CHAPTER 3

1319 Words
Scandal “GOOD work, guys. Break muna,” anang coach nina Gabriel pagkatapos ng kanilang ensayo para sa nalalapit na tournament. Ilan lang silang napili sa halos sampung grupo ng mga manlalaro dito sa Pilipinas. “Dude, alam mo na ba ang kumakalat na balita ngayon?” Siniko siya ng kasamahang si Nathan habang umiinom siya ng tubig. “Ano’ng meron?” nagtatakang tanong ni Gabriel. “Wait lang. Nakita ito ni Shantal kagabi sa Facebook.” Kinalikot ni Nathan ang cellphone, pagkatapos ay iniharap sa kanya Kumunot ang kanyang noo. “Ano `yan?” “I don’t know. Ikaw ang involved diyan, eh. So tell me. Who’s that girl, huh? Mukhang minor pa.” Taas-baba ang mga kilay ni Nathan na siyang ikinainis niya. “Scandal! Scandal!” sigaw ng isa pang manlalaro na ka-team nila. “Hoy! Ano’ng pinagsasasabi mo?” sita ni Nathan. “Ang ingay mo, Gregory,” naiinis ding sabi ni Gabriel. “Bleeh.” Parang batang binelatan siya ni Gregory bago nang-aasar na iniharap sa kanya ang larawan kung saan ang tinutukoy nitong scandal ay ang tagpo sa restaurant. “Buwisit! Ano’ng scandal diyan? Nonsense,” komento niya at itinuloy ang pag-inom ng tubig. “Seriously, dude? Sino `yan? Bata pa, ah,” pangungulit ni Gregory. “I’m serious. I don’t know her. It just so happened na nakabunggo ko siya last week pa. Then napulot ko `yong wallet niya. So, bilang isang mabuting tao, ibinalik ko,” umiiling na paliwanag niya sa dalawang kaibigan. “Eh, bakit galit na galit si Carmiel?” buwelta ni Nathan. “Nahuli niya akong may ka-text no’ng minsang natulog siya sa condo ko. Alam mo naman `yon. Pero aayusin ko `yong sa amin.” Ayaw na niyang pahabain pa ang usapan. “Okay, sabi mo, eh,” tila hindi kumbinsidong sabi na lang ni Gregory. “Sabi pala ni Coach, puwede tayong lumabas mamayang gabi. Kasi for sure next week, busy na tayo sa practice,” masayang sabi ni Nathan na sigurado siyang na-miss na ang nightlife dahil sa pag-aasawa nito last year. “Saan naman tayo?” tanong ng isa pa nilang teammate na ngayon lang nagsalita. “Kahit saan,” sagot na lang niya. “Inuman na,” anunsiyo ni Gregory. Pagkatapos mag-shower ay dumiretso na ang mga manlalaro sa isang kainan at doon nagtawanan at nagkuwentuhan. Habang si Gabriel naman ay panay ang text kay Carmiel dahil nakipag-cool off ang babae sa kanya. “Gab,” tawag sa kanya ng manager nila. “Yes, Ma’am?” Nag-angat siya ng tingin. “Kumain ka nga muna. Minsan lang lumabas ang team. Alam mo na, busy tayo no’ng nakaraan.” Tinanguan lang niya ito at nagsimula nang ubusin ang pagkain. Habang kumakain ay tinitingnan niya ang picture na ngayon ay kalat na. Puro hate comments para sa kawawang babaeng wala namang kinalaman sa relasyon nila ni Carmiel ang karamihan niyang nababasa. Si Carmiel talaga, ang hilig gumawa ng eksena. “Puwede ba kitang makausap?” narinig niyang tanong ng isang babaeng nakatayo sa harap ng mesa nila. Napatigil ang lahat sa pagkain habang nakatingin sa teenager na naka-school uniform pa. “Ako?” turo ni Gabriel sa sarili. “Malamang, ikaw nga,” sabi ng babaeng ngayon lang niya napagtanto kung sino. “Talk to her, in private,” anang kanilang manager na nakataas na ang kilay. Nakita niyang nagngisihan ang kanyang teammates. NOONG isang linggo pa nagngingitngit sa galit si Jhana dahil sa kumalat na larawan nila ni Gabriel. Panay na rin ang tawag sa kanya ng kanyang ina. Ayusin daw niya ang gulong kinasangkutan dahil galit na galit na diumano ang kanyang ama. Nakakasama raw iyon sa balak ng ama na pagtakbo ngayong taon bilang gobernador. Buong linggo niyang inisip kung paano maaayos ang gulong wala naman siyang alam. Ano ang kinalaman niya sa relasyon ng dalawa at pag-iinarte ng isang Carmiel Ayala? Dumaan siya sa mall dahil kinatagpo niya ang ilang kagrupo para sa proyektong ipinagagawa