Pagdating sa chopper helicopter, napangiwi pa ako. Sasakay ba talaga ako sa chopper na ‘to? Pangmamahalin kasi. Pangmayaman. Ano ba talagang isla ang pupuntahan ko?
“Sir,” tawag ko sa lalaking tinulungan akong makababa.
Ibubuka ko sana ang bibig ko para magtanong, pero natigilan ako. Sure ba akong sasagutin niya ang tanong ko? Hindi. Kaya bakit pa ako magtatanong? Panigurado rin naman na hindi niya ako tutulungan na makakalap ng impormasyon. Nagtatrabaho rin siya roon, eh. Siya pa nga taga-sundo.
“Yes, ma’am?” tanong nito sa akin.
Alanganin naman akong ngumiti, at umiling. “Wala po.”
Hindi na ako umimik hanggang sa makasakay na kaming lahat sa chopper. Nanatili nga lang din akong nakatingin sa bintana, pinapanood ang magagandang tanawin. Ngunit kapag naumay ako, iidlip ako.
May nakahanda namang snack sa harapan ko, pero hindi ako gutom. Kaya nga hindi ko ginagalaw. Umiinom lang ako ng juice, dahil nanunuyo ang lalamunan ko. Matapos ‘yon, itutuon ko ang aking atensyon sa librong binabasa ko.
English novel kasi ang mga sanay kong basahin. Iba kasi ang atake nito kung ikukumpara sa mga Filipino novel. Sinubukan ko rin naman kasing magbasa ng Filipino novel, pero hindi nito mahanap ang kiliti ko. Minsan ay naki-cringe pa ako sa mga binabasa ko. Kaya nga mas pinili ko ang English novels na basahin kasi open sila sa ibang genre.
Kagaya na lang ng dark romance. Ganoon ang mga uso sa international readers. Nakapang-iinit man ng dugo, nandoon pa rin ang kiliti. Dapat nga lang ay hindi niro-romanticize ang ganoong bagay sa reality. Kasi magkaiba ang fiction sa reality.
Nang lumapag ang chopper na helicopter, dagli naman akong nag-ayos. Saktong pagbukas naman ng pinto ay tinawag nila ako kaagad para tulungan akong bumaba. Kaya hindi na ako nag-aksayang bumaba pa.
Ngunit hindi pa man ako nakababa nang tuluyan, bumungad sa akin ang white sand ng isla, nagtataasang building, at mga puno. Paniguradong ang mga building na medyo may kataasan ay mga hotel.
“Welcome to Love Island, ma’am,” bati ng lalaki sa akin, ngunit ako ay hindi makapagsalita sa sobrang ganda ng tanawin.
Kaya ba exclusive ‘to ay dahil sobrang ganda, o talagang may ibang itinatago pa ang isla?
Ayaw kong mag-assume, pero kung titingnan kasi ay hindi naman yata kapani-paniwala na exclusive lang ‘to, dahil ayaw nilang matain ng ibang tao na imbitado. Hindi ko alam kung lumalayo ba sila sa reyalidad, o sadyang ginawa lang ‘to para sa iba pang bagay?
“Salamat,” saad ko nang makarating ako sa mismong cabin ko.
Maganda ang cabin nila rito. Modern ang interior design, at ang masasabi ko lamang ay pinag-isipan nang mabuti. Hindi naman ako maalam sa ganitong designs, eh! Pero kahit papaano, alam ko kung paano ma-distinguish.
Humugot ako nang malalim na hininga, at pabagsak na inihiga ang aking katawan sa kama. Sobrang lambot ng kama, at ang lawak pa. Halatang mamahalin. Ano ba talagang klaseng business man ang nagmamay-ari nito?
Nasa kalagitnaan ako ng pagmumuni-muni mang marinig ko ang pagtunog ng telephone. Mukhang hindi nasabi sa akin na may telephone pala rito sa cabin ko, ha? Pero mas mabuti na rin. Mukhang magagamit ko naman kahit papaano. Lalo na kung magpapahatid ako ng pagkain, dahil tinatamad akong lumabas, at magpunta sa restaurant?
Kahit labag sa kalooban kong bumangon, mabilis kong sinundan kung nasaan nanggagaling ang tunog. Ayaw ko naman sana, pero mukhang importante yata.
Greetings siguro?
“Hello?” bungad ko kaagad nang sagutin ko ang tawag.
Ngunit imbis na may sumagot sa kabilang linya, tanging paghinga lang ang naririnig ko. Kaya para saan pa ang pagtawag nila sa akin kung ganito rin lang naman pala?
