Hindi ko alam kung ano ang kaniyang ibig sabihin. Ngunit imbis na magkumento roon ay pinili ko na lamang manahimik. Wala rin lang naman kasi akong sasabihin, dahil hindi ko maintindihan kung bakit bigla na lang niyang binanggit ang bagay na ‘yon.
Nilunod ko na rin muna ang sarili ko sa panonood sa magandang tanawin, hanggang sa dumating ang order namin.
Parehas kaming tahimik, habang kumakain. Ayaw ko rin naman kasing makipag-usap, dahil wala naman akong puwedeng itanong sa kaniya. Nagpunta lang din naman ako rito sa restaurant para kumain, hindi ang makipag-usap sa kung kanino.
Napag-isip-isip ko, bakit ako makikipag-usap sa kaniya? Hindi ko nga alam kung ano bang klaseng tao siya. Kung tatanungin ko naman, hindi ba parang ang weird?
Natigilan naman ako sa pag-iisip nang bigla siyang maglagay ng potato fries sa aking plato. Wala naman akong order na ganoon para bigyan niya ako. Bukod pa roon, aware naman akong libre ang lahat dito. Wala akong babayaran, dahil ‘yon naman ang sinabi sa akin sa email.
“Bakit ‘yan?” tanong ko nang malunok ko ang pasta.
Hindi naman sa nagiging maarte ako, pero never pa naman niyang nagalaw ang potato fries. Dalawa nga ang order niyang potato fries, eh. Isang plain, saka with cheese powder. Tapos ang ibinigay niya sa akin ay ‘yong plain.
“Eat,” bulong nito, at naglagay ulit ng lobster sa aking pinggan na wala ng laman na pasta. “Pati ‘to.”
“Hindi mo ba maubos, at kailangang ibigay mo sa akin?” tanong ko, dahil nalula talaga ako kanina sa mga order niya.
Para kasing dalawang tao na ang kakain, tapos ngayon ay ibinibigay niya sa akin ang ilan sa mga ‘to. Nakapagtataka tuloy kung bakit nag-order siya, tapos hindi rin lang naman kayang ubusin.
“I ordered for us since your food wasn’t enough,” rason nito. “Pasta and pizza? Really?”
Napaawang ang aking labi sa gulat, dahil mahahalata sa kaniyang boses na napikon siya sa aking order. Hindi man halata ‘yon sa mukha niya, medyo nakaramdam ako ng pikon. Bakit kasi kailangan niyang magalit kung ganito lang ang gusto kong kainin?
Puwede naman akong mag-order ulit kung kulang. At least ay naubos ko, at sigurado akong kaya ng tiyan ko. Pero ‘yong mag-order siya nang marami, tapos hindi naman niya pala sigurado kung mauubos namin? f**k!
“Damian,” bulalas ko na lang bigla, dahil hindi ako makapaniwala na pinuno na niya ang aking plato.
Kanina ay lobster ang inilagay, pero naglagay pa siya ng sugpo. Hindi lang ‘yon, dahil maging vegetable salad ay inilapit niya rin sa aking gawi.
Kung hindi nga ako nagkakamali, may mga prutas pa siyang inilapit. May dessert pa! Kaya napahawak na lamang ako sa aking noo, dahil hindi ako makapaniwala na kailangan kong ubusin ang lahat ng ito.
“Marianne,” mariing bulong niya. “Eat.”
“Paano ko ‘to uubusin kung sobrang dami?” hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
Wala na akong pakialam kung may makarinig man sa akin. Hindi nila ako mapipigilan. Maingay man ako ngayon, dahil ‘yon sa ginawa ni Damian.
Bakit kasi kailangang pangunahan ako?
Bakit kasi kailangan na gawin niya ang bagay na ‘to?
“Uubusin ko kapag hindi mo kayang ubusin,” aniya na nagpatigil naman sa akin. “Kumain ka na.”
Damn it!
Ngayon lang ako naka-encounter ng lalaki na ganito. Kung ano ang kaniyang gusto, ‘yon madalas ang nasusunod. Tingin ba niya ay natutuwa ako? Hindi.
Kaya kahit labag sa kalooban kong ubusin ang mga inilagay niyang pagkain, ginawa ko. Nahihiya akong ipaubos ang sobra ko sa taong hindi ko naman gaanong kakilala. Bukod pa roon, hindi ko naman siya boyfriend para ubusin ang pagkain ko.
