Anong Kalokohan Ito?
MAAGANG gumising si Jhana dahil may pasok pa siya sa pinagtatrabahuhang restaurant sa Cubao.
“Sha, aalis na ako.” Niyugyog niya sa balikat ang kaibigan na mahimbing na natutulog pa rin. Tila naglalaway pa.
“Uhmm... Lock mo `yong pinto, ha? Mamaya pa ako papasok. Kita na lang tayo sa school,” nakapikit na sabi nito.
Working student si Jhana. Anak siya sa labas ng isang kilalang politician sa Tarlac. Naanakan nito ang kanyang inang nagtrabaho sa club. Sa Angeles, Pampanga sila noon nakatira. Pero ang kanyang ina, pagkatapos niyang gumradweyt ng high school ay basta na lang siyang iniwan at nakipag-live-in sa bago nitong boyfriend. Dahil pangarap niyang makatapos bilang isang arkitekto ay sinikap niyang makapasa sa PUP. At para matustusan ang kanyang mga pangangailangan ay namasukan siya bilang isang crew sa isang restaurant sa Cubao.
“Jha, table number seven,” sabi ng manager.
Agad naman niyang nilapitan ang isang babae na panay ang kalikot sa cellphone.
“Good morning, Ma’am.” Iniabot niya rito ang menu list.
Tahimik nitong kinuha ang menu list at tinanguan siya. Nakatayo pa rin siya sa harap nito, hinihintay kung ano ang oorderin.
“Can you please leave me for a while? Tatawagin na lang kita kapag nakapili na ako,” mataray na sabi ng babae.
Yumuko na lang siya at tumango. Ang aga-aga, nakasimangot. Ano ba `yon?
“Ang ganda, `no?” komento ng kasamahan niyang si Paolo.
“Sino?” tanong niya.
“`Yong nasa table number seven. Commercial model `yan ng kilalang facial wash. `Kita mo naman, ang kinis. Crush nga `yan ng kapatid ko, eh.”
Kinurot niya ito sa tagiliran.
“Asus! Kunwari ka pa. Pao, crush mo rin, `no?” aniya, saka ito tinalikuran upang lumapit muli sa table ng babaeng sinasabi nitong modelo. Mukha kasing may napili nang kainin ang babae.
“I’m hungry na. Ilang minutes ba `to?” tanong nito, sabay turo sa isang menu na nasa menu list.
“Mga fifteen to twenty minutes, Ma’am,” sagot naman ni Jhana.
“Okay. `Tapos, isang mango shake.”
Agad niyang isinulat ang order nito at sinabi sa kitchen.
“Wow. Si Idol,” sabi ng isang kasamahan niya habang nagpupunas ng mesa. Maaga pa at hindi pa ganoon karami ang kumakain sa restaurant.
Hindi tumingin si Jhana sa pinagkakaguluhan ng mga kasamahan. Likas kasi siyang walang pakialam sa paligid.
“Jhana, may naghahanap sa `yo,” malakas na tawag sa kanya ng manager nang papunta siya sa kitchen upang tingnan sana ang order ng babae kung tapos nang ihanda.
Nilabas niya ang kung sino mang naghahanap sa kanya. Nakatalikod ito at may tinitingnan sa cellphone.
“Yes po, Sir?” aniya sa matangkad na lalaki. Nakasuot ito ng kulay pulang polo shirt at maong shorts na tinernuhan ng pula ring rubber shoes.
Bahagya siyang napanganga nang mapagsino ang lalaki pagharap sa kanya. Iwinagayway nito sa kanyang harap ang wallet na hinahanap niya simula pa kagabi.
“Paano napunta sa `yo `yan?” nagtatakang tanong niya.
“So dito ka pala nagwo-work.” Inilibot ni Gabriel ang tingin sa paligid at kinawayan ang mga katrabaho niya na mukhang na-starstruck.
Ang yabang talaga.
“Salamat.” At tinangka niyang kunin mula sa kamay nito ang wallet.
Pero mabilis nito iyong iniiwas. “I found it. Wala man lang bang treat galing sa `yo?” Masayang ngiti ang ibinigay nito sa kanya.
“Kuya, di-hamak na mas mayaman at mas marami kang pera kaysa sa akin, `di ba? Bakit naman kita ililibre? Saka paano mo nalamang dito ako makikita? Stalker ka?” Alam niyang kakapalan na ng mukha ang kanyang pinagsasasabi, pero likas talaga siyang matabil. Parang may sariling utak ang dila niya at hindi paawat sa pagdaldal.
“Eh?” Natulala ang lalaki sa kanyang tinuran.
“Akin na po ang wallet ko at salamat.” Tumingkayad pa siya upang abutin ang wallet mula sa kamay nito. Dumarami na ang mga tao sa loob ng restaurant at nakatingin sa kanila ng star player ng Tigers.
“I’m not stalking you. And for your information, Miss Cojuangco, I called your friend. Nakita ko ang number niya diyan sa wallet mo. Sabi niya, dito kita makikita.”
Tila napahiya naman si Jhana. Napayuko na lang siya at kinagat ang ibabang labi.
“Jha, `yong order sa table number seven, okay na,” ani Paolo.
“Ay, oo nga pala. Wait.”
Sinenyasan siya ni Gabriel na puntahan na ang customer, na siya namang ginawa niya.
