Marianne Elyse Delos Santos’ Point of View
“Elyse,” tawag ng kaibigan ko nang makarating ako sa cubicle namin.
Kadarating ko lang, pero mukhang makikipagdaldalan na naman s’ya sa akin. Knowing Cessalie, madaldal ‘yan kahit nasa work kami. Hindi ako tinitigilan, dahil ang gusto niya ay libangin ang sarili niya habang kami ay nagtatrabaho. Ayaw kasi niyang nakatutok sa trabaho namin. Mabilis siyang mapagod.
Hindi nga niya naisip na ayaw ko sa maingay, o kinakausap ako. Bakit? Kasi hindi ako makapag-focus. Kaya minsan ay mas gusto ko pang magsuot ng earphone para makinig sa music. At least sa ganoong paraan ay makapagtatrabaho ako. Seryoso pa naman ako sa buhay. Ayaw kong nakipag-uusap sa kung sino.
“Ano na naman, Cess?” pagod na tanong ko sa kaniya, at may halong inis pa.
Kailan ba kasi niya ako titigilan? Gusto ko lang naman magtrabaho nang maayos, pero puro siya daldal. Kahit hindi naman ako interesado, puro siya kuwento. Ultimo nga problema ng katapat ng kaniyang condo, ikinukuwento pa sa akin.
Minsan nga ay napapaisip ako. Para na kasi siyang marites. Pati kasi buhay ng ibang tao ay pinag-uusapan namin. Puwede naman kasing buhay na lamang niya, hindi ba? Baka mas maging interesado pa ako. Pero kagaya ko, malihim din naman siya. Mas gugustuhin ko kasing ayusin nang mag-isa kaysa mangdamay pa nang ibang tao.
“Bakit naman pagod na kaagad ang tono ng boses mo? Hindi ka pa nga nagtatrabaho,” saad niya na nagpairap naman sa akin.
Alam ko namang biro lang niya ‘yon, pero hindi kasi ako madadala sa biro ngayon, dahil pagod talaga ako. Hindi ako nakasakay ng elevator kanina, dahil nga under maintenance. Hindi ko alam kung may sira ba, o kailangan lang nilang tingnan ang lahat.
Kaya wala akong choice para dumaan sa hagdan. Hiningal na nga ako’t lahat-lahat pero hindi pa ako nakararating sa floor namin. Goodness! Nasa 15th floor pa man din ang office namin! Sino naman ang hindi hihingalin doon?
“Ikaw kaya umakyat sa hagdan. Tingnan natin kung hindi ka hingalin,” sarcastic kong sagot sa kaniya na siya namang ikinatawa niya.
Mabilis ko namang ipinatong ang aking bag sa work surfaces ko. Mamaya ko na lang aayusin. Kailangan ko muna kasing magpahinga. Hinihingal pa ako. Para akong nag-exercise nang wala sa oras. Mabuti na lang talaga, at medyo mataas din ang stamina ko. Hindi ako napagod nang sobra.
May silbi rin pala ang pag-e-exercise ko minsan. Hindi man palagi, at least na-improve nang kaunti ang aking stamina. May silbi rin pala. Hindi na ako tatamarin sa susunod. Mas pagbubutihin ko pa. Bagong-buhay. Bagong taon na, eh. Siyempre, hindi na magiging tamad ngayong taon.
Kailangan ko nang iwasan ang mga bagay na alam kong hindi naman healthy sa akin. Kung kinakailangan na mag-diet din ako, puwede. Kaso baka manibago ang katawan ko. Kaya kinakailangan ko talagang dahan-dahanin ang lahat. Madalas pa man din ako sa unhealthy foods.
“Walang masiyadong trabaho ngayon,” aniya na siya namang ikinalingon ko sa kaniya.
Walang masiyadong trabaho? Ano iyong gabundok na papeles sa cantilever ko?
“Ikaw lang. Marami akong trabaho ngayon,” sagot ko sa kaniya.
Natawa naman siya sa aking sinabi. “Nag-overtime ako kahapon, eh. Sabi sa ‘yo kasi, mag-overtime ka rin para wala kang poproblemahin.”
“Hindi ko kayang mag-overtime, Cess. Pagod na pagod na ako sa sunod-sunod na overtime ko no’ng nakaraan,” paliwanag ko sa kaniya. “Ayaw ko namang abusuhin ang sarili ko.”
“Dapat kasi sa ‘yo, nagkaroroon ka ng boyfriend,” biro nito para pagaanin ang loob ko.
“Cess, huwag mo akong igaya sa ‘yo. Alam mong pera lang ang nasa utak ko ngayon,” pahayag ko.
