Nang matapos ako sa huling document, napahikab naman ako. Isinandal ko pa ang aking katawan sa swivel chair, at nag-inat pa. Pagod na pagod kasi ako. Kanina pa nangangalay ang likod ko, pero hindi man lang ako nakapagpahinga, dahil kinakailangan kong tapusin ang lahat.
Kung hindi ko lang mahal ang pera, hindi sana ako nagtatrabaho ngayon. Sa hirap ng buhay ngayon, parang mas gusto ko na lang din maghanap ng boyfriend na uugod-ugod para lang maiahon ko ang sarili ko sa hirap. Ngunit ayaw ko naman ang ganoon. Hindi ako pinalaki ng mga magulang ko para mag-isip, at gumawa nang kamalian sa buhay. Tiyak naman na pagsisisihan ko ang bagay na ‘yon. Saka sa pagbibiro lang naman ako magaling.
“Oh! Nandito ka pa, Elyse?” tanong nang isa kong katrabaho.
Saktong pagpasok niya sa office namin, biglang nagtama ang paningin namin. Kaya normal lang na kausapin niya ako. Kung sabagay, hindi man ako madalas makipag-usap sa kung sino ay kilala naman ako ng lahat.
Paano? Ako kasi talaga ang madalas ang subsob sa pagtatrabaho. Kaya roon na ako nakilala ng mga katrabaho ko. Minsan kahit ayain nila ako, madalas akong mag-overtime. Imbis kasi na igastos ko, mas mabuting i-over time ko na lamang.
Hindi ko naman pinupulot ang pera, eh. Sa katunayan ay sobrang hirap ng buhay. Kaya talagang kayod lamang ako nang kayod para sa future ko.
“Over time,” simpleng sagot ko na nagpangisi sa kaniya.
May hawak siyang isang tasa, at ang aroma ng kape ay lumilipad papunta sa ilong ko. Kaya medyo natawa ako. Hindi man ako mahilig sa kape, kailangan ko pa rin. Ang kaso lamang ay nagrereklamo ang tiyan ko.
Kaya madalas ay puro lamang ako pagkain. Dessert, o hindi kaya ay gum. Kailangan ko kasing gisingin ang katawan ko kapag ako ay nagtatrabaho. Hindi puwedeng makatulog.
“Masiyado kang subsob sa trabaho. Pahinga ka kaya kahit minsan? Hindi mo pa nagagamit ang leave mo,” aniya na nagpailing sa akin.
Saka ko lang gagamitin ang leave ko kapag pagod talaga ako. Ngunit sa ngayon, wala talaga sa plano ko ang mag-leave. Ang priority ko ngayon ay pera.
“Hindi naman ako pagod para mag-leave,” paliwanag ko sa kaniya.
Natawa naman siya sa aking sinabi. Alam naman niyang walang nakatatawa. Bakit siya tumawa? Hindi ko tuloy alam kung nang-iinsulto ba siya, o ano. Kaya mas lalo akong napangiwi, dahil inayos niya ang kaniyang mahabang buhok.
“Seriously, Elyse? Kung magtrabaho ka talaga, para kang business owner. Workaholic,” sambit ni Haelyn.
“Mukhang pera, oo,” pahayag ko na mas lalong nagpatawa naman sa kaniya.
Kaya naman nagsimula na akong mag-ayos ng gamit ko, at hinayaan siyang mag-isip nang kung ano. Tapos naman na akong magtrabaho. Wala na rin akong pending. Kaya ngayon ay kinakailangan ko na talagang umuwi.
Miss ko na rin ang higaan ko. Saka hindi pa ako kumakain ng proper meal. Puro lang junk foods magmula kanina. Mukhang kailangan ko tuloy mag-workout, dahil puro cheating ang ginagawa ko.
Pagkasukbit ko ng strap sa aking balikat, napansin kong hindi pa pala umaalis si Haelyn sa kaniyang puwesto. Nanatiling nakatayo, at humihigop ng kaniyang kape.
“Tapos ka na?”
Tumango naman ako, at tipid na ngumiti. “Uuwi na ako.”
“Ayaw mong magkape?” pang-uusisa nito. “Malamig sa labas. Medyo mahangin.”
Nakita ko pang napasulyap siya sa aking suot, ngunit hindi naman ako nailang sa paraan ng kaniyang pagtitig sa akin. Alam ko naman na sinusuri lang nito ang aking suot.
Naka-pencil skirt kasi ako, at hindi gaya sa kaniya na naka-slacks. Kaya normal lang talaga na titigan, at suriin niya nang husto ang aking damit. Kung sabagay, mali rin naman kasi ang suot ko ngayon, pero hindi pa naman kasi ako nakapaglaba ng mga damit ko, dahil busy.