Madalas na gumagawa lang naman nang ganoon ay ang magkasintahan. Kung umasta naman kasi ‘tong kasama ko, parang magkasintahan kami. Kaya wala akong ibang nagagawa kung hindi pilitin, kahit hindi ko naman talaga kayang ubusin.
“I didn’t know that you’re such a heavy eater,” komento nito nang matapos ako.
Umirap naman ako sa kaniya, at piniling titigan ang dagat. Bahala siyang magsalita. Feeling close talaga, pero hindi naman nakaba-bother ang pagiging feeling close niya. Sa katunayan, medyo comfortable pa akong magtaray sa kaniya.
Hindi kasi siya nagrereklamo. Ngumingisi nga lang siya. Kaya mas lalong nakaiinis. Pero never ko pa naman siyang nakitang ngumiti. Kung ngingiti man siya, parang ngisi pa rin, pero tipid.
Matapos kong magpatunaw ng kinain doon, lumabas na ako sa restaurant. Pero hindi ko naman alam na nakabuntot sa akin si Damian. Saka ko lang napansin ‘yon nang may tumingin sa likod ko, at parang kinikilig pa.
“Why are you following me?” tangkang tanong ko.
Siguro kung kasama ko si Cessalie ngayon, baka kanina pa niya ako ibinugaw. Madalas naman na ganoon ang ginagawa niya kapag subsob ako sa pagtatrabaho. Pero alam ko naman na biro.
Ngunit kahit wala si Cessalie ngayon sa tabi ko, napapaisip na kaagad ako kung ano ang magiging reaksyon niya kung sakali.
“Ang guwapo niya! Bagay kayo!”
Sinundan ko ng tingin ang mga babaeng kinikilig pa rin nang malampasan nila si Damian. Nang mawala sila sa paningin ko, pagod na sinulyapan ko si Damian na kalmadong nakatayo. Nakapamulsa siya ngayon, at nakatingin sa akin. Nasa limang hakbang din ang layo niya, pero pakiramdam ko ay dalawang hakbang lamang.
Kagaya ko, tumigil din siya sa paglalakad. Seryoso ang kaniyang mga mata, seryoso ang kaniyang mukha. Wala akong makitang tuwa sa kaniyang mga mata. Pero kahit na ganoon, nagawa ko pa rin siyang taasan ng kilay.
He shrugged. Hindi ko alam kung ano bang klaseng sagot ang ginawa niya. Kaya mas lalo akong nainis.
Kakikilala lang namin kanina, pero ngayon nagagawa na niya akong sundan?
Dahil sa inis ko, mabilis akong tumalikod, at naglakad. Hindi ko na pinansin ang init ng buhangin na tumatama sa aking mga paa. Na sa tuwing naglalakad ako, lumulubog ang tsinelas ko sa buhangin, at pilit niyayakap ang tsinelas ko.
Nang mapansin kong medyo malayo na ako sa bakasyonista na kagaya ko, natigilan ako. Baka kasi kung ano ang mangyari sa akin kung hahayaan kong dalawa na lamang kami ni Damian.
Hindi naman sa wala akong tiwala, pero kung iisipin, kanina lang kami nagkakilala. Pilit ko nga ring winawaksi sa isipan ko ang kaniyang aura na may kabigatan. Kung sa ibang tao ay pagkatataon na ito para masolo ang isang guwapong lalaki, ako ay hindi. Ibahin nila dapat ako.
“Bakit ka tumigil?” tanong nito.
Medyo nanuyo naman ang aking lalamunan nang mapagtantong nasa likod ko lamang siya. Literal na nararamdaman ko ang kaniyang presensya, dahil kalahating hakbang na lang pala ang layo niya sa akin.
Kahit binabalot na ako nang nerbyos, pinili kong magpakatatag. Hinarap ko siya, at iniangat ang aking mukha para tingnan siya sa kaniyang mga mata.
Ngunit hindi ko naman inaasahan na bigla niyang ilalagay ang kaniyang palad sa aking likod, at hihilain ako palapit sa kaniya.
Sa gulat ko, lumapat ang aking mga kamay sa kaniyang dibdib. Matigas ‘yon, at medyo mainit kahit na may suot naman siyang polo. Kagaya ko, pumipintig din ang kaniyang puso nang sobrang bilis. Kaya napaawang ang aking labi, dahil sa pagkamangha.
Ang kaniyang mga mata ay nanatiling nakatitig sa akin. Seryoso, at nakapanghihina. Kaya kung hindi niya ako hawak ngayon, maaaring nakasalampak na ako ngayon sa buhangin.
“Damian,” nanginginig na bulong ko sa kaniyang pangalan.