Chapter 16
"Ikaw babaeng may busog na pisngi, saan ka nanggaling, ha?"
"Kailan ka pa natutong mag-cutting? Hanap kami nang hanap sa 'yo! Akala namin ay pinatapon ka na sa planetang Nemik!"
Namumula sa galit sina Orange at Risca sa akin pagdating ko sa school. Bandang alas singko na iyon dahil napatagal ako sa pinag-usapan namin ni Jairo tungkol sa bahay niya.
Napakamot ako sa ulo at ngumuso. Buti na lang talaga at nasa Chevon na sila dahil wala na palang klase. Maagang pinauwi ang estudyante para sa intrams bukas. Itong sina Risca, Orange at Fera lang ang naiwan dito para tagpuin ako at ibigay sa akin ang bag na iniwan.
At siyempre, para sermunan ako.
Tumawa si Fera. "Ang OA ng mga 'yan. Iniisip nilang nagrebelde ka dahil umalis na si bebe Hazel, e."
Natahimik kami dahil sa sinabi niya. My chest suddenly felt heavy when I remember her again. Ang nakapamaywang na dalawang babae sa harapan ko ay naupo na sa tabi ko at umiirap pa sa akin.
"Sa susunod, huwag kang aalis nang 'di nagpapaalam." Risca hissed.
I pouted and nodded my head. Sinabi ko naman sa kanila kung saan ako nagpunta. Hinampas ako sa braso ni Orange nang malaman niya iyon.
"What the heck, Kyomi! Bakit bigla ka na lang sumasama sa lalaking iyon? Paano kung may gawin siyang masama sa 'yo, ha!"
"Mabait naman siya..."
"Kahit na! He's a playboy! And Loke can prove that!" giit niya pa.
"Huwag mo ngang husgahan ang tao agad, Orange. Let's give him the benefit of the doubt, okay?"
Tumawa si Risca habang si Fera naman ay nakakunot ang noo sa harap ng kanyang phone. I glared at Orange when she pinched my cheeks.
"Huwag mo ngang palobohin lalo 'yang pisngi mo! Bahala ka nga sa buhay mo. Basta kapag nalaman kong may ginawang mali 'yang Von na 'yan sa 'yo, ha, reresbakan agad namin!" Umirap pa siya at humalukipkip.
I smiled and hugged her sideways. I know she's just being protective over me. Ganoon din naman siya sa iba at masasabi kong lahat naman kami sa grupo ay potective sa isa't isa. 'Yong iba nga lang diyan, patago at pasimple.
Napatuwid ang likod ko sa pagkakaupo nang may naalala.
"Fera, ano pala ang nangyari kay... uhm—"
"'Yang baliw na may gawa niyan sa 'yo?" eksaheradang singit ni Risca sabay turo sa noo ko.
Orange's jaw clenched and smirked. "Kinginang babae 'yon, ah! Kala niya makakatakas siya? Ha! Malamang ay tinuruan na ng leksyon nina Johnny!"
Naningkit ang mata ko nang makita ang masamang tingin ni Fera sa kanya. Tinuruan ng leksyon? Anong ibig niyang sabihin doon? Pati si Johnny ay dinamay niya?
Tumayo si Fera at kinuha ang kanyang bag na nakapatong sa mesa. Tiningnan niya kami.
"Guys, let's go na. Gagawa pa pala ako ng banner para bukas."
Galing umiwas, ah? Diretso alis na para walang kasunod ang tanong ko? Hindi ko alam kung ano na nga bang nangyari sa babaeng 'yon pero sana ay huwag na lang magtagpo ang landas namin dahil baka hindi ko mapigilang makapanakit ulit. Okay lang kung ako pero kung idadamay na rin ang kaibigan ko, ibang usapan na 'yon.
Ngumisi ako pero napawi rin agad. "Banner, huh? Para kay Loke?"
Her cheeks immediately reddened. "Para sa lahat! Ano ka ba? Parang 'di naman natin ginagawa 'to every year!"
Humalakhak ako sa sinabi niya at umiling. Alright, Fera. If that's what you say. Now, you're really distracted.
Sabay-sabay na rin kaming lumabas ng school. Sinabihan pa kami ni Fera na gumawa rin ng banner o 'di kaya ay magdala ng lang ng balloons para sa cheering.
"Hoy, ano ba 'yan? Dadaigin mo pa yata ang fan girls ni Loke, ah?" singit ni Orange sabay tawa.
I looked away from them when they started arguing. Nakahinga lang ako nang maluwang noong naghiwalay na kami at nakasakay na ako ng tricycle. Inabot ko agad ang bayad sa driver at sinabi ang street namin.
"Dalawa pa... isa na lang! Dito na sa loob, pogi."