Bukas siguro, dahil day off ko naman. Kaya magsisimula akong maglaba, at maghanap ng mga damit sa online nang sa gayon ay hindi puro skirt ang gamitin ko.
Malamig na kasi ulit ngayon, saka nakabukas pa ang air conditioner ng office namin. Walang palya ‘yan. Kaya pakiramdam ko minsan ay parang hot dog na ako, dahil sa sobrang lamig.
“Hindi ako sanay sa kape, Haelyn. Nagrereklamo tiyan ko,” pagrarason ko sa kaniya.
“Kawawa ka pala kapag inaya ka ng mangliligaw mo nang coffee date,” asar niya sa akin. Kaya napairap na lamang ako.
Pagdating ko sa ground floor, napaawang naman ang labi ko nang mapansin ang isang lalaki na sobrang tangkad. Nakasuot lamang siya ng white long-sleeves, pero nakatupi ang manggas hanggang sa kaniyang siko. Wala siyang suot na necktie, at nakabukas din ang dalawang butones nito.
Nakasuot din siya ng mamahaling relo, at medyo kumikinang pa ‘yon sa tuwing natataman nang ilaw. Kaya medyo nasisilaw ako. Ang pang-ibaba naman niya ay itim na slacks, at suot niya ay black shoes na puwede na ring maging salamin.
Buhok niya? Magulo, at halatang gamit lamang ang kaniyang mga daliri para suklayin ‘to. Halatang malambot din naman ang buhok. Walang gamit na kung ano para i-style ‘to.
Nagtataka nga lang ako kung bakit ngayon ko lang siya nakita. Kaibigan kaya ng owner ng company na ‘to? Hindi ko sigurado kasi. Hindi naman kasi namin kilala ang boss namin. Basta alam ko lamang na nagtatago sa dilim ang boss namin, at ayaw ipaalam kung sino siya.
Napangiwi tuloy ako kung bakit napakamisteryoso ng boss namin. Madalas ay secretary lang niya ang nakikita namin. Hindi ko nga alam kung pumapasok ba ang CEO, o hindi, pero sure akong kilala ‘yon ng mga nasa higher position.
Nang magtama ang aming mga mata, yumuko ako para magbigay ng galang. Hindi ko man ‘to kilala masiyado, at ngayon ko lamang din nakita, kailangan pa rin na yumuko para magbigay ng respeto.
Nang malampasan naman niya ako sa aking puwesto, saka naman ako umayos ng tayo. Ngunit napatigil ako nang maamoy ko ang isang mamahalin, at panglalaking amoy.
Bakit parang hindi masakit sa ilong?
Bumalik naman ako sa reyalidad nang biglang tumunog ang aking cellphone. Dali-dali ko namang kinuha sa bag ko para sagutin ang tawag. Kabisado ko kasi ang tunog ng cellphone ko kapag tumatawag.
Kaya pagsilip ko sa cellphone ko, kinagat ko ang aking ibabang labi, dahil si mama pala ang tumatawag.
“Po?” tangkang tanong ko kay mama. “Napatawag po kayo?”
“Uuwi ka pa ba rito? Gabi na masiyado. Nilalagnat ang papa mo. Kaya hindi ka niya masusundo,” pag-uulat sa akin ni mama.
Kaya napahugot naman ako nang malalim na hininga, at nagsimulang maglakad nang mabagal. “Hindi na, ma. Sa condo na lang ako matutulog. Mahal din kasi ang pamasahe ngayon. Gabi na rin kasi.”
Totoo ‘yon. Rush hour na, eh. 10:00 pm na. Ayaw ko namang mag-arkila kung sakali, dahil delikado. May kalayuan pa man din ang bahay namin. Kaya mas mabuti talagang magtungo na lamang ako sa condo ko.
Walking distance lang naman. Kaya hindi ako nenerbyusin kung sakali man. Bukod doon, maliwanag din ang paligid. May mga street lights kasi, at may mga nagkalat din na CCTV camera sa paligid. Ang problema ko lang ay kung gumagana ba. Baka mamaya kasi ay pumapalya. Ang suwerte ko naman masiyado sa buhay kapag gano’n.
“Magpahinga na lang po si papa. Sabihan ko na lang po kayo kapag nakarating na ako sa condo ko,” saad ko.
Kahit ayaw kong umuwi sana sa condo, wala akong magagawa. Kaysa naman may mangyaring masama sa akin, huwag na.