Napahilamos na lamang ako ng aking mukha at nanggigigil na nagtipa sa keyboard ko. Ang daming mali sa ibinigay sa aking task ng marketing manager namin. Hindi ko man lang napansin na may mga palya pala ako. Mabuti na lamang, at hindi ko muna ipinasa. Delikado iyon para sa akin. Baka magkaroon na sila ng dahilan para tanggalin ako sa trabaho.
Ayaw ko namang mawalan ng trabaho. Ngunit kung ganito naman ang mangyayari sa akin, dahil sa pagiging pabaya ko, baka matatanggal talaga ako.
Kaya ngayon ay kinailangan kong i-revise ang lahat para masiguro talagang hindi ako matatanggal. Ngunit habang ako ay nagtitipa, biglang may naglapag ng envelope sa aking mesa.
Napatigil naman ako, at kaagad na iniangat ang aking ulo para makita kung sino ang nagbigay pero ang unang bumungad sa akin ay ang nakangising mukha ng kaibigan ko.
“May nagpapabigay,” bulong niya. May nakakalokong ngisi pa sa labi niya na hinding-hindi ko maiintindihan. Para kasing nang-aasar o parang may alam siya.
“Sino?” Sinulyapan ko naman ang aking sobra, at doon ko napagtanto na kulay pula ito.
Wala naman akong inaasahan na magbibigay ng sobre sa akin. Kaya paanong nakatanggap ako nang ganito? Para saan? Wala akong idea. Hindi naman kasi ako aware sa mga nangyayari sa paligid ko. Busy kasi ako sa pagtatrabaho at kung makikipag-usap man ako sa kung kanino, tungkol lang sa trabaho.
Kung may nagkakagusto man sa akin, wala akong pakialam dahil ang pinakamahalaga lang naman sa akin ay ang matapos ko ang trabaho ko bago ako mag-time out.
“Hindi ko rin alam, pero sabi ay buksan mo raw pagkauwi mo,” kuwento niya sa akin, bago ipagpatuloy ang kaniyang trabaho.
Kaya nang makauwi ako, mabilis kong binuksan ang envelope nang makapasok ako sa aking condo. Balak ko nga sanang umuwi sa bahay dahil paniguradong naghihintay sa akin sina Mama, pero huwag na. Pagod din naman akong magmaneho. Alam din naman nila na maaga ako bukas. Saka na lang ako uuwi kapag day off ko na.
Habang binabasa ko ang mensahe, napapaangat ang kilay ko. Nagtataka kasi talaga ako kung bakit nakatanggap ako nang isang envelope. Ang malala pa ay tungkol sa Love Island daw.
Love Island?
Wala akong idea kung saang lugar ba ito ng Pilipinas. Hindi naman ako gumagala dahil committed ako sa pagtatrabaho. Kailangan kong kumayod para maging successful ako kahit papaano. Hindi na rin naman kasi ako bumabata. Kaya ngayon ay kailangan ko talagang pag-isipan ang lahat ng bagay.
“Bakit may invitation ako?” nalilitong tanong ko.
Kasal ba ang pupuntahan ko? Susunduin daw ako bukas kapag nakapag-reply na ako sa email nila. Ngunit wala pa naman akong isusuot kung kasal nga ba ito.
Ang weird naman. Ngayon ko lang nalaman na may Love Island pala. Literal na isla ba ito sa Pilipinas? Pero saan banda? Ang dami kasing isla sa Pilipinas, at never pa akong nakapasyal.
“Ang sakit naman nito sa ulo,” bulong ko sa hangin, at piniling ilapag na lang ang invitation mini desk ko. “Mamaya ko na lang ’yan balikan kapag tapos na akong maligo.”
Iniwan ko ang sobre, at piniling maligo muna. Kailangan ko rin munang kumain, dahil kumakalam na ang sikmura ko. Labag man sa kalooban kong gumastos, ginawa ko pa rin.
Proper meal ang kailangan kong kainin, at hindi puro junk foods. Hindi kasi maganda ‘yon sa aking katawan. Nagsisimula na rin akong mag-diet, at maging healthy.
Puro na lang kasi ako cheating. Alam ko naman na kailangan ng katawan ko minsan ang unhealthy foods. Pagbigyan ko lang kahit minsan, dahil baka manibago ang katawan ko. Pero kung palagi naman na, huwag na. Sakit lang ang makukuha ko. Mas gusto ko pang mabuhay.