Umusog ako nang may pumasok. My eyes widened in surprise when I realized who it was.
Lumingon siya sa akin pagkabayad niya at ngumisi. "Buti naabutan kita."
Tinitigan ko lang siya. Naalala ko ang pinag-usapan namin kanina. He asked me to leave my apartment and live with him. No, that sounded wrong.
Apparently, he offered me to live with him so we can pay for the rent half-half. Tatlong libo ang bayad ko sa upa sa akin at kung pumayag man akong makihati sa kanya, dalawang libo lang daw ang sisingilin niya sa akin. Siningit niya pa na delikado raw na mag-isa akong tumira lalo pa ngayong nanakawan ako.
Medyo matagal ang pangsi-sales talk niya sa akin hanggang sa nagdesisyon ako na pag-iisipan ko muna. I don't know him yet... fully. Tapos titira ako kasama siya? Lalaki pa.
Oh, wow, Kyomi. Parang narinig ko bigla ang sinabi ko kay Orange kanina lang. Give him the benefit of the doubt, huh?
"Kapag dito ka tumira, puwedeng-puwede ka nang mag-live stream kahit kailan mo gusto. Dagdag pera iyon. Hindi ba ay kailangan mo ng pera?" he said, dropping the magic word.
Bumalik ako sa reyalidad nang may tumusok sa pisngi ko. Nilingon ko siya at nakitang para bang nagpipigil ng ngiti.
"Ano?"
"Malapit ka na. Baka lumagpas ka na naman. Daydream pa."
Matalim ko siyang tinitigan. Ngumiti siya sa akin.
"Nood ka pala ng laban namin bukas. Alas nuebe ng umaga."
"Saan? Swimming?"
Tumango siya.
"Okay. Iti-text na lang kita bukas."
"Asahan kita bukas," aniya at siya na ang pumara para sa akin.
Pagkarating ko sa apartment ay hinagilap ko agad ang mga tinagong art materials. Kahit naman hindi sabihin ni Fera sa amin ay gagawa talaga ako ng banner para suportahan ang mga kaibigan namin at ang buong section namin.
"Susie!" saway ko nang makitang pumatong na siya sa kartolinang nakalatag sa lamesita.
Binuhat ko siya at pinasok sa kuwarto. Nilagay ko na rin sa loob ang pagkain niya para hindi na siya makagulo pa.
Pasado alas otso nang kumalam ang sikmura ko. Mabuti na lang talaga at hindi tinangay ng magnanakaw ang mga binili namin ni Dona.
Natigilan ako sa pagbukas ng de lata nang maalala si Dona. She gave me money before she left! Tumakbo ako agad sa kuwarto at hinalungkat ang drawer kung saan ko iyon itinabi. Bumagsak ang balikat ko nang wala na rin iyon doon.
I checked our group chat while I was eating. Nasa tabi ko na si Susie rito sa sofa at nanonood ng palabas sa TV.
Kiyomi: what time nga ang laro niyo bukas?
Lokeret: 9 am basket
Riscarrot: 3 pa kaming women
JBravo: 1 pm table tennis
Lokeret: Nood kayo ah. Magkakahiwalay naman oras namin
Feracious: support ko kabila
Lokeret: Luh epal ka gurl
Feracious: bading ka ghourl
Kiyomi: all support yang si fera sa inyo, loke <3
Kiyomi: donut wori, may ginawa akong banner for everyone.
AGrande: Pwede ba di pumunta ng parada bukas? Nood na lang akong game. Tinatamad ako gumising nang maaga ahuhu
Nag-scroll up ako sa mga messages at nakitang umalis na rin ng gc si Hazel. Bumuntong hininga ako at binaba na ang cellphone. Nakakalungkot lang na hindi man lang siya nakapagpaalam sa amin nang personal. Tapos nag-iwan pa siya ng mga mensaheng nagpapagulo sa utak ko lalo.
Alas sais ako nagising kinabukasan. Balak ko kasing sumama sa parada at ang alam ko ay alas siete ang start nito. As usual, nauna na namang gumising sa akin si Susie at dinidilaan na naman ang paa ko.
"Morning, Susie!"
Dahil intrams naman ay puwedeng nakasibilyan. Basta may suot kang ID. I wore a light blue shirt and tucked it in my denim short pants. Hinanda ko na muna ang maliit na bag at banner na ginawa ko sa may sala bago nilagyan ng pagkain ang lagayan ni Susie.
"Susie, be a good girl, alright? Kapag may pumasok ulit... kagatin mo agad!" Tumawa ako at hinimas ang kanyang ulo.
Ni-double check ko pa muna ang lock ng pinto bago ako tuluyang umalis. Buti na lang at may suot akong cap dahil malamang na mainit habang naglalakad. Okay naman sa balat ang sikat ng araw tuwing umaga pero iba pa rin kapag nagtagal ka sa initan.