Huminga ako nang malalim, at pinakalma ang aking sarili. Ayaw ko naman magalit kaagad, dahil lang sa hindi nagsalita ang tumawag. Puwede rin naman kasing busy ang tumawag, o hindi narinig.
Kaunting pasensya lang, Elyse.
“Hello?” ulit kong muli. Sa oras na ‘to ay umaasa na akong narinig na niya ang pagbati ko. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring sumasagot.
Ginago ba ako ng taong ‘to?
“May kausap ba ako, o wala?” tanong ko nang hindi na ako mapakali.
Alam naman nilang pagod ako sa byahe, pero bakit kailangan akong pag-trip-an nang ganito? Ang tanging hiling ko lang namam sa ngayon ay magbakasyon saglit, bago simulan ang plano ko.
Aalamin ko lang naman kung ano ba ang itinatago ng isla na ‘to. Kahit pa sabihing delikado, hindi ko naman ipapahamak ang sarili ko nang dahil sa wala.
Kaya nga ako nagpunta rito, dahil curious ako, at magbabakasyon saglit. Hindi ko nga alam kung literal na bakasyon ba ang gagawin ko ngayon. Baka mamaya ay umalis din ako kaagad, dahil nami-miss ko ang trabaho ko.
Nasanay kasi akong puro trabaho lang umiikot ang buhay ko. Hindi naman puwedeng lumiban ako. Paano na lang ang pera, saka future ko, hindi ba?
“Kung wala akong kausap, o may nangti-trip sa akin. Sana masaya ang buhay mo,” bulong ko, at mabilis na ibinalik ang telephone.
Inis na pinadasahan ko ang aking buhok gamit ang aking mga daliri, habang nanatiling nakatitig sa telephone. Naiinis ako sa taong ‘yon. Ang daming puwedeng guluhin, ako pa ang napili.
“Magpapahinga na nga lang, ayaw pa akong pagbigyan,” sambit ko sa aking sarili. “Bakasyon ba ang ipinunta ko rito, o stress?”
Ipinilig ko ang aking ulo, at piniling magtungo sa banyo. Makapag-half bath na nga lang nang sa gayon ay makapasyal na ako. Sayang naman ang tanawin kung magkukulong lang ako rito, dahil sa inis.
Nang ako ay makapunta sa isang restaurant, natigilan ako nang may makasabay ako sa paghila ng pinto. Napalingon pa nga ako, pero ang unang bumungad sa akin ang aking kaniyang suot na polo.
Nasa isla kami, kaya normal lang ang pagsusuot ng polo. Kahit nga naka-topless lang ang mga lalaki rito ay walang problema, eh.
Ang kinaibahan lang, napapanganga ako dahil kahit nakasuot siya ng polo, halata pa rin ang ganda ng katawan nito. Mabango rin siya. Pinangligo nga yata ang mamahaling pabango, dahil kumakalat talaga ‘to. Hindi nga lang masakit sa ilong. Kaso lang ay medyo pamilyar.
Saan ko ba naamoy ‘tong pabango?
“Mauna ka nang pumasok,” wika naman nito, at mabilis na hinila ang pinto.
Nakaramdam naman ako ng kilabot, at nerbyos nang marinig ko ang kaniyang boses. Malalim, at medyo nang-aakit kasi ‘to, o baka mali lang sa pangdinig ko ang bagay na ‘yon?
“Thank you,” pasasalamat ko, at kaagad na inilihis ang aking mga mata.
Dagli naman akong naglakad papasok ng restaurant, dahil sa kahihiyan. Paano? Nakatingin ako sa katawan niya. Imbis na sa mukha, sa katawan. f**k! Baka akalain pa niyang pinagpapantansyahan ko siya?
Ipinilig ko ang aking ulo, at kaagad na nilibot ang aking mga mata sa loob ng restaurant. Maghahanap lang ako ng table, pero mukhang iisang table lang ang available, at ‘yon ay medyo malapit sa glass window.
“Walang vacant na table,” komento naman ng kung sino.
Kahit hindi ko na lingunin, alam kong ‘yong lalaking nakasabayan ko kanina ang nagsabi no’n. Siya lang naman ang nakasabay kong hilain ang pinto. Malamang ay susunod din iyan, at kakain din sa loob.
Napangiwi naman ako. Hindi naman sa ayaw ko siyang kasama sa iisang table, pero kung parehas kaming gusto naming kumain dito. Wala naman sigurong masama kung share kami?
“Mag-share na lang tayo sa iisang table,” suhesyon ko, dahil wala na akong balak umalis pa ng restaurant, at magpunta sa kabila.