ng kanilang propesor. Nagkataong naiwan siya para pumunta sa National Book Store nang bigla siyang magutom. Naghanap siya ng makakainan. Dahil sahod naman sa araw na iyon ay naisipan niyang kumain ng masarap. Kaya hayun, pagpasok niya sa loob ay nakita niya ang grupo nina Gabriel na nagkakasiyahan. Hindi na siya nag-isip pa. Agad niyang nilapitan ang lalaki kahit hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Ngayon nga ay naglalakad na siya palabas ng kainang iyon kasunod ang lalaki. “So, ano?” maangas nitong tanong na lalo niyang ikinaasar. “Hindi mo alam? Linisin mo ang pangalan ko. Ipaalam mo sa lahat na hindi ako malandi, at lalong hindi kita inaagaw kay Carmiel.” Napalakas ang boses ni Jhana kaya nagtinginan ang ibang dumadaan sa may malapit sa tagong hagdan ng mall. “Para namang may image siyang inaalagaan,” mahinang komento ni Gabriel. Narinig niya iyon kaya inihampas niya rito ang hawak na libro. “Huwag kang mayabang. Ayaw ko ng gulo. Tahimik akong tao kaya ayusin mo ang gulo n’yo ng girlfriend mong kung anu-ano ang sinasabi sa Tweeter account niya.” Ilang araw na niyang tinitiis ang mga masasakit na salitang binibitawan ng babae. Akala mo, aping-api ito at panay ang paawa sa mga epal na fans. Lumalabas tuloy na isa siyang mang-aagaw ngayong kalat nang may relasyon ang dalawa. “Teka, teka. Nakakasakit ka na, ah.” Marahas siya nitong itinulak, dahilan para mapasalampak siya sa sahig. Nabigla naman ito at agad siyang nilapitan. Naiiyak na siya. “Ang sama-sama n’yo,” naluluhang sabi niya. “Hindi na nga ako matanggap ng pamilya ni Daddy, ngayon, nadagdagan na naman ang rason kung bakit sila galit sa akin.” “Tumayo ka na diyan. Nakatingin na ang mga tao,” mahinang sabi ni Gabriel na ngayon ay inaalalayan siyang tumayo. “Ikaw itong tumulak sa akin, eh,” sigaw niya. “Lower your voice,” iritableng sabi nito. “Wala akong pakialam. Ayusin mo `yong ginawa ninyong eksena.” Nagpapadyak pa sa sahig si Jhana. Hindi na nakapagsalita si Gabriel dahil sumingit na ang manager nito. “Hija, aayusin namin `to. Huwag ka nang gumawa ng isa pang eksena dito sa mall.” Napasinghap si Jhana sa narinig. So, ako pa ngayon ang gumagawa ng eksena? Ang taray nitong matandang babae na `to. “Wait lang po, Madam. Ako pa po ba ang gumagawa ng eksena? Itong alaga n’yo at ang maarte niyang girlfriend ang nagsimula ng gulo.” Likas siyang palaban. Tumaas ang kilay ng manager sa kanyang iniasal. “Ma’am, let me handle this,” sabad ni Gabriel. “Sure. Pakiayos na `yan, Gab. Nakakasira ng career ang mga ganyang eksena.” At nagmartsa na ang manager pabalik sa kainan. “At paano mo aayusin `to ngayon?” mataray na tanong ni Jhana kay Gabriel, na ngayon ay bigla yatang naging kaaya-aya ang hitsura sa kanyang paningin. Nakasuot ito ng isang light blue polo shirt at pants. Erase! Erase! Bakit tinitingnan mo ang porma niyang kapre na `yan? “Kakausapin ko si Carmiel,” maiksing sagot nito. “Paano kung hindi bawiin ng Carmiel na `yan ang mga pinagsasasabi niya tungkol sa akin, ha?” Humalukipkip pa si Jhana. “Alam mo, napapansin ko lang, ha. Ingat na ingat ka diyan sa image mo, eh, hindi ka naman showbiz personality. Estudyante ka lang naman. Hindi kaya way mo lang ito para magpa-cute sa akin?” Mababakas na rin ang pagkairita sa lalaki. “Hoy, Kuya! Ang kapal naman ng mukha mo! Hindi nga kita kilala, eh. `Tapos aakusahan mo ako ng kung anu-ano? Para sa ikatatahimik mo, hindi ko magagawang magpa-cute sa kahit na kaninong lalaki. Inaalala ko lang ang sasabihin na naman ni Daddy dahil kalat na `yang picture na `yan,” mahabang paliwanag niya. “Never mind. Ako na ang bahala.” At tinalikuran na siya ni Gabriel. Nanliit naman ang mga mata ni Jhana sa asar. Antipatiko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD