula siyang hari. Nagmumukhang pulubi ang sofa namin sa kaniya. Parang hindi siya bagay doon pero ang lakas pa rin ng dating niya.
Nilapag ko ang mga inabot niyang regalo sa kabilang sofa. Nanginig pa ang kamay ko dahil alam kong pinagmamasdan niya ang kilos ko.
“M-Magpapalit lang ako,” kinakabahan kong paalam.
Mabilis akong tumungo sa kwarto at sinara ang pinto. Napahawak ako sa dibdib kong kanina pa naghuhurumentado. Napasandal ako sa pinto at tila doon lang nakahinga ng maluwag. Naninikip ang dibdib ko sa labis na kaba. Pilit kong kinakalma ang dibdib. Nang medyo okay na ang t***k ng puso ko ay tumungo ako sa cabinet at naghanap ng damit pamalit.
Nagsuot na ako ng bra at makapal na t-shirt. Maong short na hanggang tuhod naman ang pinalit ko sa cotton short ko. Inayos ko rin ang buhok dahil bruha pa ako kanina. Lawayin pa yata ako dahil wala man lang akong hilamos. Napapikit ako ng mariin. Sana hindi niya ‘yon napansin. Sana hindi niya naamoy noong inakbayan niya ako. Nahihiya na naman ako!
Pinusod ko ang mahaba at kulot kong buhok paitaas para presko. Nang makuntento ay huminga muna ako ng malalim bago binuksan ang pinto. Tumungo muna ako sa kusina kung nasaan si Nanay. Nakita ko siyang nagluluto pa rin.
Nang makita niya ako ay agad siyang tumalima at sumandok sa pancit palabok.
“Tamang-tama, halika dito,” wika ni Mama habang may hawak na plato at sinasandukan ng palabok.
“Dalhin mo ito sa bisita mong pogi,” dagdag niya pa.
“Nay, ang harot mo,” asar ko sa kaniya. Tumawa naman siya.
“Hala, sige na. Dalhin mo na ‘yan doon. Tatapusin ko lang itong menudo para dito na rin siya mananghalian,” nagmamadaling saad ni Nanay.
Dito mananaghalian? Sobra naman yata si Nanay kay Jason. Kay Mark ay hindi siya ganito.
“Bakit dito pa?” tanong ko. Hindi sa ayaw kong kumain dito si Jason kaya lang ay baka ako rin ang mahirapan kung magtatagal siya dito. Ilang minuto pa nga lang ay hirap na ako.
“Bisita mo siya, Abby. Ano ka ba?” wika ni Nanay at pinanlakihan pa ako ng mata.
“Sige po,” walang gana kong sagot at dinala ang dalawang plato ng palabok sa sala.
Nakita ko siyang may ka-text yata sa phone niya. Nagkibit-balikat lang ako at nilapag sa lamesita ang pancit palabok. Tumalikod ako at kumuha ng juice. Nagtimpla lang ako ng dalawang basong juice. Kumuha rin ako ng kalamansi dahil bagay ‘yon sa palabok.
Nilapag ko ang dalawang juice at nilagay sa gilid ng plato ang kalamansi. He look at me at tumaas ang isang kilay niya. Nagtataka siguro siya bakit may kalamansi sa gilid ng palabok.
“Bagay ‘yan sa pancit palabok. Masarap ‘yan. Paborito ko ‘yan ‘e,” nakangiting wika ko.
Tinignan niya ako ng isang beses at kinuha ang kalamansi. Hindi niya pa alam ang gagawin kaya ako na ang kumuha at piniga ‘yon sa palabok. Inalis ko rin ang ilang buto dahil baka makain niya. Mapait pa naman.
Ako na rin ang naghalo no’n para sa kaniya. Nang matapos ay inabot ko ‘yon sa kaniya at ginalaw ang sa akin. Hindi niya kinakain at pinapanood ako. Nang matapos ako ay sumubo ako. Tinignan niya ako at ginaya. Natawa pa ako dahil naaalangan siyang sumubo.
“Masarap ‘yan. Don’t worry, walang lason ‘yan,” nakangiting wika ko.
“This is the first time that I will eat this... pancit palaboy,” wika niya kaya natawa ako ng malakas. Nagsalubong ang kilay niya kaya umayos ako. Tumikhim muna ako bago nagsalita.
“Palabok,” pagtatama ko sa sinabi niya.
“Yeah, palabok,” saad naman niya at tuluyan nang sumubo. Napatango pa siya habang ngumunguya.
“Not bad,” saad niya at sumubo pa nang sumubo. Agad niya ‘yong naubos kaya nagulat ako. Parang tatlo hanggang apat lang na subo ‘yong palabok. Para siyang hungry lion kung kumain.
“Meron pa?” tanong niya.
Hindi ako nagsalita at tumango na lang dahil sa gulat. Kinuha ko ang plato niya at bumalik sa kusina.
“Nay, nagustuhan niya ang palabok,” wika ko at inabot kay Nanay ang gamit na plato. Natuwa naman si Nanay at agad siyang sumandok ng panibago. Dinamihan na niya ngayon kaya dalawang kalamansi na ang nilagay ko.
Pagkaabot ko kay Jason ay piniga niya ang kalamansi. Alam na niya ang ginagawa. Nakabisado niya yata ‘yong ginawa ko kanina. Binalikan ko ang plato ko at kumain.
“Si Vanessa?” tanong ko habang ngumunguya. Nilingon niya ako.
“With Kuya,” simpleng sagot niya at tahimik na kumain.
Alam ko na rin naman ‘yon na kasama ni Vanessa ang asawa niya. Nagbabakasakali lang akong baka pumunta siya dito. Palagi kasi siyang present sa birthday ko. Ngayon lang hindi. Hindi na rin kami madalas magkausap. Kung tatawag naman ako ay hindi ko makontak. Baka bago na ang number niya o baka mahigpit ang asawa niyang si Rafael.
“Mahigpit ba si Rafael? ‘Di ba, kapatid mo siya?” bigla kong tanong sa kaniya. Nilingon niya ako at uminom ng juice.
Nakita ko pa ang lagpas na sauce ng palabok sa gilid ng labi niya. “May sauce ka dito,” wika ko sabay turo. Pinunasan niya ‘yon pero may natira pa. Tumayo ako at lumapit sa kaniya. Inalis ko ‘yon gamit ang daliri ko.
“Ang kalat mo kumain,” natatawang wika ko at hindi sadyang sinubo ang hinlalaki na ginamit ko sa pagtanggal ng sauce sa gilid ng labi niya.
Nakita ko siyang lumunok nang gawin ko ‘yon. Bigla akong kinabahan nang titigan niya ako. Agad akong bumalik sa dating pwesto at nagkunwaring busy sa pagkain.
Tumikhim siya kaya nilingon ko siya. “Hindi naman istrikto si Kuya. Possessive lang,” wika niya.
“Possessive? Naku, kawawa naman pala ang best friend ko sa kaniya. Pangit ang sobrang possessive baka masakal si Esang,” nag-aalala kong saad at tumawa naman siya.
“Spoiled nga ‘yon kay Kuya ‘e,” natatawang sagot niya.
“Aba! Dapat lang. Dahil kung malaman ko lang na pinapabayaan niya si Esang, ako ang sasapok sa mukha niya. Kahit gwapo pa siya!” matapang kong saad. Bigla namang nag-iba ang awra ni Jason nang banggitin ko ang huling sinabi. Natakot ako bigla dahil sa pagbabago ng awra niya.
“Ah, s-salamat pala sa regalo mo. Ang dami naman,” pag-iiba ko ng usapan. Hindi ko alam kung ano ang nasabi kong hindi maganda para maging masungit bigla ang awra niya.
“I hope you like it,” mahinang boses niya.
