“Is it okay with you?” tanong nito sa akin.
Honestly, hindi. Hindi naman kasi kami close, at ayaw ko rin namang mag-share sa kung kanino. Ngunit kapag ganito na alam ko naman na valid, wala akong choice. Kaysa naman sa magutom ako, hindi ba? Hindi pa man din ako kumain kanina sa chopper, dahil wala naman akong gana.
Kung alam ko lang sana.
Natawa naman ako, at napalingon sa kaniya. Ngunit kaagad nawala ang ngiti sa aking labi nang biglang bumungad sa akin ang mukha nito. Magmula sa kilay, mga mata, lalo na ang paraan nito ng pagtitig, ilong, at saka labi. Napagtanto kong pamilyar siya.
Saan ko nga ba siya nakita?
Pilit kong inaalala kung saan ko nakita ang lalaking ‘to. Kasi sigurado akong nakita ko na siya. Hindi ko nga lang sigurado kung saan. Alam ko naman na hindi ako madalas tumingin sa mga taong nakasasalamuha ko. Hindi ko alam kung ako lang ba ang ganoon, o pati ibang tao? Basta ang sa akin lang kasi ay kapag hindi ko boss, hindi ko papansinin.
“Hey,” pagkuha nito sa aking atensyon.
Napakurap naman ako nang ilang beses, at kaagad na pasimpleng kinagat ang loob ng aking pisngi, dahil napansin pala niyang natulala ako bigla sa kaniya. Nakahihiyang isipin na nagawa niyang masaksihan kung paano ako matulala. Hindi ko naman kasi sinasadya, eh. Pero f**k! Halos magpakain na ako sa semento, dahil doon.
Isama pa ang paghaharumento ng sistema ko. Ni hindi nga ako makahinga nang maayos, pero matuloy pa rin ako sa pag-akto na parang hindi ako nahihiya. Mabuti na lang talaga, dahil sanay ako sa pagpapanggap. Kung hindi kasi, malamang ay kanina pa ako nag-walk out.
“Yes! Of course. Wala namang kaso sa akin, sir,” bulalas ko bigla.
Hindi ko pa napansin na natawag ko pala siyang sir. Kaya pala umangat ang kilay niya, dahil sa naging sagot ko.
Sungit.
Alangan naman kasing hindi ko siya galangin nang ganoon kung sakali? Hindi ko naman alam ang pangalan niya, at hindi naman ibig sabihin no’n ay hindi ko na siya gagalangin. Kaya nga sinabi kong sir kahit hindi ko siya boss. Paggalang lang naman, pero mukhang ayaw niya yata ang ganoon.
“I’m Damian Nathaniel Octaviano. Drop the formality,” he introduced.
Damian?
Ang guwapo ng pangalan. Bukod pa roon ay guwapo rin siya. Masiyado naman siyang magaling sumalo ng blessing para lang makuha niya lahat. Hindi na ako magtataka kung lumuhod ang mga babae sa kaniya. Ang guwapo kasi, eh.
Ngumiti naman ako nang mapansin kong maglahad siya ng kamay. Pasimple pa nga akong sumulyap doon, dahil sobrang laki, at maugat ang kaniyang kamay. ‘Yong kamay niya rin ay parang hindi naglalaba. Halatang malambot.
“Marianne Elyse Delos Reyes,” pagpapakilala ko naman, at saka inabot ang kaniyang kamay. “It’s nice to meet you, Damian.”
Umangat naman ang gilid ng kaniyang labi nang magtagpo ang aming mga palad. Ngunit kung siya ay ngumisi, ako naman ay nawala ang ngisi sa aking labi nang mapapiksi ako sa kuryenteng dumaloy sa aking katawan.
Hindi ko lang sigurado kung naramdaman ba ni Damian ‘yon, o ano. Ngunit bakit naman biglang gumapang ang kuryente sa aking katawan? Nanindig pa nga ang balahibo ko kahit na hindi naman sobrang lamig ang ihip ng air conditioner ng restaurant na ‘to.
Gumapang din ang lamig papunta sa batok na naging dahilan para mapaawang ang aking labi. Bakit ‘yon? Bakit ako binalot nang kaba?
“Let’s go,” anunsyo nito, at iginaya ako papunta sa bakanteng table na para lamang sa dalawa.
Wala sa sarili nga akong sumunod sa kaniya hanggang sa ipaghila pa niya ako ng upuan. Nang makaupo na siya sa bakanteng upuan na nasa aking harapan, doon lang bumalik ang aking sarili.