Ang dami agad tao pagdating ko sa school. Color coding ang suot base sa track at strand nila. Pero karamihan ay siguradong hindi rin naman sinusunod iyon. Sino ba namang gustong magsuot ng matingkad na kulay orange? Parang galing lang sa preso?
Napapatigil ako kapag may kakilalang tumitigil din para batiin at kausapin ako saglit.
"Uy, Kyo! Good luck mamaya! Magkalaban section natin sa basketball, ah?
Tumawa ako. "Talaga ba? Naka-post na ba ang magkakalaban?"
Aira nodded her head. "Doon sa may freedom park. Sa may bulletin board."
"Sige, good luck din!" Ngumiti ako at kumaway na para magpaalam.
Dumiretso muna ako sa Chevon dahil iyon ang napag-usapang tagpuan namin. Naroon na sina Fera, Orange, Ariana at Emer. Pare-pareho rin silang naka-blue shirt. Iyong girls nga lang ay naka-shorts.
"Hi! Kanina pa kayo rito?" tanong ko agad pagkarating sa table nila.
"Kararating lang din namin. Ikaw na lang hinihintay. Wala na rito 'yong iba kasi need na nila mauna sa pila," sagot ni Ariana.
"O? Kala ko ba 'di ka pupunta nang maaga?"
Sumimangot siya at tinuro si Orange na tumatawa.
"Pinuntahan ako niyan kaninang alas sinco! Hindi na nga ako nakapag-ready!"
"Hindi raw nakapag-ready pero naka-makeup pa!" ani Orange.
Generally, Ariana's pretty and petite. Kahit walang makeup ay natural naman ang kaputian at ang pulang labi niya. Sa magbabarkada ay siya ang madalas humihiwalay dahil... well, boys.
"This is natural! Ikaw may kailangan no'n, girl!" Ariana laughed.
Orange on the other hand is more like our older sister. Simple lang. Inggit ako sa pagkamorena niyang pantay na pantay tulad ng kay Risca. Hanggang balikat ang buhok ni Orange at laging may hairclip. Si Risca naman, laging naka-ponytail ang hanggang baywang na buhok.
May ilang hotdog balloons sa mesa kaya kumuha ako ng dalawa pagkatapos ilapag ang nakarolyong banner. Tumawa ako nang hampasin si Emer sa ulo gamit ang balloon.
"Ano ba, Kyo!" reklamo niya agad habang dumudutdot sa phone.
"Tama na nga 'yan! Picture muna tayo," ani Fera.
Dahil hinablot ni Fera ang cellphone niya ay wala nang nagawa ang kawawang si Emer kundi ang sumunod. Lugi siya, e, dahil puro kami babae rito at mag-isa lang siyang lalaki.
May marshall na nag-iikot sa buong campus kaya naman noong nakita kami ay agad nang pinapila sa may catwalk kung nasaan ang lahat. Syempre, by section iyon. Hiwalay lang ang mga varsity na paniguradong nasa unahan.
"Walang aalis sa pila hangga't hindi pa bumabalik dito, okay? Kapag may paalis-alis diyan sa pila, kukurutin ko ang singit!" sigaw ni Loren kaya nagtawanan ang nakarinig.
Naglabas agad ng pamaypay si Ariana. Tinanggal ko na muna ang suot na cap bago tinali ang buhok at ipinasok iyon sa butas ng cap. Luminga ako sa paligid para hanapin sa pila si Emer. Siya kasi ang may hawak ng mga banner habang nasa aming girls ang mga lobo. Nakabusangot siya kaya tumawa ako.
"Emer!"
Mabilis siyang lumingon at sumimangot lalo. Tinuro ko ang hawak niya.
"Huwag mong bibitawan 'yan, ha? Lagot ka kay Fera!"
Hindi ko na siya nahintay sumagot dahil tinutulak na ako ni Orange na nasa likod ko para maglakad.
Inabot yata kami ng mahigit isang oras sa parada. Mabuti na lang at may dalang pamaypay itong si Ariana dahil sobrang init.
"Inuuhaw ako!" rinig kong sambit ni Fera na nasa harapan ni Ariana.
"Ako rin, e. Bili muna tayo?" bulong sa kanya ni Ariana na nasa harapan ko lang kaya rinig ko.
Dinilaan ko ang aking labi at agad kinuha ang maliit na tumbler. Nauuhaw na rin ako pero hindi naman gaano. Inabot ko sa kanila iyon na agad namang tinanggap ni Ariana.
"Thanks! Ako muna, Fera."
Nagkatinginan kami ni Fera. Ako na ang unang umiwas ng tingin sa kanya. Paglingon ko sa likod, nakatitig na pala sa akin si Orange. Ngumisi siya at umiling.