Saka bakit ba nakatanggap ako ng invitation? Wala naman akong matandaan na may nakakikilala, o close ko. Kaya imposible naman na biglang may magpadala sa akin ng bagay na ‘to.
Nang matapos akong kumain, mabilis akong bumalik sa kuwarto ko. Tinitigan ko ang invitation letter, hanggang sa napag-isipan ko na subukan kong i-message, at tanggapin ‘to.
Wala naman sigurong mawawala sa akin, hindi ba?
“Good morning, Miss Delos Santos. I’m here to fetch you,” aniya ng lalaking nakasuot ng business suit.
May sunglasses din siya, at seryoso ang kaniyang awra na nakatingin sa akin. Nag-email nga rin ako sa supervisor ko na magti-take ako nang leave, dahil biglaan. Mabuti at pumayag siya. Siya na nga raw ang bahala sa lahat.
Lingid lamang sa kaalaman niya ay magbabakasyon lang ako, dahil gusto kong alamin kung saan nga bang lupalop ang Love Island na sinasabi sa invitation letter.
Alam kong delikado, pero kinakain kasi ako ng kuryusidad. Ayaw ko naman na matulog ako nang hindi mapapakali. Sila na mismo ang lumapit sa akin, eh! Kaya bakit ko ire-reject ang bagay na ‘yon?
“Are you ready?” tanong nito sa akin.
Tumango naman ako bilang sagot. Kaya sumulyap siya sa aking likuran, at napansin ang tatlong malalaking bag. Wala naman kasi akong balak magtagal doon. Gusto ko lang alamin kung ano ba talagang klaseng isla ‘yon.
Hindi naman kasi pamilyar sa akin. Never ko pang narinig. Kaya magpupunta ako para masiguro kung ano ba talagang klaseng isla ‘yon. Nahihiwagaan kasi ako. Mamaya ay konektado ‘to sa mga sindikato. Hindi pa man din maganda ang ganoon.
Hindi naman sa nag-o-overthink ako, pero paano kung tambayan ‘yon ng mga mafia? Kasi never kong narinig ‘yon. Although puwede naman kasing para lang ‘yon sa mga business owner. Parang vacation island nila, pero paano kung may mas malalim pa?
Bumalik naman ako sa reyalidad nang kunin ng mga lalaki ang mga bag ko. Nagsimula na rin silang maglakad palabas, kaya sinundan ko ang dalawa. Ang lalaking kumausap naman sa akin kanina ay nakasunod sa akin. Parang binabantayan ang bawat kilos ko.
Weird.
“Saan ba tayo pupunta?” tanong ko nang makasakay ako sa mamahaling kotse.
Kung hindi ako nagkamamali, limousine ‘to. Mahaba kasi ang sasakyan, at madalas na gamitin ng mga mayaman. Ayon nga lang ay sa ibang bansa ‘to madalas. Hindi ko lang ine-expect na makikita ko sa personal.
Ibang-iba pala talaga kapag sa personal, ano? Kumikinang talaga ‘to, at parang never pang nagasgas. Halatang alagang-alaga rin, at wala man lang kahit anong alikabok.
“Sa Love Island, ma’am,” paliwanag ng lalaki. “May naghihintay pong chopper sa may kalayuan, at doon po ang ‘yong sasakyan patungo sa Love Island.”
Napaawang naman ang aking bibig sa kaniyang sinabi. Kung kanina ay limousine ang nasa atensyon ko, ngayon naman ay sa binitawan nitong salita.
Aakalain ko ba kasing sasakay ako sa limousine, at chopper para lang makapunta sa islang hindi pamilyar sa akin? What the heck?
Wala sa sarili tuloy akong sumakay sa limousine, hanggang sa magsimulang umandar ang sasakyan. Nalulula na ako sa naririnig ko. Ano ba kasing klaseng isla ‘yon, at kinakailangan pa nila akong sunduin, at ihatid?
Pinadasahan ko naman ang aking mahabang buhok gamit ang aking mga daliri. Nalilito ako sa mga bagay-bagay, tapos dumagdag pa ang mga nangyayari ngayon.
Hindi ko nga alam kung blessing in disguise ba ang mga bagay na ‘to, o ano. Basta ang alam ko lang, parang may nagtutulak sa akin na alamin kung ano ba talagang klaseng isla ang sinasabi nilang Love Island.
Malaman ko lang talaga kung ano ‘yon, sisiguraduhin kong hinding-hindi na ako babalik roon. Iba kasi ang kutob ko, at hindi ko nagugustuhan. Sana lang ay mali ako.