Parang bigla siyang nawala sa mood dahil lang sa sinabi kong gwapo ang kuya niya. Well, gwapo naman talaga ‘yon. I mean, super. Tapos matangkad pa at ang hot! Nakita ko na siya noong hinahanap niya si Vanessa. Swerte ni Vanessa. Sana magkaroon din ako no’n.
Papaano ako magkakaroon ng gano’n kung may iba na si Mark. Muli kong naramdaman ang kirot sa dibdib ko. I blinked back my tears. Huminga ng malalim at pilit na ngumiti.
Magiging maayos din ako. Magiging okay ako. Kailan nga ba ‘yon? Makakaya ko bang maging maayos? Umiling ako. Hindi ko alam.
“Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong ni Jason. Peke akong ngumiti at mabilis na tumango.
“Oo naman,” nakangiting saad ko.
“Can I take you for a date?” biglang tanong niya. Muntik pa akong masamid kaya mabilis akong uminom ng juice at mangha ko siyang tinignan.
Tama ba ang dinig ko? Date raw? “D-Date?” pagtatama ko. Baka nabingi lang ako o lutang dahil kulang sa tulog. Broken hearted pa ako ngayon kaya wala ako lalo sa wisyo.
“Ipagpapaalam kita sa parents mo para payagan ka kung ‘yan ang inaalala mo,” saad niya pa. Mabilis akong umiling.
“Hindi naman sa gano’n. Date talaga? B-Baka magalit girlfriend mo niyan,” alanganin kong saad.
“I don’t have a girlfriend. Ikaw?” wika niya.
“H-Ha? Ako? G-Girlfriend mo?” nauutal kong tanong. Umiling siya kaya nagsalubong ang kilay ko. ‘Ikaw’ iyon kasi ang sabi niya.
“I mean, ikaw, may boyfriend ka ba?” pagtatama niya.
Bigla akong nahiya. Bangag nga yata ako at kulang sa tulog. Nabibingi ako at hindi makapag-isip ng maayos.
“W-Wala na,” mahinang boses ko at yumuko. Nilalaro ko lang ang pagkain sa plato ko. Nawalan ako bigla ng gana kahit paborito ko pa ‘yon.
Naramdaman ko na naman ang lungkot na ayaw kong maramdaman. Nadudurog ako at nahihirapan ang kalooban tuwing maiisip ko si Mark. Baka nga, hindi na ako puntahan no’n dito. Nag-away pa kami kagabi at kaninang umaga ay nalaman kong may iba na pala siya.
“Then, come with me. Ako muna ang boyfriend mo. Tutal birthday mo naman,” nakangiting saad niya at kinindatan pa ako.
Hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman. Parang natuwa pa kasi siya na wala na akong boyfriend. Tapos ay bigla pang nagkagulo ang mga paru-paro sa tiyan ko nang sabihin niyang boyfriend ko siya today. Hindi ako nagkamali ng dinig dahil malinaw na malinaw. At hindi na naman mapakali ang puso ko dahil sa kindat na ginawa niya. Ganito ba naman kagwapo ang kikindat sa akin. Sino ang hindi matataranta at kikiligin. Kilig? Pwede pala ‘yon sa broken hearted katulad ko? Oo, yata. Kinilig ako kahit broken.
Pero baka ito rin ang maging daan para mabilis akong makapag-move on. Nahihirapan pa rin ang damdamin ko tuwing maaalala si Mark. At ayoko namang magmukmok lang maghapon sa kwarto at umiyak nang umiyak.
Birthday ko ngayon kaya dapat magsaya ako. Hindi naman masama na boyfriend ko ngayon si Jason dahil may iba na rin naman si Mark. Patas lang kami. Wala kaming official na break up pero nangbabae na siya. Pwes, ako rin.
“Game!” masiglang saad ko.
“Ligo lang ako, boyfriend,” natatawang saad ko at pinandiinan ang huling sinabi.
Ginagawa ko lang itong biro para pagtakpan ang puso kong nagdurugo. Sana pagkatapos ng araw na ‘to, mabawasan man lang ang kirot sa dibdib ko. Sana gano’n kadali mag-move on.