Pawis na pawis kaming lahat nang makabalik ulit sa school. Syempre, sobrang init kahit maaga pa. Nakakainis pa 'yong nanghiram ng pamaypay kay Ariana na hindi na yata nabalik pa.
Dumiretso agad kaming apat sa Chevon pagkabili ng inumin sa cafeteria. Si Emer, humiwalay na dahil mukhang badtrip sa hindi malaman na dahilan.
"Alas nuebe pa naman ang unang game, 'di ba?" tanong ko habang binubuksan ang biniling C2.
Tumango si Fera habang nagtatali ng kanyang buhok. Napatingin ako sa kanyang leeg pero agad ding umiwas ng tingin.
"Hindi ko pa nakita ang magkakalaban. Sino bang kalaban natin?" tanong ni Ariana.
"HUMSS yata? First game?" Sabay lingon ni Orange kay Fera ulit.
Nalukot ang mukha ni Fera. "Taga-HUMSS na naman? E sila 'yong madaya, 'di ba? They elbowed Loke during the practice game!"
Tinitigan ko ulit siya. Namumula ang kanyang magkabilang pisngi at nangingintab sa pawis ang noo at leeg. She can't really forget that, huh? Dati pa namang nasisiko si Loke at pati nga si Risca dahil diyan, e.
"That's inevitable. Hayaan na. Magaling naman si Loke. Right, Kyo?" ani Orange at lumingon sa akin.
Tumikhim ako bago tumango. "Oo nga."
Her eyes remained on me. Tinitigan ko rin siya at nagtaas ng kilay. Ngumisi siya at umiling bago nag-iwas ng tingin.
Nagngitngit ang ngipin ko. Kanina ko pa napapansin ang titig at ngisi niya sa akin, ah? What's her problem? Bakit hindi niya sabihin ang gusto niyang sabihin?
Nang mag-aalos otso na ay tumayo na kami at agad kinuha ang mga lobo at banner. Mabuti na lang talaga at sa covered court ang laro nila dahil kung hindi, baka tamarin akong manood dahil sa init. Hindi ko naman alam kung sino ang gumagamit sa gym.
Marami agad tao roon pagdating namin. Si Ariana bilang maganda, bigla ba namang sumigaw ng, "Tumabi nga kayo! Matuto kayong magpadaan sa mga mas magaganda, ha?"
"Adik!" Tumawa si Orange sabay palo ng lobo sa ulo ng kaibigan namin.
Ngumiwi ako nang may nanulak sa akin. Nakita iyon ni Fera kaya hinawakan niya ako sa braso at hinila palapit sa kanya.
"Excuse me!" sigaw niya at hinawi ang dagat ng mga tao.
Hindi ko alam kung paano kaming nakakuha ng mas malapit na puwesto roon sa court. Probably Ariana's trick? Baka may kakilala siyang player din at... alam na.
Magkakatabi kaming apat na naupo sa may bench. 'Yong iba kasi ay mga nakatayo na dahil ubos ang upuan.
Everyone was cheering for their team. Syempre, 'di papatalo ang mga kasama ko kaya nga nabingi ako agad kahit hindi pa nagsisimula ang laban.
Tinaas ko ang kamay sa ere at winagayway ang hawak na lobo. "GO, LOKE! L-O-K-E! Lorenz Knight! Lorenz Knight! Go, go, go!"
Napatingin sa akin ang mga nakarinig sa sinigaw ko. Uminit ang pisngi ko at agad binaba ang mga braso.
"Bakit? Ginaya ko lang naman ang cheer sa kanya, ah..." depensa ko kahit wala namang nagtatanong.
Umikot ang paningin ko sa buong court para hanapin ang kaibigan. Nakita ko si Loke sa may kabilang dulo kung saan kasama niya ang kanyang mga ka-team. Someone was probably instructing everyone but his attention wasn't there.
Nakatingin siya sa direksyon namin habang nakapamaywang. Umiling siya at naglakad... papunta sa amin.
Marami agad ang nagtilian lalo na noong nasa harap namin siya. Ariana and Orange talked to him a bit. Nilingon ko si Fera na naging abala bigla sa kanyang phone. Lumipat lang ang tingin ko kay Loke nang lumingon siya sa akin at ngumisi.
"Okay ka lang dito?" he asked.
I was about to answer him when Fera answered him instead.
"Siyempre naman! Doon ka na nga! Tinatawag ka na ng mga kasama mo, oh."
Napawi ang ngisi ni Loke nang tumingin siya kay Fera matapos sabihin iyon. Nagsalubong ang kilay niya.
"Ikaw ba ang tinatanong ko?" sarkastikong saad niya bago tumalikod at naglakad na pabalik sa pinanggalingan.