Sino siya?
Habang nakatuon ang mga mata ko kay Damian na ngayon ay nagbabasa sa menu, hindi ko maiwasang mahiwagaan kung ano bang klaseng lalaki ang nasa harapan ko ngayon. Mabigat kasi ang aura niya. Hindi naman ako mabilis makaramdam nang ganitong aura, pero hindi ko alam kung bakit ramdam na ramdam ko ang kaniya.
Parang may bumubulong sa akin na lumayo sa lalaking ‘to, dahil hindi magandang sumama ako. Kung baga parang delikado ang lalaking ‘to, pero hindi naman siguro. Baka mali lang ang sinasabi ng utak ko na lumayo. Siyempre ay hindi naman kami close, at normal lang talagang maglaro ‘yon sa utak ko.
Bukod pa riyan, paano kung isa siya sa taong makatutulong sa akin para mahanap ang sagot na hinahanap ko sa islang ‘to? Baka kasi mamaya ay malaki rin ang koneksyon ng lalaking ‘to.
Kasi kung iisipin, hindi naman siya makapapasok sa islang ‘to kung wala siyang invitation na natanggap. Kapag ako naman, well, may nagbigay, pero wala naman akong koneksyon, dahil hindi naman ako mayaman, o kilalang tao.
Kaya paano kung si Damian ay maraming koneksyon? Hindi ko dapat palampasin ang bagay na ‘yon. Kinakailangan ko siyang kilalanin nang sa gayon ay matulungan niya akong alamin kung ano ba talagang klaseng isla ang bagay na ‘to. Kahit ano pang klaseng paraan para makuha ang kaniyang loob ay gagawin ko.
“Nakapili ka na?” tanong niya sa akin.
Saktong nag-angat ako ng aking ulo ay nagtama na ang aming mga mata. Bahagya tuloy akong nahiya, dahil ang paraan ng pagtitig niya ay sobrang lalim. Parang binabasa niya ang aking iniisip. Hindi ko nga alam kung ganoon lamang siyang tumitig sa akin, o sadyang ginagawa niya lamang ‘yon para takutin ako.
“Yes,” sagot ko. “Pasta lang, saka pepperoni pizza.”
“Iyan lang?” tangkang tanong nito.
Tumango naman ako. Kaya napailing siya sa akin. Maya-maya ay inilihis niya ang kaniyang mga mata sa akin para lang magtawag ng waiter. Ako naman ay nilibang ko ang aking sarili sa pagtitig sa dagat, dahil nagagandahan talaga ako.
White sand kasi. Para akong nasa Visayas, pero ang totoo, sa Luzon lang naman ako. Sa Pamactan Island na isa sa isla ng Babuyan Island. Maliit lang naman ‘to sa map, pero kapag sa personal ay sobrang lawak. Literal na mapapanganga ako sa ganda.
Balita ko nga rin ay may sapa rin dito, saka talon. Ngunit hindi ko masiyadong sigurado, dahil ayon lang naman iyon sa mapa. Gusto ko nga sanang libutin ang isla, pero kung mag-isa ko lang naman ay hindi na.
Mabuti na lang talaga, at nagawa kong tingnan kung saan ako papunta kanina. Para kahit papaano ay hindi naman ako mukhang naliligaw.
“This island is so seraphic, right?”
Natigilan naman ako sa panonood sa alon na humahampas sa white sand, dahil sa kaniyang sinabi. Hindi naman sa nasira niya ang aking pagmumuni-muni. Sa katunayan nga ay naroon ang takot na nararamdaman ko, dahil kanina pa niya ako pilit binabasa. Pilit ko rin namang itinatago ang mga gumugulo sa isip ko, pero bakit hindi man lang niya ako hinahayaan?
“Super,” bulong ko naman sa hangin. Hindi ko nga sigurado kung narinig ba niya ‘yon, pero ngumiti lang ako, habang nanatiling nakatitig pa rin sa dagat. “Ngayon ko nga lang nalaman na may white sand pala rito sa Babuyan Island, eh. Hindi kasi ako pamilyar sa mga isla rito sa Pilipinas.”
Totoo ‘yon. Buong akala ko ay walang itinatagong ganda ang islang ‘to, pero nagkamali ako. Hindi na ako magtataka kung sakali man na tumagal ako sa islang ‘to. Kasi bukod sa nakare-relax talaga, sobrang ganda rin ng tanawin. Halatang inaalagaan.
“That’s why I keep on coming back, but never in my life that someone would caught my attention.”