Pagkatapos dalhin ang order ng babaeng modelo ay tinungo na uli niya ang kitchen upang humingi ng isang basong iced tea at sandwich bilang pampalubag-loob sa lalaking nakapulot ng kanyang wallet.
Prenteng nakaupo ito sa isang table sa pinakasulok ng restaurant.
“O.” Inilapag niya ang pagkain sa harap nito na abala sa pagkalikot ng cellphone.
“Naks. Thanks a lot.” Uminom agad ito ng iced tea.
“`Yong wallet ko,” aniya, sabay lahad ng kamay. Pero hindi siya nito pinansin.
Ano’ng problema nito? Baliw ba ito? Walang magawa sa buhay?
“Kuya, `yong wallet ko po,” pag-ulit niya.
“Huh? What did you call me? Kuya?” Ngumuso si Gabriel na tila nang-aasar.
“Wala ka bang magawa sa buhay mo? Ano’ng problema mo? Inilibre na kita, pakibalik ang wallet ko dahil nandiyan ang mga ID ko.” Hindi na niya napigilang mainis. Nakuha tuloy niya ang atensiyon ng ilang kumakain.
“Sungit,” mahinang sabi ni Gabriel. “O, `ayan.” Pinalungkot nito ang boses.
Pagkatapos makuha ang wallet ay iiwan na sana niya ang lalaki. Ngunit natigilan siya nang biglang sumulpot sa harap nila ang babaeng modelo.
“And who is she, Gab?” mataray na tanong ng modelo.
“Carmiel.” Tila binuhusan ng malamig na tubig si Gabriel. Nabitiwan nito ang cellphone.
E-exit na sana sa eksena si Jhana, pero hinila ng babae ang braso niya.
“I’m asking you, Gabby. Who is she? Another fling of yours?” galit na tanong nito.
“Ma’am, teka lang po,” sabi ni Jhana habang inaalis ang kamay ng babae na mahigpit na nakahawak sa kanya.
Letse. Anong drama `to? At nasali pa ako sa eksena nila.
“Gabby!” sigaw ni Carmiel.
“She’s just a friend.” Tumayo si Gabriel upang lapitan sila.
A friend? Kailan pa?
“Baby, let’s go. Let’s talk.” Nasa tinig ng binata ang pagsusumamo sa babae.
“No,” matigas na tanggi ng babae.
Napatanga lang sa eksena si Jhana.
“Please.” Akmang hahawakan ni Gabriel si Carmiel, pero isinalya siya ng babae sa harap ng binata. Agad siyang inalalayan ni Gabriel.
“Don’t you dare touch me. How dare you! Cheater! Pati siya, pinatulan mo.” At nagmartsa na si Carmiel palabas ng restaurant.
“Carmiel...” Agad itong hinabol ni Gabriel.
Naiwang tulala si Jhana.
“Salary deduction,” sabi ng manager sa kanya.
Paano ba naman kasi, dahil sa eksenang ginawa ni Gabriel at ng girlfriend yata nito, hindi nabayaran ng babae ang in-order. Agad itong nag-walk out.
Buwisit ang dalawang `yon. Nadamay pa ako sa emote nila.
Buong araw na wala sa sarili si Jhana.
“OKAY, class, dismiss. You can present the module next meeting,” anunsiyo ng propesor nina Jhana.
“Yes, Ma’am,” sabay-sabay na tugon ng mga third year students kabilang na siya.
“Oh, my gosh! Really? Siya `yon? As in Gabriel Buenafe? Are you sure?” maarteng tanong ng isang estudyante sa kaibigan nitong may hawak na cellphone.
“Yup. I saw the picture. May caption pa nga na bagong fling daw ni Gabriel, eh. Nagwala daw si Carmiel Ayala sa resto na `yon.”
Natigilan si Jhana sa narinig.
Wait. Anong picture?
“She’s not even pretty. Nakakainis si Gab,” nagmamaktol na sabi ng isa.
“You’re right. Asar,” pagsang-ayon naman ng kasama nito.
Teka. Ako ba’ng pinag-uusapan ng mga mukhang clown na ito? Ang kakapal ng make-up. Feeling nila, ang gaganda nila.
Haharapin na sana niya ang dalawang tsismosa nang makatanggap siya ng text message mula sa kaibigang si Sharon.
Bakla, instant celebrity ang peg mo, loka. Tingnan mo `yong post na nasa wall mo ngayon.
Agad na binuksan ni Jhana ang mobile data niya at tiningnan ang post na sinasabi ng kaibigan. Dahil hindi kagandahang klase ang cellphone niya, katakot-takot na asar ang naramdaman niya nang sobrang bagal mag-load ng pictures.
Halos isang libong Shares at Comments ang naroroon. Puro haters.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang larawan. Kuha iyon kung saan nakahawak sa baywang niya si Gabriel dahil inalalayan siya nito nang isalya siya ni Carmiel.
Poor Carmiel Ayala. Ipinagpalit ni Gabriel Buenafe sa isang crew.
Iyon ang nakalagay na caption.
Dahil celebrity din si Carmiel, nakatanggap din ito ng mga comment ng pakikisimpatya.
Nag-init ang ulo ni Jhana sa mga hate comment tungkol sa kanya.
“Grr! Ano’ng kalokohan `to?” malakas na tili niya.