Gusto ko kasing tigilan na niya ako sa pagtatrabaho. Isa pa, nakapapagod kaya kapag walang pera. Mainit na nga ang ulo, kumakalam pa ang sikmura. Ayaw ko naman na magsisi ako, hindi ba? Malaki nga ang pasahod sa kompanyang ‘to, pero hindi pa rin ‘yon sapat para dagdagan pa ang problema sa buhay ko.
Kapag nagkaroon ako ng boyfriend, puro sa date napupunta. Ayaw ko pa man din na lalaki ang nagbabayad. I can pay my own bills. Hindi ko kailangang dumepende sa mga lalaki para lang i-date ako.
Magdi-date ako para maging masaya, hindi para gawin silang wallet. Wala naman akong problema kung kaya nilang bayaran ang nakain ko, o ilibre ako. Ang akin lang, hindi naman kailangan, dahil mataas ang pride ko. Nasasaktan din kasi ako kasi alam ko naman sa sarili ko na kaya kong bayaran ‘yon, pero bakit ko ipapabayad sa iba, hindi ba?
Independent woman ako. Ako nga ang nagbibigay sa mga magulang ko ng pera. Kaya ko ring magtipid kung alam ko naman na may goal ako. Kaya bakit ko hahayaan na ibang lalaki ang magbayad ng pagkain ko? Para saan pa ang pagiging independent woman ko kung pati ‘yon ay ipapabayad ko sa kanila?
“Puro ka trabaho, Elyse. Kahit man lang sana minsan, pasiyahin mo ang sarili mo,” payo nito sa akin.
“Masaya naman ako kapag may pera ako, Cess. Hindi ka ba na-inform na pera ang kaligayahan ko?” tanong ko sa kaniya.
Baka kasi nakalilimutan na ng kaibigan ko na depende talaga sa pera ang kasiyahan ko. Kapag natanggap ko na ang sahod ko, tuwang-tuwa ako. maiiyak pa nga ako kung minsan, saka hahalikan ang card ko. Kahit mababa, o mataas ang sahod ko, basta may natanggap ako. Automatic na masaya na ako sa ganoong bagay.
“Elyse, magkaiba ‘yan!” sita niya sa akin.
Nagkibit-balikat na lamang ako, at hindi na nagsalita pa. Mas mabuti pa sigurong magtrabaho na lang ako. Baka kasi sakaling may mapala ako. Kaysa naman ‘yong ganito, hindi ba? Maiinis lang ako kapag pilit akong ginugulo ni Cess. Puro siya suggest na maghanap na ako ng boyfriend. As if naman na gusto ko sa ngayon?
“Paano kung ibugaw kita? Sakto maraming guwapo sa dating site,” suhesyon niya.
Napangiwi naman ako, at mabilis na iniangat ang middle finger ko. Kaso imbis na maasar sa akin si Cess, napangisi pa siya. Literal na narinig ko ‘yon. Mukha kasing sinadya, pero hindi ko na pinuna. Mas mabuti talagang magtrabaho na ako. Mukhang aabutin na naman kasi ako nang gabi nito. Overtime.
“Hindi ka pa magta-time out?”
Umiling naman ako. Nanatili ring nakatutok ang aking mga mata sa screen ng computer, dahil busy akong magtipa. Marami akong kailangang tapusin ngayon. Kung puwede ay madaling araw na akong umalis dito. Bahala na kung may lumitaw na multo. As if naman na natatakot ako sa kanila.
Hindi naman nila ako mabibigyan ng pera, eh. Bibigyan lang ako ng sakit sa puso. Mas maganda pa rin talaga na pera ang magpaiyak sa akin. Hindi naman sila mahalaga sa buhay ko.
“Hindi. Busy ako. Medyo marami pa ang tatapusin ko,” bulong ko.
Paniguradong narinig din naman ‘yon ni Cess. Tahimik na rin kasi ang paligid, at hindi naman na kinakailangan na lakasan ko pa ang boses ko. Baka mamaya ay may mga nag-o-overtime rin sa kabilang office, o department. Mahirap na. Baka maisumbong pa kami sa boss namin.
“Tulungan na kita?”
Lumingon naman ako saglit sa kaniya nang nakakunot ang aking noo, saka bumalik na naman sa screen. Nakatayo na pala siya sa gilid ko nang hindi ko pinapansin. Paano? Busy ako. Lahat ng senses ko ay nakatutok lamang sa pagtatrabaho, at hindi sa aking paligid.
“Hindi na,” bulong ko. “Uwi ka na. Pagod ka rin naman.”
“Kapag umuwi ako, ibubugaw talaga kita,” pananakot nito sa akin.
Umirap na lamang ako sa kawalan, habang patuloy sa pagtitipa sa keyboard.